PINAPANOOD ni Tazmania ang video ni Odie sa cell phone niya habang hinihintay ang discharged paper niya. Nagtamo ng first-degree burn ang kanyang kamay dahil napaso siya sa init ng seradura ng nasusunog na kuwarto. Pero sabi naman ng doktor na gumamot sa kanya kanina, pagkalipas lang ng limang araw ay gagaling na iyon nang tuluyan. Nanatili na lang siya sa pribadong kuwarto na kinuha niya dahil ayaw niya sa ward. Masyadong maraming tao sa labas.
"Ikaw lang, sapat na," natatawang sabi ni Odie sa video, saka inakbayan si Pluto na natatawa lang din. Nilingon ng dalaga ang nobyo. "Sabihin mo rin 'yon, bebe ko."
"Ikaw lang..." natatawang simula ni Pluto, pero hindi nito natapos ang sinasabi. Sa halip ay itinuro nito ang suot na itim na T-shirt na may nakasulat na: !K4W L4n6 S4p4T n4. "Oh, God. I can't even read what's written in this shirt!"
Nalaman ni Tazmania na scripted lang ang sinasabi ni Pluto nang makita sa video ang pagsulpot ng kambal na Tom at Jerry habang pinupunit ang manila paper na nagsilbing idiot board ng dalawa. Mukhang marami pa sanang sasabihin ang magkasintahan, pero sa pagdating ng kambal, nagtawanan na lang ang mga ito.
Ngayon lang napansin ni Tazmania ang tunay na ganda ni Odie. Noong video kasi ng "kasal" nito kay Pluto, masyadong malungkot ang dalaga at masyado ring payat—halatang may mabigat na dinaramdam.
Pero sa kapapanood lang niya na video, masigla at masaya pa si Odie. Matatambok at mapupula ang mga pisngi ng dalaga, at kitang-kita ang kislap sa mga mata.
Kanina naman, ang Odie na nakita niya ay may kapayapaan sa mukha.
She's beautiful, namamanghang kongklusyon ni Tazmania sa isip. Pero mabilis din niyang pinagalitan ang sarili. Tazmanian Devlin Fortunate, stop acting like you've never seen a beautiful woman before!
"Hey, Taz."
Naputol lang ang pagmumuni-muni ni Tazmania nang dumating si Oreo. Dumeretso ng upo at tinanguan ang kaibigan. "Kumusta si Odie?"
Bumuntong-hininga si Oreo, mukhang pagod na pagod. "She's fine. Nailipat na rin siya sa private room." Sumalampak ito ng upo sa tabi niya. "Ikaw? Kumusta ka?"
Ipinakita niya kay Oreo ang kanang kamay niyang namumula pa rin. "I got a first-degree burn. Pero hindi naman malala, parang sunburn lang."
"Masuwerte kayo ni Odie dahil hindi pa kalat ang apoy nang dumating ka, kaya nakalabas agad kayo nang kaunting injury lang ang natamo. It could have been worse if you had come a minute later," naiiling na sabi ni Oreo. "I hate this day. Una, nag-bleeding si Snoopy. Thank God she and her baby are safe. Pagkatapos, nagkaroon ng sunog sa bahay ni Odie habang natutulog siya."
"Let's just be grateful that at the end of the day, we're all safe."
Dumukot ng lollipop si Oreo sa bulsa ng pantalon, binalatan iyon, saka sinubo. "True. Anyway, kung kaya mo na, kakausapin ka raw ng mga pulis. Iniimbestigahan na rin ang sanhi ng sunog. Mabuti na lang at naapula agad ang apoy."
Paglabas ni Tazmania ng bahay kanina, habang buhat-buhat ang natutulog na si Odie, ay nagkukumpulan na pala sa labas ang mga kapitbahay na napansin na rin ang sunog. Tumawag na ng bumbero ang mga ito kaya ilang saglit lang, inaapula na ang apoy. Hindi na siya nagtagal at sinugod na niya sa ospital si Odie na hindi magising kahit ano ang gawin niya. Nag-alala siya na baka nakalanghap ito ng maraming usok at napaano na.
Isinugod niya si Odie sa ospital kung nasaan din sina Garfield dahil iyon ang pinakamalapit. Nang makita ni Garfield ang kapatid na walang malay, nataranta ito. Kinuha ni Garfield ang kakambal mula sa kanya, at ito ang tumakbo sa emergency room. Nang makita naman ni Oreo ang paso sa kamay ni Tazmania, pinilit ng kaibigan niya na ipagamot iyon kaya hindi na niya alam kung ano ang nangyari kay Odie.
"Bakit nga pala hindi magising si Odie kanina?" naalalang itanong ni Tazmania kay Oreo.
"Oh, yeah. Sleeping pills. Apparently, she had taken sleeping pills, kaya hindi agad siya nagising kanina."
"Sleeping pills? Why?"
"It's nothing to be surprised about, Taz. Alam mo naman na namatayan 'yong tao. Natural lang na hindi siya makatulog nang maayos, kaya siya umiinom ng sleeping pills."
Natahimik si Tazmania. Sleeping pills? Did that explain why Odie looked so peaceful as she slept? Hindi niya maintindihan kung bakit may nararamdaman siyang kakaiba, na hindi naman niya matukoy kung ano. Pero mukhang siya lang naman ang nakakaisip niyon dahil wala namang napapansin si Oreo na kakaiba sa nangyari.
"Naghihintay na ang mga pulis sa labas," paalala ni Oreo mayamaya. "Don't worry, Taz. Kaunting tanong lang naman siguro 'yon, pagkatapos ay makakauwi ka rin agad. No'ng umalis ako kanina, kausap na nila si Odie."
Tumango si Tazmania. "No problem."
***
AYON sa imbestigasyon, nagmula raw ang apoy dahil sa naiwang nakasinding kandila sa kuwarto. At dahil dumikit ang kurtina sa kandila, mabilis na nadilaan ng apoy ang tela hanggang sa kumalat iyon.
Ibinalita lang kay Tazmania ni Oreo ang nangyari dahil umalis din agad siya ng ospital pagkatapos makipag-usap sa mga pulis. Amoy-usok kasi siya, kaya umuwi muna sa condo unit niya para maligo at magbihis. Hindi na sana siya babalik sa ospital dahil napagod talaga siya, pero tinawagan siya ni Oreo at sinabing hinahanap siya ni Odie.
So he went back to the hospital.
"O, Tazmania. Bumalik ka pala," bati ni Garfield nang akmang kakatok pa lang sana siya.
Niyaya siya ni Garfield na magkape, at hindi na siya tumanggi dahil mukhang pagod na pagod ang lalaki lalo't parehong nasa ospital ang asawa at kakambal nito. Nakisama na lang siya, tutal ay maganda naman ang kanyang mood.
"Tinawagan ako ni Oreo kanina. Hinahanap daw ako ni Odie," basag ni Tazmania sa katahimikan. "Is she still awake? O baka nagpapahinga na uli siya?"
"Nah, she's still awake. I doubt it kung makakapagpahinga siya dahil nando'n sa kuwarto niya ang kambal," natatawang sagot ni Garfield.
"I see. Ah, how's your wife?"
"Snoopy is okay, and so is the baby," masayang-masayang balita ni Garfield. "Ang totoo niyan, hindi namin alam na buntis pala siya. Dahil hands-on mom siya sa mga anak namin, napagod siya kaya siya dinugo kanina, ayon sa doktor. Pero ngayong alam na naming may baby uli kami, sisiguruhin kong hindi na mapapagod ang asawa ko..."
Pilit na ngumiti lang si Tazmania nang hindi na huminto sa pagkuwento si Garfield tungkol sa pamilya nito. Hindi niya alam na madaldal pala si Garfield. Ah, hindi. Hindi ito madaldal. Nadadala lang ito ng sobrang pagmamahal para sa asawa at mga anak kaya ganoon ito kasaya. Pero hindi niya maintindihan kung bakit ganoon si Garfield.
Tazmania was already thirty-one years old and yet, he had no plans of getting married—still less to produce an heir—anytime soon. He got laid whenever he wanted and to whomever he desired, anyway.
He had come from a broken family, and he considered himself as an expert in failed marriages. Alam na alam niyang hindi naman walang-hanggang kaligayahan ang nakukuha sa kasal, kundi walang-katapusang responsibilidad, away, pakikisama sa asawa. Nakita niya kung gaano pinilit ng mga magulang niya na "pakisamahan" ang isa't isa alang-alang sa kanya. Nasaksihan niya kung paano nagsawa ang mga ito at humanap ng kanya-kanyang kapareha. At nang kaya na niyang tumayo sa sariling mga paa, tuluyan nang naghiwalay ng landas ang mommy at daddy niya.
He had only been eighteen then. Niregaluhan siya ng mommy niya ng kotse, at condominium unit naman ang ibinigay ng daddy niya. Pagkatapos, napagkasunduan na lang ng mga ito na padalhan siya ng allowance buwan-buwan. Bumibisita naman ito sa kanya paminsan-minsan, pero siya na rin ang dumistansiya lalo na nang magkaroon ng kanya-kanyang bagong asawa ang mga magulang niya.
Aaminin na ni Tazmania na napariwara siya sandali nang mapasama sa maling barkada. He had been addicted to drugs and alcohol for a while. Nagbago lang siya nang atakihin sa puso ang daddy niya, at humingi ng tawad sa kanya. Gago nga siya sa maraming bagay at siguro nga nagalit siya sa mundo, pero naisip niyang wala namang magbabago kahit magwala pa siya. Kaya tinanggap na lang niya ang lahat. Inayos niya ang kanyang buhay, at tumulong sa kompanya nila nang makapagtapos siya ng kolehiyo.
Siguro ang pagkahilig ni Tazmania sa mga babae ang hindi niya naalis sa sistema niya. He just loved appreciating women and their beauty. Iyon din siguro ang dahilan kung bakit hindi siya makontento sa isang babae.
Kaya hindi niya makita ang sariling kasintapat at kasimbait ni Garfield sa asawa at mga anak. He was contented with being single.
"Oh, yeah. I want to thank you for saving my sister," mayamaya ay sabi ni Garfield na pumutol sa pagmumuni-muni ni Tazmania.
"Wala 'yon. Lahat naman gagawin ang ginawa ko," pormal na sabi ni Tazmania. "May iba ka pa bang gustong sabihin kaya mo ako niyayang magkape?"
Biglang naging seryoso si Garfield, saka bumuntong-hininga. "Do you think it was an accident? I mean, the fire?"
"Huh?"
Tila natauhan si Garfield, saka mabilis na umiling-iling habang natatawa. "Ano ba 'tong iniisip ko? Wala 'yon, kalimutan mo na. Sige na, pumunta ka na sa kakambal ko. I'm sure she would want to thank you personally."
"All right. How about you?"
"Doon muna ako sa asawa ko, tutal ay okay na si Odie at nand'yan ka naman na at si Oreo. Dumating na rin kasi ang biyenan ko at ayoko namang isipin ni Mommy Sandra na pinababayaan ko ang asawa ko," nakangiting paliwanag ni Garfield, saka siya tinapik sa balikat. "Ikaw muna ang bahala sa kapatid ko, Tazmania."
Tumango lang si Tazmania, saka dumeretso sa kuwarto ni Odie. Nasa labas pa lang siya ay naririnig na niya ang bungisngisan ng mga bata, kaya hindi na siya nagulat nang pagpasok niya ay nakita niya sina Tom at Jerry na nakaupo sa kama, sa tabi ni Odie na mukhang malakas na. Nasa sofa si Oreo, may nakapasak na naman na lollipop sa bibig habang nanonood ng TV.
"Yo," antok na bati ni Oreo kay Tazmania.
"Yo," ganting bati dito ni Tazmania, bago binalingan si Odie na nakatingin sa kanya. "Hi, Miss Odie Serrano."
Ngumiti si Odie. "Just 'Odie' is fine, Tazmanian Devlin."
"Just call me 'Taz.'"
Sa pagkagulat ni Tazmania, tumawa nang malakas at masigla si Odie, na binalingan pa si Oreo. "Sabi ko sa 'yo, eh. Katulad siya ni Garfield na galit na galit sa pangalan niya."
Nagulat talaga si Tazmania sa nakikita niyang sigla ngayon kay Odie. Hindi niya iyon inaasahan dahil sa pag-aakala niya, nagluluksa pa rin ito hanggang ngayon dahil sa pagkamatay ng kasintahan nito. Nakakapanibago na makitang masaya at tumatawa ngayon si Odie, dahil ang babaeng napanood niya sa video noon ay napakalungkot at miserable ang hitsura.
Pero hindi na masama ang Odie na nakikita niya ngayon. Mas bagay dito ang masaya at nakatawa. Gayunman, may hinahanap siya rito na hindi niya matukoy kung ano.
"Anyway, bumalik ka pa pala dito sa ospital. Sana ipinagpabukas mo na lang ang pagpunta. Hindi ko kasi namalayang gabi na pala nang sabihin ko kay Oreo kanina na gusto kitang makausap," sabi ni Odie, na nakangiti na tila humihingi ng dispensa. "Masyado na kitang naabala. Pasensiya na." Iminuwestra nito ang stool sa gilid ng kama. "Maupo ka muna."
Tumalima naman si Tazmania. "Wala namang problema. Ako naman itong unang nangulit sa 'yo."
Again, Odie smiled sweetly. "Thank you for saving my life, Tazmania." Sinapo nito ang mga pisngi na tila nahihiya pa. "It was stupid of me na makalimutang patayin ang mga kandila bago ako matulog. I offered a prayer for Pluto kasi kaya nagsindi ako ng kandila. Kung nandito lang siya, siguradong pagagalitan ako n'on."
Once again, Tazmania was surprised. Napakanatural ni Odie, na tila ba hindi na naapektuhan o nakakaramdam ng lungkot kaya nagagawa nang banggitin ang namatay na fiancé. Napatango na lang tuloy siya, iniisip na baka nga sapat na talaga ang labing-isang buwan para makapag-move on ito. "I see. Gaya nga ng sinabi ko sa kakambal mo kanina, hindi naman malaking bagay ang nagawa ko. Kahit sino siguro ang nasa sitwasyon ko, gano'n din ang gagawin. Just be careful next time."
Ngumiti lang si Odie, saka hinarap ang kambal na sina Tom at Jerry na gumapang palapit sa dalaga. Niyakap nito si Tom, samantalang ang makulit na si Jerry ay nagpakarga kay Tazmania.
"Er, I'm not really good with kids," naiilang na sabi ni Tazmania, pero wala na siyang nagawa nang kumandong sa kanya si Jerry.
"Chocolate! Chocolate!" ungot ni Jerry kay Tazmania.
"I don't have any chocolate on me right now, kiddo."
"Jerry, 'di ba ang sabi ko behave ka lang dapat lalo na kapag may visitor?" istriktong saway ni Odie kay Jerry. "Look at Baby Tom, o. He's quiet lang."
"Manang-mana kasi 'yang si Jerry kay Garfield," singit ni Oreo na naghikab pa, bago pumikit at mukhang inaantok na ang mokong.
Odie gave Tazmania an apologetic smile again. "Pasensiya ka na sa mga pamangkin ko, lalo na kay Jerry. Si Snoopy lang kasi talaga ang nakakasaway d'yan. Pero mabait naman ang batang 'yan, makulit lang talaga."
Ngumiti na lang nang pilit si Tazmania. Hindi naman siya makakalaban kahit naiirita na siya sa paghila-hila ni Jerry sa kuwelyo ng kanyang polo.
"Oo nga pala, gusto ko ring humingi ng pasensiya dahil hindi na 'ko nakasagot sa mga e-mail mo, ha?" pagpapatuloy ni Odie. "May inasikaso lang kasi ako. Pero ngayong naayos ko na, puwede na nating pag-usapan ang plano mong pagsasapelikula ng love story namin ni Pluto. Kung kailan ka convenient, sabihin mo lang. Hindi naman ako gano'n ka-busy ngayon."
"I-set natin ang meeting paglabas mo ng ospital," suhestiyon ni Tazmania. Ayaw naman niyang magmukhang walang-puso kahit gustong-gusto na niyang magkapirmahan sila ni Odie ng kontrata. "I can wait. Mahalaga rin naman sa 'kin ang kalusugan mo, bago ang lahat."
Lumuwang ang ngiti ni Odie. "That's nice of you. Thank you, Tazmania."
Muli, nagulat na naman si Tazmania. Suddenly, hearing Odie say his stupid name while smiling sweetly at him made it sound... acceptable. It felt nice.
Oh, shut up, saway niya sa sarili.
***
HINIHINTAY ni Tazmania si Odie na nagtungo sa comfort room. Magpapaalam na siya dahil kailangan na niyang umuwi. Sumilip si Garfield kanina at kinuha na ang kambal. Iuuwi na raw ng biyenan nito ang mga bata. Pagkatapos ay bumalik na si Garfield sa kuwarto ng asawa nito na malamang ay hindi maiwanan sa sobrang pag-aalala. Naka-confine pa rin kasi si Snoopy, dahil binilinan daw si Snoopy ng doktor nito na magpahinga na lang muna roon para sa iba pang checkup na isasagawa rito. Apparently, Snoopy had a sensitive pregnancy this time.
Nagulat si Tazmania nang paglabas ni Odie ng CR ay nakapagpalit na ito ng T-shirt, at pantalon. "Wait, aalis ka na?"
Tumango si Odie at umupo sa kama para magsuot ng medyas. "Taz, could I ask you a favor?"
"Uh, sure," mabilis na sagot ni Tazmania, biglang nawala ang antok. Ngayon lang siya nakakita ng babaeng walang arteng nagsuot ng mga medyas sa harap niya. But he wasn't complaining. He noticed that Odie had nice feet...
Shut up, Tazmanian Devlin Fortunate. You're acting like a p*****t, saway niya sa sarili.
"Puwede bang mag-request ka na ng discharged papers?"
"Huh? It's already ten PM. Saka ang sabi ni Garfield kanina, bukas ka na raw umuwi."
"OA lang 'yong si Garfield," natatawang sagot ni Odie, habang ang kabilang paa naman ang sinusuotan ng medyas. "Wala naman nang reason para mag-stay ako dito sa ospital."
"Are you sure?"
Saglit na natigilan si Odie at nawala bigla ang ngiti. "Ayoko sa ospital. It brings back bad memories."
Hindi na nagtanong si Tazmania. Kahit paano naman, naiintindihan niya kung saan nanggagaling ang lungkot ni Odie. Ilang buwan itong nanatili sa ospital noon kasama si Pluto, at sigurado siyang iyon ang masamang alaala na tinutukoy nito. He couldn't stand miserable girls but somehow, he could deal with it this time. Hindi rin niya alam kung bakit. "Okay. Kakausapin ko lang ang nurse."
Nag-angat ng tingin si Odie sa kanya, at ngumiti. "Thank you."
Lumabas ng kuwarto si Tazmania at nagtungo sa nurses station para ikuha ng discharge papers si Odie. Clear naman na pala ang dalaga sa doktor nito, at sa lahat ng tests na isinagawa rito kaya sinabihan siya ng nurse na maghintay na lang sa pagdating ng mga papeles. Binayaran na rin niya ang hospital bills ni Odie.
Pagbalik ni Tazmania sa kuwarto ay naabutan niya si Odie na nakahalukipkip habang nakatingin sa natutulog na si Oreo sa sofa.
"Hey," bati ni Tazmania kay Odie.
"Should I wake him up?" kunot-noong tanong ni Odie nang hindi tinitingnan si Tazmania. "Pero kapag ginising ko siya, siguradong isusumbong lang niya ako kay Garfield."
"Wala kang balak ipaalam kay Garfield na aalis ka na?"
Doon tumingin kay Tazmania si Odie. Nakangiting umiling ang dalaga. "Hindi ako papayagan ni Garfield, kaya tumakas na lang tayo."
"Huh?!"
Lumagpas sa kanya ang tingin ni Odie nang may nurse na pumasok sa kuwarto. Pinapirmahan sa kanya ng dalaga ang discharge papers nito, at wala na siyang nagawa kundi ang tumalima.
"Let's go," nakangising yaya ni Odie pagkalabas ng nurse.
"Are you sure about this?"
"Nag-iwan na 'ko ng note kay Garfield."
Sa pagkagulat ni Tazmania, hinawakan ni Odie ang braso niya at hinila siya palabas ng kuwarto. Para itong batang tumatakas sa mga magulang dahil luminga pa ito sa kaliwa't kanan nito bago lumabas, hila-hila siya.
Hindi siya nakapag-react. Sanay siyang dinidikitan ng mga babae, pero hindi sa ganitong paraan na para silang mga kriminal na may tinataguan.
Bumaba ang tingin niya sa kamay ni Odie na nakahawak sa kanyang braso. Malambot at mainit ang balat nito sa balat niya. Now, as he hugged her, he wondered if the rest of her body felt as smooth and as soft and as warm as her hand...
Ah, s**t.
Napasinghap nang malakas si Odie na nagpabalik sa huwisyo ni Tazmania. "Si Garfield."
Napatingin si Tazmania sa direksiyong tinitingnan ni Odie. Parang nakita niya si Garfield na kalalabas lang ng elevator habang may dalang mga supot galing sa isang kilalang restaurant, pero hindi na niya iyon nakumpirma dahil hinila na siya ni Odie papunta sa hagdanan. Patakbo siya nitong hinila, kaya napilitan na rin siyang tumakbo.
Pero dahil sa pagtakbo nina Tazmania at Odie, marami silang nabunggo na binibigyan sila ng masamang tingin, o di kaya ay namumura pa sila.
"Sorry!" natatawa lang na sigaw ni Odie sa mga nabunggo nila, na tila ba tuwang-tuwa pa ito sa nangyayari.
Sa totoo lang, hindi gusto ni Tazmania na kinakaladkad, tinatapunan ng masamang tingin, at sinisigawan. Pero nang mga sandaling iyon, hindi niya magawang mainis. Dahil nang mapatingin siya kay Odie, nakita niya itong nakangiti. And that smile was enough to make him temporarily forget why he hated the world.
It was funny but he just found himself smiling back at her.
"Garfield will kill me when he finds out I helped you escape," iiling-iling pero ngingiti-ngiting sabi ni Tazmania habang naglalakad sila pababa ng hagdan. Sayang nga lang at binitawan na siya ni Odie. Pero sa kabilang banda, mabuti na rin siguro na lumayo ito sa kanya, para kahit paano makalimutan niyang gusto niya itong yakapin kanina.
"Hindi gagawin ni Garfield 'yon. Malaki ang utang-na-loob niya sa 'yo dahil iniligtas mo 'ko," natatawang tanggi ni Odie, saka siya binalingan. "I'm sorry for dragging you into this."
Nagkibit-balikat lang si Tazmania. "I'm not complaining. Ihahatid na kita sa apartment mo para makapagpahinga ka na."
Ang akala niya ay tatanggi si Odie dahil dumaan ang alinlangan sa mga mata nito, pero sa huli ay tumango ang dalaga. "Okay. Salamat."
"Don't mention it," sabi na lang ni Tazmania, saka inakay si Odie papunta sa parking lot kung saan nakaparada ang kotse niya. Pinagbuksan pa niya si Odie ng pinto. "Hop in."
Ngumiti lang si Odie saka tumalima. Nang makasakay naman si Tazmania sa driver's seat, tinanong niya ang dalaga kung saan niya ito ihahatid. Nagulat siya nang malamang nagpapahatid ito sa Tee House, ang clothing shop nito.
"Oh. My room is on the second floor," paliwanag ni Odie nang mapansin marahil ang pagkagulat niya. "Mas convenient kasi para sa 'kin kung nasa itaas lang ako ng shop, kaya umalis na 'ko sa apartment ko at sa Tee House na lang nag-stay."
"Oh, I see. But is it safe? Mag-isa ka lang, 'di ba?"
Tumango si Odie. "I can take care of myself." Nawala sa kanya ang atensiyon nito nang tumunog ang cell phone ng dalaga. Bumungisngis ito at ipinakita sa kanya ang screen ng cell phone. "Look who's calling."
Sinulyapan ni Tazmania ang cell phone ni Odie. Pangalan ni Garfield ang nakita niya sa caller ID. Pumalatak siya. "Patay si Oreo sa kakambal mo. At lalong patay ako kapag nalaman niyang ako ang accomplice mo."
Ngumiti lang si Odie, bago in-off ang cell phone. Pagkatapos ay hinubad nito ang mga sapatos, bago isinampa ang mga paa sa upuan, at niyakap ang mga binti. "Pasensiya ka na. Mas komportable kasi ako sa ganitong posisyon kapag nasa kotse."
"Uh, sure," tanging nasabi na lang ni Tazmania. Wala naman na siyang magagawa dahil nakapuwesto na si Odie. And somehow, she looked adorable sitting that way. Like a cute little creature he couldn't tear his gaze from.
"Tazmania, kung gagawin n'yong pelikula ang naging pagsasama namin ni Pluto, kailangan n'yong marinig ang kuwento ko, hindi ba?" mayamaya ay seryosong tanong ni Odie.
Sumeryoso na rin si Tazmania, dahil trabaho na ang pinag-uusapan nila. "Yes. May hinanda na 'kong creative team para sa 'yo."
"Creative team? Sila ba ang mga taong makikinig sa 'kin at babaguhin nang bongga ang kuwento namin ni Pluto para bumenta sa takilya?" halatang nagbibirong tanong ni Odie.
Hindi na na-offend si Tazmania dahil unang-una, hindi naman niya maitatanggi na may mga pelikula siyang pino-produce na malayo na sa katotohanan. Pero dahil doon siya kikita nang malaki, iyon ang ibinibigay niya sa mga tao. "The movie will be based on your story. So expect some changes."
Ngumiti si Odie bago luminga sa labas ng bintana. "Hindi ko inaasahan na ang mismong may-ari pa ng Devlin Films ang maghahanap sa 'kin para lang gawing movie ang kuwento namin ni Pluto."
"Mataas ang demand ng publiko para sa kuwento n'yo ng dati mong fiancé," matapat na sagot ni Tazmania.
"Mahilig talaga sa drama ang mga Pinoy."
"Totoo 'yan."
Nilinga siya ni Odie. "Hindi ako magiging komportableng magkuwento sa harap ng maraming tao. Puwede bang ikaw na lang ang pagkuwentuhan ko?"
"Uh, not possible. Kailangan mong makausap ang scriptwriter ko, hindi ako."
"Then, i-video mo 'ko habang ikinukuwento ko sa 'yo, saka mo na lang ipakita sa scriptwriter mo. Komportable na ko sa 'yo, kaya ikaw na lang ang pagkukuwentuhan ko."
Tumaas ang kilay ni Tazmania. Huh. She was comfortable with him? Somehow, that sounded really nice.
"If you really want to turn my love story into a movie, I have only one condition. And it involves you, Mr. Tazmania Devlin Fortunate. I want you to document my journey as I tell you my story," seryosong sabi ni Odie.
Kung ganoon ang kaso, ibig sabihin, madalas makakasama ni Tazmania si Odie. Nang silang dalawa lang. Now, that sounded so tempting. Isa pa, gusto na niyang masimulan ang paggawa ng pelikula, bago pa makalimutan ng mga tao ang tungkol kina Odie at Pluto. Strike while the iron is hot. "Deal. But you have to sign the contract tomorrow, Odie."
Napangiti na si Odie. "No problem, Tazmania."
"Kailan natin puwedeng gawin 'yang sinasabi mo?"
"Probably next week. Kailangan ko pa kasing pumunta sa Cebu."
"Cebu?"
Tumango si Odie. "Tinawagan ako ng parents ni Pluto kanina. Nabalitaan nila ang tungkol sa sunog sa bahay ng anak nila. Kinumusta nila ako, at hindi naman sila galit. Pero nakakahiya 'yong nangyari, kaya naisipan kong dalawin sila ro'n para personal na makahingi ng dispensa."
"Ah. I see." Hindi inaasahan ni Tazmania na hanggang ngayon, malapit pa rin si Odie sa mga magulang ng namatay na kasintahan. "So, I'll just see you next week? For real?"
Natawa si Odie, saka itinaas ang kanang kamay. "Promise, hindi na 'ko magtatago."