Saka lang napagtanto ni Krystal na nasa pribado pala silang subdibisyon sa Tagaytay noong makalabas na sila ng bahay kung saan tanaw na tanaw mula doon ang malawak na Taal Lake. Ang sabi ni Christof ay sa Manila in-admit ang ate niya at ibang mga kababaihan mula sa underground hospital. Kulang kulang dalawang oras din ang magiging biyahe nila mula tagaytay hanggang Manila, depende pa sa lagay ng trapiko. Naiwan pansamantala sina Sonia at Alejandro sa may kalakihang bahay. Si Alejandro ang may-ari ng bahay na iyon at dito siya madalas nagbabakasyon lalo na kung kailangan niya mapag-isa at magrelax. Lugar na kahit papa'no ay ligtas at malayo sa ingay at gulo ng syudad. Ang kotse din ni Alejandro ang ipinagamit kila Christof at Krystal tutal ay wala naman daw itong lalakarin o pupuntahan.

