PINAGMASDAN ni Gabrielle ang isang pirasong pulang papel na iniabot sa kanya ng isang kaeskuwela niya. Hindi agad rumehistro sa isip niya na kahugis iyon ng kalahating puso. “Kapag nahanap mo ang ka-match ng puso mo, siya ang destiny mo,” nakangiting sabi ng fourth year student na nakatoka sa gate ng eskuwelahan nila. Inabutan din nito ng pulang papel na hugis-kalahating puso ang estudyanteng nasa likuran niya. “Seryoso ka?” bulong niya habang ibinubulsa ang papel. Wala siyang planong hanapin ang ka-match niya, ang “destiny” niya. Foundation day nila at open house sila. Karaniwan na yata sa mga ganoong event ang kissing booth at wedding booth. Alam niyang may mga nakakalat sa campus na nanghuhuli ng isang pares ng babae at lalaki upang ikulong o kaya ay ipakasal. Marami sa mga kaklase n

