Kabanata 4

1345 Words
Sa durungawa'y masisilayan ang isang ina na parang nawalay sa piling ng kanyang anak. Ito'y nakatitig sa malayo at bakas ang malalim nitong pag-iisip. Tila'y dinibdib niya ang nakaraang nangyari no'ng kaarawan ng kanyang asawa sa pagitan ng kanilang pamilya sa gobernador-heneral. Lubusan nang napamahal si Doña Estepha sa kanyang musmos na mga mag-aaral na kanyang tinuring nang mga anak. Ngunit, kahit man labag sa kanyang kalooban ang ihinto ang pagserbisyo para sa mga ito'y kanyang itinigil upang maiwasan ang kapahamakan sa kanyang mga mag-aaral lalo na sa kanyang pamilya. Kung ito'y ipagpapatuloy ang pagtuturo marahil makakarating ito kaagad sa gobernador-heneral at ayaw n'yang mangyari 'yon sapagkat maaaring kalaban na nila ang pamahalaan at lalo na ang simbahan. Ang mga prayleng Agustino, Dominikano at Fransiscano ang mismong kumokontrol sa buhay panrelihiyon at lalo na sa edukasyon sa Filipinas. Ito ay tinatawag na praylokrasya. Dito'y nagkaisa ang simbahan at ang estado upang kontrolin ang Filipinas. Ang mga prayle ay nagkakaroon ng kapangyarihang himasukan ang politika sapagkat nagkakaroon ito ng lubusang impluwensiya at kayamanan. Si Rizal, del Pilar, Jaena at iba pang mga repormista ay isinisi ang praylokrasya sa pagkakaroon ng opresyon sa bansang Filipinas. Lubusang naunawaan ni Doña Estepha ang gobernador-heneral sapagkat kahit ito ang namumuno ng Filipinas at ang itinilaga sa hari ng Espanya. Maaaring tuligsain ito ng simbahan at kontrolin ang pamumuno nito. Ang pinakamatinding maaaring mangyari, ang pababain ito sa puwesto. Kung 'yon ang mangyari'y mas lalong lulubha ang kalagayan ng pamahalaan ng Filipinas. Ipinagkakatiwala n'ya ang kapakanan ng nasasakupan. Naniniwala s'ya na may puso ang gobernador-heneral sapagkat ito'y matagal nang napalapit sa pamilya nila at nilaanan pa sila nito ng tulong nang minsa'y may nag-akmang tumugis sa kanilang pamilya. Ang kanyang ginawang pagmungkahi noong nakaraan sa kanyang mga mag-aaral na sobrang napalapit sa kanya ay 'di kaduwagan at 'di para lamang sa sarili. Kung papairalin n'ya ang katigasan maaaring ikapaslang ito ng maraming buhay at ayaw n'yang marami ang madamay sapagkat kahit gaano man kaganda ang intensyon kung mali naman sa pananaw ng iba'y ito pa rin ay mali. Ngunit, naniniwala ang donya na balang-araw, matutuldukan din ang paghihirap ng inabusong mga indio at darating ang panahon, magkakaroon din ng pantay na edukasyon at pagtingin sa estado ng mga dugong bughaw at mababang uri. Walang kasamaan ang mananaig kung ang kabutihan ang kalaban. "Marahil ang bumabagabag pa rin sa 'yo ay ang nagdaang 'di kaaya-ayang pangyayari sa aking kaarawan." Napatigil sa pagmuni-muni ang doña at ngayo'y bakas ang hapis sa kanyang mga mata habang nakatingala ito sa kanyang asawa. "Ika'y tumahan na. Alam kong 'di bukal sa 'yong loob ang itigil ang pagtuturo sa mga batang 'yon ngunit kung ating ipagpatuloy 'yon maaaring ikakapahamak 'yon ng mga mag-aaral. Alam kong 'di titigil si Padre Arelano sa pagmanman sa ating mga kilos. Simula pa no'n kaaway na ang turing ng kura paroko sa pamilyang Guevarra." Bumuntonghininga ang doña bago magsalita. "Marahil sa kanya nanggaling ang mga kuro-kuro. Walang preno ang bibig n'yon," wika ni Doña Estepha. "Pakahayaan na. Tayo na lamang ang magpakumbaba sa ating mga kaaway." Sumang-ayon naman ang doña sa sinabi ni Don Hacob. *** "Señorita, ayos ka lang ba? Wari kong 'di ka mapakali," wika ni Glenda kay Elizaela. Nagpagulong-gulong lang naman sa kanyang higaan ang dalaga at kanina pa nakipagtitigan ito sa kisame. Hindi pa rin mawaldas sa kanyang isipan ang pagtatapat sa kanya ni Diego no'ng nakaraang gabi. Napapangiti na lamang siya na parang ewan sa kanyang silid. "Marahil tungkol pa rin ito kay Ginoong Diego, Señorita?" Tumango siya kaagad sa sinabi ni Glenda at napangusong napasulyap sa kanya. "Hindi ko talaga mawari na may matagal na s'yang pagtingin sa akin. Para akong tinangay sa alapaap nang mismong sa gabing 'yon ng kaarawan ng kanyang ama ay ro'n din niya ipinagtapat." Nakahiga pa rin ito sa kanyang higaan at nakabukaka pa ang kanyang mga binti. "Señorita, may nais lang akong imungkahi." Ngayo'y bumangon si Elizaela sa kanyang pagkakahiga at umupo na nakapan-de-kwatro. Mas lalong sumeryoso ang mukha ni Glenda at bakas din ang hiya sa kung ano man ang isisiwalat nito. "Ano 'yon, Glenda?" "Kahit wala ako sa puwesto't lugar sapagkat andito ako sa 'yong pamamahay, Señorita. Kahit ako'y nagdadalawang-isip na ipagtapat sa 'yo patungkol kay Ginoong Diego." Mas lalong namula ang kanyang pisngi habang nag-iwas ng titig kay Elizaela. Napakunot-noo naman ang dalaga. "T-Tungkol kay Diego?" hindi makapaniwala nitong aniya. Buong akala ni Elizaela na may pagtingin din si Glenda kay Diego. "Opo, Señorita." "Ikaw ba'y may pagtingin din sa kanya matagal na?" Kahit 'di man sabihin ni Elizaela, nakaramdam ito ng selos. Ang init na ng kanyang pisngi. Ayaw niyang maging karibal ang kanyang itinuring ding kaibigan. "Hala Señorita, mali kayo ng paratang. Wala akong pagtingin sa Señorito. Ang nais ko lang pong imungkahi sana na ayusin n'yo po ang inyong pagkakahiga at pagkakaupo sapagkat 'di po 'yon kaaya-ayang pagmasdan, Señorita. Alam ko pong gano'n din ang maaaring reaksyon ng Señorito." Napatawa na lamang si Elizaela sa kanyang sarili sapagkat kung ano-ano na lamang ang pumapasok sa kanyang isipan. "Akala ko'y may lihim kang pagtingin kay Diego. Napahinga akong malamang wala sapagkat ayaw kitang maging karibal, tinuring na kitang kaibigan Glenda simula nang pinapasok ang 'yong pamilya rito sa hacienda." Nginitian niya si Glenda. "Nag-aalala lang po ako sa 'yong kapakanan, Señorita. Payo lang po 'yon. Nasa inyo pa rin ang huling desisyon. Alam naman natin Señorita na dapat karespe-respetong pagmasdan ang isang binibini..." Sabay kamot nito sa kanyang batok at muling nag-iwas ng tingin. "Baka ano po k-kasi, tumakbo si Señorito Diego kapag nakita kayong nasa gan'yang kalagayan." Tumayo naman si Elizaela at inakbayan s'ya. "Susubukan kong gawin ang iyong payo kahit lihis ng aking saloobin," aniya ni Elizaela sabay kindat sa kanya. "Ah Señorita, nakalimutan kong sabihing kaya pala ako pumanhik sa iyong silid ay upang ipaalam na kanina pa naghihintay si Señorito Diego sa labas kasama ang kanyang pinsan." Nasiko niya nang mahina sa tagiliran si Glenda. Napatakbo na lamang siya sa labas at narinig niya pa ang pang-aasar na halakhak ni Glenda. Kahit kailan talaga, 'yong babaeng 'yon, inaanunsyo ang isang mahalagang bagay sa kahuli-hulihan. *** Nakangising hinarap niya si Diego at ang pinsan nitong ngayon niya lang nasilayan. Napanganga ang dalawang napatitig kay Elizaela. Tila'y nakakita sila ng napakarilag na diwata ng kalikasan. "Siya ba ang 'yong magiging kasintahan, Kuya Diego? Anong nangyari sa kanyang hitsura?" Ang kanyang atensyon ay nabaling sa isang binatang kung hindi siya nagkakamali ay nasa edad, labinlima. Kung gano'n kaedad lang n'ya si Glenda. "Marahil ay nakipaghabulan na naman s'ya sa mga tipaklong," natatawang aniya ni Diego. Walang pagdalawang-isip siyang umakyat muli sa ikalawang palapag at hinila si Glenda-ng nakasalubong niya sa hagdan. Nabigla naman si Glenda sa paghila ni Elizaela sa kanya. "Tulungan mo ako sa paghanda, Glenda. Saka mag-ayos ka rin. Baka ipasyal tayo sa kaaya-ayang lugar ni Diego kasama ang pinsan n'ya." Nais n'yang isama ito sapagkat para sa kanya mukhang bagay ito sa pinsan ni Diego. Itinutok nilang dalawa ang kanilang mga sarili sa salamin. "Oh, mukhang ayos na ang aking hitsura. Hindi na ako mukhang aswang." Napakinggan niya ang mahinhing tawa ni Glenda. "Kinikilig ka ba nang dahil nakasilay ka ng isang napakagandang binatang kasing edad mo?" Binasa niya ang repleksyon ng mga mata ni Glenda at alam niyang 'di siya nagkakamali na may namuo nang pagtingin ito sa pinsan ni Diego. Halata sa mga mata ni Glenda. Hindi nagsisinunggaling ang mga mata. Rito makakitaan ang 'di naipapahayag ng kaloob-looban. "N-Naku Señorita, kinikilig lang po ako sa inyo ni Señorito. Saka nakakatawa po kasi ang 'yong sinabi na 'di ka na mukhang aswang." Tinitigan ni Elizaela, si Glenda nang mariin. Mukhang inaasar na naman siya nito. "Biro lang po, Señorita. Kayo pa rin ang napakarilag na binibining aking nasilayan sa mundong ito. Hindi lamang sa labas kundi ang taglay na alindog mo sa loob." Palihim na napangiti si Elizaela sapagkat may naalala siya sa winika ni Glenda. Ngunit, ang karilagan mo ang pinakanamumutawi, Eliza. Ang iyong kahanga-hangang karilagan ang siyang pinakakumikinang sa lahat.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD