Unang Kabanata
UNANG araw pa lang ng pasukan pero gusto na agad ni Jeka na pabilisin ang araw at gumraduate na. Ayaw na niyang pumasok. Lalong ayaw niyang makisalamuha sa mga magiging kaklase. Iniisip pa lang ay nanlulumo na siya.
Ayoko sa mga utak-dikya, mariin niyang sabi sa sarili habang naglalakad papunta sa classroom. `Taragis talaga!
Napabuntong-hininga na lang siya. Wala naman siyang magagawa, nagloko siya noong third year high school. Ngayon ay kailangan niyang pagdusahan ang mga ginawa niyang pagbubulakbol.
Jeka is a very bright girl. Consistent honor student siya noong grade school. Siya nga ang naging validictorian ng batch nila. Very talented din siya pagdating sa public speaking. Siya ang laging pambato ng klase sa balagtasan tuwing Buwan ng Wika.
Hanggang sa tumungtong siya ng high school ay nanatili pa rin ang pagiging masigasig niya sa pag-aaral kahit pa inilipat na siya ng kanyang mga magulang sa public school mula sa Catholic school. Mula first year hanggang third year ay nasa section one siya. Kaya naman proud na proud sa kanya ang kanyang mga magulang.
Pero nalaman niyang hindi pala siya masaya ang pagiging academically competitive.
Unang taon pa lang niya sa high school ay napansin niyang tila may mali. Napaka-competitive ng mga kaklase niya. Walang gustong magpahuli. Parang ang lahat ay gustong maging top one. Wala siyang nakikitang naglalakwatsa kahit tuwing Biyernes pagkatapos ng uwian. Ayaw rin naman niyang magpahuli sa klase pero hindi niya naman gusto na wala na siyang buhay sa labas ng eskuwelahan. Lalong ayaw niya ang ginagawa ng mga kaklase na hindi nagpapakopya maski ng notes dahil sa tindi ng kompetisyon. Ang gusto lang niya ay ang ma-enjoy ang naririnig niya sa kanta na “high school life.” Pero dahil sa hiya sa mga magulang, pinilit pa rin niyang makipagsabayan sa mga kaklase sa loob ng tatlong taon. Hanggang sa napagod na siya.
Halos mawalan na siya ng gana sa pag-aaral noong third year. Hindi na siya gumagawa ng assignment at nagka-cutting class na rin siya sa ibang mga subjects. Pumapasok na lang siya tuwing may exam. Alam naman niya na maaaring matanggal siya sa section one pero ang hindi niya inaasahan ay iyong mailagay siya sa section fifteen.
Hindi naman siya napunta sa lowest section. Sa katunayan ay medyo mataas pa nga ang section fifteen. Thirty-five sections kasi ang mayroon ang fouth year. Pero sa isip niya, patapong mga estudyante na ang mayroon sa section na mas mababa sa section three. Iyong tipong mga mas malala sa kanyang magbulakbol. Iyong mga naninigarilyo, umiinom ng alak at gumagamit ng ilegal na gamot. Inaasahan niya na ang mga kaklase niyang babae sa section fifteen ay iyong tipikal na papasok nang mukhang namamaga ang nguso dahil sa tingkad ng lipstick, ang suot na palda ay kaunti na lang makikita na ang tuhod, hapit na hapit sa katawan ang blouse, naka-push-up b*a, hindi nagsusuot ng medyas at may takong ang sapatos. Ang mga lalaki naman ay may suot na hikaw, halos magkabuhol-buhol ang mga suot na bling-bling, hindi ibinubutones nang maayos ang polo at laging naka-rubber shoes kahit hindi naman araw ng PE. Naiisip din niya na lahat ng mga kaklase niya sa section fifteen may mga syota na at nakikipaglaplapan o nakikipag-s*x sa liblib na bahagi ng kanilang eskuwelahan.
Mariin siyang napapikit. Naiisip pa lang niya na ganoon ang makakasama niya araw-araw sa loob ng isang buong school year ay talagang nandidiri na siya.
Patapon talaga! Patapon... gaya ko, naiiling na sabi ni Jeka sa sarili.
Nalungkot siya sa naisip. Katulad na siya ng kanyang mga magiging kaklase na patapon ang buhay. Kahit hindi naman siya pinagalitan ng mga magulang nang malamang nasa section fifteen siya, alam niyang na-disappoint niya ang mga ito. Pero higit ang disappointment niya sa sarili. Tiyak na hindi na siya ang validictorian at hindi na rin siya makakakuha ng award sa graduation. At ang pinakaikinababahala niya ay iyong posibilidad na mahihirapan na siyang makapasok sa UP.
Dahan-dahan siyang pumasok sa classroom ng section fifteen. Pero hindi pa man siya tuluyang nakakapasok ay gusto na niyang lumabas. Wala pang isang minuto pero naririndi na siya sa halo-halong ingay na naririnig sa classroom. Kanya-kanyang daldalan ang mga estudyante at may nagpapatugtog pa ng rap na ang lyrics ay tungkol sa pakikipag-s*x.
`Tangina, first day pa lang!
Umupo siya sa pinakamalapit na bakanteng upuan na kanyang nakita.
Mayamaya pa ay may pumasok na isang matanda at matabang babaeng na ang buhok ay naka-pixie cut. Nagpunta ito sa gitnang harap kung saan naroon din ang teacher’s table. Buong puwersa nitong inihampas sa mesa ang hawak na makapal na libro. “Punyeta, ang iingay n’yo!” galit na sigaw nito.
Agad na tumahimik ang mga estudyanteng nakikipagdaldalan. Agad ding nawala ang maingay na kantang hindi malaman ni Jeka kung saan nanggaling.
“Lumabas kayong lahat!” malakas na utos ng matandang babae.
What?!
“Labas!” sigaw na nito.
Dali-daling tumayo at lumabas ang mga kaklase ni Jeka. Siya naman ay nanatili pa ring nakaupo, gulat at hindi makapaniwala sa nangyayari.
“Ikaw!” turo sa kanya ng guro. “`Di mo `ko narinig?”
Natatarantang isinukbit ni Jeka ang backpack saka nagmamadaling lumabas. Kasunod naman niyang lumabas ang matandang babae.
“Pumila kayo nang maayos!” pasigaw uling utos ng guro.
Napapiksi si Jeka at gusto nang takpan ang magkabilang tainga dahil sa lakas ng boses ng teacher na ito.
“Bilis, luminya kayo! Isang linya sa babae at isang linya sa lalaki.”
Nagpunta si Jeka sa pinakadulo ng linya. Pinili niya roon nang sa ganoon ay hindi niya gaanong marinig ang matinis at malakas na boses ng teacher na tila nakalunok ng megaphone. Parang kaunti na lang kasi ay mababasag na ang kanyang eardrums.
“Papasok lang ang tatawagin ko.” At isa-isa na nga silang tinawag ng guro.
Sa bandang likod na nakaupo si Jeka dahil ang apelyido niya ay Pasyon. Katabi niya ang bintana at bakante naman ang kasunod niyang upuan. Absent kasi ang esudyanteng dapat na nakaupo roon na may apelyido ring Pasyon. Pakiramdam tuloy niya ay hindi talaga siya nabibilang sa section na iyon. Pakiramdam niya ay outcast na outcast siya.
“Tumayo kayong lahat,” utos ng guro nang matawag at mapapasok na nito silang lahat.
Mabilis silang tumayo dahil sa takot sa teacher na ang boses at paraan ng pagsasalita ay parang paputok tuwing Bagong Taon—malakas, maingay, sunod-sunod.
“Ikaw,” turo ng guro sa babaeng kaharap. “Lead the prayer.”
“Ma’am, `di po ako Catholic,” tanggi ng babae.
“Wala `kong paki kung anong relihiyon mo. I said, lead the prayer!”
Dama ni Jeka ang bigat ng yabag ng mga paa ng kanyang kaklase. Kahit naman sila ng mga kaklase niya sa Catholic school ay hindi gusto ang ma-assign na prayer leader, ito pa kayang kaklase niya ngayon na ang yayayaing magdasal ay ang mga taong tiyak na hindi lahat ay kapareho nito ng pananampalataya. Pero wala naman itong magagawa. Kailangan nitong maging prayer leader, kung hindi ay tiyak na mag-uumpisa na namang magbunganga ang kanilang teacher na hindi pa man nila kilala sa pangalan ay kilala na nila ang ugali.
Pagkatapos na pagkatapos na magdasal ay siyang pasok naman sa classroom ng isang humahangos na lalaki. Bahagyang mahaba ang buhok nito at may bangs na one-sided na tumatakip sa kaliwang mata nito. Emo ang tawag sa style ng buhok nito. Ang dalawang butones ng uniporme nito ay nakabukas kaya nakikita ang panloob na itim na printed T-shirt. May dala itong itim na messenger bag na tila wala namang laman. Itim ang pantalon nito pero maong na skinny jeans iyon at hindi slacks. Ang sapatos naman nito na bagama’t itim din ay hindi naman leather shoes, kundi high-cut na Converse.
“`Oy, `oy, `oy, `oy!” tawag na may kasamang sitsit ng guro sa lalaking bagong pasok.
Uupo na sana ang lalaki sa bakanteng upuan sa pinakalikod kaya lang ay tinawag ito ng guro. Dahan-dahan itong humarap. “Ma’am?”
“Sino ka? Bakit basta-basta ka na lang pumasok?”
“Dito po ang classroom ko.”
“Halika nga rito!”
Agad namang lumapit ang lalaki. Tiningnan ito ng guro mula ulo hanggang paa.
“Talaga bang estudyante ka?”
“Oo naman po,” natatawa pang sagot ng lalaki.
Humalukipkip ang guro, “Tingnan mo nga `yang sarili mo kung mukha kang estudyante. Tingnan mo `yang uniporme mo, nakabukas pa. At tama ba na itim ang panloob mo? Tapos nakaitim na pantalon at sapatos ka nga pero hindi naman appropriate for school. Mukha kang estudyante niyan? Mukha kang adik!”
Nawala ang pagkakangiti ng lalaki. Malamang ay nararamdaman na nito ang pagkapahiya dahil binubungangaan siya ng guro sa harap ng mga kaklase. Nakakabawas sa pagiging “cool” ng isang high school student ang mapagalitan nang kaharap ang mga kaklase.
“At `yang buhok mo. Ang haba-haba. Bakla ka ba?”
“Por que mahaba ang buhok, bakla agad?” singhal ng lalaki.
“Sumasagot ka?”
Mabilis ang pag-iling at pagsagot ng lalaki “`Di, Ma’am.”
“Ano?!”
“`Di po, Ma’am.” Mariin ang pagkakabigkas nito sa salitang po.
“Pangalan mo?”
“Emmanuel Pasyon po.”
“Ikaw si Pasyon? `Kita mo, late ka pa!” Inambaan pa nito ng dagok ang lalaki.
“Sorry, Ma’am.”
“Sorry, sorry.” Napunta ang tingin nito kay Jeka. “Kapatid mo ba `to?”
“P-po? Ay, hindi po.”
“Magkaapelyido kasi kayo. Kamag-anak mo?”
Muling umiling si Jeka. Muntik pa niyang irapan ang guro. Magkaapelyido lang, magkamag-anak na agad?
Sa dami ng mag-aaral sa public school na iyon, higit pa siguro sa sampu ang kapareho niya ng apelyido.
Binalingan uli ng guro ang lalaki. “`Do’n ka umupo, katabi ng isa pang Pasyon.”
Naglakad na nga ang lalaki papunta sa bakanteng upuang katabi ni Jeka.
“Bukas, ayoko nang makikitang ganyan ang ayos mo, ha? Magpagupit ka na rin ng buhok.”
Tumango na lang ang lalaki kahit bakas sa mukha nito ang pagkayamot.
BREAK time na pero parang nakapako ang puwit ni Jeka sa kanyang upuan. Wala siyang ganang kumain. Hindi niya kinakaya ang mga nangyayari. Bukod kasi sa maiingay na mga kaklase, parang patapon din ang kanilang mga guro. Iyong teacher nila sa Math, halos ibulong na lang iyong mga sinasabi pagkatapos ay nakaupo pa habang nagtuturo. Wala tuloy nakikinig dito. Iyong teacher naman nila sa Araling Panlipunan, nagdududa na siya kung teacher ba talaga. Pumasok kasi ito sa kanilang klase na nakabukas din ang butones ng barong na uniporme. At hindi lang iyon, ang pinakanagpahilakbot kay Jeka ay noong sa kalagitnaan ng pagsasalita nito ay bigla na lang humalak at dumura sa bintana. Hindi naiwasan ng mga kaklase niya na mandiri din sa teacher nila sa AP. Napa-“eww!” pa nga ang mga kaklase niyang babae at hindi naman mapigilan ng mga lalaki ang matawa at mapabulalas ng malutong na mura. Pero ang teacher nila sa AP, parang wala lang nangyari. Tuloy lang ang klase.
Nalulungkot si Jeka sa kanyang kalagayan. Noong nasa section one siya, hindi siya nakaranas ng ganitong uri ng mga teacher at kaklase. Lahat ng teacher niya noon ay mahuhusay at may class, gaya ng mga kaklase niya sa section one. Ngayon ay para siyang nasa bilangguan. Parang nasa koral ng baboy.
Natigil ang pagmumuni-muni ni Jeka nang marinig ang sunod-sunod na pagpalo ng kung ano mang bagay sa mesa. Pagtingin niya sa katabi, nakita niya ang lalaking kapareho ng kanyang apelyido. May nakasalpak na earphones sa magkabilang tainga nito at may hawak na drumstick na siyang ipinampapalo sa mesa ng kahoy na armchair.
“Huy!” sabi ni Jeka ngunit hindi siya narinig ng lalaki. Panay pa rin ang pagpalo nito sa mesa at nakapikit pa.
“Huy!” Malakas niyang pinalo ang kaliwang braso ng lalaki. Napatigil ito sa ginagawa at mabilis na hinubad ang earphones.
“Ha?” Kunot-noo siya nitong tiningnan.
“Anong ha? Ang ingay mo!”
“Break time naman, eh.” Nagkibit-balikat pa ito.
Inirapan na lang niya ang lalaki, saka muling ibinaling ang paningin sa bintana. Patapon talaga! Wala na ba akong makikitang matino ngayon?!
Naramdaman niyang may kumalabit sa kanya. Muli niyang nilingon ang lalaki. Iniaabot nito sa kanya ang kanang earbud ng earphone.
Matagal niyang tinitigan ang lalaki bago umiling. “`Di ako nakikinig ng emo.”
Tumawa ito. “`Di naman `to emo.”
“Lalo na ang metal. Ayoko sa hardcore rock, masyadong maingay.”
“Mellow lang `to.” Hindi pa rin ibinababa ng lalaki ang pagkakahawak sa kanang earbud.
“Define mellow.”
Bumuntong-hininga ito. “Okay, rock pa rin. Pero `di `to maingay, promise.”
Napilitang kunin ni Jeka ang earbud, saka isinalpak sa kanang tainga. Ayaw niyang makinig ng kantang hindi naman niya gusto. Lalong ayaw niyang makipagkuwentuhan sa lalaking ito. Pero ayaw niya namang magmukhang suplada. Lalong ayaw niyang magkaroon ng kaaway.
At himalang nagustuhan ni Jeka ang kantang ipinarinig sa kanya ng lalaki. Nakarinig siya ng tunog ng tambol at electric guitar pero hindi iyon masakit sa tainga. Maganda rin ang boses ng lalaking bokalista, hindi sumisigaw. At higit sa lahat, maganda ang pagkakasulat sa lyrics. Higit niya iyong naa-appreciate dahil mahal niya ang mga tula. Dahil sa palaging nagtatanghal tuwing balagtasan ay nagustuhan ni Jeka ang mga tula.
“Ang ganda naman n’on!” nakangiti nang sabi ni Jeka.
“O, `di ba, nagustuhan mo?”
“Anong title? Ise-search ko mamaya sa YouTube.”
“‘Sleep Tonight’ by December Avenue.”
“December Avenue? Parang `di ko sila kilala. Bago ba `yan? Foreigner?”
Umiling ang binata. “Pilipino sila.”
“O? Bakit ngayon ko lang sila narinig?”
“Hindi pa sila gano’n kasikat. Indie, eh.”
“Indie?”
“Independent. Walang record label. Walang manager. Hindi mainstream gaya ng Sponge Cola o Callalily.”
“Dami mong alam sa banda, ah!”
“Nagbabanda rin kasi ako.”
Pinasadahan ni Jeka ng tingin ang lalaki. “Halata naman.” At pasimple niyang tiningnan ang braso at pulsuhan nito. Makinis iyon. “Pero bakit wala kang laslas?”
Nangunot ang noo ng lalaki. “Ha?”
“Rocker ka, `di ba? Emo?”
Tumawa ito. “O, `tapos? `Di naman por que rakista, eh, kailangang maglaslas. Genre ang rock, hindi buhay. `Di por que malungkot ang kanta, malungkot na rin dapat ang mga rakista. `Di rin por que maingay, eh, barumbado na.”
Napangiti si Jeka. Gusto niya ang paraan ng pangangatwiran ng lalaki. Sa palagay niya ay may sense itong kausap. Sa wakas, nakatagpo rin siya ng taong hindi “patapon.” “Ano na nga uling pangalan mo?”
“Emman,” nakangiti na ring sagot nito.
Matagal na tinitigan ni Jeka ang binata. Hindi nagtagal ay inirapan na niya ito. “Wala kang kuwentang kausap. `Di mo man lang ba itatanong ang pangalan ko?”
“Kilala kita,” nakangiti pa ring sagot nito. “Jeka...”
“Pa’no mo nalaman?”
Sa halip na sumagot, nagkibitbalikat ang binata at isinalpak na uli nito ang isang earbud sa tainga. Isinalpak na rin uli ni Jeka ang earbud sa kanyang tainga at sabay nilang pinakinggan ang iba pang mga kanta na naka-save sa iPod Shuffle ni Emman.