NAGULAT SI GOLDEE sa biglaan ang pagtayo niya mula sa kinauupuan. Bakas ang pagtataka rito ngunit hindi masabi ni Blaze sa dalaga ang problema dahil nilalamon na naman siya ng halo-halong emosyon. Ang kaninang nararamdaman niyang saya ay muling napalitan ng matinding pag-aalala sa kapatid.
"Nakita mo ang kapatid ko?" kinakabahan niyang tanong kay Goldee.
"Oo, pero hindi ako sigurado."
Nakita niya ang pagkagulat sa dalaga ng dali-dali siyang tumakbo paibaba. Nakasunod naman kaagad ito at paulit-ulit ang naging pagtatanong sa kanya.
"Ano bang nangyayari, Blaze?"
"Diezel!" natataranta niyang tinawag ang kaibigan.
Pagdating nila sa ibaba ay nakita nilang kaharap ni Diezel si Quest at mukhang seryoso ang pinag-uusapan ng mga ito.
Hinila niya si Goldee sa isang sulok para magtago. Tinuro-turo niya pa ang dalawa nang maintindihan kung sino ang kausap nito. Napasipol pa siya noong huli.
"Blaze siya si—" malakas ang pagkakasabi nito nang makuha ang dahilan ng pagtatago nila.
Dali-dali niyang tinakpan ang bibig ni Goldee at hinila ito para mas maitago nila ang sarili ngunit huli na ang lahat dahil nakita na sila ni Quest.
Mayamaya pa, nagulat siya nang nagmura si Goldee at indahin ang tagiliran. Hindi nagtagal ay dumaing na ito sa sakit.
"Ipasok niyo siya sa kwarto!" sigaw ni Quest nang lumapit sa kanila nang bahagya. Sa lakas ng boses nito ay nagising pa ang natutulog na si Alluka at Zina.
"Ano bang nangyayari?" naguguluhan niyang tanong.
Imbis na sumagot si Quest ay naghanap ito ng pain reliever sa kanila. Hindi niya naman makausap si Goldee dahil bigla na lamang itong naging maputla. Sa sasaglit na oras lang din ay nanghina ito. Tanging ang suporta niya sa magkabilaan nitong balikat ang dahilan kung bakit hindi pa tuluyang tumutumba ang dalaga.
Pagdating nila sa kwarto ay doon niya lamang napansin ang basa sa sweater nitong pula na suot.
Nang itaas ni Quest ang damit ni Goldee ay saka tumambad sa kanila ang malaking sugat sa tiyan nito. Dahil kulay pula ang suot nito kaya hindi niya napansin kanina.
Iniabot kaagad ni Zina ang pain reliever kay Alluka at inasikaso nito ang dalaga kahit lutang pa rin dahil naalimpungatan.
Napansin ni Blaze na sariwa pa ang sugat nito sa tiyan. Mukhang kamakailan lamang iyong nakuha ng dalaga.
Nang tanggalin ni Alluka ang sweater nito at itira lamang ang sando, doon naman tumambad sa kanya ang maraming pasa sa katawan ng dalaga. Dama niya ang panghihina ng tuhod sa nakikita. Nanlulumo si Blaze. Bibigay ang tuhod niya kung magpapatuloy sa pagtingin sa dalaga kaya pinili niyang lumabas sa kwarto.
Paulit-ulit na hinabol ni Blaze ang kanyang paghinga upang pigilan ang gustong kumawala na emosyon ngunit bigo siya. Lalo niyang nadarama ang pagbigat ng dibdib. Muling pumasok sa isipan niya ang tagpo kanina sa arena. Hindi niya alam kung paano na paulit-ulit na pinagdadaanan ni Goldee ang pakikipaglaban upang mabuhay.
"Damn it!" nakaamba pa lamang ang kamao niya sa pader nang itulak siya ng kaibigan.
"Anak naman ng tinapa ni Aling Nena! Paulit-ulit ka na lang ba sa acting na iyan? Par, tandaan mong hindi bakal ang kamao mo. Dapat ang pinaggagamitan mo riyan ay ang mga kumuha sa kanila at ang dahilan kung bakit nagkaganyan si Goldee. Ang tapang na tao ngunit napaka-bobo!" napakamot ito sa ulo dahil sa konsumisyon. "Talo ko pa ang magulang mo, Blaze. Ano ba, ulit-ulit na lang tayo rito? Sasaktan mo ang sarili mo kapag galit ka sa mundo. Tapos ano, anong napala mo? Sakit ng katawan!"
"Tawagin mo si... si..." nasuklay niya ang buhok sa inis. "Damn it!"
"Iyan tayo eh!" kumunot pa ang ilong nito sa inis. "Si Quest. Quest ang pangalan niyon tanga! Kung ipapatawag mo siya sa akin ay ikaw na lang. I reject! Mali. I object! Ako pala ang na-reject!"
Naglaban sila nang tingin ng kaibigan ngunit matigas ito at hindi nagpatalo kaya siya na rin ang sumuko noong. Hindi niya na rin kailangang tawagin si Quest. Ito na rin mismo ang lumabas sa kwartong iyon. Maaaring narinig ang sigawan nila.
Lalagpasan sana siya ni Quest ngunit hinarang niya kaagad ito. Nang sabihin niya ang dahilan kung bakit niya iyon ginawa, sinabi nito na sundan ito sa sala kaya ganoon ang ginawa niya.
Hindi na rin siya nagpaligoy-ligoy nang makarating doon, kaagad niyang tinanong kay Quest ang mga nangyari sa dalaga nang nasa loob ng kulungan pa. Nagkwento naman ito nang tuloy-tuloy matapos niyang mapilit.
Ilang minuto rin na tumagal ang naging pag-uusap nila. Nang matapos iyon, kinausap naman siya ni Alluka.
“Blaze, hindi natin teritoryo ang lugar na ito. Hindi ka pwedeng gumawa ng bagay na magiging dahilan para mapahamak tayo,” paalala ni Alluka sa kanya. “Alam kong galit ka at naiintindihan namin kung bakit pero huwag kang magpadalos-dalos ng desisyon.”
Isang malalim na paghinga ang hinugot niya bago pakawalan. “Alam ko.”
“Maraming mapapahamak kapag nagkamali tayo ng kilos,” paalala naman ni Diezel.
“Alam ko,” ulit niyang muli habang ang tingin ay nasa kawalan.
“Sila Pebby ang top priority natin ngayon na may lead na tayo,” saad muli ni Diezel.
“Anong ibig mong sabihin?” baling ni Alluka kay Diezel.
“Posibleng iisang lugar ang pinagdalhan sa kanila, Alluka,” sagot niya sa tanong nito.
“Kaya kayo nandito?” tanong naman ni Quest matapos nitong ilagay ang kamay sa bulsa ng puting jacket.
“Bakit namin sasabihin? Sabi mo ‘I don’t care’ ‘di ba?” nakangusong tanong ni Diezel.
“Pink de la Vega, she’s missing,” saad ni Alluka. “Sounds familiar?” tanong ni Alluka kay Quest.
“Anong nangyari kay Ate Pink?” hindi maitatago ang pag-aalala sa boses ni Quest kahit pa blangko ang ekspresyon nito.
“Huwag mong sabihin Alluka,” pakiusap ni Diezel habang umiiling.
“Na-kidnap siya nang buntis pa—” walang paligoy-ligoy na sagot ni Alluka.
“W-what?”
“Ate, stop it!” naiinis na saad ni Diezel nang mapansing ibubuka na naman ni Alluka ang bibig.
“Ganoon din ang mga anak nila Violet. Nawawala rin sila—”
Hindi na naituloy ni Alluka ang iba pang sasabihin nang pataubin ni Diezel ang lamesa. Wala ring sabi-sabi na nagmartsa ito papalayo sa sala na iyon.
Napakamot nang wala sa oras ng taynga si Alluka bago tumingin sa kanya.
“Napasobra ba ang sinabi ko, Blaze?” tanong nito nang nagtataka.
Isang malalim na buntonghininga ang pinakawalan ni Blaze. Nang makatayo ay tinapik niya lang ang balikat ni Alluka bago tumango.
Ganoon na lamang din ang lalim nang buntonghininga nito nang magbaling ng tingin kay Quest na tulala na ngayon.
Alam niyang may dahilan kung bakit ganoon na lamang ang naging asta ni Diezel. Ito ang mas lubos na nakakakilala kay Quest ngunit ipinagsawalang-bahala nila ang mga sinasabi nila.
Pinili niyang magtungo sa kwarto ni Goldee nang makalayo sa sala. Wala siyang magagawa kapag galing ang kaibigan. Sarado pa ang isipan ni Diezel. Hindi nito pakikinggan ang mga sasabihin niya.
Mahimbing na natutulog si Goldee nang makapasok siya ng kwarto. Maaaring may kasamang pampatulog ang ibinigay ditong gamot upang maibsan ang sakit na nararamdaman nito.
Inayos niya ang kumot nang makalapit sa dalaga, saka pinagmasdan ang maamo nitong mukha. Hindi niya napigilan ang sarili at hinawi naman ngayon ang buhok nitong humaharang sa mukha.
"Thank you for fighting, My Gold," malungkot siyang ngumiti habang pinagmamasdan ito. "Hindi ko man nakita ang hirap na pinagdaanan mo, sapat na sa aking malaman na lumaban ka. Ikaw pa rin ang Ginto namin na hindi sumusuko sa buhay."
Ikinuyom niya ang kamao. Hindi na siya pabor sa mga nangyayari. Sa simula pa lang ay iniisa-isa na ang mga mahal nila sa buhay. Kung hindi pa siya kikilos ay marami pang madadamay.
Hinihiling niya lang na sana’y huwag siyang masiraan ng bait dahil kahit siya mismo ay hindi na makikilala ang sarili…