8

2153 Words
NAGISING si Lavender na masakit na masakit ang ulo. Dumilat siya at napaungol. Last night, she drowned herself in alcohol. Hindi siya palainom. Sinubukan lang niya at baka makatulong sa kanya. Pero hindi iyon nakatulong sa kanya kaya hindi niya maintindihan kung bakit alak ang takbuhan ng mga taong sawi. Hindi siya nakalimot. Hindi namanhid ang pakiramdam niya. Ramdam na ramdam pa rin niya ang sakit ng pagkabigo. Tumagilid siya ng higa sa kama at niyakap ang isang unan. Bigla siyang natigilan nang tumimo sa kanya na nasa loob na siya ng silid niya. Ang huling naaalala niya ay sa sala ng apartment niya inubos ang isang bote ng alak. Doon siya umiyak nang umiyak. Hindi niya malaman kung bakit ayaw manawa ng kanyang mga mata sa pagluha. Kahit pilitin niya ang sarili na tumigil at bumalik sa normal, hindi pa rin niya magawa. Hindi mabura sa isip niya ang ginawa ni Arthur. Nagtubig ang mga mata niya nang sumagi sa isip niya ang dating nobyo. “Sige, umiyak ka na naman, malilintikan ka na sa `kin.” Napabalikwas siya ng bangon nang marinig niya ang pamilyar na tinig ng isang lalaki. Hindi niya inalintana ang pagguhit ng kirot sa kanyang ulo. Nahihilo siya pero pilit na pinakatitigan niya ang pinakahuling lalaking inaasahan niyang makita sa loob ng kuwarto niya sa New York. Kumurap-kurap siya at baka bunga lang iyon ng imahinasyon niya. Kinurot niya ang kanyang braso at baka nananaginip lang siya. Paanong nasa silid niya si Pablo Vicente Munis? Paanong nakapasok doon ang lalaking tinik sa lalamunan niya at ipinanganak upang gawing miserable ang buhay niya? Nilapitan siya nito. “Mukha kang gaga,” sabi nito sa malamig na tinig. Walang kahit anong emosyon na mababakas sa mukha nito. “Ang pangit-pangit-pangit mo. Umayos ka nga, Lavender. Paminsan-minsan na nga lang ako maligaw rito, ganyang hitsura mo pa ang madaratnan ko.” Naluluha na pinaghahampas niya ito ng unan. Kahit kailan ay wala itong awa kahit kanino. Bakit ba niya itinuturing ito na kaibigan gayong hindi yata ganoon ang tingin nito sa kanya? Kung nagkataon marahil na hindi siya malapit sa Kuya Ceferino niya ay hindi niya ito makikita sa New York. Alam niyang hindi siya ang dinadalaw nito roon. Nagkataon lang na minalas siya dahil dumalaw ito na nasa kritikal na sitwasyon ang puso at katinuan niya. Tuluyan nang dumaloy ang masaganang mga luha mula sa kanyang mga mata. Naiiyak siya hindi dahil sa ginawa sa kanya ni Arthur. Lumuluha siya dahil sa kawalang-konsiderasyon ni Pablo. Mahirap bang aluin siya kahit ngayon lang? Simpleng yakap lang sana ang gusto niya. Mahirap ba para sa isang katulad nito na magpakita ng compassion? Hindi man lang ba ito naaawa sa kanya? Inagaw nito ang unan na inihahampas niya rito at inihagis iyon sa malayo. “Pathetic.” Ibinaon niya ang mukha sa kanyang mga palad at saka siya napahagulhol. Hindi siya dapat na maging ganoon sa harap nito dahil mula noon hanggang ngayon ay walang epekto rito ang mga luha niya.  Ayaw rin sana niyang mas magmukhang pathetic sa harap nito. Hindi rin naman siya aaluin nito sa tipikal na paraan. Sa halip ay lalo siyang paiiyakin at sasakyan nito. Kung bakit kasi naging best friend ito ni Ceferino. Malamang na nasabi na nito kay Pablo ang nangyari sa kanila ni Arthur. “Tumahan ka na!” singhal nito sa kanya. “Walanghiya ka talaga!” singhal din niya. “Napakawalanghiya mo, Pablo! Lumayas ka na rito!” “Bakit, may mangyayari ba kung iiyak ka lang? Will he come  back if you cry yourself a river? What would change? Pinapagod mo lang ang sarili mo. Kung tinatanggap mo na lang sana na iniwan ka, mas maigi pa. Is he worth it? Is the pain you’re feeling worth it? If he’s not worth it, then stop crying! You’re irritating me.” Nang mag-angat siya ng paningin ay iritadong-iritado na nga ang hitsura nito. Tila handang-handa na itong tirisin siya. “I so hate you, Pablo Vicente!” tili niya. Akmang may sasabihin ito ngunit biglang bumukas ang pinto ng silid niya. Sumungaw roon si Ceferino na may suot na apron at may hawak na siyansí. Mababakas ang iritasyon sa mukha nito pero nakatingin ito sa matalik na kaibigan. “Pablo, stop that. Binalaan na kita kanina. Please don’t make things worse  for Lavender. Huwag mo nang dagdagan ang paghihirap ng kalooban niya.” “Nakakainis ang babaeng `to, eh. Parang ngayon lang nasaktan ng lalaki,” sabi ni Pablo. “Hindi na nasanay.” Agad niyang naalala na ito ang unang lalaking nanakit sa kanyang puso. Napuno ng galit ang dibdib niya. Kung makapagsalita ito, tila hindi big deal ang pinagdaraanan niya. Kunsabagay, hindi  nito alam kung ano ang nararamdaman niya. Hindi ba maraming beses na niyang hiniling na sana ay may babaeng dumating upang wasakin ang puso nito upang malaman nito ang pakiramdam na masaktan? Bumaba siya ng kama at pinaghahampas ito sa dibdib nito. Galit siya rito. Galit siya kay Arthur. Parehong walanghiya ang mga ito. She doesn’t deserve any of this. Wala siyang ibang naging kasalanan kundi ang nagmahal nang labis. Hinawakan nito ang dalawang kamay niya at sapilitan siyang iniupo nito sa kama. “Umayos ka sabi, eh!” pasinghal na sabi nito. “Ako ba ang kaaway mo, ha? Ayusin mo ang sarili mo. Pumasok ka sa banyo at maligo. You stink. Nagluto ng almusal si Cef para sa `yo at kakainin mo `yon sa ayaw at gusto mo. Pagkakain, maglilinis ka ng bahay mo,” maawtoridad na utos nito sa kanya. Ganoon na talaga ito noon pa man. Lalo siyang nairita. “Sino ka para sabihan ako ng mga dapat kong gawin?” Namaywang ito sa harap niya. “Ako lang naman ang best friend ni Ceferino. Ang dami niyang pasyente sa ospital. Ilang oras siyang nakababad sa OR. Pagod na pagod ang kaibigan ko. Dapat ay nasa bahay na siya at nagpapahinga pero narito pa rin siya para tingnan ka. Por que alam mong patay na patay `yong kaibigan ko sa kapatid mo ay inaabuso mo na. Umayos ka, Lavender.” “Stop, Pablo,” saway ni Ceferino sa mas mariing tinig. “Kapag hindi ka pa tumigil, tatamaan ka na sa `kin.” “Fine,” sabi ni Pablo at saka siya muling binalingan. “Move it!” Tiningnan niya ito nang masama. “I hate you.” Pumasok na siya sa banyo at naligo. Nagpupuyos sa sobrang inis ang kalooban niya. Wala siyang ibang maisip kundi ang matinding iritasyon na nararamdaman niya kay Pablo. Gustong-gusto niya itong ibalibag at itapon sa labas ng bintana. Nais niya itong ihagis pabalik sa Pilipinas. Paglabas niya ng banyo ay wala na sa kuwarto niya ang dalawang lalaki. Puno pa rin ng inis ang dibdib na inayos niya ang kanyang silid. Naiinis siya dahil tama si Pablo. Masyado nang nakakahiya kay Ceferino ang ginagawa niya. Wala itong obligasyon sa kanya pero inaalagaan pa rin siya nito at hindi pinababayaan. Hindi siya nakinig dito nang sabihin nito na hindi nito gaanong gusto si Arthur para sa kanya. Hindi siya nakinig nang isuhestiyon nito na kilalanin muna niya ang lalaki bago siya makipagrelasyon. Kahit hindi siya nakinig sa lahat ng babala nito, naroon pa rin ito para sa kanya. Wala siyang narinig na anumang paninisi at “I told you so” mula rito. Napabuntong-hininga siya at umupo sa gilid ng kama. Kailangan pa talagang dumating si Pablo para mapagtanto niya ang kagagahan niya. Kalahating taon na rin mula nang huling makita niya si Pablo. Sandali lang itong dumalaw sa New York nang mga panahong iyon dahil sa isang malaking art exhibit. Nagmamadali pa itong umuwi kaya sandali lang silang nagkasama sa dinner. Hindi niya nasabi rito noon ang tungkol kay Arthur. Nang mailigpit niya ang lahat ng kalat sa kuwarto niya ay lumabas na siya. Nabuglawan niya si Pablo na prenteng nakasalampak sa sofa at kumakain ng mansanas. Si Ceferino naman ay  abala sa paghahain sa maliit na mesa. Inilibot niya ang kanyang tingin. Malinis na malinis na ang apartment niya. Natitiyak niyang si Ceferino ang nagligpit ng mga kalat doon. Wala namang alam sa mga ganoong gawain si Pablo. Señorito ito buong buhay nito. Lalo siyang nahiya kay Ceferino. Ngumisi si Pablo pagkakita nito sa kanya.   “Medyo mukha ka nang tao. Hindi naman masamang maligo paminsan-minsan, hindi ba?” Dinampot niya ang isang throw pillow at hinampas niya ang mukha nito. Wala na yatang mas nakakainis pa sa lalaking ito. Hindi niya alam kung ano ang nagawa niyang kasalanan sa past life niya upang bigyan siya ng ganoong uri ng parusa. Paminsan-minsan na nga lang niya itong nakikita, pero palagi pa siyang naiinis dito. Kahit kailan ay hindi sila naging tipikal na magkaibigan. “Tama na `yan, kumain na tayo,” saway sa kanila ni Ceferino. Inirapan niya si Pablo bago siya dumulog sa hapag. Nahihiyang nginitian niya si Ceferino. “Maraming salamat, Kuya Cef, ha?” aniya sa munting tinig. Labis siyang nahihiya rito. It seemed like she snapped out of her misery when Pablo came along. Ginulo nito ang kanyang buhok. “Walang anuman. Ikaw pa, malakas ka sa `kin, eh. Maupo ka na at kumain. Drink this afterwards.” May ibinigay itong tableta sa kanya na alam niyang para sa hangover niya. Sumubo siya ng omelet at ininom agad ang tableta. Pero masakit pa rin ang ulo niya. “Hoy, Pablo! Halika na rin dito,” tawag ni Ceferino. “Kumain ka na para makapagpahinga ka pag-uwi natin. Hindi pa ako nakakapag-grocery kaya walang pagkain sa apartment ko.” Nang lingunin niya si Pablo ay nakita niyang tuluyan na itong nakahiga sa sofa. Nakabitin ang mga binti nito dahil malaking tao ito at hindi kasya sa maliit na sofa niya. Nakapikit na ito. Noon lang niya napansin ang kapaguran sa anyo nito. “I’m tired,” paungol na sabi nito. “Hindi na ako sasama sa `yo pauwi. I’m staying here. Suicidal na `yang si Lavender. Dito muna ako para matulungan ko siya kung sakali. Ako mismo ang magbibigti sa kanya. `Pag nag-overdose siya ng gamot, paiinumin ko siya ng tubig para malunok niya lahat. Mahirap `yong nagpapakamatay na hindi natutuluyan. Istorbo lang `yon sa mga taong nakapaligid.” Buwisit talaga sa buhay ko ang lalaking ito. Hindi ko talaga maintindihan kung bakit once upon a time ay minahal ko ang hudyo na `to. Bakit ba ako palaging nagmamahal ng mga maling lalaki? Inirapan niya si Pablo bago niya ibinalik ang pansin sa pagkain. Wala siyang malasahan pero pinilit pa rin niyang sumubo. Baka lalo lang manakit ang ulo niya sa lalaking ito. Baka tuluyan na siyang mainis at masaksak na niya ito ng scalpel. “Sa kuwarto muna ako, Lavender. Hindi ako kasya sa sofa mo.” Marahas siyang napalingon.  “Hoy, Pablo! Hindi puwede! Umuwi ka na lang kay Cef!” Iisa lang ang kuwarto sa apartment niya dahil ganoon lang kaliit ang kaya niya. Tuwing bumibisita roon ang Ate Blythe niya ay nagche-check in ito sa hotel. Tinaasan siya nito ng isang kilay habang nakahawak sa doorknob ng silid niya. “Ang arte nito. Seriously, I’m tired, Lav. I wanna lie down on a comfortable bed. Feel na feel mo naman sa sahig dahil nadatnan ka naming doon natutulog kaya sa sahig ka na. Akin na ang kama mo. Goodnight. Tirhan n’yo na lang ako ng pagkain para paggising ko, may makakain ako.” Hindi na nito hinintay na makasagot siya, basta na lang ito pumasok sa loob ng silid niya. Napapailing na napatingin siya kay Ceferino na kagaya niya ay pailing-iling din. Nagkibit-balikat ito. “What can I say? He’s Pablo Vicente. He does what he pleases.” “Bakit ba narito `yon?” nagtatakang tanong niya. Bahagya nang humupa ang p*******t ng ulo niya. “Iba nga ang kutob ko, Lavender. Parang may kakaiba sa kanya. Parang malungkot siya na hindi ko masabi.” Napaismid siya. “Malungkot pa siya sa lagay na `yan? Ang sabihin mo, bored lang siya sa Pilipinas kaya bigla niyang naisipang magtungo rito. Bilang pang-aliw sa sarili niya, gagawin niyang miserable ang buhay ko.” Tumawa ito nang marahan. “Kahit gano’n `yon, alam mo namang concerned pa rin siya sa `yo.  Kahit hindi niya ipakita, alam mo namang mahalaga ka sa kanya, hindi ba? Kung hindi, hindi ka niya papansinin. Hindi siya mag-aaksaya ng laway sa `yo. Parang hindi mo naman siya kilala.” Napangiti siya. Ganoon na lang kabilis na natunaw ang inis sa dibdib niya. Sa kaibuturan ng kanyang puso, alam niyang totoo ang sinasabi ni Ceferino. Nararamdaman din niya iyon. Matagal na niyang kakilala si Pablo. Kabisado na niya kahit paano ang kagaspangan ng ugali nito. He cared for her and she cared for him, too.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD