~Zaina Jhin~
"Ina pasensya kana sa inasal ni JM, hindi ko alam kung bakit ganon siya ngayon dati naman ay hindi,” wika ni Jaycee habang naghuhugas kami ng kamay sa poso.
Saglit ko siyang tiningnan at napabuntong hininga.Inis na inis na talaga ko kanina at hindi ko na napigil ang sarili ko subalit ngayon ay napag isip-isip ko na sana ay hindi ko nalang siya pinatulan.Baka dahil sa ginawa ko ay lalo lamang siyang mainis sakin at maging mag kaaway pa kami.Bago lamang ako dito at ayaw kong magkaroon ng kaaway, hindi iyon makakatulong sa pag aaral ko.
“Okay lang, pasensya ka na din Jaycee naiipit ka sa aming dalawa,” wika ko sa kanya na nginitian lamang niya saka tumango.Mabait talaga ang kinakapatid kong ito at nagpapasalamat ako at narito siya sa tabi ko.
Matapos maghugas ng kamay ay pumasok na kami sa room namin sapagkat malapit nang magsimula ang klase.Nagsisimula na ring bumalik ang mga kamag aral namin at nang ilinga ko ang mga mata ko ay nagsalubong ang mga tingin namin ni JM.Saglit akong nakaramdam nang kakaiba dahil sa tingin niyang iyon sapagkat tila may kakaiba sa kanya ng mga oras na iyon.Hindi siya nakasimangot at tila sinusuri ng kanyang mga mata ang pagkatao ko.Naiilang na ako sa tingin niya buti na lamang ay nag iwas na rin ito ng tingin.
Nag magsimula na ang klase namin ay saglit kong nakalimutan ang nangyaring sagutan at titigan namin ni JM.Natutok ang atensyon ko sa mga lesson namin at hindi naman ako nahirapan sapagkat ang totoo ay natalakay na namin sa dati kong school ang ilan sa mga ito.Nang ang subject na English na ang aming klase ay nagtutok kami sa pagbabasa ng mga tula at dahil sa sanay na akong magbasa ay hindi na ito naging mahirap para sa akin.Puro papuri ang natatanggap ko sa aming guro maging sa ilang mga kamag aral ko at talagang nakakataba ng puso.May ilan naman akong kaklase na nakikita kong sumisimangot sa tuwing pinupuri ako, isa na riyan si Janine na sinasabi ni Jaycee na siya ang nangunguna sa klase bago pa ako dumating.Hindi ko nais na kalabanin siya pero pagdating sa pag aaral ay hindi ko iyon maiiwasan, sana lamang ay hindi ko siya maging kaaway gaya ni JM.
“Aba mahusay ka din pala sa math Zaina Jhin,” tuwang tuwang papuri ng guro namin matapos kong magsagot sa blackboard.Nahihiya pa akong ngumiti dahil nagpalakpakan pa ang ilan sa mga kaklase ko.
“Wala na inlove na talaga ako sayo Ina,” biglang banat ni Archie na lalong nagpaingay sa mga kaklase ko.Tumayo pa ito at nag flying kiss sa akin, natawa na lang din ako dahil sa kalokohan nito.
Nagpatuloy kami sa pagsagot at ang ilang mga kaklase ko ay sumubok din.Nakiusap pa si Mam sa akin at sa iba naming kaklase na turuan ang mga kaklase namin na hindi makuha ang lesson namin.Nalaman ko na ganito ang gawain dito, kapag mayroong hindi makuha ang lesson ay tutulungan ng mga mag aaral na nakakaalam.Unti unti ko nang nagugustuhan ng sobra ang paaralang ito dahil lahat ay may pagkakataong matuto sa pagtutulungan ng lahat.
Habang nagtuturo kami ay nakita ko si JM na nakatanga lang at hindi tinuturuan ang kamag-aral naming nakatoka sa kanya.Napailing na lamang ako at hindi nako nakialam sapagkat ayaw ko ng g**o baka mamaya ay mag away na naman kami.
Hanggang ngayon ay hindi ko parin alam kung bakit tila galit na galit siya sa akin dahil lamang sa taga-Maynila ako.Hindi ba talaga ko welcome dito? Bigla akong nalungkot dahil sa isiping hindi na ata kami magkakasundo, sayang at merong part sa akin na gusto ko siyang maging kaibigan.Aaminin kong humahanga ako sa kanya sa kabila ng magaspang niyang pag-uugali sa sakin.Hindi ko alam pero kakaiba siya sa mga kamag aral ko, at naiintriga ako sa kanya.
Pinagmasdan ko pa siya at nagulat ako nang napatingin din siya sa akin.Hindi ko magawang alisin ang tingin ko sa kanya dahil nabigla ako.Doon ay nakita ko ang kanyang magandang mata na may natural na kulay.Ang pinagtataka ko ay tila biglang nagbago ang awra ng mga mata niya, kung noong una ay laging inis at tila nag-aapoy ito sa galit ngayon ay parang payapa ito at tahimik.
Nabalik ako sa aking sarili ng tawagin ako ni Mam Sheena at kakausapin daw ako.Tumayo na ako upang sumunod pero nilingon ko pa si JM pero wala na ito sa pwesto niya at hindi ko alam kung lumabas ba ito.Nagtungo na lamang ako kay Mam at hindi ko na siya hinanap pa.
“Ina ano sabi sayo ni Mam kanina?” tanong sa akin ni Jaycee habang naglalakad kami pauwe.Bigla kong naalala ang pag-uusap namin ni Mam at napangiti ako.
“Gusto ko daw bang sumali sa drawing contest,” sagot ko sa kanya.
“Wow talaga? Diba mahilig ka mag drawing? Sumali kana,” natutuwang sambit niya na nagpangiti rin sa akin.Tama si Jaycee mahilig akong magdrawing kayat labis ang tuwa ko nang alukin ako ni Mam Sheena kanina.Ang sabi niya pa ay may dalawang buwan daw ako para magpractice kaya naman pumayag na ako agad at bukas ay simula nang pag papractice ko.
“Oo Jaycee sasali ako, heto nga at dala ko na ang mga gamit para sa pagpractice ko.” Masaya kong balita sa kanya.Lalo itong natuwa at nagmadali na kami sa pag uwe para daw makapag practice na ako.Habang pauwe ay naroon ang ngiti sa aking mga labi dahil sa bagong simula ng buhay ko.Nararamdaman kong magtutuloy-tuloy na ito at dasal ko nawa na pahintulutan ito ng Panginoon.
Ako nga pala si Zaina Jhin Cruz o mas kilala sa pangalang Ina.Panganay na anak ako at may dalawang kapatid na babae.Mula nang magkaisip ako ay nahilig na ako sa pag aaral kaya kahit 7 taon pa lamang ako ay madami na akong alam.Kailangan kong matuto dahil alam kong edukasyon ang makakatulong sa akin sa pagkamit ng mga pangarap ko.Madami nagsasabi na bata pa daw ang edad ko subalit ang isip ko ay parang isip na nang matanda.Hindi ko rin alam kung paano nangyari,basta ang alam ko lang ay kailangan kong matuto at dapat na palaging unahin ang kapakanan ng pamilya ko.Siguro nga ay tama sila, matanda na talaga ako, at napunta lang sa katawan ng isang bata.
Hindi naging madali para sa akin ang lahat, lagi kaming palipat-lipat ng bahay noon at naranasan ko pa nga ang mahinto sa pag-aaral bagay na kinasama ng loob ko.Pero dahil sa bata pa ako at mahal ko ang mga magulang ko ay sumusunod lamang ako sa mga nais nila.Ngayon nga ay heto na naman kami sa probinsya at sa totoo lang ay kinabahan ako sa pag uwe namin dito.Batid ko naman na wala kaming kabuhayan dito sa probinsya at gaya sa Maynila ay makikipagsapalaran na naman kami ngayon.
Noon pa man ay mulat na ako sa kahirapan ng buhay namin.Kapwa hindi nakatapos ng pag aaral ang mga magulang ko at napakahirap para sa kanila ang makahanap ng maayos na trabaho.Sa tuwina ay nakikita ko ang paghihirap nila at habang lumalaki ako ay lalong nadadagdagan ang paghihirap na dinadanas nila.Kayat kahit hindi ko sigurado kung kaya ko, tinalaga ko na ang sarili ko sa responsibilidad na iaahon ko sa hirap ang pamilya ko at gagawin ang lahat para mabigyan sila ng maayos na buhay.Para makamit ko iyon ay batid kong kailangan kong mag aral mabuti at nagpapasalamat ako dahil umaayon sa akin ang tadhana.
“Hi Zaina Jhin.”
Naputol ang mahaba kong pag iisip nang may tumawag sa akin mula sa aking likuran.Kasalukuyan kaming nag-garden at nakakatuwang matapos ang isang linggo ay buhay na ang tanim namin.Hinintay kong magsorry sakin si JM subalit wala akong napala.
“Ina?”
“Ano iyon,” wika ko nang muli akong tawagin nung batang lalaki na ngayon ay nasa harap ko na.Hindi ko ito kamag aral kayat natitiyak kong sa ibang grade ito galing.
“Ako nga pala si Carl, grade 2 ako, ang ganda mo pala talaga.Para nga pala sayo,” sunod sunod niyang wika sabay abot sa akin ng mga atis na naka plastic sabay takbo.Napa-iling na lamang ako at napatingin sa gilid ko na puno ng mga prutas na bigay ng mga mag-aaral din dito.Mula kaninang umaaga ay ang daming nagpapakilala sa akin at madami na rin akong naiipong prutas.Ilang linggo lamang ang lumipas ay naging matunog ang pangalan ko dahil sa sunod-sunod na papuri ng aking guro dahil daw mahusay ako sa academic.Nahihiya naman ako sa tuwing may pumupuri sa akin kayat tanging ngiti at salamat lamang ang naitutugon ko sa kanila.
“Ina pahinge ah.”
Napatingin ako ay Jaycee na tuwang-tuwa habang tinitingnan ang mga prutas na bigay sa akin.Hindi ko alam kung ano bang meron sa akin at ang daming nagkakagusto.Hindi kase ako nagagandahan sa sarili ko,sapagkat simple lamang naman ako,hindi kaputian ,hindi katangkaran at payat pa.Kahit pa lagi nilang sinasabi na maganda ako ay hindi ko magawang maniwala sapagkat ayokong dumating ang araw na lahat na lamang nang sinasabi sa akin ay paniniwalaan ko.Natutunan ko na ang salita ng tao ay makapangyarihan at kaya ka nitong linlangin.
“Sige lang Jaycee kunin mo ang lahat ng gusto mo, patulong na din ako sa pagdadala niyan ah.”
“Oo naman, ikaw pa ba, malakas ka sakin,” sagot nito habang kumakain na.Napangiti na lamang akong muli at pinagpatuloy ang pagdadamo sa garden namin.
Nang matapos ang pagga-garden namin ay umuwe na rin kaming lahat at gaya nang napag usapan ay tinulungan ako ni Jaycee sa pagdadala ng mga prutas hanggang sa bahay namin.Pagdating sa bahay ay agad ko nang ginawa ang mga gawain ko sa bahay.Mag-isa lamang si Nanay sa pag aalaga sa mga kapatid ko kayat hindi niya magawa ang lahat ng gawain.Kayat pagdating ko ay ako ang naghuhugas ng pinggan at dahil sa maliit nga ako ay kailangan ko pang tumuntong sa upuang gawa ni tatay.Matapos kong mag hugas ng pinggan ay babantayan ko naman ang mga kapatid ko para makapagluto si nanay.
Agad kong kinuha ang notebook ko at hinanap ang tulang kailangan kong kabisaduhin saka ko kinuha si Vina at binuhat habang si faye ay naglalaro.Habang buhat ko si Vina at nagsimula nang magluto si nanay at ako naman ay nagsimula na ring magkabisado.Ang totoo ay nahihirapan ako sa pagbubuhat kay Vina dahil ang bigat nito subalit dahil ayaw kong umiyak ito ay pinagtatyagaan kong buhatin ito habang nagbabasa.
Padilim na nang matapos magluto si nanay at sakto naman ang dating ni tatay galing sa bukid.Tahimik lamang si tatay nang pumasok sa bahay at nang sundan ko ito ng tingin ay nagtungo ito sa aming paliguan at doon ay naghugas ito ng paa saka lumapit si nanay na may dalang maligamgam na tubig.Napa-aray si tatay habang naghuhugas ito ng paa bagay na nagpakirot sa aking puso.
Malalim na ang gabi subalit hindi parin ako makatulog.Naalala ko parin ang nangyari sa paa ng tatay ko.Tila naririnig ko ang pag-aray niya kanina na gawa ng mga sugat sa kanyang paa.Kanina nang pagmasdan ko ang paa ni tatay ay puro hiwa iyon dahil nag-araro siya sa bukid at madami daw kuhol kaya hindi maiwasang matapakan niya ito habang nag-aararo sa putikang bukid.
Tumulo ang luha ko habang naaalala ang itsura ng tatay ko.Mula nang umuwe kami dito sa probinsya ay dobleng hirap na ang dinanas nila ni nanay.Ang nanay ko ay nararanasang mag-igib ng tubig sa malayong poso dito sa amin upang hindi na si tatay ang mag-igib dahil pagod na ito.Ang tatay ko naman ay palaging may sugat dahil sa pagbubukid.
Mahirap lamang kami at dahil wala kaming sariling lupa na maaaring pagkakitaan ay kailangang magtiis ng mga magulang ko sa ganitong trabaho.Pinahid ko ang aking luha na tuloy tuloy ang pagbagsak.
“Balang araw, magiging maganda rin ang buhay ng pamilya ko at ako ang gagawa ng paraan.” Bulong ko saka ako nahiga at yumakap sa aking mga kapatid.