CHAPTER 2

1829 Words
EVAN POV “Huminga ka, Evan. Lakad lang. Bus terminal lang ‘yan. Hindi ka na preso. Hindi ka na preso,” paulit-ulit kong bulong sa sarili ko habang naglalakad ako papunta sa terminal na maghahatid pabalik sa probinsya ko isang lugar na hindi sigurado kung tatanggapin pa rin ako, pero mas sigurado akong mas tahimik kaysa sa siyudad. Mainit ang kalsada. Maingay. Mabaho. Buhay. Habang naglalakad, mahigpit kong hawak ang maliit kong bag, parang kapag binitawan ko ‘to, babalik ulit ako sa loob. Budget mode ako ngayon kada hakbang, may katumbas na piso sa utak ko. Tapos nakita ko siya. Isang bata. Payat. Marumi ang mukha. Malaki ang mata. Nakaupo sa gilid ng kalsada, yakap ang tuhod, parang hinihintay na lang tangayin ng hangin. “Kuya…” mahina niyang tawag nang mapadaan ako. “May pagkain ka ba?” Tumigil ang mundo ko saglit. Napatingin ako sa bulsa ko. Wala. Wala akong extra. Wala akong kahit barya na hindi ko kailangang bilangin. “Sorry, kid,” sabi ko, pilit ngiti. “Wala eh.” Hindi siya umiyak. Hindi rin nagmakaawa. Tumango lang siya, parang sanay na. At doon ako tinamaan. “Sandali,” bigla kong sabi. “Halika.” “Ha?” nagulat siya. “Halika nga. Libre ang lakad,” sabi ko sabay senyas. Dinala ko siya sa pinakamalapit na karinderya. Yung tipong may kurtinang plastik at electric fan na parang hihimatayin na rin sa init. Pagpasok pa lang namin “Hoy! Bawal pulubi dito!” sigaw agad ng may-ari. “Hindi po pulubi ‘to,” mabilis kong sagot. “Kasama ko siya.” Tiningnan niya ako mula ulo hanggang paa. Mukha akong hindi rin kapanipaniwala, to be fair. “Order na lang po kami,” dagdag ko agad. Umupo kami. Tahimik lang yung bata, parang natatakot gumalaw. “Ano gusto mo?” tanong ko sa kanya. Nag-isip siya. “Kahit ano po… basta may sabaw.” Tumango ako. “Ate! Isang ulam na may sabaw. Take out po.” “Bakit take out?” tanong ng ate. “Para sa kanya,” sabi ko sabay nguso sa bata. “Tatabuyan niyo ‘to kapag kumain dito eh.” Tahimik ang ate saglit, tapos tumango. “Sige.” Nag-order na rin ako para sa sarili ko. Isang ulam. Isang kanin. Yun lang. Tipid. Habang hinihintay, pinagtitinginan kami ng ibang tao. Yung iba may awa. Yung iba may inis. Yung iba wala lang. Nang maabot ang take out, inabot ko agad sa bata. “Kain ka na. Dahan-dahan,” sabi ko. Napangiti siya. “Salamat po, kuya.” Bigla niya akong niyakap. As in yakap na yakap. “Uy” gulat ko. “Okay lang” “Salamat po,” ulit niya, tapos biglang tumakbo palayo, hawak ang pagkain na parang kayamanan. Naiwan akong nakatayo, parang tanga. “Hay,” napangiti ako. “Ganito pala ‘pag may ginawa kang tama.” Umupo na ako at nagsimulang kumain. Kakagat pa lang ako. “TULONG! TULONG! SOMEBODY HELP ME PLEASE!” Napahinto ako. Napalingon ang buong karinderya. Sa gilid ng kalsada, may itim na van. Bukas ang pinto. May isang babae na pilit hinihila paloob. Tatlong lalaki. Malalaki. Mukhang hindi nagtatanong ng consent sa buhay. “Hoy! Bitawan niyo ako!” sigaw ng babae. Nag-freeze ako. Hindi. Hindi. Hindi ngayon. Kakalabas mo lang, Evan. Ayaw mong masangkot. Ayaw mong bumalik. Ayaw mong biglang tumingin sa direksyon ko ang babae. “HOY! IKAW!” sigaw niya, sabay turo. Napapoint ako sa sarili ko. “Ako?” “Yes! Ikaw! Tulungan mo ako! Dinudukot nila ako! Please!” Shit. Literal na naramdaman kong lumamig ang likod ko. “Hindi ko problema ‘to,” bulong ko sa sarili ko habang sinusubo ulit ang pagkain. “Kumain ka lang. Wala kang nakita. Wala kang-” “PLEASE!” sigaw ulit niya. Tahimik ang paligid. Lahat nakatingin sa akin. “Kuya, tulungan mo na,” bulong ng tindera. “Anong buhay ba ‘to,” bulong ko sabay buntong-hininga. Tumayo ako. “Put—” di ko na tinapos. Tumakbo ako papunta sa van. “HOY!” sigaw ko. Nagulat yung isang lalaki. Bago pa siya makareact. BAM! Sinuntok ko siya diretso sa mukha. “AARRGH!” sigaw niya. Dinaganan ko siya sa lupa, adrenaline pumping, parang anim na taon ng galit sabay-sabay lumabas. “BITAWAN NIYO!” sigaw ko. Biglang may sumuntok sa tagiliran ko. “PU—” napaurong ako, pero bumawi ako. Suntok. Isa pa. Isa pa. “Evan, anong ginagawa mo?!” sigaw ng utak ko. Pero ang katawan ko? Gumagalaw mag-isa. At yung babae? Imbes na tumakbo “YAN! SAPAKIN MO PA!” sigaw niya. “AYAN! AYAN! DAGDAGAN MO!” “HAHAHAHA! PARANG MMA!” “Ha?!” napalingon ako saglit. “Bakit ka masaya?!” “KASI ANG GWAPO MO PAG GALIT!” sigaw niya. “THIS IS NOT THE TIME!” sigaw ko pabalik sabay iwas sa suntok. Yung tatlong lalaki sabay-sabay na umatake. “ISA-ISA LANG! PUMILA KAYO!” sigaw ko habang sumusuntok. “HAHAHAHA! GRABE KA!” sigaw ng babae. “SA KANAN! SA KANAN MO!” “ALAM KO!” sigaw ko sabay suntok sa kanan. “AYAN! PANALO KA!” “HUWAG MO AKONG I-COACH!” sigaw ko. Pero kahit ganun, naririnig ko pa rin ang tawa niya. Malakas. Malinaw. Parang nanonood ng sabong. At kahit bugbog, kahit hingalin, kahit delikado may kakaibang pakiramdam sa dibdib ko. Mainit. Magulo. At sa gitna ng suntukan, sa gitna ng gulo nagngiti ako. At patuloy kong sinusuntok ang mga lalaking ‘yon, hindi alam kung anong mas mauuna ang katinuan ko, o ang puso kong biglang bumibilis ang t***k. Hindi ko namalayan kung kailan tumigil ang suntukan. Ang alam ko lang, sa gitna ng paghinga kong putol-putol at kamay kong nanginginig sa galit at adrenaline, biglang may malamig na bakal na kumapit sa pulsuhan ko. Click. Isang tunog na mas pamilyar pa sa t***k ng puso ko. “TAMA NA.” Napatingala ako. Yung lalaking unang sinuntok ko yung inakalang kriminal, kidnapper, demonyo ng kalsada nakatayo na ngayon sa harap ko, duguan ang labi, may galos ang mukha, pero tuwid ang tindig. May badge siyang hawak. May baril sa baywang. At may mga pulis na biglang nagsulputan sa paligid, parang multo na kanina lang ay wala. “Police Lieutenant Mashio Yunshen Ferrera,” malamig niyang sabi, bawat letra parang binabaon sa balat ko. “You just assaulted a police officer.” Parang may sumabog sa loob ng tenga ko. “P—police?” halos pabulong kong sabi. Tinulak niya ako palayo sa lalaking nakahandusay sa lupa, saka ako pinaharap sa kanya. Mahigpit ang kapit niya sa posas, parang gusto niyang idiin sa buto ko ang bigat ng pagkakamali ko. “Kung alam mo lang kung gaano ka katanga,” sabi niya, mababa ang boses pero punong-puno ng galit, “hindi ka sana nandito ngayon.” “Hindi ko alam,” mabilis kong sagot, halos desperado. “Akala ko” “AKALA MO.” bigla siyang sumigaw. “Yan ang problema sa’yo. Akala mo palagi.” Huminga siya nang malalim, pilit kinokontrol ang sarili. Kita ko ang panginginig ng panga niya, yung galit na pinipigilan ng ranggo. “Ex-convict ka pala,” dagdag niya habang tinitingnan ang phone ng isang pulis. “Kakawala mo lang ngayong araw.” Napatawa ako. Isang maikli, mapait na tawa. “Ang bilis ng comeback ko ah,” mahina kong sabi. Sinampal niya ako. Hindi malakas. Pero sapat para matauhan ako. “Makinig ka,” sabi niya, nakadikit ang mukha niya sa’kin. “Kapatid ko ‘yung babae.” Nanlamig ang buong katawan ko. “Kapatid… mo?” ulit ko. “Oo,” sagot niya, diretso ang tingin. “At dahil sa katangahan mo, nakatakas siya.” Hindi ko agad naintindihan. “Nakatakas…?” May halong galit at frustration ang ngiti niya. “Decoy operation ‘yon. May kailangan lang kaming pag-usapan. Personal. Importante.” Tumigil siya sandali, saka idinagdag. “Ikakasal na siya bukas.” Parang may humampas na mabigat sa dibdib ko. “Dahil sa gulo na ginawa mo,” pagpapatuloy niya, “tumakbo siya. Hindi na namin alam kung nasaan.” Hindi ako makapagsalita. Hindi dahil wala akong sasabihin kundi dahil sa unang pagkakataon, wala akong depensa. “Alam mo ba kung gaano kahirap hanapin ang isang taong ayaw magpakita?” tanong niya. “Lalo na kapag galit. Lalo na kapag takot.” Humigpit ang hawak niya sa braso ko. “At ikaw ang dahilan kung bakit nawala siya.” Tumango lang ako. Ano pa bang magagawa ko? Sa loob ng police mobile, hindi na ako nagsalita. Hindi ko na rin sinubukang ipaliwanag ang sarili ko. Parang kahit anong sabihin ko, wala na ring saysay. Pagdating sa presinto, mabilis ang galaw nila. “Assault on a police officer.” “Ex-convict.” “Possible obstruction of operation.” Bawat salita, parang pako. Tinanggalan na naman ako ng sinturon. Sintas. Bag. Putang ina Si Ferrera ang huling lumapit sa’kin bago ako ilabas. “Hindi kita gustong ibalik sa kulungan,” sabi niya, mababa ang boses. “Pero sa ngayon, yan ang pinakamadaling solusyon.” Tumingin siya sa’kin, walang awa. “Hanggang hindi ko nahahanap ang kapatid ko, ikaw ang pinakamalapit na outlet ng galit ko.” Hindi na siya naghintay ng sagot. Diretso akong dinala pabalik sa City Jail. Ang parehong gate. Ang parehong bakal. Ang parehong amoy ng pawis, kalawang, at pagkatalo. Pagbaba ko pa lang ng sasakyan “Hoy?!” sigaw ng isang bantay. “Hindi ba” Lumabas si Warden Ramirez, halatang pagod na sa mundo. “Belloro?” tanong niya, halos hindi makapaniwala. “Kanina lang ah.” Hindi ko siya matingnan. “Sir,” mahina kong sabi. “Mukhang… balik po ako.” Napapikit siya. “Jesus Christ.” Habang nilalakad nila ako papasok, parang bumagal ang oras. “Hoy! Speedrun?” sigaw ng isang preso. “New record ‘yan!” “Achievement unlocked!” Si Berto ang unang lumapit. “PARE?! DI KA PA NGA NAKAKARATING SA TERMINAL!” Si Mang Kulas, umiling lang. “Sabi ko na eh. May magnet ka talaga dito.” Umupo ako sa parehong selda. Parehong pader. Parehong anino. Parehong pagkakamali iba lang ang dahilan. “Anong kaso?” tanong ni Berto. “Sinuntok ko… pulis,” sagot ko. “Ah,” sabi niya. “Classic.” Humiga ako sa malamig na semento, nakatitig sa kisame. Kakapanganak pa lang ng kalayaan ko, bulong ko sa isip ko. At heto na naman ako. Hindi dahil masama akong tao. Hindi dahil may ginawa akong krimen. Kundi dahil tinulungan ko ang maling tao sa maling oras. Napatawa ako nang mahina. “Diyosa nga ng kagandahan,” bulong ko sa sarili ko. “Pero diyosa pala ng kapahamakan.” At sa katahimikan ng kulungan, isang tanong lang ang paulit-ulit na umiikot sa utak ko kung ganito agad ang simula ng bagong buhay ko ano pa kayang kasunod?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD