NAGSIMULA at natapos na ang klase nina Jeka sa Filipino pero hindi pa rin pumapasok si Emman. Akala pa naman niya ay naiiba ang binata sa kanyang mga kaklase, pero mukhang katulad din ito ng iba—mahilig lumiban o mag-cutting class, bulakbol at pasaway. Sa susunod talaga ay gagalingan na niya ang pakikipagkaibigan. Hindi siya makikipagkaibigan sa mga patapon.
Baka wala akong maging kaibigan sa mga kaklase ko, ah! Natawa siya nang mapakla. Wala nga naman pala talaga akong tunay na kaibigan since first year.
Mayamaya pa ay dumating na ang teacher nila sa Trigonometry, sa Math. Bumati lang ito sa kanila at nagsimula nang mag-discuss ng kanilang aralin sa araw na iyon. Gaya kahapon, halos walang nakikinig sa kanilang Trigonometry teacher. Wala naman itong pakialam, dere-deretso lang ito sa pag-discuss. Si Jeka naman ay pinilit ang sarili na maintindihan ang kung ano ang sinasabi ng kanyang teacher. Mahina siya sa math, alam niya iyon. Kung hindi siya makikinig, tiyak na babagsak siya.
Mayamaya pa ay naagaw ni Emman ang atensiyon niya. Muntik pa nga niyang hindi makilala ang binata dahil maiksi na ang buhok nito, two-by-three. One-sided pa rin ang buhok pero wala nang bangs na tumatakip sa kanang mata nito. Maayos na rin ang pagkakabutones ng uniporme nito. Itim na slacks at leather shoes na rin ang suot nito. Mukha na itong estudyante, hindi rakistang gusgusin.
Hindi maiwasan ni Jeka na sundan ng tingin si Emman hanggang sa makaupo na ito sa tabi niya.
“Ang pangit ng buhok ko, `no?” natatawa ngunit mahinang sabi nito nang makaupo na.
“Ha? Ah... hindi. A-ayos lang.”
“`Sus! `Wag mo na `kong lokohin. Alam ko namang pangit ang pagkakagupit ko dahil nauna na `kong tuksihin ng mga kabanda ko.” Bumuntong-hininga ito. “Alam mo, ayoko talagang magpagupit. Pero ayoko rin namang mabungangaan na naman ni Mrs. Mondragon.” Tumawa ito. “Mondragon. Bagay talaga sa kanya ang apelyido niya. Unang araw pa lang, bumubuga na ng apoy, eh.”
Tumawa rin si Jeka. “Oo, at yari ka na naman. Ba’t `di ka pumasok sa klase niya kanina?”
“You two!”
Sabay na napatingin sa harap sina Jeka at Emman. Nakita nilang matalim na ang pagkakatingin sa kanila ni Mrs. Tubillo.
“Tawanan kayo nang tawanan, `di naman kayo makasagot `pag tinanong kayo.”
Naitikom ni Jeka ang kanyang bibig. Natatakot siya sa maaari niyang sabihin. Gusto kasi niyang magprotesta. Kanina pa maingay sa klase nila pero silang dalawa lang ang pinuna.
“Sorry, Ma’am,” mabilis na sagot ni Emman.
“Ikaw, babae, `di ka magso-sorry? Gawin mo ang problem sa board. Tingnan natin kung ano `yang pinagmamalaki mo.”
Nakaramdam ng pressure si Jeka. Alam niyang nakatingin na sa kanya ang lahat ng kanyang mga kaklase. Kailangan niyang makapag-isip ng paraan para hindi mapahiya sa lahat.
Tiningnan ni Jeka ang problem sa blackboard at mabigat ang loob na tumayo at maglakad papunta rito. Mabuti na lang at alam niyang hindi kakayanin ng pakikinig lang sa mahinang boses ni Mrs. Tubillo para pumasa, kailangan din niyang mag-aral. At ginawa niya iyon kagabi pagkauwi sa bahay. Kaya naman kahit paano ay may kaunti siyang nalalaman tungkol sa lesson nila ngayong araw. Hindi nga lang siya sigurado kung tama ang pagkakaintindi niya sa kanilang lesson. Ganoon pa man, isinagot pa rin niya kung ano ang kanyang nalalaman.
Isinulat niya ang solution sa blackboard at kinahunan ang kanyang sagot. Pagkatapos niyon ay humarap na siya sa guro.
Kitang-kita niya kung paanong bigla na lang nawala ang pagkakakunot ng noo ni Mrs. Tubillo.
“Your answer is correct. Sit down.”
Tumaas ang tingin ni Jeka sa sarili. Gusto pa nga niyang ngisian ang guro. Hindi siya napahiya. Bukod doon, mukhang ang guro pa niya ang kanyang napahiya.
“But you still have to listen. Wala munang magdadaldalan.”
“Yes, Ma’am,” sagot niya nang hindi tinitingnan ang guro.
“`Galing mo!” puri ni Emman nang makaupo na siya sa kanyang upuan.
“`Wag ka nang maingay. Baka pagalitan na naman tayo.”
NALUKOT na nang husto ang elective form ni Jeka. Sumasakit na rin ang kanyang lalamunan dahil sa pagpipigil ng hikbi at luha. Hindi kasi siya pinayagang kunin ang elective na Campus Journalism. Ang sabi sa kanya ng isang teacher sa TLE, ang Campus Journalism ay para lamang sa cream-of-the-crop sections, ang section one hanggang four. At hindi na siya kabilang sa mga section na iyon. Gustong-gusto pa naman niya ang elective na iyon na ngayong taon lang nagbukas. Alam din niya na taglay niya ang mga katangian ng isang campus journalist. Pero nang dahil lang wala siya sa sections one to four ay hindi na niya iyon maaaring kunin.
“Jeka...”
Gamit ang palad ay dali-dali niyang pinunasan ang nangingilid na luha sa kanyang mga mata bago harapin ang kung sino mang tumawag sa kanya.
“O, umiiyak ka?” tanong ni Emman.
“H-hindi. Napu—”
“Napuwing lang? `Sus! Gagawin mo pa `kong tanga. Ilang beses ko nang narinig `yan sa TV, eh.” Mas lumapit ito sa kanya at inabutan siya ng panyo. Pero sa halip na tanggapin ay pinalis lang niya ang kamay nito. “Ano ba’ng nangyari?”
“Wala ka na ro’n.”
“Eh, di wala! `Kala mo pipilitin kita?” natatawang sabi nito.
Inirapan niya ito at akmang lalayasan na sana nang bigla siya nitong hinawakan sa braso.
“Joke lang naman!”
Muli niyang pinalis ang kamay ng binata para mabitawan siya nito. “Ano ba’ng kailangan mo?”
“Tatanungin lang sana kita kung may nakuha ka nang elective. Eh, kaso umiiyak ka.”
“`Di ako umiiyak.”
“Ah, eh, di iiyak pa lang.”
Napailing na lang si Jeka, saka bumuntong-hininga. Wala siyang mapapala sa pakikipagsagutan sa lalaking ito.
“Ano? May elective ka na ba?”
“Wala. `Yon nga ang problema ko, eh.”
Muli itong tumawa. “Umiiyak ka nang dahil sa elective?”
“`Ge, tawa pa!” Matalim niyang tiningnan ang binata.
“Sorry!” Sa isa pang pagkakataon ay tumawa na naman ito. Mayamaya pa ay tumikhim ito para pigilin na ang sarili sa pagtawa. “`Di lang kasi ako makapaniwala na may isang fourth year student na iniiyakan ang elective.”
“Ang unfair lang kasi. Gustong-gusto ko ang Campus Journalism. `Tapos, sasabihin nila na `di ko `yon puwedeng kunin kasi wala ako sa top sections. Bakit laging priority ang top sections?”
“Nice! Parang `di ka galing sa top section, ah.”
Naningkit ang mga mata ni Jeka. “Alam mong galing ako sa section one?”
“Section one ang nag-organize ng battle of the bands no’ng foundation week last year, `di ba?” Iniabot nito ang kanang kamay. “Emman nga pala, drummer of Tears of Heart Band.”
“`Yong nag-champion?!” nanlalaki ang mga matang tanong ni Jeka. Pinilit niyang alalahanin ang mga nangyari noong battle of the bands. Bakit nga ba hindi niya agad nakilala si Emman?
Natawa ang binata. “Okay lang. Sanay naman na akong palaging hindi napapansin ang drummer ng banda.”
“Busy lang ako no’ng araw na `yon kaya `di kita napansin no’n, kaya `di kita naalala.”
Nagkibit-balikat ito. “Sabi mo, eh. So, ano? May naisip ka na bang elective?”
Muling bumalik ang lungkot ni Jeka. “Wala. Campus Journalism lang talaga ang gusto ko.”
“Eh, `di naman na natin mapipilit ang gusto mo.”
Hindi na kumibo si Jeka. Tama nga naman kasi ang binata na hindi niya puwedeng ipilit ang sarili sa Campus Journalism. Kailangan na lang niyang pumili ng ibang elective. Kung hindi ay hindi siya makaka-graduate.
“Ganito, `pasok na lang uli tayo, `tapos tingnan natin kung ano pa ang mga available na elective. `Tapos kung ano’ng madali, `yon na lang ang piliin natin.”
“Natin?”
Tumango si Emman. “Wala pa rin akong napipiling elective, eh. Ayoko namang mag-metal works...” Tiningnan nito ang mga palad. “Drumstick lang ang puwede kong hawakan, no.”
“Wala namang elective na for music.”
Ngumiti ito. “Pinapatawa lang kita. Masyado ka kasing seryoso.”
“Hindi nakakatawa.” Inirapan niya si Emman bago ito talikuran. Nauna na siyang naglakad papasok sa audio-visual room kung saan nagaganap ang orientation at regestration para sa electives.
Tiningnan ni Jeka ang nakasulat sa whiteboard. Campus Journalism, Culinary Arts, Handicrafts at Metal Works na lang ang available. Mabilis na napuno ang slots para sa IT, Cosmetology at Housekeeping.
“Anong gusto mo?” tanong ni Emman.
“Kahit ano na lang. Kung ano na lang siguro ang pipiliin mo, `yon na lang din ang akin.”
Hinimas ni Emman ang baba. “Magastos daw ang Culinary Arts. Mabigat naman ang mga gagamiting bakal at kahoy sa Metal Works at Handicrafts...” Ibinaba na nito ang kamay para hawakan si Jeka sa braso. “Tara, Culinary Arts na lang.”