5-GO OUR SEPARATE WAYS
KIRRA
Sobrang nakakapagod ang araw na ‘to. Masyadong maraming nangyari. Parang gusto kong mahiga maghapon.
Dumating ako sa bahay at nakita kong bukas ang pintuan. Maaga atang dumating ang mga magulang ko.
“Nay, nandito na po ako.” Nagulat ako pagpasok ko ng bahay at puro kahit na naman. “Ano pong nangyayari?”
Pumasok ako ng kwarto at nakita ko sila nanay tsaka ako nagmano. “Nandito ka na pala. Mabuti naman anak at maaga ka. May kailangan kasi kaming sabihin sa’yo ng tatay mo.”
Sa tono palang ng pagsasalita ni nanay parang hindi na maganda ang sasabihin nya. “Bakit po kayo nagiimpake? Babalik na po ba tayo sa probinsya?” excited kong tanong.
Hinawakan ako sa kamay ni nanay at tatay tsaka pinagitnaan. Naupo kami sa sala at tila nagtuturuan sila kung sinong unang magsasalita.
“Kasi anak – ” panimula ni tatay, “ – naibenta na ng may ari ng bahay itong inuupahan natin. Ibinalik naman yung ibinayad natin para sa susunod na mga buwan kaya lang kasi mahihirapan tayong maghanap ng bagong matitirhan.” Nalungkot si tatay.
“Naku tay, madali lang po yan. Magtatanong po ako sa mga classmates ko kung saan meron mauupahan. Masosolusyonan natin ‘to.” Hinawakan ko ng mahigpit si tatay.
“Anak kasi – ” tumitig si nanay sa’kin at naiiyak na sya, “ – maghihiwalay na kami ng tatay mo.”
Gulat na gulat ako sa sinabi ni nanay kaya naman napatingin ako ng masama sa itay. “Grabe naman tay. Yang tanda mong yan nakuha mo pang mambabae. Kinaya nyo pa? Hindi na kayo nahiya. Babae ang anak nyo tay!!”
“Anak ano bang sinasabi mo? Wala akong babae! Umayos ka nga!” sagot ni tatay sa’kin.
“Eh bakit sabi ni nanay – ” kay nanay naman ako napatingin, “OMG nay!! Humarot pa kayo? Ang tindi nyo nay paano nyo nagawa yun?” Isang malakas na batok lang ang nakuha ko sa nanay ko. Oha, kasi naman ayaw lilinawin ang sinasabi eh.
“Ang dumi ng utak mo!! First love namin ng tatay mo ang isa’t isa kaya imposibleng maghiwalay kami ng ganyan.” Galit nyang sabi sa’kin.
“Oh tingnan nyo kayo. Kayo nagsabing maghihiwalay na kayo eh! Tapos ako pa ang mali!” sagot ko sa kanila.
“Makinig ka kasi.” Sumeryoso ulit kami. “Kasi anak, yung ibinalik na bayad sa’tin ay naidown na namin sa operasyon ng tatay mo.” Hindi na ako nagsalita at inintay ko na lang silang makatapos. “Bukas tutuloy na ang tatay mo sa ospital. Dun muna sya hanggang gumaling sya sabi ng doctor. Dadalawin naman natin sya kaya lang ako kasi anak pinapatigil na ako nung amo ko sa bahay nila.” Parang hindi ko gusto ang pupuntahan ng sinasabi ni nanay. “Yung bahay naman ng amo ko malapit sa ospital ng tatay mo mapupuntahan ko sya dun.”
“Oh eh nasaan yung maghihiwalay dun nay?” naguguluhan kong tanong.
“Maghihiwalay na kami ng kama. Hindi na kami magkatabi. Ang hirap nun anak.” At bigla silang nagyakap sa gitna at naipit ako.
“Teka –teka nga!!” Pinaghiwalay ko sila. “Yun lang yun? Jusko naman nay, akala ko kung ano na. So kailan ba tayo lilipat sa bahay ng amo mo?” tanong ko at bigla silang natahimik. “Agad agad ba yan?”
“Anak kasi – ” nagtinginan ang mag-asawa, “ – kasi anak hindi ka makakasama.” At nawindang ako sa sagot ni nanay.
“BAKIT PO?!!!!!” malakas kong tanong at pinandilatan nya ako. “Bakit po?” inulit ko pero this time mahina naman.
“Malayo kasi sa school mo. Bagong lipat ka lang at kung lilipat tayo ng bahay masyadong malaki ang magagastos mo papasok at pauwi.” Sabi ni tatay.
“Eh di lilipat po akong school. Ayoko pong mapalayo sa inyo.” Naiiyak na ako. Hindi ko kayang mapahiwalay sa mga magulang ko.
“Yun nga anak wala tayong pera para sa eskwela mo di ba? Kaya ka nga nagskolar!! Kung lilipat ka ng eskwela matatanggal ang scholarship mo!!!” malakas na sagot ni nanay. Palaging high blood ‘tong sumagot. Dito siguro ako nagmana.
“Eh saan po ako titira? Ikukuha nyo po ba ako ng kwarto?” Ang sakit tanggapin na hindi ko na sila makakasama sa iisang bahay. Masyadong masakit sa puso. Hindi pa nga kami nasasanay dito sa city bigla naman nila akong iiwanan.
“ANAK HINDI KA BA NAKIKINIG!! WALA NGA TAYONG PERA!! PAANO KA NAMIN IKUKUHA NG KWARTO!!” hala mainitin talaga ang ulo nito ni nanay.
“So sa kalsada na lang ako matutulog? Hahayaan nyo na lang akong maggahasa dyan at mapatay ng mga adik! Nay naman, nakita nyo ang paligid dito sa city. Hindi safe!! Baka makita nyo isa na ako sa mga magnanakaw dahil sa iniwan nyo ako!!!” Syempre hindi naman mangyayari na magiging kriminal ako. Hindi ko dudungisan ang pangalan ko ng ganun ganun lang.
“Anak hindi.” Sabi ni tatay. Sobrang opposite ni nanay ‘tong si tatay. Masyadong malumanay ang boses at hindi marunong magalit. “Yung kaibigan ko nakausap ko na. Sinabi ko na rin yung kondisyon ko. May sobrang silid daw sila sa harap ng bahay at pwede ka daw dung tumira ng libre. Malapit din sya sa eskwela mo.” Sabi ni tatay.
“Ihahabilin nyo ako sa isang kaibigan? Paano kung alilain nila ako dun? Paano na ang buhay ko? Hindi nyo ba napapanood sa TV na inaalipusta na parang hayop ang mahihirap?” pagdadrama ko sa kanila.
“Sige lang umarte ka lang ng ganyan at dito palang aalipustahin na kita para sanay ka na!!!” Sagot nya sa’kin habang pinipingot ang tenga ko. Siguro hindi ko ‘to mamimiss si nanay kasi naman brutal masyado.
“Mababait sila anak. Sinisigurado kong hindi ka nila pababayaan. Basta magpapakabait ka ha. Hindi naman magtatagal magkakasama-sama rin tayo kapag gumaling ako.” Niyakap ako ni tatay.
“Kailan po kaya yun tatay? Naiinip na kasi ako.” Sagot ko at nabatukan na naman ako ng nanay ko.
“Hindi pa nga tayo naghihiwalay naiinip ka na kaagad.” Sabi ni nanay at nakiyakap naman sya sa’min.
“Tagal nyo po kasing mawala.” Bulong ko kay nanay at kinurot nya ako. Syempre ano pa bang aasahan ko.
“Handa ka na ba anak?” tanong ni tatay sa’kin.
“Magiimpake lang po ako tay.” Malungkot kong sabi.
Yumuko sya at may kinuha sa ilalim. “Napagimpake ka na namin anak.”
-_-
Hindi naman sila ready no?
“Ihahatid ka na ng tatay mo.” Sabi ni nanay at ipinagpatuloy nya ang pagliligpit.
“Paano po ang iba nating gamit?” tanong ko kay nanay.
“Ibebenta na rin natin panggastos kasi mahirap umalis ng walang pera.” Lumapit sya sa’kin at inabutan ako ng pera. “Pagkasyahin mo yan hanggang sa susunod kong padala. Wag kang maluho!!”
“Sus naman nay kailan ba ako nagluho? ‘Tong cellphone ko nga unang labas pa ng phone na may camera. Di na uso!” Kinuha ko ang pera at inilagay ko sa gamit ko.
“Tayo na anak.” Sabi ni tatay.
Niyakap ko si nanay ng mahigpit. “Kahit po masungit kayo nay mahal ko kayo. Magiingat kayo palagi ha!!”
“Sige na anak. Magiingat ka rin.” Pinahid ni nanay ang luha ko at tsaka kami umalis ni tatay.
Medyo may kalayuan sa bahay namin yung pupuntahan naming bahay. Malungkot pa rin ako dahil nga kinailangan naming maghiwa-hiwalay. ALam kong ayaw din ‘to ng mga magulang ko pero dahil wala silang magawa kaya nangyari pa rin.
“Nandito na tayo anak.” Sabi ni tatay at tumigil kami sa isang malaking – gate. Hindi ko makita kung anong nasa loob eh. Nagdoorbell si tatay at may lumabas na maid. “Ako yung kaibigan ni sir Diode. Pinapunta nya ako dito.”
“Ay sige po pasok po kayo. Kanina pa po nya kayo iniintay.” Sabi ng maid at pumasok kami sa loob.
Sobrang laki ng bahay at sobrang daming halaman. Walang ganito kalaking bahay sa probinsya. Ang pinakamagandang bahay na dun eh simentado lang na may pintura hindi katulad dito na ditelyado bawat sulok ng pader, ng gate, ng pintuan, ng bintana ng lahat lahat.
Napanganga talaga ako sa paghanga. “Tay, dito ba ako titira? Sigurado kayo? Hindi ba tayo namamali?”
Napatawa si tatay. “Oo anak, dito nga.”
“Bakit hindi nyo pa ako dati dinala dito?” pagbibiro ko kay tatay at natuwa ako.
“Kimpee!!!” tawag ng isang matandang lalaki. Hindi naman sya katandaan. Siguro mga nasa 40’s sya. May itsura at kahit matanda na ay matipuno pa rin. “Mabuti naman at dumating na kayo.” Kinamayan nya si tatay. “Ito ba ang dalaga mo? Aba’y napakalaki na ah at napakaganda.”
“Naku salamat po sir.” Sagot ko sa kanya. “Ako po pala si Kirra sir.” Pagpapakilala ko at kinamayan ko sya.
“Naku wag mo na akong tawaging sir, tito Dio na lang.” Tumatawa nyang sabi. Nakakatuwa naman at napakamasiyahin nyang tao. “Maupo kayo at nagpahanda ako ng miryenda.”
“Naku nakakahiya naman nagabala pa kayo. Ako’y aalis din naman. Inihatid ko lang ang anak ko dito dahil maaga kaming pupuntang ospital bukas.” Sabi ni tatay sa kaibigan nya.
“Pare, gagaling ka. Tiwala lang. Mabuti kang tao. Kung kailangan mo ng tulong nandito lang ako.” Wow mukhang mabait talaga ‘tong si tito Dio.
“Salamat sir.” Sagot ni tatay.
“Napakatigas talaga ng ulo nitong tatay mo. Sinabi ko ng wag akong tawaging sir pero hindi pa rin nya ginawa.” Tumatawa nyang sabi. Siguro nature nya talaga ang tumawa. Paano kaya ‘to umiyak? Natawa pa rin? “Alam mo hija, malaki ang utang na loob ko dito sa tatay mo. Kung hindi dahil sa kanya wala na ako dito sa mundo ngayon.”
“Naku hindi naman yan totoo.” Nahihiyang sabi ni tatay.
“Iniligtas nya kasi ako sa gumuhong poste dun sa pinapagawa kong building.” Napatingin ako kay tatay. “Kulang ang buhay ko para makatulong sa kanya.” Biglang naging emosyonal si tito Dio. “Kaya lahat gagawin ko makatulong lang. Wag kang mahihiya dito. Ituring mong tahanan ang tahanan namin.”
“Marami pong salamat. Pasensya na rin po kung nakaabala pa po ako. Kapag gumaling po si tatay aalis na rin po ako dito.” Sabi ko sa kanya. “Mukhang lapitin po disgrasya si tatay.” Bigla kong naisip yung aksidente ni tatay at yung kwento ni tito Dio. Iisa lang kaya yun kaya ngayon ay kailangang operahan ni tatay?
“O paano ituturo ko na ang magiging kwarto mo.” Tumayo kami at sumunod sa kanya. Dumaan kami sa may kusina at merong pintuan dun palabas. Pero hindi naman malayo. May nakita kaming isang maliit pero magandang bahay. “Ito ang titigilan mo, Kirra.” Binuksan nya ang pintuan. “Pasensya ka na kung masyado itong maliit ha. Dito kita inilagay para magkaroon ka ng privacy. Baka kasi mailang ka pa kung dun ka sa loob ng bahay.” Naku, siguro akala nila magnanakaw ako kaya dito nila ako nilagay. Palusot pa. “Kaya lang Kirra, walang restroom dito ha. Dun ang restroom sa loob, dun sa dinaanan natin galing kitchen.”
“Naku wala pong problema. Malaking tulong na po ito sa’kin kaysa kumalat-kalat ako sa kalsada.” Pagpapasalamat ko. Yung silid na yun ay mas malaki pa sa inupahan naming bahay. Merong malaki at magandang kama. Mayroon ding mini sala set at TV at take note aircon ang buong kwarto. Mayamanin lang.
“Huwag kang mahihiya ha. Tahanan mo na rin ito. Sasabay ka sa’min kakain at ipapakilala ko sa’yo ang anak ko.” Sabi nya.
“Ay talaga po may anak kayo? Siguradong kasing bait nyo po ang anak nyo.” Masaya kong sagot.
“Ay mababait talaga ang mga anak ko. Babae ang panganay ko kaya lang hindi sya dito natuloy. Pero yung bunso ko mabait at maginoo, hindi sya sakit ng ulo. Napakagentleman at hindi ako binibigyan ng problema. Magkakasundo kayo nun sigurado ako kasi palakaibigan sya at masipag mag-aral.” Sa descriptions palang nya mukhang makakasundo ko na ang anak nya. Sana gwapo yun para kilig.
“O paano iiwanan ko na kayo para makapagimpake ka ha. Maya-maya kakain na tayo. Kimpee sumabay ka na sa’min kumain at maguwi ka na rin para kay Rasellia.” Ngumiti sya tsaka lumabas.
Sinilip ko muna sya at ng makita ko syang nakapasok na sa loob ay nagsisigaw ako at tumalon sa kama. “OMG tay sobrang ganda naman nitong kwarto na ‘to. May mayaman pala kayong kaibigan di nyo sinasabi!!” Masayang masaya kong sabi.
“Mabait talag yun. Matagal na syang natulong sa’tin.” Inilabas ni tatay ang mga gamit ko at inilagay sa cabinet. “Magpapakabait ka anak ha. Wag mainitin ang ulo. Alam kong maigsi lang ang pasensya mo pero tandaan mo tayo lang ang nakikisuyo.” Pangaral ni tatay sa’kin.
“Tay naman, alam nyo namang mabait ako di ba? Kapag tulog.” At nagtawanan kami.
“Anak, anak pasensya na kung walang magawa si tatay ha? Sorry kung nagkasakit pa si tatay at nagpapagamot pa. Ako dapat ang nagaalaga sa inyo ng nanay mo eh.” At naging emosyonal na si tay. Napaluha na sya habang inaayos ang mga gamit ko.
“Tay, wala po kayong dapat ihingi ng sorry. Mahal ko po kayo at importante pong mabuhay kayo ng mahaba hanggang magkaasawa ako at magkaanak ako. Makikita nyo pa ang mga apo nyo. Pangako po tay kapag naging doktor ako, hindi nyo na kailangan pang magpagamot sa iba. Ako na mismo ang magaalaga sa inyo ng buong pagmamahal.” Niyakap ko si tatay. “Mahal na mahal ko po kayo tay. Kayong dalawa ni nanay.” Sabi ko sa kanya at niyakap din nya ako.
Panibagong buhay na naman para sa’kin. Kailangan kong maging mas matatag para sa pamilya ko. Para sa pagasang magsasama-sama ulit kami. Para sa mabilis na paggaling ni tatay. Para sa lahat-lahat ng makakabuti. Gagawin ko ‘to para sa mga minamahal ko.