KAPWA nalungkot ang mag-asawang Daniel at Hasmin nang marinig ang sinasabi ni Dr. Regala. Malinaw ang resulta. Wala na silang pag-asang magkaanak.
"Doc, are you sure?"
Inalalayan niya si Hasmin dahil tila kandilang nauupos ito habang nagsasalita ang manggagamot.
"I'm afraid the results are very clear, Mr. and Mrs. Raymundo but you can ask for other specialists' opinion."
"Pero Doc, wala na bang ibang paraan?" Tuluyan nang napaiyak si Hasmin kaya hinagod niya ang likod nito.
"According to the results of our series of tests, you are both healthy and that's the good news here. Ibig sabihin ay may paraan pa para kayo ay magkaanak."
"Anong paraan ang tinutukoy ninyo, Doc?" tanong niya.
"I think surrogacy is an option, though we still need to wait for all the results of the tests. Sa option na 'yan, ang kailangan lang ay humanap kayo ng isang surrogate mother na hindi iba sa inyo. That way, alam natin na ligtas ang kalalagyan ng inyong magiging anak sa loob ng siyam na buwan."
Nagkatinginan silang mag-asawa. What the doctor said was not actually surprising. Marami ng tao ang gumawa ng gayon pero ang hindi niya inaasahan ay darating pala ang araw na siya mismo ang daranas ng ganoong situwasyon. Napailing siya nang ilang ulit kasabay ng mga salitang binibitiwan ni Dr. Regala.
"SIGURADO ka ba sa desisyon mo, Berna?"
Ilang saglit ang pinalipas niya bago siya tumango sa tanong na iyon ni Roxanne. Tinawag niya ito matapos ang oras ng trabaho at sinabi rito ang desisyong dalawang gabi rin niyang pinag-isipang mabuti. Kailangan nilang mag-ina ng tulong at walang ibang gagawa niyon para sa kanila. Ngayon niya higit na kailangang tulungan ang sarili para sa kapakanan ni Andrew.
"Pero paano ka na? Sigurado naman akong makakapag-asawa ka pa. Hindi kaya maging hadlang sa iyo kung—"
"Sa tingin mo ba ay magagawa ko pang maging masaya sa kabila ng mga nangyari sa buhay ko, Roxanne? Naniniwala ka pa ba talagang magagawa ko pang mag-asawa?"
Napailing ito sa sinabi niya. "Friend, huwag namang ganyan. Napakabata mo pa at sigurado akong makakahanap ka pa ng lalaking para sa iyo."
Siya naman ang napailing sa puntong iyon. "Wala na iyan sa isip ko. Ang kailangan ko lang ngayon ay gumaling ang anak ko, Roxanne. Siya lang ang lakas ko para mabuhay at kailangan kong kumilos para sa kanya."
"Kung gayon ay talagang desidido ka na nga pala?"
Marahan siyang tumango.
"Sige, kakausapin ko si Esme bukas na bukas rin. Itatanong ko sa kanya kung may kliyente siya ngayon. Masuwerte ang mag-asawang makakakuha sa iyo dahil disente at malinis kang babae."
Sinikap niyang ngumiti kahit may pag-aalinlangan pa rin sa puso niya. Ang mahalaga ay may pag-asa nang maoperahan ang kanyang anak sa mga darating na araw.
HINDI alam ni Daniel kung ano ang madarama sa pagkakataong iyon. Katatapos lang nilang mag-usap na mag-asawa at sinabi ni Hasmin ang desisyon nito sa kanya. She would like to consider surrogacy. Nagulat man ay hindi na siya nagtaka. He knew how his wife had been longing for a child. Hindi nito kahit kailan inilihim iyon sa kanya.
Noong una, iniisip niyang magagawa ni Hasmin ang maghintay hanggang sa magbalik ang kanyang alaala pero ngayon ay duda siyang magagawa pa iyon ng asawa. Halos araw-araw na lang ay nagbabanggit ito ng tungkol sa anak at nitong mga nakaraang araw bago sila magpunta ng Maynila ay higit pang napadalas iyon. Iyon ang dahilan kung bakit hindi niya magawang tumanggi sa nais nitong mangyari. Nang sabihin nito ang desisyon nitong humanap ng surrogate mother ay hindi na lang siya kumibo.
"Anything wrong, honey?"
Napalingon siya sa gawi ng pinto. Naroon ang asawa at nakamasid pala sa kanya. He tried to smile at her. "Wala naman..."
She gracefully walked towards him and sat in his lap. "Iniisip mo pa rin ba ang desisyon natin tungkol sa pagkakaroon ng anak?"
He felt the urge to tell her that it was not a mutual decision but hers alone. Ni hindi naman nito itinanong ang opinyon niya pero sino ba siya para tumanggi? Siya na ni ang mga maliliit na detalye sa sarili ay hindi matandaan, makakaya ba niyang salungatin ang sinasabi ng taong tangi niyang kasa-kasama at siyang nagpapaalala ng mga bagay sa buhay niya?
"Naiisip ko lang ang negosyo natin sa Davao. Kaya ba ni Tony ang pamahalaan iyon nang mag-isa?"
Ang Tony na tinutukoy niya ay ang taong pinagtitiwalaan ni Hasmin sa lahat ng bagay. Ito rin ang kasama nilang mag-asawa nang dalawin niya ang kanyang magulang sa unang pagkakataon. Hindi na niya inuusisa kung ano talaga ang kaugnayan nila rito dahil nagtitiwala naman siya sa husay nitong mamahala ng negosyo.
"Tony is a great man. Kayang-kaya niyang patakbuhin ang planta kahit isa o ilang taon pa tayong hindi magbalik ng Davao," nakangiti nitong sabi.
"I'm sure. You've known him for a couple of years already, right?"
"Yeah, a decade to be exact. He's a good friend of yours as well, honey."
Napatango siya sa kabila nang pagtutol. Ang totoo, kahit kaunti ay wala siyang nadaramang familiarity sa tuwing kausap si Tony. Hindi nga niya mapaniwalaan ang sinasabi ng asawa na madalas silang mag-out of town nito noon para maglibang. Kung totoo man iyon, siguro ay sadyang mahaba lang ang pasensiya niya. May pagkamainitin kasi ang ulo ni Tony, idagdag pang may angkin itong kayabangan.
"Basta huwag mo nang isipin ang tungkol sa mga naiwan natin sa Davao at siya na ang bahala roon, okay."
Hindi na niya sinalungat ang sinabi ng asawa nang hindi na humaba pa ang usapan.
MATAPOS maligo ay nadatnan ni Daniel sa loob ng silid si Hasmin na kasalukuyang nagpapatuyo rin ng buhok nito.
"Ang sabi mo'y mayamaya ka pa papanhik kapag tirik na ang araw? The sun has just started to shine, honey," aniya rito.
Nagpaalam kasi ito kaninang maliligo sa swimming pool ng villa. Tumanggi lang siyang sumama nang yayain nito dahil maging ang tubig ay may hindi magandang epekto sa kanya. Ang sabi ni Hasmin, sa tubig daw kasi bumagsak ang eroplanong sinasakyan niya nang maganap ang aksidente. So that explained his intense fear of the water.
"Yeah, but Prucing told me that mom was on the phone so I decided to come up here to talk to her."
"What's up with your mom?" Naupo siya sa tabi ng asawa at itinalikod ito sa kanya. Pagkatapos ay marahan niyang minasahe ang likod nito.
"You're hands are great, honey," anas nito. "By the way, mom is doing good. Nangungumusta lang naman."
"Alam ba niya ang sadya natin dito sa Manila?"
Nilingon siya ni Hasmin at saglit siyang napatigil sa ginagawa.
"Yes. Wala kaming lihiman ng mommy at alam mo iyan."
Nagkibit siya ng balikat. Minsan lang niyang nakaharap ang mga magulang ni Hasmin. Ipinagtaka niya ang indifference na ipinakita ng mga ito sa kanya sa loob lamang ng isang linggong pananatili sa bansa noon. Nang sabihin ng asawang noon pa mang nanliligaw siya rito ay hindi na siya gusto ni Mr. and Mrs. Cabral ay hindi na siya nag-usisa pa. Iyon marahil ang dahilan kung bakit halos hindi siya kinakausap ng mga ito. Pakiramdam niya ay hindi siya nage-exist sa mundo sa tuwing naroon ang mga biyenan.
Magsasalita pa sana si Hasmin nang tumunog ang telepono sa bedside table. Walang pagmamadaling lumapit ito roon at saka iniangat ang awditibo.