Kabanata 5

1031 Words
Ang simoy ng hangin ay kanilang langhap. Ang kaaya-ayang pook na ito'y kanilang malugod na tinahak. Habang hawak niya ang kahoy ay 'di niya maiwasang 'di mapatingin sa kanilang tatlo ni Elizaela habang hawak-hawak din nila ang kanilang mga kahoy, pangkontrol sa kanilang mga saranggola. Sila'y nasa lupaing sakop ng Hacienda Escelante. Ito ang tagubilin ng ina ni Elizaela nang sila'y nagpaalam ni Diego kaninang 'di sila dapat lalayo kaya't dito na lamang nila napag-isipang pumanhik. Ang mahalaga'y mabigyan nito ng oras si Elizaela at makasama bago magsimula ang pasukan sa kolehiyo sa susunod na araw, Lunes. "Napakadali lang pa lang magpalipad ng saranggola, Kuya Diego! Sisiw na sisiw ko lang pala ito!" pagmamayabang ng kanyang pinsang si Luciano. Napalingo-lingo na lamang siyang masilayang panay pakitang gilas ito kay Glenda-ng ngayo'y nahihirapan pa rin sa pagpapalipad ng kanyang saranggola. Pinuntahan naman ni Luciano si Glenda at tinuruan pa ito. Nawaldas ang kanyang pagsulyap sa dalawa nang maramdaman niya ang pagsiko ni Elizaela. "Oh, 'di ba ang galing ko talagang magturo!" Napatawa si Diego sa kanya. "Ang galing na ng pinsan mo, oh!" dagdag na aniya ni Elizaela. "Simula pa lamang napapahanga na ako sa 'yong kakaibang gilas sa mga larong Filipino, Eliza." Nasilayan niya ang pamumula ng pisngi ng dalaga habang muling iniangat nito ang tingin sa kanyang saranggolang matayog ang lipad sa himpapawid. "Ngunit, mas kakaiba ang gilas ng aking pinsan pagdating sa mga binibini." Ngayo'y naagaw na ang kanilang pansin kay Glenda't Luciano na ngayo'y masayang naghalakhakan. Napalipad na rin ni Glenda ang kanyang saranggola. "Sa 'yo ata nagmana ang gilas niya sa mga binibini," ang pambabara ni Elizaela. "Nagkakamali ka ng sinabi. May gilas nga ako ngunit ito'y 'di para sa mga binibini kundi sa bugtong kong binibini." Tuluyang namula na ang mga pisngi ni Elizaela at iniwas na nito ang kanyang tingin kay Diego. Muling napatawa naman ang binata sa inasta nito. Nabigla siya nang tumakbo si Elizaela patungo sa kinaroroonan nila Glenda at naiwan siya sa kanyang kinatatayuan. "May mali ba sa aking sinabi?" *** "Kuya Diego, ako'y 'di papalag sa 'yong nililigawan. Kaygaling ni Ate Elizaela sa lahat ng bagay," puri nito habang abala sa kinakain n'yang manggang itinirador kanina ni Eliza pagkatapos ng pagpapalipad nila ng saranggola. "Kung 'di siya isang binibini at ipinanganak siyang isang ginoo rito sa mundo. Marahil ang kanyang tatahakin ay militarya. Bagay sa kanya ang gano'n..." Napatigil ito sa pagkain at tumingin kay Diego. "Ngunit, ipinanganak siyang isang dilag kaya mas bagay siyang maging iyong kasintahan." Nagulo ni Diego ang buhok ni Luciano. "Ang iyong mga winika ay musika sa aking pandinig, Luciano." Muling kumain si Luciano sa manggang kanina pa n'ya pinagkakaabalahan. "Ang sarap talaga ng mangga," tugon ni Luciano habang si Diego nama'y napatanaw sa hindi kalayuan nina Eliza na nasa lilim ng punong mangga habang abala sa pagtatawanan kasama si Glenda. "Ngunit, singtamis ng manggang iyong kinakain kung makuha ko ang kanyang pagpayag." "Huwag kang mag-alala, Kuya Diego. Tutulungan kita kay Ate Elizaela basta tulungan mo rin akong mapalapit kay Glenda. Tinamaan na ata ako ng pag-ibig, Kuya Diego." "Tutulungan kita basta sa isang kondisyon." "Ano naman 'yon?" "Ipangako mong mag-aral ka nang mabuti." Natuwa si Diego nang tumango siya. *** "Lubusan kong ikinagagalak na makilala kita sa wakas, Ate Eliza. Sana'y sagutin mo agad ang aking pinsan." Hindi makapaniwala si Diego sa pahayag ni Luciano. Nakakahiya para sa kanya ang sinabi ng pinsan. Ando'n pa naman si Doña Monica na ngayo'y sinalubong si Eliza sa pintuan. "Huwag mo nang kunsintihin ang aking pinsan, Eliza. Ito'y musmos pa lamang kaya kung ano ang mga pinagsasabi." Napakinggan niya ang bulong ni Luciano na halatang 'di nagustuhan ang kanyang palayaw nito na 'musmos'. Tila ito'y nahihiya sapagkat si Glenda'y nasa tapat niya. Napakinggan ng binata ang pagtawa ng tatlo lalo na si Doña Monica. "Huwag kang mag-alala, Diego. Kung pagsisikapan mo lamang ang isang bagay ay 'di imposibleng ito'y iyong maaabot. Batid ko namang iniibig ka rin ng aking anak." Halata sa boses ni Doña Monica ang panunukso. "Maraming salamat sa oras na inilaan n'yo, Diego. Ako'y nasisiyahan. Kayo'y mag-ingat sa pagpanhik pauwi. Saka nais ko ring sabihing galingan mo ang 'yong unang pagtapak sa kolehiyo." Tuluyan nang lumawak ang kanyang ngisi at 'di mawala-wala. *** "Kumusta ang panliligaw aking pamangkin?" panimulang tanong ni Tenyente Agoncillo, ang ama ni Luciano. Kasalukuyan silang nasa hapag habang abala sa pagkain ng kanilang hapunan. Inanyahan ng kanyang ama si Tenyente Agoncillo sa hapunan bago pumanhik ito pauwi ng kanilang tahanan. Kanyang pinuntahan si Luciano sa tahanan nila Diego upang sunduin. "Ayos naman po, Tiyo Benhamin. Pa'no n'yo po nalamang ako'y may nililigawan?" nahihiya n'yang tanong. Napatigil sa pagkain ang tenyente at diretsong tumingin sa kanya. Puno ng kakisigan itong nakaupo sa silya. "Ako'y may masatsat na anak mana sa kanyang ina," sabay tawa. Ang kanyang tinutukoy ay si Beatrice, ang kapatid ng ina ni Diego. Nakasimangot naman si Luciano nang marinig ito mismo sa kanyang ama. "Kahit kailan talaga Ama ako'y sinisiraan n'yo sa harapan ng aking pinsan," singit ni Luciano. Hindi na rin mapigilan ng ina at ama ni Diego ang 'di mapatawa sa inasta ni Luciano. "Binibiro ka lang ng 'yong ama. Ikaw talagang bata ka," ani ni Doña Estepha. "Ika'y huwag nang magprotesta aking anak. Kumain ka na riyan at itutok mo ang 'yong atensyon sa kinakain. Marahil ang 'yong ina ay hinihintay ka na. Ikaw kasi'y sumugod pa talaga sa 'yong pinsan dito upang makisatsat patungkol sa kanyang iniibig. Tuluyan ka na talagang nahawaan ng iyong ina." Mas sumimangot si Luciano sa napakinggan sa kanyang ama. Mas nag-ibayo tuloy ang tawanan sa hapag. "Sino ba ang nililigawan ng aking pamangkin, Don Hacob?" "Kilala mo s'ya, Tenyente Agoncillo. Ang anak ng mag-asawang Escelante, si Elizaela." Napatango naman si Tenyente Agoncillo at tuminging muli kay Diego. "Si Elizaela? Ang batang babaeng palagi mong iwinika simula pa no'n? Ang 'yong matalik na kaibigang baliw sa kanyang dating napupusuan?" Hindi naituloy ng binata ang pagkain nang kusang nabaliktanaw niya kung pa'no pinaglaanan ng luha ni Eliza ang batang lalaking noo'y palaging palihim na nagpapadala ng liham dito...ang unang napupusuan ng dalagang hanggang ngayon, 'di alam ni Elizaela ang pangalan.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD