7

1369 Words
Years later New York, USA   NAPANGITI si Pablo nang makita niya ang matalik na kaibigan na si Ceferino. Isa itong heart surgeon. Beinte minutos na marahil siyang naghihintay sa labas ng ospital na pinagtatrabahuhan nito bago ito lumabas doon. “Cef!” tawag niya rito. Napatingin ito sa gawi niya. Kitang-kita niya ang gulat sa mukha nito. “Pablo?” hindi makapaniwalang sabi nito. Mabilis na naglakad ito patungo sa kanya. “Pablo Vicente Munis, is that really you?” Natutuwang niyakap niya ito. “In the flesh. How are you, Ceferino Branzuela?” Sinuntok nito nang mahina ang dibdib niya. “Bakit hindi ka man lang nagpasabi na darating ka? Maigi at naabutan mo ako rito sa ospital.” “Kalahating oras lang talaga ako mag-aabang dito. Kung hindi ka lalabas ay sa apartment mo na ako magtutungo. Good thing you’re here. Tapos na ba ang trabaho mo?” His friend looked like he didn’t get any sleep the whole night. Tumango-tango ito habang natatawa. “I need a cup of coffee. Let’s have some coffee before we go home. I can’t believe you’re here.” Nagkibit-balikat siya. “You know me, I’m unpredictable. Bigla ko lang naisipang magtungo rito. Hindi naman ako abala. I’ve missed you.” Hindi niya napigilan ang sarili na sumulyap sa hospital entrance. Inaasahan niya na bigla na lamang lilitaw roon ang isa pang kaibigan niya na doon din nagtatrabaho. “Hindi ako naniniwala na na-miss mo ako. You’re unpredictable, yes, pero palagi ay nagsasabi ka kung bibisita ka rito. Hindi naka-duty si Lavender.  She filed a leave of absence. Tara muna sa coffee shop at nang mapag-usapan natin kung bakit ka talaga nandito.” Inakbayan niya ito at naglakad na sila patungo sa pinakamalapit na coffee shop. “Mahirap ba talagang paniwalaan na nandito ako dahil gusto kong makita at makasama ang mga kaibigan ko na hindi ko nakita at nakasama nang halos anim na buwan? You’re so lousy. Aren’t you happy that I’m here? Nakakatampo ka, Cef. I’m not looking for Lavender. I’m not here for her. I’m here for you.” Humalakhak ito. “It’s good to see you again, Pablo. Nagulat lang talaga ako na narito ka. Hindi lang ako sanay na hindi mo ipinapaalam muna kay Lavender ang pagpunta mo.” Hindi niya masabi rito na kaya siya naroon ay dahil nais muna niyang makalayo sa Pilipinas, kay Julliana. He didn’t want to be the guy who had been left behind. He didn’t want to be the typical heartbroken guy. He had never been typical. Ayaw niyang maging miserable ang tingin sa kanya ng lahat dahil hindi siya ang pinili ni Julliana. Alam niya na hindi siya ang pipiliin nito. Sa simula pa lang, alam na niya na ang puso nito ay tumitibok lamang para kay Benjamin Montero. Wala siyang laban sa haba ng panahong pinagsamahan ng dalawa. Hindi basta-basta mawawala ang pag-ibig na inalagaan ng mga ito nang napakaraming taon. For Julliana, Benjamin was her forever. Kahit nakasilip siya ng pagkakataon noon, kahit umasa siya kahit paano, alam niya sa kaibuturan niya na ang dalawa pa rin ang magkakatuluyan sa huli. Kaya hindi na siya sumugal. Kaya hindi na niya gaanong pinahirapan si Julliana. Hindi na rin niya hinayaang mas masaktan ang kanyang sarili. Nahihirapan lamang siyang patuloy na magkunwari na bale-wala sa kanya ang lahat. Kahit tanggap na niya ang lahat, nasasaktan din siya. Hanggang maaari ay ayaw niyang ipakita sa iba ang sugat niya. Kaya umalis na siya ng Pilipinas bago pa man siya masiraan ng bait. Hindi siya makapagpinta dahil palagi niyang naiisip si Julliana. Palagi niyang pinahihirapan sa isip si Benjamin. Kapag hindi pa ito nagtino ay hindi na talaga niya pakakawalan si Julliana. Kinailangan niyang lumayo dahil nahihiling niya na sana ay magkamali uli si Benjamin at tumingin uli ito sa iba. Tila nais uling umasa ng kanyang puso at baka hindi pa huli ang lahat para sa kanya. He needed to be with his friends. Kailangan niyang magtungo sa ibang lugar at makasama ang mga tao na hindi makakapagpaalala sa kanya ng tungkol kay Julliana o kay Benjamin. “How is Lavender?” tanong niya kay Ceferino. Nakaupo na sila sa isang mesa sa labas ng coffee shop. Pareho na silang naka-order ng kape. Nagkaroon ng lambong ang mga mata nito. “She’s not really okay. I’m warning you, Pablo Vicente. Now is not the right time to make her life miserable. She’s already miserable.” Nagsalubong ang mga kilay niya. “What do you mean?” Bumuntong-hininga ito. “Brokenhearted si Bunso.” Natawa siya nang malakas.  “Kailan nagkaroon ng boyfriend ang bansot na `yon? Bakit hindi ko alam?” Kinutusan siya nito. “Nagawa mo pang tumawa. Kapag nakita mo siya, baka maawa ka sa kaibigan natin. `Sabagay, wala ka talagang awa. Kaya hindi niya sinabi sa `yo ang tungkol sa boyfriend niya, eh. Ako na ang makikiusap, bro, `wag mo muna siyang aasarin ngayon. Hindi mo alam kung ano ang pinagdaraanan niya ngayon. Mangako kang magpapakabait ka. Kahit minsan lang sa buhay mo, Pablo, maging mabait ka.” Lalo siyang natawa sa sinabi nito. Anong hindi niya alam ang pinagdaraanan ni Lavender? Kaya nga siya naroon ay dahil wasak din ang puso at self-confidence niya. “Nasaan siya ngayon?” tanong na lang niya sa halip na mangako ng isang bagay na hindi niya kayang tuparin. Bumuntong-hininga ito.  “Nasa apartment niya. Hindi pa siya lumalabas mula nang iwan siya ng walanghiyang Arthur na iyon. She has been crying almost nonstop. Kung masuwerteng madatnan ko siyang hindi umiiyak, nakatulala naman siya sa kawalan, `tapos biglang bubulalas ng iyak.” Napailing-iling siya. “Pathetic.” Bakit nagpapakababa ito nang ganoon? Bakit napakahina nito kahit kailan? Hindi na ito natuto. Napailing-iling din si Ceferino. “Wala ka pa ring kupas, Pablo. Wala ka pa rin talagang puso.” “Si Blythe?” Umismid ito. “Isa pang walang puso `yon, eh. Napilitan akong tawagan ang bruha noong isang gabi. I can’t take care of Lavender all the time. I have so many patients to attend to. She’s in London with her  new boyfriend. Hindi niya sinabi sa `kin kung pupuntahan niya ang kapatid niya. ‘Okay’ lang kasi ang sinabi niya. Buwisit.” Napangisi siya. “Buwisit dahil may bago na naman siyang boyfriend?” Nalukot ang mukha nito. “Damn her for being so heartless. Wala man lang ba siyang concern sa kapatid niya? Hindi man lang bibigyan ng moral support? Puntahan man lang sana niya rito si Lavender para kumustahin.” “Ceferino, Ceferino, Ceferino. Hindi mo pa rin ba matanggap na ganoon talaga si Blythe? Ganoon na siya mga bata pa lang tayo. Hindi na siya magbabago. Inaasahan mo pa rin ba na magtutungo siya sa brokenhearted niyang kapatid para punasan ang luha nito, yakapin ito, at sabihing ‘Everything will be fine’? Blythe isn’t like that—has never been like that. Almost everyone experiences failure. Halos lahat ng tao ay nakakaranas na mawasak ang puso. Masakit talaga kung masakit. Pero gano’n ang buhay, eh. Hindi ka palaging panalo sa lahat ng bagay.” Tumango ito. “Hindi mo maaaring kunin ang lahat ng suwerte sa mundo.” “Exactly. Alam nating dalawa na concerned si Blythe kay Lavender. Hindi natin inasahan dati, pero tinanggap at minahal niya na parang tunay na kapatid si Lavender. May dahilan siguro kaya hindi niya mapuntahan agad ang stepsister niya. Malaki na si Lavender, hindi na siya bata. She’ll get over her heartache. Tara, puntahan natin siya at baka tumalon na `yon sa building, naglaslas ng pulso, nag-overdose ng sleeping pills, o cough syrup ng mga pasyente niya.” “Okay na sana, eh. Sumablay ka na naman sa huli. Hindi ko malaman hanggang sa ngayon kung paano mo nasasabi ang mga ganyang bagay.” “I’m Pablo,” bale-walang sabi niya bago tumayo.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD