“Aira… hindi ako sigurado kung ako ang ama ng anak mo.”
Ang mga salitang iyon ang sumira sa katahimikan ng buong silid.
Tumigil ang paghinga ni Aira. Hindi niya alam kung masyado lang bang malamig ang hangin sa gabi o kaya ay talaga lang nanlamig ang buong katawan niya.
“Ano’ng… ibig mong sabihin?” tanong niya, nanginginig ang boses. “Nagpa-DNA test ka ulit?”
Tahimik si Dominic. Hindi siya makatingin nang diretso. Hawak niya ang cellphone, ngunit para bang ito ang pinakamabigat na bagay sa kanyang palad.
“Dominic…”
“May ipinadala sa’king report. Anonymous. Sinabi nila na hindi ako ang ama, at… sinabayan pa nila ng test result.”
“Pero… hindi mo ako tinanong? Hindi mo ako kinausap?” Halos pabulong na ang boses ni Aira. “Sa halip, nagpa-test ka ng palihim?”
“Hindi kita kayang tanungin. Hindi ko kayang marinig ang kasinungalingan kung sakaling… totoo nga.”
Kung sakaling totoo nga.
Parang tinadyakan si Aira sa dibdib.
“So ngayon… duda ka sa’kin?” bulong niya.
“Gusto ko lang malaman ang totoo.”
“Gusto mo o gusto mong magkaroon ng dahilan para layuan ako?”
Walang tugon si Dominic.
Tahimik.
Mapait.
Masakit.
“Alam mo kung gaano ko kinatatakutan ang mawala ka,” sabi niya, unti-unting bumabagsak ang mga luha. “Pero mas masakit pa pala ‘to—yung tanungin mo ang sarili mo kung kaya ka niyang paniwalaan. At sa kaso mo, halatang hindi.”
Tumalikod siya.
“Hindi ko alam kung anong mas mabigat—yung muntik ko nang mawala ang anak natin, o yung ngayong nagdududa ka kung sa’yo ba talaga siya.”
Kinabukasan, hindi lumabas ng kwarto si Aira. Pinilit siyang pakainin ng nurse, pero wala siyang ganang kumain. Hindi siya umiiyak, pero walang kulay ang mukha. Ang dating makislap niyang mga mata, wala nang buhay.
Si Dominic naman ay hindi mapakali. Paulit-ulit siyang nakatayo sa may study, hawak-hawak ang envelope ng test results.
"Inconclusive."
Yun ang nakasulat.
Ibig sabihin, hindi malinaw kung siya nga ba ang ama. Pwedeng siya. Pwedeng hindi.
At hindi siya makatulog dahil doon.
Isang linggo ang lumipas.
Tahimik.
Walang-usap.
Hanggang isang gabi, nadatnan ni Dominic si Aira sa may balcony, nakaupo sa isang upuan, tahimik, nakatingin sa buwan.
“Maganda ang gabi,” sabi ng babae, hindi siya tiningnan.
“Hindi ko alam kung karapat-dapat pa akong kausapin mo.”
“Wala namang ibang kasama rito, di ba?”
Pumunta siya sa tabi nito, tumayo.
“Pwede ba akong umupo?”
Bahagyang tango lang ang sagot ni Aira.
Umupo siya.
Tahimik.
Nasa pagitan nila ang mga salitang hindi nasambit, ang sakit na hindi pa rin mabura, at ang tanong na patuloy na lumalason sa pagitan nila.
“I’m sorry,” sabi ni Dominic, halos pabulong. “Hindi ako dapat nagduda.”
“Pero nagduda ka pa rin.”
“Bumuo ako ng mundo na puno ng galit. Kaya hirap akong maniwala sa kahit anong mabuti.”
“Eh ako? Ako na walang ginawa kundi tanggapin ka—kahit kailan, hindi mo man lang ako tinanong. Hindi mo sinubukang marinig ang panig ko.”
Tumulo ang luha ni Aira.
“Wala na bang halaga ang salita ko sa’yo?”
Napayuko si Dominic. “May halaga. Pero huli ko nang narealize.”
Pagkatapos ng ilang araw, sinubukang bumawi ni Dominic. Dinala si Aira sa doktor, sinamahan sa check-up, pinagluto ng paborito niyang pagkain. Pero alam niyang hindi sapat.
“Gusto kong magpa-DNA test muli,” sabi niya isang gabi.
“Voluntary na ba ngayon? Hindi tulad ng palihim?”
“Gusto kong harapan na. Para makita mo. Para malaman natin pareho.”
Tumango si Aira.
“At kung lumabas na hindi ikaw?”
Tahimik si Dominic.
“Alam ko kung ano’ng nararamdaman mo. Pero ako—ako lang ang may alam kung kailan ito nagsimula. Hindi kita niloko, Dominic.”
Lumapit ito. Hinawakan ang kanyang kamay.
“I know. At kung ako ang ama, paninindigan ko. Hindi lang ang bata. Ikaw.”
Dumating ang araw ng test.
Kasama nilang dalawa ang doctor.
Nagpakuha sila ng sample. Hindi na siya nagtanong pa. Hindi na rin siya umiyak. Pagod na ang puso niya.
Dalawang linggo ang paghihintay.
Sa panahong iyon, naramdaman niya ang unti-unting paglapit ni Dominic. Hindi pa rin ito sweet. Hindi pa rin ito expressive. Pero may mga munting kilos—paghawak sa balikat, paglagay ng unan sa kanyang likod, paglapit sa kanya kapag natutulog.
At sa puso ni Aira, kahit ayaw niyang umasa… umaasa pa rin siya.
Dumating ang resulta.
Pareho silang nandoon sa clinic.
Tahimik.
Binuksan ng doktor ang sobre.
Tumikhim. “Gusto niyo bang marinig?”
Tumango si Dominic.
“Based on the test results…” Tumigil ito. “Mr. Dominic Alcaraz is the biological father of the child.”
Tumulo ang luha ni Aira.
Pero hindi siya ngumiti.
Dahil kahit totoo na, alam niyang hindi nito basta mabubura ang sakit.
Lumingon siya kay Dominic.
At sa wakas, sa unang pagkakataon, ngumiti ito—totoong ngiti.
Lumapit ito sa kanya. Hinawakan ang kanyang kamay.
“Salamat,” bulong nito.
“Sa ano?”
“Sa paniniwala sa ‘kin. Kahit nung hindi ko kaya maniwala sa’yo.”
Dumaan ang mga araw. Unti-unting naging normal ang pagsasama nila. Naging mabait si Dominic, mas tahimik, mas kalmado. Pinili nitong ipagpatuloy ang relasyon nila, hindi para sa bata, kundi para sa kanila.
“Gusto kitang mahalin, Aira,” sabi nito isang gabi habang pinapahiran ang kanyang tiyan ng cream. “Hindi ko lang alam kung paano.”
“Wala naman yang manual, Dominic,” natatawang tugon niya. “Natututunan ‘yan. Sabay tayo.”
Sa loob ng ilang buwan, tila naging tahimik ang bagyo sa pagitan nila.
Hanggang isang gabi…
Habang tulog si Aira, may biglang sumabog na mensahe sa cellphone ni Dominic.
Gising siya.
Tahimik niyang kinuha ang cellphone.
At doon niya nabasa ang mensahe mula sa unknown sender:
“Napatunayan mo na ang bata’y sa’yo. Pero alam mo na bang hindi si Aira ang totoong anak ni Ernesto?”
Napakunot-noo siya.
May kasunod pang mensahe.
“Gusto mo ng pruweba? Tingnan mo ang medical record ng asawa mo. Tingnan mo ang blood type niya… at ikumpara mo sa kay Ernesto.”
Natahimik si Dominic.
Pumunta siya sa drawer. Kinuha ang lumang kopya ng birth certificate ni Aira, at ang kopya ng medical file ni Ernesto mula sa dati nilang foundation file.
Pagtingin niya sa blood type…
Aira – AB-
Ernesto – O+
Imposible.
Tumigil ang mundo ni Dominic.
Nilingon niya ang natutulog na babae sa kama.
Totoo ba? Hindi siya anak ni Ernesto?
At kung ganoon…
Sino siya?