HININTAY NILANG MAG-UMAGA katulad ng pakiusap ni Zina sa kanya. Tama naman ang rason nito na kailangan niya ng pahinga at delikado kung sa gabi sila kikilos. Pagod na rin ang kanyang katawan sa mga nangyari sa buong araw. Gusto niya mang magtanong dito ay hindi niya magawa dahil wala siya sa posisyon kahit pa may pagdududa siya rito.
Hindi pa rin nawawala ang pagdududa niya kay Zina dahil sa maraming bagay na alam nito. Marami ring bilin ang paulit-ulit nitong sinasabi. Ang pagtapak pa lang daw sa lupa ng Wardron ay isa ng kahangalan. Hindi sila maaaring makampante kapag pinasok ang lugar na iyon.
Inabot sila ng hapon sa paghahanap ng eksaktong lugar na pinaglalagyan ni Diezel. Ganoon kalaki ang sakop ng lugar ng Wardron.
Wala na rin siyang pakialam kung saan nakuha ni Zina ang mga baril na hinihingi niya. Ang mahalaga sa kanya ngayon ay mabawi ang kaibigan. Ipinagsalawang-bahala niya na muna rin ang paghihinala rito. Sa susunod niya na lang iisipin ang paparating na problema. Saka na lang siya aaksyon kapag may ginawa na itong hindi maganda. Sa ngayon, kailangan niya munang bigyang pansin ang misyon niya.
Hindi niya pa man tuluyang naisusuot ang kabilang manggas ng jacket ay dali-dali na siyang tumakbo patungo sa motor na pinahiram sa kanya ni Zina. Pinaharurot niya iyon pababa sa sinasabing direksyon ng dalaga. Walang oras na dapat masayang dahil buhay ng kaibigan niya ang nakataya. Hindi niya na rin naisip ang bunga ng padalos-dalos na desisyong gagawin.
Sinunod niya rin ang bilin ni Zina na tanging sa masusukal na bahagi lamang dadaan dahil nagkalat na ang mga cctv sa iba’t ibang parte ng Eastron.
Narating niya kaagad ang tarangkahan ng Wardron sa tulong ng direksyonna ibinibigay ni Zia.
Katulad ng ibinilin ni Zia, kapag nakarating daw sa tarangkahan ay ibigay kaagad ang itim na tarheta sa gwardya. Iyon daw ang magsisilbing susi upang makapasok ang mga taong hindi parte ng lugar.
Katulad ng inaasahan na mangyari ay nakapasok siya sa Wardron nang walang kahirap-hirap.
Isinuot niya kaagad earpiece na ibinigay ni Zina sa kanya nang makalayo sa mga gwardya. "Nasa loob na ako," imporma niya rito.
"Good. May tracker ang motor na gamit mo para hindi ka maligaw. Ikaw ng bahala, puputulin ko na ang linya. Baka ma-trace tayo sa Eastron headquarters kahit walang tayo—yiiie!" Tumawa pa ito sa kabilang linya bago putulin ang koneksyon sa kanya.
Napangisi na lamang si Blaze sa sinabi nito. Hindi man siya sigurado kung kaaway o kakampi si Zina at may misteryong nakabalot sa pagkatao nito, hindi niya ikakailang malaki ang pasasalamat niya sapagkat hindi siya naging palaboy sa lugar na ito. Mahina pa naman siya sa direksyon.
Binaybay niya ang lugar na maaaring pagdalhan kay Diezel. Ayon kay Zina, ang underground fight daw sa lugar na iyon ay talamak. Ginagawa ng opisina ng mga tagaroon ang pagpunta sa tinatawag na Ward para sa iba’t ibang pustahan at pakikipaglaban. Madali niya raw iyong matunton sapagkat nasa gitnang bahagi lamang ito ng lugar at ilang eskinita lamang ang dadaanan mula sa tarangkahan.
Ipinarada niya sa hindi pansining pwesto ang gamit na motor.
Malayo-layo rin ang nilakad niya bago narating ang b****a ng battle area. Hindi rin nagtagal, narinig niya na ang hiyawan ng mga naroon nang mas makalapit pa.
Pinagmasdan niya kaagad ang paligid…
Mas maraming kalalakihan ang naroon sa arena. Ang iba ay malalaki ang katawan, may tattoo at hikaw sa taynga. Mapapansin din na may mayayaman na galing sa ibang parte ng bayan. Sigurado siya na hindi ibinigay ng mga ito ang kanilang mga pagkakakilanlan. May mga mangilan-ngilang babae rin siyang nakita. Tila mga partisipante rin ang mga ito.
Itinaas ng nag-aanunsyo ang kamay. Senyales na kailangang tumahimik ng lahat. Sa isang iglap lamang ay wala ng nagtangkang mag-ingay kaya naman nahinto sa paglalakad si Blaze upang iikot ang tingin.
"This battle will be part of our history!" bruskong wika ng lalaki sa gitna ng arena. "Welcome back our participants!"
Lalong naghiyawan ang mga naroon nang lumabas ang dalawang babaeng may suot na balabal na itim at pula.
Awtomatiko namang bumalik ang tingin ni Blaze sa gitna ng arena. Doon niya napansin ang nakaitim na babaeng may balabal at hawak na mga kadena. Ang nakapulang balabal namang babae ay umiikot ang tingin sa paligid. Kahit na rito sa kinatatayuan niya, pansin niyang malalayo ang naging tingin nito. Tila ba pinag-aaralan ang paligid at nagpaplano.
"And the intruder!" sigaw muli ng host na nasa gitna ng entablado.
Hindi nakaligtas sa mga mata ni Blaze ang pagtulak sa lalaking galing sa madilim na bahagi ng fighting arena. Nang tuluyan niyang makita ang mukha ng lalaking iyon ay naramdaman ni Blaze ang kakaibang galit na hindi maipaliwanag.
Muntikan pa itong sumubsob sa nakausling bato. Mabuti na lamang at hindi na ito lalampa-lampa katulad ng dati kaya napigilan ang paghalik nang tuluyan sa sahig. Makikita rin ang pagkagulat sa mga mata ng kaibigan niya nang tanggalin ang piring nito. Halatang hindi nito alam kung nasaang lugar ngayon. Sigurado siya roon kahit nasa malayo pa.
"Diezel..." mahina niyang pagtawag sa kaibigan. Kaagad na nabaling ang tingin ni Blaze sa mga pula-pulang mantsa sa suot nitong damit at pantalon.
Natawa pa ang mga naroon nang itulak ito ng lalaki na nasa likuran ni Diezel na naging dahilan ng muntikan na naman nitong pagkatumba.
Mayamaya pa ay narinig na naman ang hiyawan sa paligid nang ilabas ng mga gwardya ang toro na nakakulong sa malaking hawla. Galit ito at nakatingin sa kanyang kaibigan.
"Mga hibang," nagngitngit ngayon siya sa galit habang pinipigilan ang sarili na sumugod. Kailangan ni Blaze na kontrolin ang sarili kaya naman paulit-ulit niyang pinapakalma ang sarili habang papalapit sa barikada.
Kailangan niyang makaisip ng paraan upang makaalis sila sa lugar na iyon kaya hindi niya maaaring pangunahan ang kanyang emosyon.
Bumalik ang tingin niya sa kaibigan nang tuluyang makalapit matapos nitong magtungo sa gitnang bahagi ng arena.
Lalo pang kumunot ang noo ni Blaze nang lumapit kay Diezel ang babaeng may pulang balabal. Mukhang nag-uusap ang mga ito.
Nabaling ang tingin niya sa kamay ng mga partisipante. Katulad ng kaibigan niya ay may posas din ang mga kamay ng dalawang babae na nakalagay sa likuran.
"Mga kaibigan! Isa na namang kakaibang pagtatanghal ang inyong matutunghayan. Maaari lamang na magpunta ang kung sino dito sa loob ng arena upang tulungan ang mga kaawa-awa nating mga partisepante!"
Nang marinig ng nasa paligid ang sinabi ng host ay nagsunod-sunod ang paghiyaw ng mga ito.
"Mga hangal lamang ang tutulong diyan!" sigaw ng isang malapit sa kanya.
"Oo nga! Buti sana kung gagawin nilang premyo ang dalawang babae!" pagsang-ayon ng isa pa.
"Huwag niyong subukan pang tumulong!" karamihan pang sigaw ng naroon.
Hudyat ang pagpapaputok ng baril upang pakawalan ang toro sa kulungan. Ganoon na naman tuloy ang naging hiyawan ng mga manonood.
Kaagad na kumilos ang may itim na balabal at ginamit ang mga hawak nitong kadena. Pinaikot-ikot nito iyon sa ere nang mapansin ang toro na patuloy ang pag-ikot.
Nabaling na naman ang tingin niya sa kaibigan na nakatulala pa rin. Pansin niya ang pagiging emosyonal nito dahil sa hindi malamang kadahilanan. Hindi siya nagdalawang-isip na lumapit pa hanggang mararamdaman ang bakal ng barikada na nakadikit sa kanyang balat.
Siniko ng nakapulang balabal ang kanyang kaibigan upang bumalik ito sa ulirat pero katulad kanina, tulala pa rin ito.
Hindi na kaya ng mata niya ang nakikitang senaryo. Lalong-lalo na ng mapansin niyang si Diezel ang puntirya ng toro dahil sa mga mantsa ng dugo sa damit nito.
Hindi pwedeng nanonood lang siya at walang gagawin kaya naman hindi na siya nagdalawang-isip na tumalon sa barikada upang makapasok sa arena.
Ganoon na lamang tuloy ang hiyawan ng mga tao dahil sa kanyang ginawa.
Nang makalapit, hindi na nag-aksaya ng panahon si Blaze. Mabilis niyang iniiwas ang kaibigan sa papalapit na toro sa pamamagitan ng pagtulak dito.
"Gising, Diezel! Ano bang nangyayari sa ‘yo?" singhal niya sa kaibigan. Kung nahuli lamang siya nang kaunti ay maaari nitong ikamatay ang pagdamba ng torong iyon.
"Si Quest..." ang sagot lang nito habang tinuturo ang babaeng may itim na balabal na nakatabing sa mukha.
"Siraulo ka ba?" nanggagalaiting wika ng babaeng may itim na balabal kay Blaze.
Kahit na tumatakbo, hindi maiwasan ni Blaze na pagkunutan ang noo ang babae. Anong ginawa niya rito para magalit ng ganoon? Pabor pa nga sa mga ito dahil tutulong siya.
Nahagip din ng mga mata niya ang babaeng may pulang balabal na dali-daling pumapasok sa kulungan ng toro upang makaiwas sa pagsugod ng toro habang tumatakbo.
"Nasa ulo nito ang dalawang susi!" Pumalatak na naman ang babaeng may itim na balabal bago ipahawak sa kanya ang isang bahagi ng kadena matapos nilang pigilan ang paglapit ng toro.
"Diezel! Ano ba?" galit niyang sigaw sa kaibigan nang mapansing hindi pa rin ito gumagalaw sa kinatatayuan.
"Si Goldee..." wika na naman nitong muli.
Napailing na lamang si Blaze dahil sa mga sinasabi ng kaibigan. Desidido na siyang hindi muna ito pagtuunan ng pansin ngunit natigil ang paghila niya sa kadena nang bahagyang humawi ang suot na balabal ng babaeng nakapula. Katulad ni Diezel, maging siya ay nagulat sa nakita.
"Goldee..." tigagal niyang wika. Nanlalaki rin ang kanyang mga mata sa gulat.
"Aish!" singhal ng babaeng nasa kanyang tabi na patuloy pa rin ang paghila sa kadena para pigilan ang toro. "Is this some kind of reunion? We are not playing around here—you fool!"
Nang magsalubong ang tingin nila ni Goldee, nahuli niya sa mga mata nito ang pagtatanong kung bakit naroon siya.
"Serendipity…" malungkot nitong wika bago mag-iwas ng tingin.
Nang mapigtas ang kadena, saka lamang tuluyang natauhan si Blaze.
Tama si Quest. Hindi ito oras ng pagkakamustahan. Kailangan muna nilang gawin ang makakaya upang makaalis sa lugar. Hindi maaari na sa lugar na ito sila mawalan ng buhay lalo pa ngayong natagpuan niya na babaeng matagal ng hinahanap…