Chapter 1
SEASON 1: HIS ONE OF KIND GIRL
***
"KUNG tayo ay matanda na. Sana'y 'di tayo magbago. Kailanman, nasaan ma'y ito ang pangarap ko. Makuha mo pa kayang ako'y hagkan at yakapin. Hmm. Hanggang sa pagtanda natin. Nagtatanong lang sa 'yo. Ako pa kaya'y ibigin mo? Kung maputi na ang buhok ko..."
Habang tumutugtog ang OPM hit na iyon, ipinapakita sa video ang prenuptial shots ng couple sa rooftop garden ng isang ospital. Ang kakaiba sa magkasintahan ay ang pagme-make up ng mga ito para magmukhang matatanda. So the couple, instead of looking like the twenty-seven year olds they both were, looked like they were eighty years old.
"Pagdating ng araw. Ang 'yong buhok ay puputi na rin. Sabay tayong mangangarap ng nakaraan sa 'tin. Ang nakalipas ay ibabalik natin. Hmm. Ipapaalala ko sa 'yo ang aking pangako na ang pag-ibig ko'y lagi sa 'yo. Kahit maputi na ang buhok ko."
The shots in the middle of the video had been taken inside the hospital, where the doctors and nurses served as witnesses to the wedding. Nakasuot ng wedding gown ang babae, at tuxedo naman ang lalaki. Sa pagkakataong iyon, hindi na mukhang matanda ang magkasintahan. The bride looked gorgeous, while the groom glowed with happiness despite his condition. Nakahiga sa hospital bed ang lalaki na halatang mahinang-mahina na, habang hawak ng babaeng umiiyak ang kamay ng nobyo.
The couple said, "I do" to each other, even without the presence of a priest or a judge, and everyone around them cried their eyes out. It was a beautiful, heartbreaking scene. At ang sumunod na eksena ang dumurog sa puso ng milyong-milyong Pinoy—pumikit ang lalaki at hindi na muli pang nagising.
Walang emosyon si Tazmania habang pinapanood ang YouTube video na may halos three million views na, labing-isang buwan na ang lumilipas pagkatapos iyong i-upload. Binasa niya sa isipan ang caption ng video uploader sa ibaba: "Odie Serrano and Pluto Santiago Mock Wedding. A love that goes beyond death. Pluto, you will be missed. Odie, stay strong."
Sa pagkakatanda ni Tazmania, namatay sa sakit na leukemia ang lalaki sa video na nagngangalang Pluto, nang hindi naikakasal sa nobyang si Odie. Balak diumanong magpakasal talaga ng magkasintahan sa kabila ng katotohanang mamamatay din si Pluto, pero hindi umabot ang judge na magkakasal sana sa mga ito. Biglaan daw kasi ang pagbagsak ng katawan ni Pluto, gayong kinabukasan pa naka-set ang wedding date nito sa girlfriend na si Odie.
Nang marahil maramdaman na nina Pluto at Odie ang mangyayari, ikinasal na lang ng dalawa ang mga sarili. Like a clichéd movie plot, just minutes after their "I dos", Pluto died in Odie's arms.
Thus, a new YouTube sensation was born.
Naghikab si Tazmania. "I've seen all this before."
"That's harsh," naiiling na komento ng kaibigan niyang si Oreo na kasama niyang nanonood ng video. "Their love story is quite heartbreaking, you know."
Nilingon niya si Oreo. Napansin niyang namumula ang mga mata nito habang sumisinga sa tissue. Napasimangot siya. Hindi niya akalaing mababaw pala ang luha ng antukin niyang kaibigan. "I really don't get why this video is still so popular. Bawat minuto, may namamatay, may asawa o girlfriend na nawawalan ng partner."
Itinuro ni Oreo ang recommended videos sa gilid ng video na pinanood nila kanina—pulos videos nina Pluto at Odie. "That's because Odie and Pluto are already pretty famous. Sumikat ang Tee House ni Odie—which is a clothing line, by the way—dahil sa mga couple at statement shirts na ibinebenta niya. Tuwing may bagong design siya na ilalabas sa market, gumagawa sila ni Pluto ng three-minute short film para i-promote ang mga T-shirt nila. Pluto, on the other hand, was a resto-bar owner and a part-time model. Kaya noon pa man, marami nang nakakakilala sa kanila. Dahil sa mga sweet videos nila, naging famous couple sila sa Internet. At nang mangyari nga ang trahedyang 'yon, nadurog ang puso ng fans at followers nila."
Iyon siguro ang paliwanag kung bakit kahit labing-isang buwan na ang lumipas mula nang mamatay si Pluto ay sikat pa rin ito, lalo na ang kasintahang si Odie na madalas pa ring mapag-usapan. Sa katunayan nga, mataas pa rin ang demand para gawing pelikula ang love story ng dalawa hanggang ngayon.
At doon pumasok sa eksena si Tazmania, bilang siya ay kilalang movie producer. Well, ang mga magulang talaga niya ang bigatin pero mula nang ipasa ng mga magulang ang kompanya sa kanya noong isang taon lang, siya na ang nagpapatakbo ng negosyo.
Siya na ang presidente ng Devlin Films, at si Oreo na malapit niyang kaibigan ay isa namang magaling na batang direktor. Oreo was the director of the first movie he produced, which became a blockbuster hit last year.
"And you know, kaibigan ko si Garfield na kakambal ni Odie," pagpapatuloy ni Oreo sa malungkot na boses, habang binabalatan ang lollipop nito. "Hindi kami naging close ni Odie, pero naaawa pa rin ako sa kanya. Nasubaybayan ko rin naman kahit paano ang love story nila ni Pluto. Nakita ko kung gaano lumaban si Odie, kahit hindi siya ang may sakit."
Hindi pa rin natinag si Tazmania. Bilang movie producer, ilang beses na siyang nakarinig at nakapanood ng ganoong kuwento. Hindi siya naaawa kay Odie dahil bata pa naman ito, kaya alam niyang makakahanap pa rin ang babae ng bagong magiging nobyo balang-araw. Hindi naman hihinto ang mundo ng isang tao kung mamamatayan ito ng kasintahan.
Wala sana siyang balak patulan ang love story nina Odie at Pluto, pero tumataas lalo ang demand na isapelikula ang kuwento ng dalawa. Bilang isang movie producer, hindi niya magawang hindi pansinin ang demand, lalo na't narinig niya na may ibang movie producers din ang interesado sa kuwento ni Odie.
Dalawang buwan na niyang kino-contact si Odie, pero ayaw nitong humarap nang personal sa kanya kaya sa e-mail at telepono lang niya ito nakakausap. Pumayag naman si Odie na gawing movie ang love story nito at ni Pluto, pero hindi pa ito pumipirma sa kontrata kaya wala pang pinal sa mga usapan nila.
Natatakot din siya na baka kaya hindi na siya kinakausap ni Odie ay nasulot na ito ng ibang production company. Hindi siya papayag na maungusan ng iba.
Nilingon ni Tazmania si Oreo na kasalukuyan nang may nakapasak na lollipop sa bibig. "Na-contact mo na ba si Garfield?"
"Yes. He's willing to personally introduce us to his twin sister, Odie. Kaya naka-schedule tayong pumunta sa bahay nila mamaya."
Tumayo si Tazmania. "Then, let's go."
***
NAGPIPIGIL si Tazmania na sumimangot habang nakakapit sa binti niya ang isang matabang batang lalaki—na sa tingin niya ay dalawang taong gulang lang—na may matatambok at mapupulang pisngi, habang ang isa naman na kamukhang-kamukha nito ay tahimik lang na nakakandong kay Oreo. Halatang kambal ang dalawang bata.
Nanggigigil na kinagat ng batang lalaking nakakapit sa binti ni Tazmania ang tuhod niya, pero hindi niya iyon gaanong naramdaman dahil sa suot niyang pantalon. Pero nandiri siya dahil nalawayan na yata ng pasaway na bata ang buong binti niya.
He glared at the child. Stop or I'll pinch your cheeks really hard.
Wala talaga siyang amor sa mga bata. Naiirita lang siya sa kaingayan at kakulitan ng mga ito, lalo na kapag umiiyak. Tiyanak ang tingin niya sa mga ito. Kung hindi lang anak ni Garfield Serrano ang matabang tiyanak na ito, kanina pa niya ito pinalo.
"Sorry about that," tila nahihiyang sabi ni Garfield, saka inabutan ng tissue si Tazmania bago binuhat ang matabang batang lalaki.
Finally! naiinis na bulalas ni Tazmania sa isipan habang pinupunasan ng tissue ang binting punong-puno ng laway.
Binigyan ni Garfield ng istriktong tingin ang anak na pumapalakpak na parang may nakikitang nakakaaliw kahit wala naman. "That was very bad, baby Jerry. You shouldn't bite our visitors, okay? Look at your brother Tom. Behaved lang siya kay Tito Oreo."
"Oreo! Oreo!" masiglang sigaw ni Jerry habang nakatingin kay Oreo, saka umarteng parang may kinakagat sa hangin.
Napangiti si Oreo. "What? You want to eat me 'coz you think I'm a cookie?"
"Cookie! Cookie!" masayang bulalas naman ni Tom na kandong ni Oreo na ngayon ay kinakagat-kagat na ang braso ni Oreo.
Natawa na sa pagkakataong iyon si Oreo—na mukhang hindi naman iniinda ang pagkagat-kagat ni Tom sa braso nito—saka binalingan si Garfield. "Dude, ang kukulit ng kambal mo. Manang-mana sa 'yo."
Napabuntong-hininga si Garfield, habang umiiling. Pero kahit mukhang pagod ay halatang masaya naman habang nagpapalipat-lipat ng tingin kina Tom at Jerry. Umupo ito sa sette at "pinakawalan" na si Jerry na tumakbo kay Oreo at kinagat-kagat ang kabilang braso ng binata. "Wala pa kasi ang mommy nila kaya ganyan kakulit ang mga 'yan. Tingnan mo mamaya, pagdating ni Snoopy, behave na ang dalawang 'yan. Mas takot sila sa asawa ko kaysa sa 'kin, eh. Sorry, Oreo. Masakit na ba ang kagat nila?"
Nakangiting umiling si Oreo. "Nah. Hindi naman kompleto ang ngipin nila."
Natawa si Garfield. "True. Wala na silang upper teeth kakakain ng chocolate."
Naiinis na talaga si Tazmania. Gustong-gusto na niyang batukan si Oreo na nakalimutan na yata ang pakay nila sa pagpunta sa mansiyon ng mga Serrano nang makita ng kaibigan ang kambal. Sa pagkakatanda niya sa kuwento ni Oreo, dati nitong kaeskuwela si Garfield sa Sunray University bago nag-transfer sa Emerald University ang huli, kaya naging magkaibigan ang dalawa. Na mukha namang hindi nawala ang pagiging malapit sa isa't isa.
At si Garfield naman, mukhang nakalimutan ang intensiyon niya roon. Pagkatapos kasi silang ipakilala ni Oreo sa isa't isa, ay nabanggit na ni Tazmania ang pakay niya, pero mayamaya ay narinig nila ang malakas na iyak ng kambal mula sa second floor dahilan para akyatin ni Garfield ang mga anak. Nang bumaba ito, bitbit na ang mga anak na nagsimula nang kulitin sila ni Oreo.
Hindi naman siya nagpunta roon para kilalanin ang makukulit na anak ni Garfield. He was there for business, for Pete's sake!
"Not cookie, Daddy!" reklamo ni Jerry na nagsawa na sa kakakagat kay Oreo.
"Not cookie!" parang echo na segunda naman ni Tom.
"Of course Tito Oreo is not a cookie," iiling-iling, pero natatawang sabi naman ni Garfield, saka ibinuka ang mga braso. "Come here, kids. Parating na si Mommy. Magagalit 'yon kapag nakita kayong bad."
Patakbong lumapit kay Garfield ang mga anak na sina Tom at Jerry, at kinandong ng lalaki ang kambal. Pagkatapos ay binalingan si Tazmania ni Garfield.
Ah, sa wakas.
Kaunting-kaunti na lang kasi, lalayasan na ni Tazmania ang mag-aama. Pati si Oreo. Ang akala niya ay tutuluyan na ng magkaibigan ang pagba-bonding at kalilimutan na ang kanyang presensiya.
"Tazmanian Devlin Fortunate, right?" tanong ni Garfield.
"Just 'Tazmania' is fine," seryosong sagot naman ni Tazmania. He couldn't help but flinch whenever he heard his full name. "As I was saying earlier, Miss Odie Serrano and I were supposed to meet last week, but she didn't show up. Hindi ko na rin siya ma-contact at kahit sa e-mail, hindi siya sumasagot. I'm wondering if you could help me find your twin sister. The last time I checked, she wasn't at her apartment."
Naging seryoso bigla si Garfield habang tila malalim ang iniisip. Matagal bago ito muling nagsalita. "Odie is probably there again."
"Where?" naiinip na tanong ni Tazmania, dahilan para bigyan siya ng nananaway na tingin ni Oreo na para bang sinasabihan siyang huwag magmadali. Hindi niya pinansin ang kaibigan. Mukha namang hindi napansin ni Garfield ang pagbabago sa tono niya kanina.
"At Pluto's house," sagot ni Garfield. "Doon lang naman nagpupunta si Odie kapag wala siya sa Tee House at apartment niya."
Bakit nga ba hindi niya iyon naisip? "Puwede mo ba kaming samahan do'n?"
Dumaan ang pag-aalinlangan sa mukha ni Garfield. "If my sister hasn't been responding to your messages, maybe she doesn't want to see anyone yet."
"But we made an agreement," katwiran naman ni Tazmania. "Pumayag si Miss Odie Serrano sa inalok ko sa kanya. Hindi ko naman kukulitin ang kapatid mo. Gusto ko lang malaman kung interesado pa siya sa napagkasunduan namin dahil kailangan nang masimulan ang paggawa ng pelikula. We can't do that without her signing the contract. Maintindihan mo sana, Serrano. May kompanya ka ring pinapatakbo. You know how important it is to stay on schedule."
Ang akala ni Tazmania ay maiinis si Garfield dahil halatang-halata sa boses niya ang pagkainip, lalo na at kumunot pa ang noo ng lalaki habang nakatingin sa kanya. Pero sa huli, gumuhit ang pang-unawa sa mukha nito.
"All right," tila sumusukong sabi ni Garfield. "Ayoko rin namang magkulong pa ang kapatid ko sa lugar na nagpapalungkot lang sa kanya. Pero ipangako mo na kapag sinabi ni Odie na ayaw muna niyang pag-usapan ang tungkol d'yan, aalis agad tayo at hindi ka mangungulit."
"Yes, I promise," mabilis na pagpayag ni Tazmania para matapos na ang usapan.
"Let's just wait for my wife. Pauwi na 'yon. Wala kasing magbabantay dito sa kambal. Mag-merienda muna tayo," sabi ni Garfield, saka iminuwestra ang pagkain sa center table na hinanda nito kanina nang dumating sila ni Oreo.
Pinigilan ni Tazmania ang pagkainip. Ininom niya ang juice na nakahanda, pero hindi na ginalaw ang blueberry cheesecake dahil hindi naman siya nagugutom. Sina Garfield at Oreo naman ay nagsimula nang magkuwentuhan, at kahit panaka-naka ay nakikisali siya sa usapan, lumilipad pa rin ang isip niya sa ibang bagay.
Ayon sa research team ni Tazmania, nagsama nang isang taon sina Odie at Pluto sa iisang bubong, bago kinailangang i-confine sa ospital ni Pluto dahil sa patuloy na pagbagsak ng katawan ng lalaki. Hindi niya naisip na maaaring doon "nagtatago" si Odie nang mga panahong hindi niya ma-contact ang babae.
Hindi naman kasi akalain ni Tazmania na hanggang ngayon, hindi pa rin nakaka-move on si Odie. It had been eleven months already. She should have at least begun to pick up the pieces of her life, and to leave the bad memories behind.
Naputol lang ang pagmumuni-muni ni Tazmania nang may marinig siyang makina ng sasakyan.
"Mommy!" sabay na sigaw nina Tom at Jerry, saka patakbong sinalubong ang magandang babae na pumasok.
Wow, namamanghang sabi ni Tazmania sa isip habang nakatingin kay Snoopy Serrano. God, she was so beautiful and she still looked hot even though she was already a mother of two. Hindi halatang may mga anak na ito. Well, he wasn't interested in somebody else's wife. He just couldn't help but appreciate the female forms.
Nakangiting tumayo naman si Garfield, at sinalubong ng halik ang asawa. "Hi, baby. Natagalan ka yata sa pago-grocery ngayon?"
"Ang dami kasing tao sa grocery store," nakalabing reklamo ni Snoopy na mukhang pagod na pagod, bago binalingan sina Tazmania at Oreo dahilan para tumayo silang magkaibigan. "Oh. We have guests."
"Hello, Snoopy," bati ni Oreo.
"Hi, Oreo," bati ni Snoopy na mas masigla na ang boses, saka binalingan si Tazmania. "Oh. I know you. Ikaw si Tazmanian Devlin Fortunate ng Devlin Films, 'di ba? Nasabi sa 'kin ni Odie ang tungkol sa 'yo noong nakaraang buwan. Are you already working on the movie?"
"Not until Miss Odie signs the contract," pormal na sagot ni Tazmania.
"Oh. I see."
"Actually, baby, papunta kami kay Odie ngayon. Kaya aalis muna ako," sabi ni Garfield. "I'll be back as soon as I can. Ikaw na muna ang bahala sa kambal."
Tumango si Snoopy. "Okay. Ingat kayo. I love you, Garfy."
"I love you, too, Snoopy," malambing na sagot naman ni Garfield.
Don't. Roll. Your. Eyes, mahigpit na bilin ni Tazmania sa sarili.
Mabuti na lang at nagyaya na si Garfield na umalis dahil gagabihin na raw sila. Palabas na sana sila ng bahay nang mayamaya ay marinig nilang sumisigaw ang kambal.
"Daddy! Mommy! Blood!"
Pagpihit ni Tazmania paharap sa mag-iina ay nagulat siya nang makitang nakatayo si Snoopy habang nakakapit sa hagdan, at may dumadaloy na dugo sa mga binti nito, at halata sa mukha ang matinding sakit habang nakahawak ang isang kamay sa puson nito. Bago pa siya makabawi sa pagkagulat ay tumakbo na si Garfield papunta sa asawa, na biglang nawalan ng malay.
"Snoopy!"
***
NAKATAYO si Tazmania sa harap ng malaking bahay. Iyon ang address na ibinigay ni Garfield sa kanya kanina. Alas-sais ng gabi na siya nakarating doon.
Mag-isa na lang siya sa pagpunta kay Odie dahil sa insidenteng nangyari—dinugo si Snoopy kaya isinugod nila ito sa ospital. Nang masigurong ligtas na ang babae at ang bata sa sinapupunan nito, saka lang nakausap ni Tazmania si Garfield.
Hindi naman naging makulit si Tazmania sa ospital. Ni hindi nga siya nagbanggit ng kahit ano tungkol sa naudlot nilang lakad dahil kahit gago siya, alam naman niyang mas importante ang pamilya kaysa trabaho. Si Garfield ang nagkusang magbigay sa kanya ng address ni Odie, at humingi pa ito ng dispensa dahil hindi na raw siya nito masasamahan. Ibinigay din sa kanya ni Garfield ang duplicate key ng bahay.
Ayon kay Garfield, nagpagawa ito ng duplicate key ng bahay ni Pluto dahil noong mga unang buwan daw mula nang mamatay si Pluto, nagkukulong si Odie sa bahay na iyon. Kinailangan daw ni Garfield ng duplicate key noon dahil sapilitan daw nitong kinaladkad pauwi sa bahay nila ang kapatid, para maalagaan si Odie nina Garfield at ng mommy nito. Nitong huli nga lang daw kumalma si Odie, kaya hinahayaan na nila uling bumisi-bisita sa bahay ni Pluto.
Pero gusto ni Garfield na silipin ni Tazmania si Odie sa bahay na iyon—kung sakali mang hindi siya pagbuksan ng dalaga—at iuwi raw kung makita niyang umiiyak na naman mag-isa.
I'm not a babysitter, muntik nang masabi ni Tazmania kay Garfield kanina. Pero nanahimik na lang siya dahil may kailangan siya kay Odie.
Hindi na rin nakasama kay Tazmania si Oreo dahil nagpaiwan ang kaibigan niya para bantayan ang kambal. Bawal kasi ang mga bata sa loob ng ospital hangga't hindi pa naililipat sa private room si Snoopy mula sa emergency room. Nang umalis siya kanina, inaayos pa lang ang kuwartong lilipatan ni Snoopy kaya hindi maiwan ni Oreo ang mga bata. Hindi kasi umaalis si Garfield sa tabi ni Snoopy. Hindi pa rin dumadating ang mga kaanak ng mag-asawa, kaya nagpasya si Tazmania na mauna nang umalis kaysa maghintay. Okay naman na ang lahat.
Tumingala si Tazmania. Madilim ang buong bahay, mukhang walang tao. Pero may isang bintana na may ilaw sa loob. Nandoon marahil si Odie.
"It's the women who always look for me, not the other way around. Kaya bakit kailangang magpakahirap ako kakahanap sa 'yo?" naiinis na bulong ni Tazmania sa sarili, habang nakatingin nang masama sa bintana at iniisip na mukha iyon ni Odie. Ilang beses na rin naman niyang napanood ang videos ng dalaga kaya kahit paano, alam niya ang hitsura nito. "You're not even that beautiful."
Odie was pretty, but not beautiful enough for Tazmania to enjoy "chasing" her. Ang ayaw pa naman niya sa lahat ay iyong mga babaeng maraming emotional baggage. Kung hindi lang para sa kompanya niya, hinding-hindi siya lalapit kay Odie Serrano dahil alam niyang nagluluksa pa ito. He hated dealing with miserable girls.
He liked his women fierce. Iyong parang may apoy sa mga mata kapag tumitingin sa kanya, lalo na kapag nasa kama sila. Gaya ng apoy na nakikita niya ngayon—s**t!
Nanlaki ang mga mata ni Tazmania nang mapagtantong hindi ilaw ang nakikita niya sa kuwarto kundi apoy! Naalala niya ang sinabi ni Garfield kanina na madalas nagkukulong sa kuwarto si Odie, kaya dali-dali siyang tumakbo papasok sa bahay na nabuksan niya gamit ang susi na ipinahiram sa kanya.
Hindi pa umabot sa sala ang apoy, pero nalalanghap na niya ang usok. Sinundan lang niya ang amoy hanggang sa matagpuan niya ang kuwarto sa ikalawang palapag na pinagmumulan ng usok. Mula sa butas sa ilalim ng pinto ay lumalabas ang usok. He fumbled with the keys in his hands, cursing as he tried to find one that would fit in the lock. Luckily, on his second try, he successfully opened the door. Hindi na niya pinansin ang nakapapasong init ng seradura.
Napaubo agad si Tazmania pagpasok sa kuwarto na napupuno na ng usok, pero hindi pa naman kumakalat ang apoy. Sa kasalukuyan, ang mga kurtina ang nasusunog at ang sahig sa kanang parte ng kuwarto, kaya marahil nakita agad niya mula sa bintana ang apoy.
He quickly scanned the room and found a woman asleep on the bed. He was momentarily paralyzed by the sight of her. Bakit hindi? Para siyang nakakita ng anghel na natutulog sa gitna ng impiyerno. Napakaganda at napakapayapa ng mukha ni Odie habang mahimbing na natutulog suot ang puting bestida na iyon. Wala itong kaide-ideya kung gaanong nasa panganib ang buhay nito nang mga sandaling iyon.
As he looked at her angelic face, Tazmania felt an overwhelming urge to protect her.
Nang matauhan ay mabilis niyang nilapitan si Odie at niyugyog sa balikat. Hindi siya makapagsalita dahil hindi na siya nakakahinga sa nalalanghap na usok. Pero mabilis din niyang naisip na nag-aaksaya lang siya ng oras sa ginagawa niya. Kailangan na nilang makalabas doon bago pa tuluyang kumalat ang apoy.
Kaya binuhat ni Tazmania si Odie at tumakbo palabas ng bahay.