Nakahiga na sa ibabaw ng kama si Nick nang pumasok na ako sa aming kwarto. Bahagya pa siyang nakasandal sa headboard ng kama habang may maliit na libro siyang binabasa. Nag-half bath muna ako saka nagpalit ako ng damit pantulog habang siya naman ay patuloy pa rin sa pagbabasa at ni hindi man lang ako tinatapunan ng kahit saglit lang na tingin. "Anong binabasa mo?" tanong ko nang makalapit na ako sa kanya. Dahan-dahan akong tumabi sa kanya at napausod naman siya nang kunti para makahiga ako sa tabi niya. Hinawi niya ang kumot saka ako humiga sa kanyang tabi at nang makahiga na ako ay itinakip naman niya sa akin ang kumot saka niya iangat ng kunti ang ulo ko at isinuksok niya doon ang isa niyang braso na may hawak sa binabasa niyang libro kaya ang ending, nakaunan ako sa kanyang braso. "

