Limang buwan na ang lumipas pagkatapos makatagpo muli ni Mimi si Lindsay at si Marcus. Dahil sa pangyayaring iyon sa ROS Entertainment. Mas lumakas ang pagnanais niyang makapasok sa showbiz para maipakita sa dalawa na hindi lamang siya puro salita at ang isang katulad niya na sinasabi ni Lindsay na pangit ay kayang sumikat.
"Ibig sabihin ay kailangan ko munang magsimula sa mababa..." sabi ni Mimi habang nakatingin siya sa yatub at nanonood siya ng mga vlog. Napansin niya na ang mga vlogger ay nagkakaroon rin ng oportunidad na maging artista kapag may nakapansin sa mga ito.
"K-Kaso ano naman ang iba-vlog ko? wala naman interesting sa buhay ko."
"Isa pa, makakaya ko bang makuha itong five hundred thousand subscribers o kahit itong one hundred thousand subscribers? eh, kahit ata one thousand hindi ko kakayanin at wala namang interesante sa buhay ko."
Napabuntong hininga siya at napasandal sa kaniyang gaming chair. Hindi na niya alam kung ano ang gagawin pero kailangan niyang subukan lahat. Muli siyang humarap sa monitor at nanood pa ng ibang mga vlog. Iba't-ibang klase naman ang paraan ng mga vlogger para makakuha ng mga manonood.
Ang iba ay kumakain, bini-video ang nangyayari sa maghapon, nagpapakilala ng mga alagang hayop, tumutulong sa kapwa.
"Hmm... siguro simulan ko na lang dito," sabi niya at clinick ang isang video ng vlog na ang pamagat ay, "A Day in my life."
Tamang-tama at hindi pa siya nakakapag-drawing ngayong araw! Mamaya rin ay maggo-grocery siya kaya't mahaba-haba ang magagawa niyang video.
Iniayos ni Mimi ang kaniyang cellphone sa tapat ng monitor at nagsimula siyang mag-video. Hindi na siya nagsalita sa video dahil magbo-voice record na lang siya mamaya para malinaw ang mga detalye na sasabihin niya. Para rin magkaroon ng ideya ang mga viewers sa ginagawa niyang pagdodrawing ay ie-edit niya iyon mamaya at ilalagay sa video.
Pagkatapos ng gawain ni Mimi sa bahay ay tinungo niya ang labas upang pumunta sa super market. Nang mapansin na may mga ibang tao rin na nagba-vlog ay napangiti siya. Talagang maraming vlogger at wala naman masama kung susubukan niya rin.
Kahit gaano katagal... wala namang mabilis na proseso.
Pagkatapos niyang mamili ng mga kakailanganin niya ay tinungo na niya ang labas habang hawak ang tripod kung nasaan ang cellphone niya. Nabili niya iyon sa tabi ng supermarket. Mas mapapadali ang pagbi-video niya gamit iyon.
"Nakaka-enjoy naman pala itong pagba-vlog, hindi na rin masama," sabi ni Mimi sa sarili habang nakatingin sa camera at pangiti-ngiti.
Patawid na siya noon sa highway. Nang makita ni Mimi na nag-greenlight na ang traffic lights ay kaagad na siyang naglakad at tumawid habang pangiti-ngiti sa camera. Ngunit nasa gitna pa lang siya ng pedestrian lane ay biglang nakarinig siya ng malakas na busina.
"Ahh!!"
Natumba siya dahil sa isang sasakyan na muntik nang makabangga sa kaniya. Nang tingnan ni Mimi ang sasakyan ay sobrang lapit na noon sa kaniya! muntik na talaga siyang masagasaan! hindi kaagad nakatayo si Mimi dahil sa balakang niyang nananakit pero napatingin siya sa kaniyang tripod.
Nakataas pa rin ang kamay niya at naka-on pa rin ang video ng cellphone niya habang nakatapat sa kaniya.
Kapag minamalas ka nga naman. First day as a vlogger muntik pang mamatay.
"Miss! miss! naku, ayos ka lang ba? pasensiya na! pasensiya na!" lumabas ang nagmamay-ari ng sasakyan at pagkatapos ay nilapitan siya nito.
Patayo na siya noon. Maayos na rin ang kaniyang pakiramdam. Pinulot ng lalake ang dalawang eco bag na pinaglalagyan ng mga pinamili niya at lumapit ito sa kaniya.
"A-Ayos ka lang ba, miss? pasensiya ka na, sa sobrang pagmamadali ko ay hindi ko napansin na nag-green light na pala. Pasensiya na talaga, m-may masakit ba sa 'yo?" tanong ng lalake. Nilingon niya ang paligid, wala masyadong mga sasakyan na dumadaan. Mukhang nagsasabi naman ng totoo ang lalake dahil kung may ibang mga sasakyan doon ay mapapasabay ito ng hinto kung sakali.
Bumalik ang tingin niya dito.
Naka-suit ito at nakasalamin. Mukhang ilang taon lang rin ang tanda nito sa kaniya.
"A-Ayos lang--"
Napatingin ito sa relong pambisig habang hawak ang pinamili niya.
"Ha?! m-male-late na ako!" sigaw ng lalake. Ibinigay nito sa kaniya ang dalawang eco bag at pagkatapos ay may hinugot ito sa loob ng coat nito.
Nang iabot nito sa kaniya iyon ay nakita niyang isa iyong card. Hindi na siya nag-abala na basahin dahil napatingin siya sa lalake nang muling magsalita ito.
"Kapag may naramdaman ka at kailangan mong pumunta sa ospital ay tawagan mo ako diyan sa numero ko na iyan, ha? p-pasensiya ka na talaga, miss, nagmamadali kasi ako, papatayin ako ng boss ko kapag nahuli ako kahit isang minuto," sabi nito.
Bilang siya ay isang mabuting mamamayan at nakakaintindi naman ng sitwasyon ay tumango na lang siya. Alam niya na may mga ganoong amo talaga sa mundo at kawawa naman kung masisisante ang lalakeng iyon.
"S-Sige--"
"Salamat, miss! tawagan mo ako kapag may kailangan ka, ha? mag-iingat ka! maraming salamat!"
Gumilid si Mimi upang makaraan na iyong lalake. Nasa kabilang kalsada na siya. Inilagay niya sa kaniyang bulsa ang card na ibinigay ng lalake nang hindi iyon tinitingnan. Nang tumingin siya sa kaniyang cellphone ay ngumiti siya.
"So, ayon nga, aking mga viewers, muntikan na po akong mamatay. Mabuti na lang at mabait si Lord, hahayaan niya pa kasi akong maging sikat upang matiris ang dalawang kuto sa buhay ko."
Nang makauwi si Mimi sa kaniyang apartment ay inilagay niya muna sa ref ang kaniyang mga ipinamili. Kinuhanan na rin niya iyon ng video dahil tutal ay 'A Day In My Life' naman ang pamagat ng vlog niya na iyon.
Nang mailagay niya na sa ref ang mga pinamili ay tinungo niya ang kaniyang silid, nahiga siya sa kaniyang kama at nagpaalam na sa camera. Itinapat niya ang kaniyang palad sa camera at nang mapatay iyon ay napabuntong hininga siya.
"Masasanay rin ako dito, madali lang naman mag-video, kaya lang mahirap pala mag-isip ng content, hindi naman puwede na palaging hahanap ako sa yatub para gayahin iyong mga napapanood ko. Dapat may sarili akong matatawag na 'akin' na content," sabi niya.
Inilapag niya sa gilid niya ang tripod. Nang maalala ang nangyari kanina sa gitna ng kalsada ay napabuntong hininga siya.
"At muntikan pa akong madisgrasya! pero, hindi ko naman kasalanan iyon, naka-green light naman at sinabi rin mismo ng lalake na hindi niya napansin."
Inalala ni Mimi ang mukha ng lalake kanina.
"In fairness, cute siya, hindi naging hadlang iyong eyeglasses niya. Sa tingin ko rin ay mabait siya dahil magalang at humingi ng tawad kaagad. Kung iba siguro iyon ay hindi aaminin ang kasalanan at magiging arogante pa. Baka ako pa ang nagmukhang may kasalanan at sabihan ng kung ano-ano."
Hinugot niya sa kaniyang bulsa ang business card na ibinigay ng lalake.
"Hmmm..."
Pero habang nakatingin doon ay biglang nanlaki ang mga mata niya.
"JYD'A Entertainment Manager?!"
"Manager ang lalakeng iyon?!"
Napabangon siya buhat sa pagkakahiga at kaagad na humarap sa kaniyang computer. Binuksan niya iyon at kaagad na pumunta sa glooglu. Kaagad niyang sinearch ang JYD'A Entertainment. Napakaraming lumabas na mga detalye.
"Hindi ko napuntahan ang isang ito..." sabi niya sa sarili habang nakatingin sa napakataas na building ng entertainment.
"Clark Sebastian Sandoval..." pagbasa niya sa pangalan sa card.
Nang may pumasok na ideya sa kaniyang isipan ay napangiti siya.
Mukhang may pag-asa pa talaga para sa kaniya!