PROLOGUE
Nagulat ako sa paglapit ng mahiwagang bubble sa kinaroronan ko. Anong nangyayari? Bakit nasa tapat ko ang simbolong ito?
Inikot ko ang paningin ko sa aking paligid at makikita sa mukha ng lahat ang gulat at pagtataka. Hindi kailanman nagkamali ang Deity Naruu sa kanyang pagpili kung kaya’t maraming nagtataka dahil sa unang pagkakataon, sa isang mababang taong katulad ko tumapat ang mahiwagang bubble na siyang magiging daan sa kinabukasan ng kahariang ito.
“What the hell is happening?”
“This can’t be, she’s a commoner.”
“Baka napadaan lang ang bubble hintayin natin umalis sa pwesto ng babaeng yan.”
“Babagsak ang ating kaharian kung ang mababang babaeng iyan ang mapipili.”
Sari-saring bulong ang maririnig dahil sa nangyari. Nagkakagulo na ang lahat. Ang mga guwardiya na nakadestino sa gilid ay unti-unti ng lumalapit sa mga mamamayan upang patahimikin ang mga ito. Pinihit ko ang aking paningin sa unahang bahagi at nahagip ng mata ko ang tingin ng mga Lady in Waiting, mga babaeng nagmula sa malalakas na pamilya. Labindalawang babae na pinalaki sa kaalamang balang araw sila’y mapipili bilang tagapagmana ng trono. Makikita sa tingin nila ang pagtataka, pagkamuhi at pagmamataas.
Inalis ko ang tingin ko sakanila at tumingin sa reyna ng aming kaharian. Nakatayo ito sa isang mataas na stage kung saan makikita siya ng lahat, nasa kanyang likod ang dragon na nagsisilbing tagapayo at siyang kilala bilang Deity Naruu. Ang pinakamatandang dragon. Ang isa sa mga diyos ng aming kaharian. Nakatingin ang reyna sakin na may kislap sa kanyang mga mata. Para bang natutuwa siya na sa akin nakahinto ang mahiwagang bubble.
Tumingin ako kay Deity Naruu, naghihintay ng sasabihin sa kaguluhang ito. Ang dragong ito ay kulay puti, nagniningning ang kanyang mga kaliskis kapag nasisinagan ng araw na para bang kakaahon niya lamang sa dagat. Ang kanyang puti na may gintong buhok ay kaysarap tignan at mukhang masarap hawakan sa lambot nito. Ginto ang mga mata niya na para bang hinihigop ang iyong kaluluwa. Tahimik siyang nakamasid sa mga mamamayan at tumagal ang tingin niya sa mga Lady in Waiting bago lumihis ang kanyang paningin sa akin.
Tinignan niya ako mula ulo hanggang paa, at pabalik tsaka niya ako tinitigan ng matagal sa mata. Pagkatapos ng matinding pagtititigan na pakiramdam ko ay umabot ng ilang oras, ngumiti siya sa akin. Lumipad siya patungo sa gawi ko na siyang kinatahimik ng mga tao sa buong sentro ng siyudad. Lahat ay nakaabang sa susunod na sasabihin at gagawin ng dragon at halos walang humihinga sa amin.
“Long live new queen of Auxthen.” Ang sabi ng dragon na siyang sinundan ng lahat.