PROLOGUE
Pulang-pula na ang langit.
Mula sa ikaapat na palapag ng ospital, kitang-kita ko kung paanong unti-unting nilalamon ng gabi ang huling sinag ng araw. Ang mga gusaling bakal sa labas ay mistulang nakasabit na anino, malamig, walang buhay. Parang ako.
"Clara, tapos na ang shift mo. Umuwi ka na. Ang haggard mo na, girl." Mahinang tawa ang narinig ko mula sa likod.
Si Nurse Rina. Isa sa iilang tao na marunong ngumiti sa ospital na ito.
Ngumiti ako pabalik, pero manipis lang. Halos hindi gumalaw ang labi ko. "Saglit lang. Hintayin ko lang ‘tong results ni Noel. Para sa dialysis niya bukas."
"Ikaw na talaga ang big sister of the year." Umiling siya, pero ramdam ko ang awa sa tono niya. “Pero ‘wag mong ubusin sarili mo. Hindi ka makina.”
Hindi ako sumagot. Hindi rin kasi ako marunong sumagot sa mga ganung klaseng kabaitan. Masyado akong nasanay sa pagmamadali, sa paggising ng wala pang tulog, sa pagtitiis ng gutom para may maiuwi kay Noel. Sa mga ganitong salita—na parang alok ng pahinga hindi ko alam kung paano tumanggap.
Sa totoo lang, hindi na ako sigurado kung ano pa ‘yong pakiramdam ng mabuhay para sa sarili.
Pag-uwi ko ng bahay, sira na naman ang ilaw sa kusina. Tulo-tulo rin ang gripo. Ang amoy ng gamot at kaning babad ang unang sumalubong sa akin.
“Nay?” tawag ko, habang hinuhubad ang sapatos.
Walang sumagot. Malamang nasa kwarto pa si Noel. Doon lang sila lagi ang nanay ko, binabantayan ang bunso naming may sakit. Mula nang mawalan ng trabaho si Mama, ako na lang ang sumasalo ng lahat.
Tatlong trabaho. Isang katawan.
Tiningnan ko ang ref isang lata ng sardinas, isang itlog, at kalahating tubig sa pitcher.
Napakagat ako sa labi ko. "Bukas na lang ako kakain."
Umupo ako sa lumang upuan sa kusina. Yung sandalan niya ay medyo sira na, kaya pakiramdaman mo dapat ang pagkiling. Hindi ka puwedeng basta basta umasa na kakapit siya.
Parang buhay ko.
Kinagabihan, habang natutulog ang lahat, bumangon ako para mag-ayos ng mga bayarin.
Water bill. Electricity. Utang kay Aling Dory sa kanto. Bayad sa gamot ni Noel. Yung isang sachet ng gamot niya na kailangan araw-araw, dalawang daan isa.
Kada calculator pindot ko, parang tinutusok ako ng realidad. Mas malaki ang kailangan kaysa sa meron. Mas marami ang dapat unahin kaysa kaya kong unahin.
Hindi ko na rin alam kung paano pa ako titigil. Kung saan ba ako puwedeng huminto. O kung may karapatan ba akong huminto.
Hindi ko na matandaan kung kailan ako huling umiyak. Masyado nang mahal ang luha para ibuhos.
Pero minsan… pag tulog na silang lahat, hinahayaan ko na lang.
Kagaya ngayon.
Nakahawak ako sa lumang desk ni Papa. Patay na siya. Iniwan kaming tatlo, halos wala nang iniwan kundi utang. Pero ang lamesang ito? Nanatili. Luma, gasgas, kalawangin ang ilalim. Pero andito pa rin.
At ako rin. Andito pa rin. Para sa kanila.
Kinabukasan, habang nagkakape sa labas ng ospital, nilapitan ako ni Ate Mika roommate ko at best friend. Kasama ko rin siya sa dorm ng mga working students noon sa university. She was the one who helped me get into the volunteer program sa ospital.
“Clara, may kakaibang offer. Hindi ako sigurado kung totoo… pero baka makatulong sa inyo.”
Napakunot ang noo ko. “Anong klase?”
May iniabot siyang papel. Galing sa isang legal firm.
“Marriage contract.”
Tumawa ako. Akala ko biro. “Mika naman”
“Hear me out muna. Confidential ‘to. Pero may high-profile client daw na naghahanap ng mapapangasawa for one year lang. Kontrata. Hindi kailangan ng emotional attachment. May set rules. Basta susundin mo lang, babayaran ka after. At habang kasal kayo, covered lahat family, bills, medications. Parang... kapalit ng kalayaan mo, makakaligtas pamilya mo.”
Napatingin ako sa papel. May logo ng Valderama Group. Hindi pa familiar noon.
“Nagpasa ako ng profile mo. Hindi ko sinabi agad. Pero they said gusto ka raw makita ng client. Hindi ako nagbibiro, Clara. Ito na ‘yung isa sa mga 'desperado-level' chances na minsan lang dumaan."
Hindi ako agad nakapagsalita.
Kasal?
Sa isang estranghero?
Kontrata?
Pero kung kapalit ay kaligtasan ni Noel...?
That night, hindi ako makatulog. Hindi dahil sa kaba, kundi sa bigat ng tanong sa loob ko:
Kung ang isang babae ay handang ipamigay ang pangalan niya, ang apelyido niya, at ang natitirang puri niya—para lang mailigtas ang pamilya niya...
Masama bang tawaging desperada?
O martir?
O marupok?
Ni isa doon, hindi ako sigurado.
Pero ang sigurado ko lang bukas ng gabi, pupunta ako sa opisina ng taong ‘yon.
At pipirma ako.
Kahit hindi ko pa alam kung anong klaseng halimaw ang hinihintay ako sa kabilang dulo ng papel na ‘yon.