Ikatlong Kabanata

2362 Words
PUNO ng tensiyon ang loob ng classroom nina Jeka. Tahimik ang kanyang madadaldal na kaklase. Paano’y binabalasa na naman ni Mrs. Mondragon ang mga index card kung saan nakasulat ang kanilang mga pangalan. Kung kaninong index card ang mabunot, siya ang sasagot sa recitation.             “Ano? Binasa ba ninyo ang tula?”             “Opo,” mahinang sagot ng ilan. Ang iba naman ay nanatiling tahimik.             “Naintindihan ba ninyo?”             “Opo.” Mas humina ang sagot.             “Sige, tingnan natin.” Bumunot si Mrs. Mondragon ng isang index card. Pigil-hininga ang lahat. “Isa lang ang tanong ko. Twenty points ang may pinakamahusay na sagot. Ang `di naman makakasagot, zero at tatayo buong klase.” Iginala nito ang paningin. At bawat estudyanteng tingnan nito ay nag-iiwas ng tingin. “Ano ang pagkakaintindi n’yo sa tulang ‘Ako ang Daigdig’?” Tiningnan nito ang nabunot na index card. “Mauna ka nang sumagot, Camille.”             At isa-isa na nga silang tinawag ni Mrs. Mondragon. May mga estudyanteng magaling ang pagkakapaliwanag sa sagot at mayroon din namang basta makasagot lang, lalo na ang mga lalaki.             Maging si Jeka ay hindi nakaligtas sa recitation, pero gusto niyang sumagot sa pagkakataong iyon dahil nga sa hilig niya ang tula.             “Ang akin pong interpretsyon sa tulang ‘Ako ang Daigdig’ ay sinasabi na ikaw ang magdidikta ng iyong tadhana. Kung ano man ang mangyari sa iyong buhay, resulta iyon ng iyong mga ginawa at desisyon. Kaya kung may mangyari man na hindi maganda, wala kang ibang dapat sisihin kundi ang iyong sarili.” At tinamaan siya sa huli niyang sinabi. Tama, kasalanan ko kung bakit ako nandito sa section na ito. Nagpabaya ako.             “Magaling! Mahusay kang sumagot, Jeka.”             Ngumiti lang si Jeka at umupo na. Pero nahagip ng kanyang mga mata ang pag-irap ng isa sa mga kaklase niyang babae. Nangunot ang kanyang noo. Inano ko `to? naiinis niyang tanong sa sarili. Ayaw niya ng iniirapan siya. Sino ba namang may gusto niyon? Pero lalong ayaw niya na inirapan siya nito kahit wala naman siyang ginagawang masama dito.             “Natutuwa ako dahil kahit paano ay marunong na kayong umunawa ng isang magandang tula,” sabi ni Mrs. Mondragon pagkatapos ng nakakakabang recitation. “Ngayon, para sa inyong project—”             Umugong ang bulungan sa loob ng classroom. Nagpoprotesta ang mga estudyante. Ilang linggo pa lang pagkatapos ng unang araw ng pasukan ay nagpapa-project na ang kanilang guro.             “O, bakit maingay?” Tuminis ang boses ni Mrs. Mondragon.             Tumahimik namang muli ang lahat. Gusto talaga nilang magreklamo pero walang matapang na gustong magsabi kay Mrs. Mondragon.             “Kaya ko ibinibigay nang maaga ang project n’yo para `di ako sasabay sa ibang mga subjects n’yo. Saka, may isang buong grading period kayo para gawin `to.” Pumalatak ito. “Inuuna kasi ang reklamo, eh.” Umiling pa, pagkatapos. “Ang gusto kong gawin n’yo ay magsulat ng dalawampung tula, sampung tradisyunal at sampung malayang taludturan.”             Muling umugong ang bulungan. Mas malakas iyon kaysa kanina. Paano, hindi pa naman nila napapag-aralan ngayong school year kung paano magsulat ng tula, heto at iyon na ang project nila sa Filipino.             “Tumahimik!”             At iyon nga ang ginawa ng klase.             “Kaya nga binigay ko nang maaga ang project n’yo, eh. Nauunawaan ba? Sige, paalam, mga mag-aaral.”             Hindi naging sabay-sabay ang ginawang pagtayo ng klase. “Paalam at maraming salamat po, Ginang Mondragon!” Hindi rin sabay-sabay na sabi nila.             “Ibang klase talaga si Mrs. Dragon,” sabi ni Emman nang makalabas na ang guro. “Akala mo siya lang ang subject natin, eh.”             “Kung makareklamo, eh, maning-mani lang sa `yo `tong project natin, eh,” sagot ni Jeka.             “Sabi nino? Ni hindi nga ako makapagsulat ng isang tula, gusto pa niya, beinte. Ano ba’ng akala niya sa `tin, mga apo ni Balagtas?”             Sana, sagot ni Jeka sa isip. “Eh, `di ba, musician ka? Bakit `di ka nagsusulat ng tula? `Di ba, ang kanta ay tula, may music lang?”             “Tumutugtog lang ako, pero `di ako nagsusulat ng kanta.”             Ipinatong ni Jeka ang kanang siko sa mesa, saka nangalumbaba. “Gusto mo ba talagang i-pursue ang pagbabanda mo?”             “Oo naman!” agad na sagot ni Emman. “Ewan,” sabay bawi nito sa kaninang sagot.             “Kung gusto mo talagang maging musician, dapat alam mo lahat. Hindi `yong drummer ka lang. Dapat marunong kang maggitara—”             “Marunong ako.”             “Kaya nga! `Di dapat iisa o dadalawa lang ang alam mo sa music. Dapat, alam mo’ng lahat, kahit ang mag-compose.”             Mariing napakamot si Emman sa ulo. “Parang ang dali-dali lang kasi sa `yo ng project natin, ah... Ay, kunsabagay, galing ka nga pala sa section one. Madali lang talaga sa `yo ang lahat!”             Naningkit ang mga mata ni Jeka. Ayaw na niyang maalalang nanggaling siya sa section one. Nabi-bitter lang siya. “Hindi sa gano’n. N-nasakto lang na mahilig akong tumula.”             “`Ayun. Okay lang sa `yo kasi gusto mo. Pa’no naman kaming `di tumutula?”             Naitikom ni Jeka ang bibig. “Eh, ano ba’ng magagawa natin? `Yon ang project ni Ma’am, eh.” Ano nga ba ang magagawa niya? May punto si Emman—hindi lahat ay marunong tumula, gaya nang hindi lahat ay mahusay sa Math. Hindi rin naman itinuro sa kanila kung paano tumula. Hindi rin siya sigurado kung maituturo nga ba ang pagtula. Natuto lang siyang tumula dahil sa pagbabasa ng mga tula. Gusto niyang tulungan ang mga kaklase sa proyektong iyon dahil alam niyang doon siya mahusay. Sa pagkakataong iyon ay gusto na niyang ibahagi ang kanyang nalalaman sa mga kaklase dahil alam niyang wala na siyang kakompitensiya sa mga ito. Mataas ang tingin niya sa sarili. Feeling niya, siya ang pinakamatalino sa section fifteen.   NAGLALAKAD na sa pasilyo si Jeka para umuwi. Excited siyang umuwi dahil Biyernes na. Kung dati ay gustong-gusto niyang maglakwatsa kasama ang mga kaibigan—kung kaibigan mang maituturing ang mga naging kaibigan niy sa section one, ngayon ay mas gusto na lang niya sa bahay. Talaga kasing nilu-look forward niya ang dalawang araw sa isang linggo ay makakatakas siya mula sa magulong mundo ng kanilang classroom. Isa pa ay wala naman siyang kaibigan sa section fifteen para yayaing mamasyal.             “Jeka!”             Tumigil siya sa paglalakad para lingunin si Emman. Alam niyang si Emman ang tumawag sa kanya. Kabisado na niya ang boses nito. Sa araw-araw ba namang lagi silang magkatabi, maski yata amoy ng pabango nito ay alam na niya.             “Uuwi ka na ba?”             Tumango si Jeka.             “As in, deretso uwi na?”             Muli siyang tumango.             Napahimas ito sa batok. “Baka... baka gusto mo munang mag-mall?”             “Ha? Ay, pass ako diyan. Wala akong pera panglakwatsa.” Pagkatapos ay tinalikuran na niya ito.             “Teka!” Hinarangan nito ang kanyang daraanan. “`Di naman tayo gagastos... Ang ibig kong sabihin, `di naman tayo masyadong gagastos. Kakain lang. Tatambay. Magpapalamig.”             Tumawa si Jeka. “Magpapalamig talaga? `Di ka pa ba giniginaw? Tag-ulan kaya!”             Napakamot ito sa ulo. “Gan’to na lang. Libre kita.”             Lumapad ang pagkakangiti ni Jeka. Gusto na niyang kagatin ang alok ni Emman. Una, dahil matagal-tagal na rin naman siyang hindi nakapamamasyal kasama ang isang kaklase. Pangalawa, ililibre pa siya ng kaklase. Pero siyempre, hindi agad siya papayag dahil sa hiya. “Anong meron?”             “W-wala. Gusto kasi kita—Ang ibig kong sabihin, gusto ko lang na kasama kita. Ang ibig kong sabihin—” Napabuntong-hininga na lang ito nang wala nang maisip na sasabihin.             “Ano talaga?”             “Basta, ililibre kita!”             “Talaga?”             Ngumiti ang binata. “Oo naman!”             Nagkibit-balikat si Jeka. “Sige.”             At sabay na silang naglakad palabas ng gate ng eskuwelahan at papunta sa terminal ng jeep. Isang sakay lang mula sa kanilang eskuwelahan ay narating na nila ang pinakamalapit na mall. Dumeretso sila sa supermarket kung saan nandoon ang food stall ng Paotsin. Presyong-estudyante lang ang mga pagkain doon. Mas mura pa ang mga pagkain doon kaysa sa fast-food chain.             “Wala yata kayong tugtog ng mga kabanda mo,” pagbubukas ni Jeka ng usapan.             “Wala na kaming pera pangrenta ng studio, eh.”             “Pero may pera ka panlibre.”             “Mahal kasi... mas mahal kasi ang pangrenta kaysa dito.”             Tumawa si Jeka. “Kaya nagrenta ka na lang ng kaibigan, ng makakausap?”             Kumunot ang noo nito. “Ha?”             “Ako.”             “Nirentahan ba kita?”             Nagkibit-balikat lang siya. “Sa dinami-rami natin sa section, ako ang niyaya mo. Nilibre mo pa `ko.”             “O?”             “Lagi na lang tayong magkasama. Wala ka bang kaibigan?”             “`Di ba kita kaibigan?”             Muling nagkibit-balikat si Jeka. Kunwari ay hindi siya natuwang marinig na tinuturing siyang kaibigan ng binata.             “Since day one, magaan na ang loob ko sa `yo. Ang sarap mong kausap.”             Napangiti siya. “Kikiligin na ba `ko niyan?” Kahit ang totoo medyo kinikilig na nga siya. Pero hindi iyong kilig na may malisya. Kinikilig lang siya dahil may isang tao na bukas sa pagsasabi ng appreciation. Naa-appreciate siya nito!             Nag-iwas ng tingin si Emman. Ginalaw nito ang pagkain, saka sumubo nang kaunti. “Ikaw ba, wala kang kaibigan?” tanong nito na hindi pa rin tumitingin sa kanya.             “Nasa section one,” maikling sagot niya kahit ang totoo ay hindi siya sigurado kung kaibigan nga niya ang mga itinuturing na kaibigan sa section one. Sa tindi kasi ng competition sa section one, pakiramdam niya ay naggamitan lang sila. Parang kinakausap lang nila ang isa’t isa for the sake of grades and companion.             Tumingin ito sa kanya. “Sa section natin?”             Umiling siya. “Ang hirap sabayan ng mga kaklase natin. Masyado silang maingay, masyadong maharot. Nao-OP ako.”             Muling sumubo si Emman. “Baka naman dahil iniisip mo na hindi mo kami ka-level.”             “Ha?”             Lumunok muna si Emman bago nagsalita. “Kilala ka ng mga kaklase natin na galing section one. `Yong iba, nayayabangan sa `yo kaya ayaw kang kausapin. `Yong iba naman, nahihiya kasi baka ismolin mo sila.”             Parehong tinamaan si Jeka sa dalawang dahilang sinabi ni Emman. Totoo namang mataas na ang tingin niya sa sarili dahil siya ang palaging nakakakuha ng mataas na grade sa klase. Totoo rin na minamaliit niya ang kanyang mga kaklase. Pero dahil sa ganoong pag-uugali, wala siyang nakakausap sa kanilang section maliban kay Emman. Iniisip niya tuloy na magbago na ng pakikitungo sa mga kaklase.             “`Di naman ako gano’n,” depensa niya.             Tumango si Emman. “Alam ko naman `yon. Sinasabi ko nga kina Mina na kaibiganin ka nila.”             “Mina?”             Tumawa si Emman. “Kitams, `di mo pa rin kilala ang mga kaklase natin. Sa Monday, `sama ka sa’ming mag-break.”             “Baka ma-OP lang ako.”             Tumawa si Emman. “Masayang kasama ang mga `yon at gano’n ka rin. Feeling ko, makakasundo mo sila.”             Wala nang nagawa si Jeka kundi ang tumango. Baka singilin pa siya ni Emman sa kinain niya kapag tinanggihan niya ito.             Pero `pag patapon ang mga kaibigan mo, pasensiyahan na lang tayo, Emman.   SA UPUANG bato sa ilalim ng punong acacia tumambay sina Emman noong break time. Sa pagkakataong iyon ay kasama na nila si Jeka. Naggigitara si Emman habang kumakanta naman ang kaklase nito noong third year na kaklase na rin nila ngayong fourth year na si Mina.             Gaya ni Emman, mahilig din si Mina sa genre na rock. Halata naman sa paraan nito ng pananamit at sa pagdala ng sarili. Hanggang gitnang bahagi ng likod ang haba ng tuwid na buhok ni Mina. Minsan itong nagsusuot ng itim na headband na may disenyong bungo na hugis puso. Pero madalas itong nakapusod lang. Kapag naman araw ng Biyernes, dark-colored na T-shirt ang ipinampapares nito sa suot na unipormeng jogging pants. At gaya ni Emman, nagsusuot din ito ng high-cut na Converse. Boyish kung kumilos si Mina kaya napagkamalan ni Jeka na lesbiana ito. Pero ang sabi naman ni Emman, ganoon lang daw talaga kumilos ang mga babaeng rakista.             Kasama nilang nakatambay sina Kris at Mildred. Ang mga ito ang madalas na tuksuhin ng isang barkada sa klase nila. Iyong barkadang madalas na naririnig ni Jeka na nagyayayang mag-inuman. Parang linggo-linggo yata ay may drinking session ang barkadang ito at halos araw-araw namang tinutukso sina Kris at Mildred. Palibhasa, hindi kumikibo ang dalawa kaya inaabuso.             “Kanta ka naman!” sabi sa kanya ni Mina.             “`Di ko alam `yang kinakanta n’yo, eh.”             “`La! Sikat na sikat ang Paramore, eh.”             Tumugil si Emman sa pag-strum sa gitara. “Subukan natin ang OPM.”             “Sige, sige,” sagot ni Mina. “Kaya mo na ba `yong ‘Boston Drama’?”             “Bago ng Typecast `yon, eh,” sagot naman ni Emman. “`Di ko pa kayang gitarahin. ‘Magbalik’ na lang.”             “Classic `yon, p’re.” Tinaasan ni Mina ng kilay si Jeka. “Gagaling ka nang maggitara `pag na-perfect mo `yong ‘Magbalik,’” kuwento nito.             Sinumulan na ni Emman ang pag-pluck, na sinundan ng pag-strum at pagkanta ni Mina sa mga unang linya ng “Magbalik.”             “... Ang awit ng pusong ito...” Inakbayan ni Mina si Jeka. “Sabay ka, Jeka... Tulad ng mundong hindi tumitigil sa pag-ikot, pag-ibig `di mapapagod...”             Alam ni Jeka ang kanta. Sino ba namang hindi makakakabisado sa kantang iyon? Kahit saang FM station at music program sa TV ay tinutugtog iyon.             “Tulad ng ilog na hindi tumitigil sa pag-agos, pag-ibig `di matatapos...” Sabay nang kumanta sina Jeka at Mina.             Lumaki ang pagkakangiti ni Mina, ganoon din si Emman. Tinapos nila ang kanta, at sa pagkakataong iyon ay kasabay na rin nilang kumakanta sina Kris at Mildred.   
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD