KATULAD NG PINAG-USAPAN ay sumama nga si Blaze kay Zina sa lugar na tinatawag na Eastron. Ayon sa babae, ang Eastron daw ay tahanan ng mga matatalinong tao sa kahit na anong larangan. Dito dinadala ang mga taong nakatutulong sa pag-unlad ng bayan nila lalong-lalo na sa pag-angat pa ng Northon. Sa lugar na ito, hangga’t may pakinabang ka sa kanila, walang kahit na sinong gagalaw sa ‘yo.
Malayo-layo rin ang kanilang nilakad. Napakasukal din ng kanilang dinaanan. Pansin niyang sanay-sanay na na si Zina na magpabalik-balik sa napakasukal at matarik na daang iyon dahil tuloy-tuloy lang ito sa pag-akyat.
Ngayon ay alam niya na ang dahilan kung bakit isang beses lamang pumunta ang dalaga sa Seldron. Talo pa kase nito ang isang pugante sa pagtatago. Kahit kaliit-liitang butas at daanan, handa nitong pasukin makaiwas lang sa mga matang nagbabantay sa buong bayan. Hindi biro ang matatarik na bangin at matataas na lugar na kailangang daanan makatawid lang sa isa pang bayan. Hindi daw sila maaaring makita ng CCTV na nakapalibot sa bawat sulok ng lugar kaya puro iwas ang kanilang ginagawa.
Kung sa Seldron ay walang kahit na anong buhay na mga halaman, kasalungat naman iyon ng Eastron. Sa lugar na ito, kahit saan siya lumingon ay puro luntian ang nakikita ng kanyang mga mata. Walang maitulak-kabigin sa bawat bahagi ng lugar. Halatang alaga ang buong bayan sa kapaligiran dahil nakatutulong ang mga ganitong tanawin para sa kapasidad ng utak ng isang tao upang mas makapag-isip.
Hanggang sa mapadpad sila sa isang tagong bahay na malapit sa bundok.
Kung susuriin, aakalaing walang bahay sa parteng iyon ng hinintuan nilang lugar. Sa totoo lang ay ikinagulat niya ang pagtaas ng malaking tipak ng lupa na may kasamang halaman matapos pindutin ni Zia ang maliit na device na hawak nito.
Pagpasok sa loob ng bahay ay puro itim, puti at tsokolate ang makikitang kulay ng mga nakalagay sa pader maging ng mga kagamitan. Vintage ang tema ng lugar kaya aaakalaing nasa lumang panahon siya. Walang mga bintana ngunit malamig dahil ang itaas ng lugar ay lupa. Napakaraming kwarto ng bahay na iyon kaya iniisip ni Blaze kung gaano katagal ang naging paghuhukay at pagdedesenyo sa ilalim upang mabuo lamang ang lugar.
Nahinto lamang siya sa pagtingin-tingin sa paligid nang pumasok sila sa isang kwarto na walang laman. Tanging puti lamang ang kanyang nakikita.
"When they point out the intelligent one, they are referring to Eastron place—and here it is. East side is full of scholars that's why we are devoted to education and treat it as the center of everything," binuksan nito ang nag-iisang gamit sa kwartong iyon na nakalagay sa gilid na bahagi. “For Northon, we are useless if we aren't smart. So the parents are nervous when they find out that they are not smart enough to handle something—”
“Kaya dalawang lang ang maaaring puntahan ng anak nila. Ang Wardron na tahanan ng mga tinatawag nilang bandido o ang Seldron na tahanan ng iniisip nila na pariwarang tao?” pagtutuloy ni Blaze sa balak ng sabihin ni Zia.
Ganoon na lamang din ang pagngisi ng binata nang tumango ito. Hindi niya akalain na hanggang dito pala ay nagpapatuloy pa rin ang Natural Selection. Kung hindi makaka-aadapt ang isang tao sa pagbabago, may tyansa na hindi niya maituloy ang buhay na pinapangarap.
Nahinto siya sa pag-iisip nang makita ang ibat-ibang parte ng Reiffton City sa lapag at maging sa dingding. Kung ganoon ay naging parte ng mata ni Zia ang kwartong iyon upang makita ang buong bayan.
"They believe that we are the best in anything, that's why Northon spends a lot of money in this place."
Nakikinig at pinagmamasdan ni Blaze ang bawat lugar sa mga monitor kahit imposible niyang masaulo iyon. Sa kaiikot ng mga mata, mayamaya pa ay nakita niya na ang hinahanap.
"Alluka."
"Siya!" turo ni Zia sa monitor.
Nangunot ang noo niya nang mapansing gulat na gulat si Zina. "Kilala mo siya?" tanong ni Blaze dito.
Umiling ito. Tila hindi sigurado sa kanyang sagot.
"Madali lang siyang hanapin. Nandito lang siya sa Eastron. Ako ng bahala sa kanya," pag-iiba nito sa usapan.
Nagpatuloy muli ang paghahanap ni Blaze sa kung saan-saang bahagi ng footage at ganoon na lamang ang pagkuyom ng kanyang kamao nang mapunta ang atensyon sa isang bahagi. Sa kuhang iyon, nakita niya kung papaano saktan ng kung sino ang kanyang kaibigan.
“Diezel…” mahina niyang pagbanggit sa pangalan nito. Awtomatikong kumuyom ang kamao ni Blaze. Bakas sa mukha niya ang galit habang pinagmamasdan ang kaibigan na binubugbog. "Paano ko mapupuntahan ang lugar na ito?" tanong niya kay Zina nang hindi ito nililingon. Nasa kaibigan pa rin ang tingin niya.
"Ang Wardron—" bakas ang pag-aalala sa mukha nito, "gusto mong magpakamatay?"
"Kailangan kong puntahan ang kaibigan ko."
“Sigurado ka?” tanong muli ng babae sa kanya.
Bumuntonghininga ito nang hindi siya sumagot.
"Kung iyan ang gusto mo, hindi na kita pipigilan. Pero sa isang kondisyon…"
Dahan-dahan ang naging paglapit sa kanya ng babae na naging dahilan ng pagtaas ng kanyang kilay. Hindi maisip ni Blaze kung aatras siya o kakabigin ito papalayo. Kaya, pinili na lamang niyang huwag gumalaw.
"Magpalit ka muna ng damit. Basang-basa na ang suot mo," sabi nito bago humagalpak ng tawa. "Ang cute mo."
"Tsk," napa-palatak na lamang si Blaze. Naisip niyang para itong babaeng version ni Diezel sa panti-trip sa kanya kahit hindi pa sila close.
Ang kaninang pagtawa ng babae ay napalitan ng kaseryosohan. "Remember this, Blaze. Finding true love isn't easy, but fighting it is the most difficult one."
Tumaas ang kilay ni Blaze dahil sa sinabi ni Zina. Bakit pakiramdam niya ay kilala na siya nito at matagal ng pinag-aaralan? May alam ba ito kay Goldee? Nagtataka rin siya kung bakit mabilis nitong nakuha ang tiwala niya gayong siya ang uri ng tao na hindi basta-bastang nagtitiwala. Iniisip niya parating may motibo ang isang tao kaya lumalapit sa kanila.
Ngayon, nagdadalawang-isip na siya kung dapat niya bang pagkatiwalaan ang babae.
Sa misteryong nababalot sa lugar na ito, hindi niya alam kung sino ang kanyang kalaban at kakampi. Masyado ring mabilis ang mga pangyayari. Dapat na ba siyang kabahan at mag-alala? Ngunit kung hindi niya tatanggapin ang tulong ni Zia, paano siya makakakilos sa lugar na ito? Lalo na ngayong nanganganib ang buhay ni Diezel alam niyang tumatakbo ang oras na malalagay ito sa bingit ng kapahamakan.
Muli niyang pinagmasdan ang babaeng ilang oras pa lamang na nakilala. Anong kahahantungan ng pagtitiwala niya rito? Dala ba nito’y kapahamakan o pakikipagkaibigan?