Nailang si Callea sa titig ni Deive. Tuwing sinasabi nitong maganda siya, parang gusto na rin siya nitong tunawin. Kahit yata ilagay niya sa Konstitusyon ng Pilipinas na bawal siyang sabihan na maganda ay di pa rin ito mapipigil sa pagsasabing maganda siya. Tinungga niya ang gatas at naubos agad iyon. “Hindi ka pa ba inaantok? Maghapon ka nang naglinis nitong mansion.” “Hindi pa ako tapos. Marami pang parte nitong mansion ang di pa nalilinis.” Nilingon siya nito. “Sana okay lang sa iyo na maglinis ako. Dito ka nakatira. At kapag mag-asawa na tayo, dito rin ako titira. Dapat lang siguro na pagmalasakitan ko itong Villa Celesta. Baka multuhin pa ako ng Lola mo.” Natawa na lang siya. “Matutuwa pa nga siya sa iyo.” Pinagmasdan nito ang mga sketches at drawing niya na nakasabit sa dingding.

