"WHY ARE you still leaving me, Odie?" naiinis na tanong ni Tazmania kay Odie habang sinusundan ito sa mahabang pila sa sakayan ng bus. "Akala ko, okay na tayo."
Wala namang problema kay Tazmania kung aalis si Odie dahil alam niyang kailangan nito ng bakasyon. Pero hindi sa estado nito ngayon. Halatang wala sa sarili ang dalaga at nang huling beses niya itong nakitang ganoon, ilang beses itong nagtangkang magpakamatay.
Natatakot siya na baka maisipan na naman ni Odie na saktan ang sarili, pero wala siya para pigilan ito. Kaya hindi siya papayag na umalis ang dalaga.
"Pero kung gusto mo talagang umalis, sige, umalis tayo. Mabuti na rin 'yon nang makalayo tayo sa mga mapanghusgang mata," desisyon ni Tazmania. "Pero bigyan mo 'ko ng isang araw para magpaalam sa opisina at ilipat ang trabaho ko sa general manager ko."
Bumuga ng hangin si Odie na parang inis na inis na sa kanya. Pero nang balingan siya ng dalaga, bumakas ang pagsisisi sa mukha nito. "Tazmania, I'm sorry. 'Yong nangyari kanina... hindi dapat nangyari 'yon."
Napatitig si Tazmania kay Odie dala ng gulat. Ang tinutukoy ba nito na "nangyari" kanina ay ang paghahalikan nila?
When they were at the Tee House three hours earlier, they kissed for a very long time, then sat comfortably with each other, until Odie fell asleep. Binuhat niya si Odie at inihiga sa kama dahil pagod na pagod ito sa pag-iyak. Niyakap niya si Odie at nakatulog sa tabi nito.
Nang magising siya, nagulat siya nang makitang wala na ang dalaga. Lalo siyang natakot nang pagbaba ay nakita niya ang dalaga na kasasakay lang ng taxi, na may bitbit na malaking bag.
Hindi na siya nag-aksaya ng oras noon. Sumakay siya sa kotse niya at pinaharurot iyon at sinundan si Odie. Hanggang nga sa makarating sila sa bus terminal na iyon na pa-Laguna.
"Bakit iiwan mo 'ko pagkatapos mong magpahalik sa 'kin?" hindi makapaniwalang tanong ni Tazmania. Napataas ang boses niya kaya napatingin sa kanila ni Odie ang mga nakarinig sa kanya. Ngayon tuloy, parang tauhan sa pelikula na sila kung panoorin ng mga tao.
Pero walang naging reaksiyon si Odie. Inaasahan niyang maeeksandalo ito sa sinabi niya, pero nanatiling malayo ang tingin nito na tila wala sa sarili. Para itong nagtayo uli ng malaki at makapal na pader sa pagitan nila.
Oh, no. Bumalik na nga siya sa dati.
Hindi biro ang pinagdaanan ni Tazmania para bigyan ng rason si Odie na mabuhay. Masasayang ang lahat ng iyon kung babalik ang dalaga sa dating magulong estado ng damdamin at pag-iisip. Duda niya ay nagkakaganoon ito ngayon dahil sa pagpunta ng mga magulang ni Pluto, at panunumbat dito dahil masaya na ito ngayon.
Those selfish people...
"Odie, please stay with me," pagmamakaawa ni Tazmania.
Ni hindi siya nilingon ni Odie nang sumakay ito sa bus. Kaya sinundan uli niya ang dalaga, pero nagkahiwalay sila ng upuan. Umupo kasi si Odie sa tabi ng isang matabang ginang, kaya napilitan si Tazmania na umupo naman sa bakanteng upuan sa likuran ng dalaga.
Dumukwang si Tazmania para makita si Odie, pero hindi siya nito hinaharap. "Odie, baby. Talk to me."
"Wala na tayong dapat pag-usapan, Tazmania," tila pagod na pagod na sabi ni Odie dahil sinundan pa nito iyon ng buntong-hininga.
Kahit nasasaktan si Tazmania sa malamig na trato ni Odie sa kanya, mas nangingibabaw pa rin ang pag-aalala niya ang dalaga. Gusto niyang malaman ang tumatakbo sa isipan nito, dahil gusto niyang sabihin na mali ang iniisip nitong mali na magkasama sila.
"Hindi kasalanan kung magmamahal ka uli, Odie," mariing sabi ni Tazmania. Wala na siyang pakialam kung pinapakinggan man sila ng mga tao sa bus na iyon. "Kahit hindi na sa 'kin, kahit sa ibang lalaki ka pa ma-in love uli. No one has the right to condemn you for that. Even Pluto's parents. Wala kang ginagawang masama sa anak nila, o kahit sa pamilya nila. Hindi puwedeng matali ka sa kanila habang-buhay."
"Tama na," pakiusap ni Odie sa basag na boses.
Alam ni Tazmania na nasasaktan na niya si Odie, pero kailangan nitong marinig ang lahat ng sasabihin niya bago pa nito maisipan uli na sundan si Pluto sa kabilang buhay dahil sa matinding guilt. "Siguro nga maaga pa ang isang taon. Pero ano'ng gagawin mo sa susunod na limang taon, Odie? O sampu? Labinlima? Magluluksa pa rin kay Pluto? 'Yon ang hindi tama. Patawarin mo ang sarili mo kung napapasaya ka na ng ibang lalaki ngayon."
"Tazmania," saway ni Odie sa galit na boses.
"Lalayo ako, Odie. Maghihintay ako sa malayo. Pero huwag kang aalis sa paningin ko. Hindi kita lalapitan. Gusto ko lang makita ka kapag pinuntahan kita," pakiusap ni Tazmania. "Nagawa mo nang unti-unting buuin ang mundo mo. Huwag mong sayangin 'yon..."
Tumayo si Odie. "Shut the f**k up already, Tazmania!"
Nagulat si Tazmania sa pagsigaw at pagmumura ni Odie. Pero hindi siya nagpatinag. Tumayo siya at sinundan ang dalaga na malamang ay bababa ng bus. Nahirapan siyang makalakad dahil may mga nakatayo sa aisle.
At sa pagkagulat niya, biglang nagkagulo sa bandang gitna ng bus.
Napasigaw ang halos lahat nang tumayo ang lalaking may baril, at hinablot ang batang babae na mukhang nasa edad labindalawa lang. Pagkatapos ay ipinulupot ng armadong lalaki ang braso sa leeg ng bata, sabay tutok ng baril sa sentido ng dalagita na umiyak agad. Maging ang ginang na mukhang ina ng hostage victim ay napaiyak habang nagmamakaawa na pakawalan ang anak.
Dumoble ang takot sa dibdib ni Tazmania dahil wala siya sa tabi ni Odie dahil nagkahiwalay sila. May tatlong lalaki—na mga nakatayo sa aisle—sa pagitan nila.
"Odie!" Pilit nakisiksik si Tazmania sa mga lalaki, pero natutulak siya palikod dahil nagkukumahog sa pag-atras ang mga tao, palayo sa hostage taker. Samantalang si Odie, nanatiling nakatayo sa kinatatayuan—malapit sa lalaking may baril. "Odie! Come here!"
"Tumahimik kayo!" sigaw ng armadong lalaki. "Kapag hindi kayo tumahimik! Babarilin ko kayong lahat ng pare-pareho na tayong mamatay!"
"Kung magpapakamatay ka, bakit kailangan mo pang mandamay? Ganyan ka ba kadesperadong may makasama kahit man lang sa kamatayan?" nayayamot na tanong ni Odie.
Pakiramdam ni Tazmania ay huminto sa pagtibok ang puso niya dahil sa matapang at malakas na pagsagot ni Odie sa hostage taker. Halatang walang pakialam ang dalaga sa puwedeng mangyari dito. He was right. Nagpapakamatay na naman ito!
Dumako ang masamang tingin ng hostage taker kay Odie. "Ano'ng sabi mo?!"
"I said, you're one pathetic, lonely soul."
Napamura si Tazmania. Halatang ginagalit ni Odie ang hostage taker dahil siguro gusto ng dalaga na ito ang pag-initan ng armadong lalaki. Ginamit niya ang tangkad at laki ng katawan niya para bayuhin at hawiin ang mga tao sa harap niya, para makadaan siya at mahila si Odie. Pero nahihirapan siyang gawin iyon lalo na at natataranta na ang mga pasahero at ang karamihan nga ay nagsisisibabaan sa mga bintana.
"Tarantado kang bata ka, ha! Gusto mong ikaw ang unahin ko?!" galit na tanong ng hostage taker, saka binitawan ang batang hostage. Pagkatapos ay itinutok nito ang baril sa ulo ni Odie.
"Gawin mo, huwag mong sabihin," hamon ni Odie sa hostage taker.
Nakaramdam ng pinaghalo-halong galit, takot at pag-aalala si Tazmania ngayong nakikita niyang tinututukan ng kung sinong gago ng baril si Odie sa ulo. Binayo niya ang huling lalaking nakaharang sa daan niya. Kapag namatay si Odie, baka magpakamatay na rin siya roon.
"Talagang malilintikan ka sa 'kin!" galit na sigaw ng hostage taker, at alam ni Tazmania na talagang babarilin na nito si Odie.
Hinila ni Tazmania si Odie sa kamay, pagkatapos ay niyakap ito at ipinihit niya ang katawan para siya ang sumalo sa bala. Naramdaman niya ang matinding sakit sa likod niya, kasabay ng sigawan ng mga tao.
"I won't let you die," bulong ni Tazmania kay Odie na naramdaman at narinig niyang umiiyak na habang sinasalo ang bigat niya dahil unti-unti na siyang bumabagsak dahil sa tama niya sa likod.
***
HINDI inaasahan ni Tazmania na mabubuo ang pamilya niya dahil sa nangyari sa kanya. Nang magising siya sa ospital, ang mommy at daddy niya ang nagbabantay sa kanya. Kung naroon pa rin siguro ang pait sa dibdib niya, baka sinabihan na niya ang mga magulang na pupuntahan lang pala siya kapag mamamatay na siya.
Pero nang mga sandaling iyon, wala siyang ibang naramdaman kundi saya at pagkasabik na makita uli ang mga magulang. Kahit pala matanda na siya, sa huli ay parang batang mangungulila pa rin siya sa mga ito.
Ngumiti si Tazmania kahit nanghihina pa ang pakiramdam niya. "Mom, Dad... thank you."
Napaiyak ang mommy niya, samantalang ang daddy naman niya ay pinisil ang pagitan ng mga mata. Pagkatapos ay niyakap siya ng mga ito at sabay na humingi ng tawag sa kanya dahil daw sa pagiging "pabayang" magulang ng mga ito.
Tinawanan na lang iyon ni Tazmania, at sinabing puwede pa namang bumawi ang mga magulang niya ngayon. Nangako naman ang mommy at daddy niya na mas aalagaan siya ngayon, kahit pa treinta y uno anyos na siya.
"Sigurado ka bang mabuti na ang pakiramdam mo?" tanong ng mommy niya.
"Yes, Mom. Nakakaisandaang beses na tanong ka na yata niyan mula nang nagising ako," biro ni Tazmania.
"Of course! You almost died!"
Muli, tinawanan lang iyon ni Tazmania. Natanggal na ang bala sa katawan niya, pero wala namang tinamaang vital organ sa kanya kaya mabilis siyang naka-recover. Hindi naman niya masisisi ang ina niya sa pagiging OA dahil hindi rin naman talaga biro ang mabaril.
Nakausap na rin niya ang mga pulis, at naibigay na niya ang kanyang salaysay. Siyempre, ipinagtanggol niya si Odie na itinuturo daw ng ibang mga pasahero na nag-provoke sa hostage taker para mag-amok. Sinabi niyang kinuha lang ni Odie ang atensiyon ng hostage taker para pakawalan nito ang bihag na dalagita.
Nahuli naman na ang hostage taker. Ayon sa mga kuwento ng mga bumibisita sa kanya, natulala raw ang armadong lalaki nang makita siyang duguan. Hindi naman daw kriminal ang lalaki; dumadaan lang daw sa depresyon kaya nawala sa tamang pag-iisip. Nang mabitawan ang baril, pinagtulong-tulungan ng mga pasaherong bugbugin ang hostage taker hanggang sa dumating na ang mga pulis.
"Sino ba kasi 'yong babaeng iniligtas mo?" nakasimangot na tanong ng kanyang ina, kahit alam niyang alam na nito ang sagot sa tanong.
Napangiti si Tazmania. "'Yong mahal ko, 'My."
Matagal bago muling nagsalita ang ina. "Gusto kong magalit sa babaeng 'yon dahil nasaktan ka dahil sa kanya. Pero sino ako para gawin 'yon? Nasaktan din naman kita. Tiyak na mas masakit pa 'yon kaysa sa gunshot wound mo..."
"Mommy..."
Umiling-iling ang kanyang ina na parang pinipigilan siya sa pagsaway dito. "Nagawa mo kaming patawarin ng daddy mo dahil sa babaeng ito, 'di ba?"
Marahang tumango si Tazmania. "She has made me a better person, 'My."
Ngumiti ang kanyang ina. "I can see that. Mukhang mabuting impluwensiya sa 'yo ang babaeng ito. Walang dahilan para magalit ako sa kanya. Lalong walang dahilan para hindi ko siya gustuhin para sa 'yo."
Ngumiti lang si Tazmania. Kahit gustuhin ng mommy niya si Odie para sa kanya, wala ring saysay iyon kung hindi siya gugustuhin ng dalaga para sa sarili nito.
Nakarinig sila ng katok, pagkatapos ay pumasok ang daddy niya.
"Anak, may naglakas-loob nang bumisita sa 'yo pagkatapos ng isang linggo niyang pagbabantay sa 'yo sa labas ng kuwarto mo," nakangiting sabi ng daddy niya.
Kumunot ang noo ni Tazmania. "I don't understand, Dad."
"'Yong babaeng iniligtas mo. Araw-araw siyang dumadalaw sa 'yo, pero hindi siya nagpapakita sa 'yo. Ayaw rin niyang ipaalam sa 'yo ang pagpunta niya."
Kumabog nang malakas ang dibdib niya. "Si Odie...?"
As if on cue, Odie entered the room. Walang emosyong sa mukha nito, pero nandoon ang guilt sa mga mata. At yakap-yakap nito ang notebook na may Eiffel Tower sa cover.
Oh.
Kinapa ni Tazmania ang damdamin. Wala siyang nararamdamang sama ng loob kay Odie sa kabila ng mga nangyari sa kanya. Ang totoo niyan, nakahinga pa nga siya nang maluwag nang makitang hindi ito nasaktan. Gusto tuloy niya itong yakapin at halikan uli.
"Maiwan na namin kayo," sabi ng ina ni Tazmania, saka siya hinalikan sa noo. "Nasa labas lang kami ng daddy mo. Mamaya na ang introduction dahil mukhang kailangan n'yong mag-usap nang masinsinan."
"Thank you, Mom."
Nagngitian lang si Odie at ang mommy niya, bago lumabas ang mga magulang niya. Saka lang pumasok sa loob ang dalaga. Pero nanatili itong nakatayo at nakatingin lang sa kanya na parang iiyak na.
Natawa si Tazmania, saka inilahad ang kamay. "I've missed you, Odie." Hinawakan ni Odie ang kamay niya. Hinila niya ito paupo sa tabi niya. "Isang linggo na 'ko rito sa ospital, pero bakit ngayon ka lang nagpakita sa 'kin?"
Pinisil ni Odie ang kamay niya. "I'm sorry."
"Para saan? Sa tangka mong pang-iiwan sa 'kin, sa pagkakabaril ko para iligtas ka, o dahil hindi mo pa 'ko kayang mahalin?" biro ni Tazmania.
Napahikbi si Odie. "All of the above."
Kung nasaktan man si Tazmania, hindi na niya iyon ininda. Mula nang minahal niya si Odie, natutuhan niyang unahin ang kaligayahan nito kaysa sa kaligayahan niya. There was no way he could hate her. Masuyong hinaplos niya ang pisngi nito para pahirin ang mga luha nito. "Bakit umiiyak ka na naman? Hindi naman malala ang injury ko."
"Nakita ko 'tong notebook ko nang pakiusapan ako ni Oreo na ipagdala ka ng damit no'ng unang gabi mo sa ospital," paliwanag ni Odie, saka inangat ang hawak na notebook. "Kailan mo pa alam ang tungkol sa balak kong pagpapakamatay?"
"No'ng gabing nakatulog sa unit ko. Paggising ko, nakita ko ang notebook mo sa sofa."
"Kung gano'n, naiwan ko nga sa 'yo ang notebook na 'to. Pero bakit nagsinungaling ka sa 'kin nang tinanong kita no'n?"
Bumuntong-hininga si Tazmania. "I'm sorry. Natakot lang naman ako na baka lumayo ka kapag nalaman mong may nakakaalam ng plano mo."
"Bakit concern ka sa 'kin, eh, hindi pa naman tayo close no'n?"
Nagkibit-balikat si Tazmania. "It still baffles me until now. Pero hindi ko naman pinagsisisihan 'yon."
Matagal bago muling nagsalita si Odie. "Ilang beses kang napahamak para lang iligtas ako."
"It has all worth it, baby. You're worth it."
Isinubsob ni Odie ang mukha sa dibdib niya, saka ito yumakap sa kanyang baywang. "I'm sorry. Dahil sa kagagahan ko, muntik ka nang mamatay. Masyado akong nasaktan sa nangyari sa amin ng mommy ni Pluto... hindi ko na alam kung ano'ng nangyari sa 'kin. Pakiramdam ko, ang sama-sama ko. Na para makabawi, kailangan kong sundan si Pluto."
Nagtagis ang mga bagang ni Tazmania. Paglabas niya ng ospital, talagang kakausapin niya si Mrs. Santiago. Pero sa ngayon, niyakap muna niya si Odie nang mahigpit. "Sshh. Stop feeling bad about yourself."
"How can you love a suicidal girl like me, Tazmania? I'm like a walking disaster. Mauuna ka pang mamatay sa 'kin dahil sa pagliligtas mo sa 'kin, eh."
Natawa si Tazmania. "May nagsabi na rin sa 'kin niyan. Pero ano'ng magagawa ko? Hindi kita puwedeng hayaang mamatay. Ikakamatay ko rin 'yon."
Nag-angat ng tingin sa kanya si Odie. "Huh?"
Masuyong hinaplos ni Tazmania ang pisngi nito. "Alam ko na ang pakiramdam mo nang gustuhin mong sundan sa kamatayan si Pluto. Nang makita kitang tinututukan ng baril, ang sabi ko sa sarili ko, kapag namatay ka, magpapakamatay din ako. Parang hindi ko kakayanin na wala ka sa buhay ko. That's why I'm sorry. Pasensiya ka na kung inisip ko noon na mahina ka.
"Ang totoo niyan, ang lakas mo pala kasi nagagawa mong bumangon araw-araw kahit nawala sa 'yo 'yong malaking bahagi ng pagkatao mo. Kayong mga nagtatangka ng masama sa buhay n'yo, malakas kayo. Huwag n'yong isiping mahina kayo. Kasi kahit gaano pa kasama ang mundo n'yo, nagagawa n'yong lagpasan 'yon. Pero mas lalakas pa kayo kung magagawa n'yong lagpasan ang depresyon n'yo.
"Nagawa mo na 'yon, Odie. Ipagpatuloy mo lang. Marami pang magagandang bagay sa mundo ang darating sa 'yo. Sabi nga nila, kapag may nawala sa'yo, siguradong may papalit. Let me be your "second-chance guy," Odie. I'll give you all the second chances you need. Second chance at love, family, friendship... just tell me."
Napatitig si Odie sa kanya, pagkatapos ay ngumiti habang umiiling-iling. "You're too good for me, Tazmania. You don't deserve me."
Magtatanong sana si Tazmania kung ano ang ibig sabihin ni Odie, pero hinalikan na siya nito sa mga labi. Siyempre, tinugon niya ang mga halik nito. They kissed, and she stayed with him until he fell asleep. When he woke up, she was already gone.
Isang litrato lang ang iniwan kay Tazmania ni Odie. Sa larawan, nakatalikod si Odie, suot ang pulang T-shirt kung saan nakasulat ang: "I WILL LIVE WELL."
Nakakatawang nagsimula ang kuwento nila nang makita ni Tazmania si Odie na ngumiti sa ospital, at nagtapos nang halikan siya nito sa ospital din habang siya naman ang naka-confine. She was indeed a walking disaster. Definitely one of a kind.
***
END OF SEASON 1