KASALUKUYANG naglalakad siya sa pasilyo ng bahay ni Markus kung saan dinala siya roon upang maging bahagi ng organisasyon nito. Tagumpay siyang nakapasok at umaktong gustong-gusto niya ang mga gagawin niya ayon na rin sa kaniyang mga plano. Patungo na sana siya sa pool side nang marinig niya ang isang usapan na siya ang laman.
“Sino ang babaeng ito na napulot ni Markus sa Casino? Baka pipitsuging babae lang na pera lang ang habol sa grupo. Baka sumabit pa tayo niyan,” wika ng isang lalaking matikas ang tindig at medyo singkit ang mata.
“Hindi siya pipitsugin lang, Boss Quatro,” tugon ni Franco na nakilala niyang tauhan ni Markus. “Sa katunayan nga niyan ay binugbog niya lahat ng mga kasamahan ko nang bigyan siya ng pagsubok ni Boss Uno. Hayun, hanggang ngayon ay masakit pa rin ang mga panga nila at ulo. Mukhang kakaiba ang isang ito.”
“Kakaiba? Isang escort na marunong ng self-defense?” Sabay tumawa ang isa pang lalaki na matikas din ang tindig at halatang kasing-edad lang ni Markus. “Baka pakawala siya ng mga kalaban natin sa negosyo o kaya ay NBI. Markus trusted that woman? Damn it. Nasaan ba si Markus at gusto ko siyang makausap. Hindi pwedeng magpasok lang ng kung sino sa grupo na hindi pa dumaan sa kilatis namin.”
“Nasa kwarto pa niya at maya-maya lang ay lalabas na iyon. Hintayin niyo na lang siya rito sa pool side,” muling wika naman ni Franco sa mga ito.
Boss Quatro? Hmm. Mukhang may codename pa ang grupo. Kung si Markus ang uno, maaaring ang ibang miyembro ay de numero din ang tawag. Bahagya siyang napaatras upang magkubli sa kinaroroonan niya. Ayaw niyang makita siya ng mga ito lalo na ngayong hindi pa lubusang tanggap ng mga galamay ng binata ang pagpasok niya sa organisasyon.
Akma na sana siyang babalik sa kaniyang silid upang hintayin na lang sana niyang ipatawag siya ngunit nagulat na lamang siya nang napalingon ay mukha ng binata ang nabungaran niya. Markus?! Hindi siya sanay na mahuli sa ganoong pagkakataon kaya mabilis din siyang nag-isip kung paanong hindi ito mag-isip ng masama sa kaniya.
“H-Hi!” bati niya sabay ngumiti rito. “H-Hindi ko sinasadyang marinig ang usapan nila,” pagdadahilan niya.
“I know,” seryosong tugon agad nito sa kaniya. Napasulyap pa ito sa dalawang lalaking nasa pool side saka sumulyap sa kaniya. “Fix yourself and I will introduce you to them.”
“Okay. Uhm, Markus. I really need this job. Sabi ko nga ay hindi ako pakawala ng kung sino at desisyon ko na itong sumali sa grupo mo. Kaya kong patunayan ang loyalty ko sa inyo. Peksman! Cross my heart!” Inakto pa ng kamay niya ang huling mga sinabi niya rito para lang maniwala ito.
Isang malalim na tingin na naman ang pinakawalan ni Markus sa kaniya. But this time, sinalubong na niya ito. Kung ibang tao lang itong si Markus sa paningin ay may chance na magkagusto siya rito pero hindi iyon ang kasalukuyang estado ng binata. Hindi rin iyon ang pakay niya kaya hangga’t maaari ay hindi niya isasama sa misyon ang kung anong damdamin niya rito.
“Let’s see. Just fix yourself then.” Matapos nitong titigan siya ay nilagpasan na siya upang puntahan ang dalawa.
Siya naman na sinundan na lang ng tingin ang binata at maya-maya lang ay muli siyang bumalik sa kaniyang kwarto.
Sa ngayon ay magpapatianod muna siya sa daloy ng pagkakataon na mayroon siya. Gagamitin niya lahat ng kaniyang mga nalalaman upang makuha niya ang hustisyang inaasam. Hindi rin siya titigil sa paghahanap ng ebidensiya laban sa mga taong pumatay ng kaniyang amain.
DINALA siya ni Markus sa isang building kung saan nagpupulong ang kaniyang grupo. Kaliwa’t kanan ang seguridad sa paligid kasabay ng mga tauhan nito. Halos mabali na nga ang leeg ng mga tauhan ng binata sa kakatitig sa kaniya dahil tanging siya lang ang babaeng naroon maliban sa mga utusan.
Nagmamasid lamang siya habang naglalakad kasabay si Markus at ilang mga natuhan nito. Hanggang sa dumako sila sa isang malaking kwarto kung saan may mas maraming tauhan pa ang mga naroon.
Nakasuot sila ng pormal suit na animo’y mga business tycoon. Ang ilan sa kanila ay kilala pa niya na minsan na rin niyang nakita sa mga diyaryo dahil sa kaliwa’t kanang negosyo.
“Boss Uno!” bati ng mga naroon.
“Mabuti at nakarating ka,” wika ng lalaking may edad na rin saka ito sumulyap sa kaniya.
“Maupo ang lahat,” seryosong utos ng binata.
Kaniya-kaniyang naghanap ng puwesto ang mga ito at siya naman na nakakita ng bakanteng upuan. Hindi niya gusto ang mga tingin ng iba at bulong-bulungan pa ang tungkol sa kaniya. But the again, naging kampante lang siya at ipinakita na hindi siya apektado sa mga ito.
“Hindi na ako magpaligoy-ligoy pa,” panimula ni Markus. “Nandito tayo para sa isang pagpupulong tungkol sa namayapa nating kasama at ang papalit sa kaniya. I told you before na kung makakita man kayo ay gusto kong babae na. And I want to meet everyone, Mary.”
Napalunok siya. Ngayon nasa kaniya na ang sentro ng atensiyon ng mga ito lalo na ang tingin sa kaniya ng isang lalaking nagtungo sa bahay ni Markus kanina.
“Uno, kanina pa kita gustong kausapin tungkol sa kaniya. Bali-balita ang ginawa niyang paglampaso sa mga tauhan mo. Hindi mo pa nga nakilatis ang babaeng iyan at baka pakawala iyan ng mga kalaban natin,” pagtutol ni Dos.
“I agree,” wika naman ni Sais. “Boss, alam kong gusto nating palitan si Tres pero sa paanong paraan tayo nakakasiguro na tapat ang babaeng iyan. At saka sa Casino mo lang siya nakilala.”
“I decided this and I know what the better of this group is. Now, kung niyong tanggapin si Mary bilang si Tres, I won’t please everybody. Pero buo na ang desisyon kung isama siya sa grupo.”
“Well, if that’s the case, papayag naman kami. Siguro ay kailangan lang namin makasama si Mary sa maiinit na sandali upang tapat at malinis ang hangarin niya sa grupo,” ngising sabat ni Quatro.
“May point si Quatro. Agree din naman ako kung sakaling makilala namin si Mary nang lubusan,” sang-ayon ni Syete kay Quatro.
“What if magbotohan na lang tayo para patas ang lahat,” suhestiyon ni Singko.
Kinakabahan na siya. Hindi na maganda ang naging takbo ng usapan sa loob. Hindi sang-ayon ang iba ngunit ang iba naman ay pabor naman. Lamang ay kailangan ng mga itong makasiguro na tapat nga siya sa grupo. Sige lang. Pagkaisahan niyo ako, mga hangal.
Bahagya siyang sumulyap kay Markus na noon ay tahimik lang habang nagmamasid sa mga nagkakagulong mga kasama nito. Ni hindi man lang ito tumutol sa mga plano ng mga itong tila titikman siya. Kung sakali man na iisa ang pagdedesisyunan ng mga ito ay doon na siya aalma.