Chapter 3

1282 Words
Maang na tiningnan ni Deive ang matandang babaeng nagsalita. Seryosong-seryoso ito at parang di mababali ang kasabihang iyon. Hanggang sa modernong panahon ay nabubuhay pa rin pala ang mga pamahiin. “Hindi po ako naniniwala doon pero salamat po. Aalis na po ako.” Mamalasin talaga siya kapag di pa siya nakarating ng Villa Celesta. Kahit na napipilitan siya sa kasal na iyon, ayaw niyang isipin ni Callea na ayaw niya dito. Baka lalong magalit ang lolo niya at pulutin siya sa kangkungan. “Saan ba ang tungo mo, amang?” tanong ng matandang babae. “Sa Villa Celesta po.” Parang iisang tao na nagsinghapan at naghugutan ng hininga ang mga ito. Iisa lang ang mababakas sa mukha ng mga ito. Matinding takot. “Ispiritista ka ba, hijo?” tanong ng matandang babae. “Gusto mo bang tulungan ang mga kaluluwang ligaw sa bahay na iyon para matahimik?” Umiling siya. Na-imagine niya ang imahe ng traditional na matatandang albularyo. Malayo sa mga iyon ang itsura niya. “H-Hindi po. Pupuntahan ko po ang babaeng papakasalan ko.” “O, Diyos ko!” bulalas ng matanda. Napalunok ang pinakamalaki ang katawan sa mga lalaking nag-iinom. “Di mo ba alam na pinamumugaran iyon ng mga multo at maligno? Haunted house iyon.” His face twitched when he tried not to laugh out loud. Multo? Maligno? Haunted house? Baka may tama na ang mga ito sa iniinom na alak. “Kailangan ko na pong umalis. Salamat po!” aniya at tangkang isasara na ang bintana ng kotse niya. “Sandali, amang.” Nagulat siya nang ilagay ng matandang babae ang kamay ulo niya. “Ilayo po ninyo ang binatang ito sa kapahamakan.” Pinagsalikop din ng mga kalalakihan ang mga palad. “Amen,” sabay-sabay na sagot ng mga ito. “Lagi kang mananalangin, amang,” wika ng matandang babae at ginagap ang kamay niya. “Huwag ka sanang iwan ng Diyos.” “Maraming salamat po.” Pusang itim na may dalang kamalasan. Haunted house? Maligno at multo? For Pete’s sake! Kung anu-ano nang technology ang nabubuo. May human cloning, plant and animal mutation. Di na uso ang mga multo at maligno. Hanggang sa mga pelikula, palabas sa TV at mga horror at fantasy books na lang iyon mababasa. Mula sa tindahang iyon ay wala na halos bahay na nakikita. Puro mga bukirin na lang ang sinisikatan ng maliwanag na bilog na buwan. Ilang sandali pa ay natanaw na niya ang matayog na bahay na nag-iisa sa dilim. Villa Celeste. It was an old house built during 1920s. It was Victorian inspired. Tatlong palapag ang naturang bahay. Mukha nga sigurong haunted house ang dating niyon sa mga karaniwang tao dahil luma na ang bahay. But for him, it was a fine and classy architecture. Parang isang kastilyo ang tutunguhin niya. Pinabagal niya ang takbo ng kotse nang malapit na siya sa higanteng gate na bakal ng Villa Celeste. Bumusina siya at binuksan ng dalawang matanda ang gate. “Maganda gabi po, Señorito Deive!” bati sa kanya ng matandang lalaki. “Ako po si Lito, ang tagalinis ng mansion. Ito naman po ang asawa kong si Poling.” Kinamayan niya ang dalawa. “Magandang gabi po.” “Kanina pa po kayo hinihintay ni Señorita Callea. Ano po ba ang nangyari at alas onse na ng gabi kayo dumating?” tanong ni Aling Poling. “Na-traffic pa po ako sa SLEX. Pasensiya na po. Gising pa po ba si Callea?” “Maaring tulog na. Wala nang ilaw sa kuwarto. Baka bukas na po kayo ng umaga magkita. Pero naghihintay po sa inyo si Marina sa may pinto.” “Sino si Marina?” tanong niya. Ang nabanggit lang ng lolo niya ay may mag-asawang katiwala sa mansion. Wala siyang alam tungkol kay Marina. “Siya po ang kasa-kasama ni Señorita Callea. Tumuloy na din po kayo nang makakain at makapagpahinga na po kayo.” Sumakay na siya ng kotse. “Sumabay na po kayo sa akin pabalik sa mansion.” Palagay na ang loob niya sa dalawang matanda. “Uuwi na po kami,” wika ni Mang Lito. “Dalawang beses sa isang linggo lang po kami pumupunta dito para maglinis ng bahay. O kaya po kung may ipapabili sa amin sa bayan si Señorita Callea o si Marina.” “Ganoon po ba?” Kung ganoon ay dalawang babae lang ang kasama niya sa bahay. Hindi ba iyon delikado? Wala bang security doon? “Huwag po kayong mag-alala, Señorito. Wala pong magtatangkang mangloob sa mansion. Takot lang po nila,” sabi ni Aling Poling. Siniko ito ni Mang Lito. “Ang bibig mo! Baka ano ang isipin ni Señorito.” “May problema po ba?” tanong ng binata. “Ang ibig pong sabihin ni Poling tinitingala ang mga Lopez dito sa Nagcarlan. Kaya po kahit na walang bantay itong bahay noon ay wala pong magtatangkang magnakaw. Mauna na po kami!” Nagmaneho na siya papunta sa mansion. He didn’t really like old houses but he admired Villa Celesta. Parang sinasamba kasi ng maliwanag na buwan ang kagandahan nito. The Lopezes tried their best to maintain its splendor. May appeal ang kalumaan ng bahay. Ayon sa Lolo Jorje niya ay mahal na mahal ni Callea ang bahay na iyon kaya dapat ay matuto rin siyang I-appreciate. Malawak ang garden at may fountain sa gitna. May matayog din na puno ng camachile. Nang bumaba siya ng kotse at pinagmasdan iyon. Sanay siya sa ilaw at kinang ng lungsod. He was not a rural boy. Pero ngayon ay na-appreciate niya ang huni ng mga kuliglig at ang katahimikan ng gabi. Napakaganda rin ng liwanag ng buwan na di niya napapansin dahil sa sobrang liwanag ng mga ilaw kapag nasa lungsod siya. Kung ganoon ay ito ang mundo ng babaeng pakakasalan niya. Very laidback. Very… Napalingon siya nang umingit ang malaking pintong kahoy. Nanghilakbot siya nang makita ang babaeng kuba. Napaurong siya. Totoo nga ba ang multo? “Sino ka?” tanong niya. Is the place really cursed? “Ako po si Marina, Señorito Deive.” “Ikaw ang pinagkakatiwalaan ni Callea?” Marahan itong tumango. “Nakatulog na siya sa paghihintay sa inyo. Pero pwede pang iinit ang hapunan kung gusto ninyong kumain.” Inilabas niya ang gamit niya mula sa backseat ng kotse niya. “Salamat na lang. Busog pa ako.” Hindi niya maintindihan kung paanong ang babaeng ito ang gugustuhing makasama ni Callea sa bahay na iyon. Di ito pwedeng bodyguard. Hindi kaya ito ang kinatatakutan ng mga tao sa bayan? Ano bang kalokohan ito? Parang pati siya ay gustong takutin. Di siya mapanghusga sa panlabas na anyo ng isang tao. Pero ngayon ay naiintindihan na niya kung ano ang kinatatakutan ng mga tao. Isang lumang bahay at isang kuba ang nakikita doon. Nagsigawa na ng kwento ang mga ito. Minsan ay sadyang malupit at mapanghusga ang mundo. “Kung ganoon ay dadalhin ko na kayo sa kuwarto ninyo,” anito at tinangkang kunin ang mga dala-dalahan niya. “Hindi na kailangan. Ako na ang bahala. Saan ang kuwarto ko?” “Pangalawa po mula sa dulo sa second floor,” sagot ni Marina. “Pumasok na po kayo at papalamig na ang gabi.” Natigilan siya sa paghakbang papasok nang maramdaman niyang may nakatingin sa kanya mula sa ikalawang palapag. Parang isang anino ng babae ang nakita niya. Iniwas niya ang tingin. Baka imahinasyon lang niya iyon. Walang ibang tao sa bahay na iyon maliban sa kanilang tatlo. Tulog na rin si Callea. Di siya dapat nagpapadala sa paglalaro ng imahinasyon niya. Pero paano niya ipapaliwanag ang kakaibang kilabot na nararamdaman niya?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD