Levi's POV:
Pauwi na kami ni Milan mula sa eskwelahan. Lumipat ako ng school, ako na mismo ang nagbabayad ng tuition ko. Patapos na rin naman ang taon at isang grading na lang. Grade 10 na ako sa susunod na pasukan. Si Milan naman ay college na sa pasukan, nalaman kong balak niya palang maging isang boat magnate. Kukuha raw ulit siya ng scholarship dahil paniguradong napakamahal ng matrikula no'n. Hanga ako sa kasipagan at talino ni Milan. Bihira lang ang pinagpalang gaya niya. Para siyang si Kuya Mission na kambal ko, pareho silang matalino at maparaan. Hindi ko nga lang alam kung magkakasundo sila dahil pareho silang medyo snob at mainitin ang ulo pagdating sa mga bagay.
May apat na buwan na rin akong hindi umuuwi sa amin. Wala akong balita sa pamilya ko, maging sila sa akin. Malayo na rin ako kila Misty, Friday, Cloud, at Rewerd. Minsan naman na kaming nagkita ni Rewerd at nagkakwentuhan. Sa apat kasing magtotropa ay siya ang pinakatotoo sa akin. May tiwala naman akong ililihim niya ang totoong nangyari sa akin. Pinalabas kasi ni Kuya Mission na pinadala ako sa ibang bansa para doon mag-aral at turuan ng leksyon. Kahit pasaway ako ay mahal na mahal ako ni Kuya Mission. Nagpapasalamat ako sa kaniyang hindi niya ako ibinuking. Ayaw niya sigurong mabully ako at madagdagan pa ang bigat na nararamdaman ko. May karapatan pa rin naman akong malungkot kahit ako ang may kasalanan.
"Manong, sa may Langka lang ho, kanto lang. Dalawa ho kami," pagpara ni Milan sa isang tricycle.
Agad namang tumango ang driver kaya sumakay na kami ni Milan sa loob. Sa isang hindi sikat na private school ako nag-aaral, habang siya ay doon pa rin sa dati dahil scholar siya. Gusto niya pa nga akong samahan ngunit tumanggi ako. Mas maganda ang magiging record niya kung roon siya papasok. Isa pa, sayang din.
Tahimik lang ako sa buong byahe dahil sa pagod. Nagtatrabaho na rin ako gaya ni Milan. Isa siyang agent online na nagrerefer ng mga produkto at nag-aayos ng data ng isang maliit na negosyo. Ako naman ay pinasok ko ang pagsusulat ng mga nobela, nalaman ko kasi ang Dreame sa isa kong kaklase. Maganda ang inaalok nilang pera para sa mga nobela kaya sinubukan ko iyon. Nakakontrata naman ako sa kanila at nakapasa. Naipagsasabay ko naman ang pag-aaral ko at pagsusulat. Natuto na talaga akong magtipid at malaman kung gaano kahirap ang buhay. Nakahiligan ko na rin ang pagsusulat ng mga nobela. Iyon ang ginagawa kong pang-aliw at pampalipas oras. Pampalipas lungkot na rin at iwas boredom.
"Ayos ka lang ba? Gutom ka na ba? Bili tayo mamaya ng hilaw na manok doon sa kanto, ipagluluto kita ng fried chicken. Syempre may sabaw ng sinigang mix na rin para may sabaw tayo. Paborito mo iyon 'di ba?" nakangiting tanong ni Milan at hinila ako palapit sa kaniya.
Napangiti naman ako at sumandal sa balikat ni Milan. Hinalikan naman niya ang tuktok ng aking ulo. May tatlong buwan mahigit na kami ni Milan na mag-on, may relasyon na kami. Magshota na kami kumbaga. Sino ba naman kasi ang hindi mahuhulog sa isang katulad ni Milan na ubod ng gwapo, bait, at sobrang sipag pa? Syempre maganda rin naman ako at mabait. Pasaway lang talaga at medyo problemado sa ugali at sarili ko.
"Sige ba! Mukhang masarap na naman ang hapunan natin ah. Mukhang marami rin ulit akong makakain. Galingan mo ang pagluluto ha. Impress me babe," masaya kong sabi.
"Lagi ka namang impress sa akin. Titigan pa nga lang kita kapag nasa bahay tayo ay halos mangisay ka na sa kilig," natatawang asar sa akin ni Milan kaya nahampas ko ang kaniyang balikat.
Maya-maya pa ay nakarating na kami sa kanto ng Langka. Lumipat kami ng apartment, sa likod lang naman ng dati. Bale kabilang street lang. Mas mura kasi rito kumpara doon sa kabila. Napakababa na sa halagang 1,200 pesos. Tropa naman ni Milan ang may-ari ng paupahan. Dati niya palang napagtrabahuhan at boss niya rin noon sa junkshop.
Bumili kami ng hilaw na manok kila Aling Tessy para may hapunan kami. Bumili na rin kami ng kalahating kilong baboy, kalahating kilo ng atay ng manok, at dalawang kilong paa ng manok. Bumili na rin kami ng ilang gulay maging mga pampalasa. Bumili kasi ako ng maliit na refrigerator para may lagayan kami ng pagkain. Paborito ko rin kasing uminom ng malamig na tubig.
Nang makapasok kami sa aming maliit na apartment ay napaupo ako sa kawayang upuan dito sa sala. Nakakapagod ang araw na ito, talagang sumakit ang katawan ko. PE kasi namin kanina sa school.
"Magpalit ka na ng damit at maghinaw, mamaya na ako pagkatapos mo. Sa banyo ka na magbihis ha. Magluluto na ako rito at mag-aasikaso ng mga pinamili natin," nakangiting sabi ni Milan at hinalikan ang aking noo.
Tinanguhan ko naman si Milan at pumasok sa silid naming dalawa. Maliit lang ang apartment namin, mas maliit doon sa dati. Mas masikip ang sala at tapat na mismo no'n ang kusina. May labas naman kami sa dulo na parang maliit na hardin na sampayan at bago lumabas ay nandoon sa tabi ang banyo. May bukod namang pinto para sa kwarto namin ni Milan. Magkatabi kaming dalawa na kung matulog. Noong una ay nagkakahiyaan pa kaming dalawa. Nakasanayan na rin, wala namang nangyayari sa amin dahil bata pa kami. Isa pa, nirerespeto ako ni Milan. Hanggang hug at kiss lang kami 'no.
Kumuha ako ng short, panty, at t-shirt bago lumabas ng kwarto. Sa banyo na ako maghuhubad dahil ayaw ni Milan na gumagala akong nakatapis ng tuwalya. Gusto niya ring sa banyo na ako mismo magbihis. Baka raw may ibang nakasilip mamaya at makita ako. Natatawa na lamang ako minsan kay Milan na may kasamang kilig. Concern na concern sa akin at super protective.
Binati ko si Milan at hinalikan sa pisngi bago ako maghinaw ng katawan. Matapos kong maghinaw ay nagpunas ako ng katawan, nandito na rin sa banyo ang tuwalya ko. Nagbihis na rin ako bago lumabas ng banyo.
"Tapos na ako, babantayan ko iyang niluluto mo. Maghinaw ka na rin para mamaya ay manonood na tayo ng TV," nakangiting sabi ko kay Milan.
Nakatagilid siya sa akin at lumingon. Napatingin pa siya sa dibdib kong bakat at napalunok. Natawa na lamang ako kay Milan at hinampas ang kaniyang braso.
Napakagwapo ni Milan. Malapit na itong mag-18 ngunit talagang matured na siya kung tingnan. Napakalakas ng lukso ng lahi ni Milan sa kaniyang katawan. Half din naman ako dahil half si mom, ganoon din si dad pero mas mukhang matured si Milan. Saka mas matanda talaga siya sa akin kaya ganoon. Half-italian si Milan kaya halata ang sharp features niya.
"Wala ka na namang suot na bra," sita ni Milan sa akin.
"Aa naman, hayaan mo na ako. Presko kasi kapag wala, hindi ako makahinga ng ayos kapag may suot. Isa pa nasa bahay lang naman tayo," paliwanag ko.
Napa-ismid na lamang si Milan at niyakap ako. Niyakap ko naman siya pabalik. Nagpaalam na si Milan na maghihinaw ng katawan kaya tinanguhan ko na lamang siya. Binantayan ko ang kaniyang niluluto na luto na rin naman. Iniahon ko na ang tatlong piraso ng manok sa mantika at inilagay iyon sa mangkok. Pinatay ko na rin ang gasul, luto na ang sinigang ni Mission na sabaw lang. Masarap naman, masarap pa nga kaysa sa sinigang na may lahok na karne. Ang laman lang no'n ay sibuyas, kamatis, at bawang. Mas gusto ko pa nga iyon na iulam madalas. Sarap ipartner sa kahit anong pritong ulam.
Naghain na ako sa aming sala pagkatapos ay binuhay ko ang TV. Nakabili rin kami ni Milan ng second hand na flat screen TV. Nakita niya nga ito noon sa junkshop at nirepair lang niya. Napakagaling talaga ni Milan at matipid. Ang dami niya ring alam pagdating sa pagkukumpuni.
Naitatabi ko rin ang aking pera at naiipon pa. Nagbayad lang ako noong nakaraan ng tuition na naka-full payment na. Ako rin ang nagprisintang magbayad ng tubig at kuryente namin.
Matapos ni Milan na maligo ay umupo siya sa tabi ko. Binuksan namin ang bintana dahil mainit, isa lang kasi ang electric fan namin para tipid sa kuryente. Nasa kwarto iyon.
Hubad si Milan at nakashorts lamang. Iginapang ko naman ang aking kamay sa kaniyang hubad na abs. Napakagat labi si Milan at sinaway ako. Tinawanan ko naman siya at hinalikan sa pisngi.
"Kumain ka na dahil mamaya ay magtatrabaho pa tayo at gagawa ng mga assignment. Damihan mo ang kain dahil marami talaga akong iniluto para sa 'yo," masayang sabi ni Milan kaya napangiti rin ako.
Masigla kaming kumain na dalawa. Minsan ay nagsusubuan pa kami kaya kinikilig ako kay Milan. Kay Milan ako natuto na magpahalaga sa mga simpleng bagay at ilayo ang buhay na marangya. Natuto ako sa kaniyang maging masipag, tumayo sa sariling paa, at maging masinop. Kung wala si Milan ay paano na lamang ako? Baka kung saan na ako pinulot. May natutunan din akong leksyon sa mga magulang ko.
Napakaswerte ko kay Milan. Wala na nga akong mahihiling na iba pa. Balang araw ay mapapatunayan ko sa aking mga magulang na nagbago na ako. Ipapakilala ko rin sa kanila si Milan at magiging legal ang relasyon naming dalawa.
Matapos naming kumain ay ako na ang naghugas ng plato. Nagset-up naman si Milan sa lamesa namin ng aming mga gamit. Inayos niya na rin ang aking laptop maging ang kaniya dahil magtatrabaho na kaming dalawa.
"Walang lambingan? Trabaho na agad?" nakanguso kong tanong matapos kong maghugas ng aming pinagkainan.
"Babe, mamaya na. Marami tayong oras bago matulog. Kailangan ko kasing maihabol ang chart sa boss ko. I love you, upo ka na rito sa tabi ko," nakangiting sabi ni Milan kaya hindi ko naiwasang mapangiti.
Tumabi ako sa kaniya at nagtrabaho na kaming dalawa. Sa nakalipas na apat na buwan ay ganito ang sistema naming dalawa. School, kain, ligo, trabaho, at tulog. Minsan ay nahahabol pa ang lambingan moments. Kinikilig na lamang ako. Nakagat ko na naman tuloy si Milan sa balikat. Nagkunyari na lamang ako na hindi iyon alam at pinagpatuloy ang aking trabaho.
Napangiti na lamang ako habang nagsusulat ng nobela. Kahit na noong una ay nahirapan ako at halos mawalan ng pag-asa, sinagip ako ni Milan at tinulungan. Siya ang aking masipag at gwapong prince charming.