Chapter 2: Playing With Fire

1604 Words
PATULOY NA nagmamasid ang dalaga sa apat na sulok ng rehas. Anumang oras ay maaaring tumaas ang mga barikadang pumoprotekta sa kanya. Siya naman ang magiging target ng mga kapwa niya bilanggo kapalit ng ulam sa magiging hapunan ng mga ito. Muli niyang tinitigan ang katapat niyang selda. Ni minsan ay hindi lumabas ang babaeng preso roon. Hindi rin ito nakisalamuha sa kahit na sino kahit na ilang taon ng nananatili roon. Sa araw-araw na lumilipas, paulit-ulit lang nitong nilalaro ang mga kadenang nakasabit sa katawan. Kung nagsasalita lang mga kadenang iyon, hindi malabong sabihin nitong kaibigan nito ang misteryosang babae. Wala ring nagtangkang lumapit dito. Tila ba ilag ang lahat sa hindi malamang dahilan. Tumalikod si Goldee at humarap sa pader. Kahit nakayakap siya sa tuhod ay nasa buong paligid ang atensyon niya. Unti-unting naririnig ng dalaga ang pagtama ng bakal sa semento. Hinawakan niya nang mahigpit ang kumot na nakatalukbong sa kanya. Mabilis niya iyong inirolyo iyon sa kanyang kamay. Ipinulupot niya sa paraang magiging malaya ang kamay niya. Kailangan niyang makalabas sa kinalalagyan niya bago siya pagtulungan ng iba pang bilnaggo sa masikip na espasyong kinalalagyan niya. Narinig niya ang mabigat na bangkong hinihila kasabay ng mga yabag ng paa. Kaagad siyang napabalikwas ng tayo nang maramdaman niya ang pag-angat ng upuang ihahampas sa kanya! Maswerteng nailagan iyon ni Goldee. Inihampas niya sa sikmura ng babae ang unang bagay na nahawakan niya at dali-daling lumabas ng kanyang selda nang makaiwas sa isa pa. Hinihingal siya nang iwasan ang tatlo pang babaeng preso. Tinitigan niya ang mga ito nang nagtataka. Hindi niya akalain na ang mga tinulungan niya kamakailan ay isa pa sa mga papatay sa kanya ngayon. Totoo ngang na sa lugar na kinalalagyan niya ngayon kung gusto mong patuloy na maging ligtas ay kailangan mong patayin ang emosyong patuloy na nakalukob sa dibdib mo. Sa ganoong paraan ka lang mabubuhay. Tumingala siya sa itaas ng mga rehas kung saan naroon ang ikalawang palapag. Itinatak niya sa isipan ang mukha ng taong nagdala sa kanya sa lugar na ito. Ang lalaking ito ang dahilan kung bakit unti-unting pinapatay ang kabutihan sa kanyang puso at ginagawa siyang demonyong pilit tinatanggalan ng emosyon. Ilang babae ang pumalibot sa kinatatayuan niya. Tila wala ng buhay ang mga mata ng mga iyon. Naroon ang karahasan na hinulma na ng mahabang panahon. Sa tagal ng ibang narito, natutunan na nilang maging tuta ng nasa itaas para sa kanilang proteksyon. Sa loob ng ilang taong paglalagi niya rito ay hinasa na siya ng kanyang karanasan na mas maging matapang. Isang gabi lamang na umiyak si Goldee. Ang mga sumunod na araw ay tila nakaselyo na ang kanyang mga luha kapalit ng pagiging matatag upang lumaban sa buhay. Wala ng kahit na sinong makakatibag sa pader na binuo niya. Hindi na siya matitinag. Naramdaman niya ang balak na paghampas sa kanya ng isang babae ng bakal mula sa likuran. Gamit ang kumot na hawak niya sa magkabilaan ay pinigilan niya ang pagtama niyon sa kanyang katawan. Muli niyang hinampas ng kumot ang isang bumalya sa likurang bahagi niya. Nadagdagan pa ang kanyang mga kalaban. Ang sampu pa lang ay nahihirapan na siyang patumbahin nang hindi niya napapatay ang mga ito. Paano pa ang dobleng bilang? Hindi niya alam kung mabubuhay pa siya habang nagdadalawang-isip siya. "Binibigyan ko kayo ng pagkakataon na itigil na ang kahibangang ito. Hindi tayo ang magkakalaban dito!" galit niyang wika. Pagngisi lamang ang sukli ng iilan kay Goldee matapos niyang kumbinsihing itigil na ang walang humpay na pagdanak ng dugo sa bilangguang kinalalagyan nila. "Hindi kami hangal! Magugutom kami kapalit ng buhay mo?" Malungkot na itsura ang unang romehistro sa dalaga. Napangisi rin siya at napahawak sa sentido noong sumunod. Minsan talaga nakakagulat ang limitasyon ng tao para makuha ang mga bagay na inaasam-asam para sa pansariling interes ng mga ito. "I was so pissed off right now. I can't help it! You made me laugh," dinig niya ang sarkasmo sa kanyang tinig. "Nakipaglaro kayo sa apoy kapalit ng isang hapunan…” Pinunit niya ang kumot sa dalawang bahagi at dali-daling ibinalot sa kanyang mga kamao. Sinimulan niya ang pagmamatyag sa bawat sulok ng kanyang paningin. Nagsimulang sumugod ang dalawa at tinamaan si Goldee sa sikmura gamit ang tuhod. Mula sa pagkakaluhod ay tinisod niya ang isang kulot na babae. Habang nakahiga ay iniwasan ni Goldee ang suntok ng isa pa. Ang isang lalapit pa ay sinipa niyang muli habang nakahiga. Sa pagtayo niya ay ginawa niyang panangga ang isa sa suntok ng babaeng may maikling buhok. Hindi niya inaasahang gagamit ng patalim ang iba na ipinagbabawal sa selda ng warden. Isa lang ang ibig sabihin niyon, sa araw na iyon, handa talaga siyang patayin ng mga ito. Kahit na nagulat ay nagawa niyang sanggain iyon gamit ang kamay niyang nababalutan ng kumot na tinatastas niya kanina. Nawala ang konsentrasyon ni Goldee nang kumuha ng mga armas sa lamesa ang iilan pa. Hindi siya maaaring magkamali, sinadyang ilagay ang mga iyon doon.Kailangan niyang mas maging maingat. Sabay na sumugod ang dalawang pang may dalang dospordos at tabak. Sinalag niya ng upuan ang tabak na tatama sa kanya. Dahil sa pag-iwas ay hindi niya inaasahang tatama ang dospordos sa kaliwa niyang sikmura. Maririnig ang malakas na pagdaing kay Goldee nang tumama iyon sa kanyang katawan. Sa kabila ng bugbog na natangap, nagawa niyang ihampas sa katunggalan ang isang upuang bakal. Isa pa lang ang napapatumba niya ay nahihirapan na siyang iwasang masaktan ang mga ito. Wala na siyang pagpipilian. Kung hindi siya lalaban ngayon ay siya ang mapapatay. Gusto niya pang makita ang pamilya. Kailangan niyang lumaban! Tumuntong siya sa mga lamesang naroon nang sabay-sabay na sumugod ang lima. Kanina pa siya nagtataka sa isang babaeng may hood na puti at may nakapalupot na kadena sa katawan. Hanggang sa pakikipaglaban ay napapansin niya pa rin ito. Ito ang katangi-tanging nakikisali sa kahit na anong labanan na ipinag-uutos mula sa taas. Literal na wala itong pakialam sa kinasasadlakang madumi at lumang kulungan. "Focus," wika ng misteryosang babae. Hindi niya inakalang magsasalita ito sa unang pagkakataon. Sa loob ng ilang taon niyang pamamalagi rito ay hindi niya ito naulinigang magsalita. Ngayon niya lamang narinig ang malamig na boses ng babae. Tinapakan niya ang dalawang kamay nang nagtangkang humila sa kanya. Sinundan niya naman iyon ng isang pagtalon upang iwasan ang isang batuta at kutsilyo na tatama sa kanya. Sa pagsipa niya sa isa pa ay narinig niya ang paglagutok ng leeg nito na tumama sa lamesa. Dilat na dilat ang mata nang mawalan ito ng buhay. Huminto nang sandali ang ilan upang titigan ang kasamahang nawalan ng buhay. Hindi niya sinasadyang mapatay ito. Dinedepensahan niya lamang ang kanyang sarili! Kung hindi niya ipagtatanggol ang sarili, hindi niya na makikita ang pamilya! Gusto ni Goldee na habulin ang malalim na paghinga ngunit hindi niya na iyon magagawa matapos na sumugod muli ang mga kababaihan sa kanya. Sinakyan ni Goldee ang balikat ng isa na may kulot na buhok upang makaiwas sa iba pang mga kalaban. Habang nasa ere ay binalian niya ng leeg ito. Sa pagbagsak nito sa sahig ay walang pagdadalawang-isip niyang hinila ang babaeng nawalan ng buhay dahil sa kanya at ginawang panangga. Kaagad na dumaloy ang masaganang dugo sa tyan nito nang tamaan ng matulis na patalim. Paulit-ulit niyang niyang sinasabi sa isipan na kailangan niyang protektahan ang sarili sa kahit na anong paraan kahit pa hindi niya gusto ang makapanakit. Ang buhay niya ang prayoridad niya. Hindi siya pwedeng mamatay nang hindi nakikita ang pamilya niya. "Human shield, huh?" komentong muli ng babaeng may kadenang nakasabit sa katawan. "Nice," medyo naiinis na siya rito sa kakakomento. Nagbago na ang isip niya. Mas gusto niyang hindi na lamang ito nagsasalita. "Shota!" malutong niyang mura. May trese pa siyang kailangang patumbahin ngunit hingal na hingal na siya. Imposibleng mapabagsak niya ang mga iyon. Aminado siyang mas sanay siya sa hand-to-hand combat ngunit kung magtatagal ang ganitong labanan ay walang katiyakan ang pagkapanalo niya. "At your back," saad muli ng babaeng may hoodie na puti. Huli na ng maiwasan niya ang kutsilyo. Nasaksak ang tagiliran ni Goldee! Nanlalaki ang mga mata niya habang umaatras pasandal sa pader. Kinapa niya kaagad ang tagiliran. Nang titigan niya ang kanyang palad, nabalot kaagad iyon ng dugo. Dahil sa pagiging parte ng medical field, alam niyang malalim ang tinamo niyang sugat. Mas titindi pa ang pagdurugo niyon dahil sa patuloy niyang pagkilos. "Bang!" wika ng babaeng misteryosa. “I told you...” ginawa nitong baril ang kamay atsaka itinutok sa kanya na tila pinaputok. Hinabol niya ang malalim na paghinga habang nakayuko. Hindi siya papayag na sa lugar na ito mamamatay! "You should fight till the end, Goldee," saad muli ng babaeng nasa selda. Iniangat niya ang kanyang ulo at tumingin nang nagtataka rito. Hindi niya alam kung paano nito nalaman ang kanyang pangalan. "Don't make an agreement with destiny. Chase your fate instead. This is not the end of what you think. Someone is waiting for you. Don't make promises if you don't want to keep them. Fight for your loved ones even if you can’t fight for your own life." "Aaahh!" sigaw ng isang kalaban na papasugod na naman sa kanya. Hindi nakagalaw si Goldee sa kinatatayuan. Tila namamanhid ang katawan niya matapos makaramdam ng matinding lamig. Ipinikit niya na lamang ang mga mata at hinayaan ang posibleng paglapat ng panibagong patalim sa kanyang katawan. Kung ito man ang kanyang katapusan ay nagpapasalamat siyang may tumawag muli sa kanyang pangalan. Hindi niya man matanggap na hanggang dito na lamang siya, wala na siyang magagawa kung ito ang kapalaran niya...
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD