Chapter 8: Dead Leaves

1439 Words
MAKAILANG ULIT NILANG iniwasan ang mga palasong sunod-sunod ang paglipad sa ere. Pansin nila na ang lahat ng iyon ay may ganap na bilang sa oras ng paglabas kaya naman natatantya nila. Laging nauunang lumabas ang mga nasa mababang bahagi na palaso na sinusundan ng mga nasa itaas. Nagpapalitan ang mga iyon sa paglipad. Nauuna ang nasa kaliwa bago ang kanan na papanabayan ng mga nasa gitnang bahagi. Paulit-ulit. Walang palya. Isa, dalawa. Tatlo nang apat na beses, bago mag-isa hanggang apat na beses sa kada dulong bahagi ng poste. Ang pinakamaingay na si Diezel, hindi na nagawa pang magsalita katulad nila. Ang atensyon nito ay nasa mga lumilipad na palaso na lamang. Hindi sila huminto sa pagtakbo at pag-ilag hanggang sa makarating sila sa balkon ng misteryosong bahay. Matapos maiwasan ang mga palaso, tahimik nilang binuksan ang pintuang kahoy. "Old cellphone pattern," hindi mapigilang wika ni Blaze nang humihingal matapos makapasok sa loob ng bahay. Iyon ang bilang na ginamit sa mga pana kanina. Hindi siya maaaring magkamali. Parehas silang napasalampak sa lapag. Habol nilang pare-pareho ang paghinga. Butil-butil ang pawis at bumabayo ang dibdib dahil sa matinding kapaguran. Matapos ang ilang minuto ay tinulungan siyang makatayo ni Diezel. “Kaya pa, Blaze?” natatawang tanong ni Diezel. Pagngisi at bahagyang pag-ilang lamang ang naisagot niya. Ang akala nila ay kung anu-anong patibong ang bubungad sa kanila sa pagpasok bahay kanina. Pero simpleng bahay lamang ang naabutan nila. Ang pader ay may kakaibang kulay na napakasarap sa mata. May dalawang upuan sa kaliwa at isang lamesa na napapagitnaan nito ang sala. Sa kanan naman ay isang malaking rebultong kahoy na agila na tila perpektong nililok. Ngunit ang kapansin-pansin sa lahat ng naroon ay ang tatlong pintuan na nasa harapan nila ngayon. "Sabihin niyo sa aking nagkataon lang ito." Umiiling na wika ni Diezel. "Nagkataon lang ito," rinig ang pagkahingal sa boses ni Alluka na nagawa pang magbiro. Sinamaan si Alluka ng tingin ni Diezel bago muling tumitig sa pinto. Alam niya ang gustong sabihin ng kaibigan. Sa maikling panahon lamang ay napaghandaan na ang pagpunta nilang tatlo ng mga kalaban. Ngayon din ay nakasisigurado na siya na matagal ng may palihim na nagmamasid sa bawat kilos na gagawin nila. "Cliche ng trip ng goons na iyon. Pangit ng set up for crime scene. Pambata," nakangiwing reklamo ni Diezel matapos pagmasdan ang tatlong pinto. Walang pagdadalawang-isip na pinasok ni Diezel ang pintong para kay Blaze kaya wala na siyang nagawa pa. Pinasok naman ni Alluka ang pinto na para kay Diezel. Ang natitirang pinto na lamang ang papasukin niya. Wala naman na siyang pagpipilian. Kung marunong makipaglaro ang kalaban nila ay dapat ganoon rin sila. Ang hindi niya maunawaan ay kung bakit sila naghiwa-hiwalay? Hinahamon ba talaga nila ang mga kalaban? Pinagmasdan na lamang ni Blaze ang kwartong pinasok. Ang mga kagamitan ay gawa sa mga kahoy. Walang kaibahan ng nasa labas. Pumukaw sa atensyon ni Blaze ang mga damit na nakatiklop sa higaan. Walang pagdadalawang-isip niya iyong isinuot dahil basa na rin naman siya. Pinagmasdan niya ang paligid ng kwarto. Naghanap siya ng maaaring sagot sa kaniyang katanungan. Kung wala man ay kahit anong bakas na lang ng kanilang kalaban. Ngunit bigo si Blaze na makakita ng kasagutan. Nang tumalikod siya papalabas ng pinto ay ganoon na lamang ang gulat ni Blaze nang lumubog ang kanyang tinatapakan. Sinubukan niya pang maghanap ng kakapitan ngunit nagdire-diretso na siyang nahulog sa ilalim at bumagsak sa isang malambot na higaan na may mga butas. Amoy kalawang iyon kaya tumayo siya kaagad. Tinanaw niya pa ang itaas na bahaging pinaghulugan niya. Malalim din ang pinagbagsakan niya. Malabong makaakyat siyang muli. Depende na lang kung may maghuhulog sa kanya ng tali mula sa itaas. Sa simula ay nahirapan siyang sanayin ang mata sa dilim ngunit nang maramdaman niyang kaya ng maglakad ay nagsimula na siyang kumilos. Tila walang-hanggang paglalakad sa dilil ang kanyang naranasan. Sigurado siyang dire-diretso lamang ang pasilyo dahil walang hangganan ang mga pader upang paglikuan. Nagkaroon siya ng lakas na maglakad pa… Nang kalaunan ay nakakatanaw siya ng isang mumunting liwanag. Kaagad niya tinakbo iyon hanggang sa makarating sa isang nakaawang na pinto. Isang mahabang pasilyo na naman ang bumungad sa kanya. Bumukas ang ilaw roon matapos niyang tapakan ang labas ng pinto. Naipikit pa ni Blaze ang mga mata dahil sa biglaang pagliwanag. Dahan-dahan ang naging paglalakad niya upang mapagmasdan ang mga nakapaligid sa kanya. May mangilan-ngilang pinto sa kanan, upuan, at lampshade ang nadaraan niya. Bahagyang napahinto sa paglalakad si Blaze nang makarinig ng nagbabagsakan mula sa ilalim ng tinatapakan niya. Noong una ay nagtataka pa siya kung ano iyon ngunit nang maramdaman niyang gumagalaw ang sahig ay dali-dali ang kanyang naging pagtakbo. Nilingon niya pa ang likurang bahagi at nakumpirmang bumabagsak ang kahoy na sahig. Napakadilim ng pinagbabagsakan niya! Sigurado siyang malalim iyon. Dinoble niya ang bilis ng pagtakbo sapagkat maaari siyang mahulog kapag bumagal lang siya nang bahagya. Hanggang sa marating niyang muli ang isang pinto na may hagdanan paitaas. Inakyat niya iyon hanggang sa bumungad sa kanyang ang isang mabatong lugar at walang katao-tao. MAY MGA DAMIT ding nakatiklop sa higaan ng napasukan ni Diezel na kwarto. Walang pagdadalawang-isip na kumuha rin siya ng isa at isinuot na lang basta matapos makarinig ng nahuhulog na mga kahoy sa kwarto ng sahig na kinatatayuan niya. Lalabasin niya na sana iyon ngunit ganoon din ang nangyari sa kanya, nagdire-diretso rin siya paibaba katulad ng mga kahoy na narinig niya. May mga sala-salabat na tila mga baging ang pumipigil sa tuluyan niyang pagkahulog sa ibaba. Ginawa ni Diezel ang makakaya upang makapitan ang mga sala-salabat na iyon ngunit mabilis iyong napuputol kaya naman nahirapan siyang balansehen ang pagbagsak sa sahig. Laking pasasalamat niya na lang na hindi tumama ang kanyang balakang nang bumagsak bago maputol ang huli niyang kinapitang baging. Nang susubukan niyang tumayo ay dumausdos naman siya paibaba. Pigilan niya man ay hindi niya magawa dahil napakadulas sa parteng iyon. Akala niya ay wala nang katapusan pagdulas niya paibaba ngunit nakaramdam siya ng pagbagal, at pagbagsak muli ng pwetan niya sa madilim na bahagi ng lugar. Sumasakit man ang kanyang likuran at pang-upo, ngunit pinilit niya pa ring tumayo para simulan ang paglalakad. Hindi pa man siya nakakalayo mula sa pinagbagsakan nang biglang magkislapan ang paligid ng kanyang kinatatayuan. Tila mga device na hugis cellphone ang mga umiilaw at nagpapatay-sindi sa pwesto niya. Kinabahan pa si Diezel nang pagmasdan niya ang mga nakalagay sa dingding. Mga larawan iyon ng kanyang kaibigan at pamilya. Marami pa ang pumukaw sa kanyang atensyon dahil sa mga bagay na nakasabit sa dingding. Pinilit niyang titigan ang mga iyon at sinimulang intindihin ngunit walang pumapasok na sagot sa kanyang isipan. Bagkos, nadagdagan pa iyon ng mas maraming katanungan. Paulit-ulit niyang tinitigan ang mga naroon upang masaulo. Nang makasiguradong hindi niya na makakalimutan ang bawat detalye ay ipinagpatuloy niya na ang paglalakad. Nadagdagan na naman ang kanyang problema. Napabuntonghininga na lamang si Diezel dala ng matinding takot sa maaari nilang kaharapin. "Worrying too much cannot help to solve my problem. I need to find a solution instead," paalala niya sa sarili. Iyon din ang lagi niyang naririnig sa pamilya na baon-baon niya nang magpunta sa isla. Ngumiti siya sa kabila ng lahat ng agam-agam. Gagawan niya na lang paraan imbes na makaramdam ng takot. Wala siyang aasahan kung hindi ang sarili niya. Ganoon naman siya, sinusubukang maging positibo kahit na mahirap. Sa ganitong paraan niya lamang mapapagaan ang pakiramdam. Lumiko si Diezel sa kanang pasilyo nang makasiguradong matatag na siyang muli. Binuksan niya rin ang unang pintong kanyang nakita. Hindi niya inaasahan ang bubungad sa kanya… Nanlaki ang kanyang mga mata nang tumambad sa kanya ang mga lalaking may mga armadong mga baril. Lahat ng iyon ay nakatutok sa kanya! "Kung susubukan mong manlaban ay hindi kami magdadalawang-isip na paputukin ang mga baril na nakatutok sa iyo ngayon! Sisiguraduhin kong sasabog ang bungo mo!" Nagulat man, walang takot na pinagmasdan ni Diezel ang kaharap ngayon. Hindi siya maaaring magkamali. Ang lalaking nasa kanyang harapan ang kumuha kay Pink. Namumukhaan niya ito! "Nice try," lumamlam ang mga mata ni Diezel. Iba ng usapan kapag ang pamilya nila ang kinanti. "Siguraduhin niyo lang na hindi kayo magpapakita kay Patrick. Pati mga bata at buntis ay dinamay niyo pa!" "Huwag ka ng sumatsat!" nang makalapit ang isa sa mga armadong lalaki ay hinampas siya ng hawakan ng baril sa likurang bahagi ng kanyang ulo. Sa lakas ng pagkakahampas ay nakaramdam siya ng pagkahilo at pagbagsak ng talukap ng kanyang mata. Hindi nagtagal ay tuluyan siyang nawalan ng malay at bumagsak sa mga tuyong dahon na naroon…
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD