“Buw*sit talaga ang lalaking 'yon! 'Pag nakita ko s'ya, titirisin ko talaga siya ng pinong-pino!” nanggigigil na sambit ni Bria.
Hindi matigil ang pagbubunganga n'ya hanggang makapasok sa sasakyan. Pumuwesto siya sa driver’s seat at may pinindot na kung ano sa ibaba ng salamin.
“Ano’ng ginagawa mo?” tanong ni Niña nang nakakunot ang noo.
“Ise-set ko ang sasakyan sa pupuntahan natin para automatic na siyang pupunta sa designated area. Nang sa ganoon, hindi na’ko mapagod magmaneho,” sagot ni Bria sabay tingin sa kaibigan nang nakangiti.
“What? Tapos hinayaan mo ’kong mapagod sa pagmamaneho kanina?” reklamo ni Niña.
Nagkibit lang ng balikat si Bria saka nagsalita, “Sorry naman! Akala ko alam mo ang pasikot-sikot sa sasakyan ko at akala ko nagpapapagod ka lang.” Ngumiti siya ulit sa kaibigan.
Umirap si Niña at humalukipkip sabay sandal sa upuan.
“God, I can't believe it! Saan tayo pupunta ngayon?” tanong ni Niña.
Nagkibit ulit ng balikat si Bria.
“Kahit saan mapadpad!” Napailing nalang si Niña.
Ang three days na leave ay susulitin nila sa paggala nang wala man lang eksaktong lokasyon.
“Skumpy, stop the car when we reach the 400th house from here,” utos ni Bria.
Lumabas ang maliit na bilog na robot mula sa isang butas.
“Skumpy is on the duty, ordered by Agent Wixx!” bigkas ng robot.
Ito ang palaging kaagapay ni Bria kahit saan siya pumunta.
Lahat ng mga agent sa RSIS ay may nakatalagang isang robot upang tulungan sila sa mga gawain ngunit ang robot ni Niña ay iniwan niya sa bahay.
Nagkaroon ng pagkakataong makaidlip si Bria, ganoon din si Niña habang ang sasakyan ay kusang umaandar. Tunog lamang ng makina at stereo ang maririnig.
•••
Naglalakad si Alex sa gitna ng palayan habang sumisipol. Suot niya pa rin ang business man suit na hinablot niya lang kanina sa sampayan ng kung sino. Hindi pa masyadong mainit kaya naisipan niyang doon dumaan.
Dinukot niya sa bulsa ang kinuha niyang wallet sa magandang babae.
“Ang galing ko talaga! Ang pogi mo talaga, Alex!” puri niya sa sarili at inayos-ayos pa ang buhok.
Tiningnan niya ang laman ng wallet at nakita ang puro asul na pera.
“Wow! Puro isang libo. Tiba-tiba na naman ako nito. May pambili na naman ako ng gamot ni lola,” masiglang wika niya at hinalikan pa ang wallet.
“Sandali, Agent Brianna Wixx? Agent?”
Napatigil siya sa paglalakad dahil mukhang magkakaroon siya ng problema.
Nang mapagtanto kung ano'ng mali sa ginawa ay pinukpok niya ang ulo gamit ang kamay. “Ang g*go mo talaga, Alex! Isang agent pa ang nadukutan mo. Tanga-tanga ka talaga!”
•••
Naggising si Bria dahil sa ingay na nagmumula sa kaniyang detector. Pinindot niya ang blue button.
“Your wallet was detected. It was opened by a guy,” wika nito.
Ngumisi s'ya.
“Malas ka at binuksan mo 'yang wallet ko. Dahil diyan, made-detect ko na kahit saang lugar ka pumunta.”
Ilang minuto pa ang lumipas at tuluyan nang huminto ang kotse.
“We have reached the 400th house as you ordered, Agent Wixx,” bigkas ni Skumpy.
“Anong klaseng lugar ito, Bria?” tanong ni Niña nang makalabas sila ng kotse at inilibot ang paningin sa paligid.
Isang bahay lang ang naroroon at puro matataas na puno na ang nakapalibot.
“Tingin ko, nasa gubat tayo.”
May nakita silang isang kubo na may isang matandang babaeng nagwawalis. Nang makita sila ay agad itong lumapit.
“Naliligaw ba kayo, mga hija?” tanong ng matanda.
“Hindi naman po, lola. Puwede po bang makapasok kami sa bahay ninyo?” tanong ni Niña na pasimple namang siniko ni Bria dahil sa kakapalan ng mukha nito.
Ngumiti ang matanda.
“Sige, sige. Tuloy kayo, tuloy kayo. Naku! Ang suwerte ko naman at tumuloy sa bahay ko ang dalawang magagandang dilag!” masayang sambit nito.
“Halikayo, pasok.”
Walang masyadong gamit sa bahay ng matanda pero malinis ito. May dalawang maliit na kuwarto, maliit na sala at kusina.
“Upo muna kayo at ipaghahanda ko kayo ng kape,” masayang wika niya saka dumiretso sa kusina.
Nang matapos na niyang itimpla ang kape para sa dalawa ay iniabot na niya ito at umupo sa upuang kaharap nila.
“Base sa kilos ninyo, isa kayong secret agent ng intelligence service, tama ba ’ko?” anang matanda.
Nagkatinginan sina Bria at Niña.
“Paano po ninyo nalamang secret agent kami?”
Tumawa ang matanda sa tanong ni Bria.
“Dati akong Deputy Assistant Director (DAD) ng RSIS (Ramos Secret Intelligence Service). Kaibigan ko ang ama ng inyong kasalukuyang Director. Nagkaroon ng isang hindi inaasahang pangyayari! Habang nasa misyon ako, inatake ang buong pamilya ko. Namatay ang asawa at mga anak ko kaya umalis muna ako ng RSIS at inalagaan ang kaisa-isang apo na siyang nakaligtas sa pag-atake ng mga kalaban,” kuwento ng matanda.
Nalungkot ang dalawa sa nalaman ngunit namangha rin dahil hindi nila akalain na isa pala itong dating miyembro ng kanilang ahensiya.
“Ibig po ninyong sabihin, babalik pa po kayo ng RSIS, lola?” tanong ni Niña.
Ngumiti lang ang matanda bilang sagot.
“Sino po ba kayo, lola?” tanong ni Bria.
“Deputy Assistant Director Elizabeth Mandaue,” sagot nito na ikinagulat ng dalawa.
Ang pangalan ng matandang iyon ay isa sa mga nakapaskil sa bawat sulok ng kanilang headquarter bilang pinakamagaling na mga agent ng RSIS.