Napahinto siya. Ayaw na niyang ipagtanggol si Arthur sa kahit na kanino. Madalas niyang gawin iyon kay Ceferino dati. Kapag nagkakausap sila ng Ate Blythe niya at nababanggit nito ang nobyo niya ay pulos pamumuri ang lumalabas mula sa bibig niya. Ayaw kasi niyang maliitin ng mga ito si Arthur. Naaawa rin siya rito dahil hindi ito katulad niya na sinuwerte sa buhay. Dapat na niyang tigilan ang pagtatanggol dito. Itinatak na niya sa isip niya na walanghiya ito dahil basta na lang ito nagpakasal sa ibang babae nang hindi pormal na nakikipagkalas sa kanya. Lubos nga siguro niya itong minahal dahil ipagtatanggol niya ang kawalanghiyaan nito sa ibang tao. Kahit kasi sinaktan siya nito nang labis, hindi basta-basta na lang mawawala ang pag-ibig sa puso niya. Hindi iyon basta-basta mabubura. Nal

