KADADAMPOT pa lamang ni Mario sa kanyang men's sling bag na palagi niyang dala ng lumabas ang pamilya ni Fabio mula sa opisina nito kasama ang boss niya.
Mula nang tanghali na magtungo ang mga ito doon ay hindi na talaga umalis ang mga ito. Kaya naman walang nagawa si Fabio kundi sumama sa family dinner nila.
Ganoon din si Mario na balak pa sanang takasan ang boss niya at ang pamilya nito. Ngunit mukhang hindi niya magagawa sa mga oras na iyon.
"Mabuti naman at hindi ka pinag-oovertime ni Fabio," ani Marinela na mabilis lumapit kay Mario. Nakaabresyte na kaagad ang dalaga sa kanya. Wari mo ay sanay na sanay sa gesture na ganoon.
"Anong akala mo sa akin babae, walang puso?"
"Oo mula noong iniwan ka noong fiancée mong hindi kagandahan ay nakalimutan mo na kaming pamilya mo. Noon bago pa makatungtong ang paa ko sa kalupaan ng Pilipinas, ay nasa airport ka na at sinusundo mo na ako. Pero mula ng naging girlfriend mo ang Alison na iyon, kailangan ka pang pakiusapan para sunduin ako. Tapos ngayong wala na kayo, aba hindi mo na nga ako sinundo, pinuntahan pa kita dito. Higit sa lahat hindi ka man lang nagkusang umuwi sa bahay," dinuro-duro pa ni Marinela si Fabio na ikinangiwi ng lalaki.
"Ang dami mong sinabi. Past is past. Mahirap mang paniwalaan nakalimot na ako. Move on na ako. Hindi ko naman kasi dapat ibaon ang sarili ko sa nakaraan. Hindi ako mapapakain ng lungkot. Higit sa lahat maraming empleyado ko ang umaasa sa akin."
"Weeeh? Eh bakit hindi ka umuwi. Mukhang nakalimutan mo na nga ako. Okay kung kaya mo akong kalimutan. Pero sina mommy at daddy. Really Fabio?" Mapang-asar na sagot ni Marinela na ikinailing na lang ni Fabio.
Tahimik lang naman si Mario na nakikinig sa usapan ng dalawa. Nakatingin din siya kay Marinela at minsan ay napapasulyap sa mag-asawa at kay Fabio.
Pero hindi niya masabing isang buong pamilya ang nasa harapan niya. Si Fabio ay hawig ng daddy nito, ngunit may side na kamukha ito ng mommy nito. Habang si Marinela ay walang nakuhang resemblance sa mga ito.
Nagulat na lang si Mario ng biglang may pumitik na daliri sa harap ng mukha niya. "Nagagandahan ka na ba sa akin? Napansin ko kasing natulala ka na." Kagat labing wika ni Marinela. Napangiwi naman si Mario.
"Y-yes you are beautiful Ms. Marinela," nauutal niyang sagot.
"Masaya ako ngayon sa nakikita ko mahal. Sa tagal ng panahon na hinihintay natin na may magustuhan itong dalaga natin ay mukhang natupad na ang ating hiling," ani Fiona habang nakahawak sa braso ng asawa.
"Mukhang tama ka nga mahal," sagot naman ni Arkins na biglang tumingin sa anak.
"What?"
"Sana ay may mahanap ka na babaeng magiging katuwang mo sa buhay. Iyong babaeng mamahalin ka ng buong puso at hindi ang babaeng kaya kang ipagpalit para sa trabaho at kasikatan."
"Thanks dad," sagot niya kasabay ng pagsilay ng mumunting ngiti sa kanyang labi.
Naalala niya ang maganda at maamong mukha ni Ria. Ganoon rin ang gabing pinagsaluhan nila. Hindi niya makakalimutan ang gabing iyon. Lalo na at siya ang unang karanasan ng dalaga. Kaya lamang ay hindi niya maamin kay Ria ang tungkol sa gabing iyon. Lalo na at mukhang hindi talaga siya naaalala ni Ria. At parang iwas na iwas itong mapag-usapan ang bagay na iyon. Tuwing pasimple niyang bubuksan ang paksa tungkol sa nangyari noong gabing iyon ay pakiramdam niya ang pagbabago nito sa daloy ng usapan. Hanggang sa piliin na lang niyang hayaan na si Ria ang kusang magbukas ng usapang iyon sa kanya sa takdang panahon.
Ngunit bigla ring napakunot noo siya ng ang imahe ni Ria ay mapalitan ng imahe ni Mario. Bigla na lang siyang napailing.
"Ayos ka lang Fabio?" tanong ng mommy niya.
"Y-yes mom."
"Alright, wala na naman tayong hinihintay ay umalis na tayo," wika ng daddy niya.
"Mommy, daddy, why not sa bahay na lang tayo. Mahaba pa ang oras at pwede tayong magprepare ng dinner. Mas masarap kasi na sa bahay lang tayo. Minsan lang natin makasama si Fabio at first time nating makakasama si Mario," suhestiyon pa ni Marinela ng hawakan ng dalaga ang kamay ni Mario.
Bigla namang napapitlag si Mario, ngunit hindi ipinahalata ang pagkailang na nararamdaman niya. Napahugot siya ng hangin, umaasang hindi mapansin ni Marinela na halos magkasinglaki lang silang dalawa ng kamay. Maliit at mukhang kamay ng babae. Pero ano bang magagawa niya? Babae naman talaga siya mula noong ipanganak siya.
"Parang gusto ko ang suhestiyon mo na iyon anak. Sa bahay na lang."
"Walang problema mahal. Alam mo namang mas marami ang nakakain ko, pagluto mo."
"Bolero ka pa rin talaga mahal. Ikaw Fabio anong masasabi mo?" tanong ng mommy niya na ikinatango niya.
"May magagawa pa po ba ako? Wala di ba? Hindi na nga kayo umalis kanina. Ngayon pa ba ako makakatanggi sa gusto ninyo. Pero ilayo nga ninyo 'yang si Marinela kay Mario. Baka mamaya magresign ang sekretarya ko kasi hinaharas niya."
"No! Akin si Mario. Damot!" asik ni Marinela sabay hila kay Mario.
Nabitawan ni Mario ang sling bag niya. Ngunit hindi na rin naman nito nagawang balikan nang hindi na ito binitawan ni Marinela.
Si Fabio na lang ang bumitbit sa bag ni Mario. Napakunot-noo pa si Fabio ng mapansing napakabigat ng bag ni Mario. Ganoong maliit lang ito. Ngunit ipinagkibit balikat na lang niya ang bagay na iyon. Personal things ni Mario ang laman ng bag na iyon.
Pagkarating sa parking lot ay binuksan kaagad ni Fabio ang kotse niya. Kasabay pa niya ang mga magulang kaya natigilan siya ng pumasok ang mommy niya sa back seat at ang daddy niya sa passenger seat.
"Wala kayong dalang kotse?"
"Tama ka anak, nagtaxi lang kami. Ayaw magmaneho ni Marinela. Coding ang kotse ko. Ayaw ding magmaneho ng mommy mo. Kaya nagtaxi kami papunta dito." Napangiwi na lang siya. Pwede naman kasing gawan ng paraan ang napakaliit na problema. Pero ang ginawang paraan ay magtaxi at siya pa ang ginawang driver ng pamilya niya.
Pagpasok ni Fabio sa driver seat ay napasulyap kaagad siya kay Mario. Mukhang naiilang ito sa pwesto nito. Kaya lang ay anong magagawa niya. Nasa back seat si Marinela na napaggigitnaan nina Mario at ng mommy niya. Habang sa passenger seat doon nakaupo ang daddy niya.
"Bag mo," aniya, sabay abot kay Mario.
"Thank you Sir."
Pagkaabot ni Mario sa kanyang bag ay tahimik na lang siya sa pwesto niya. Sumasagot din naman pagtinatanong ni Marinela at kahit ng mommy ni Fabio. Pero mas lamang ang pananahimik nito.
Napasulyap naman si Fabio sa rear view mirror ng mapansin niya ang mukha ni Mario na pagod. At ang mga mata nitong parang gusto ng bumigay ngunit pilit pa ring pinipigilan ang pagpikit.
Nagfocus na lang siya sa pagmamaneho. Ngunit hindi niya maiwasang sulyapan ang sekretarya niya. Na kahit mukhang antok na antok ito ay patuloy pa rin ito sa pagsagot sa mga tanong ng mommy niya at ni Marinela.
Ilang sandali pa at nakarating na rin sila sa bahay nila. Excited namang bumaba ng sasakyan ang mommy niya at si Marinela para makapaghanda na sa kusina. Kasunod na rin namang bumaba ang daddy niya. Naiwan sila ni Mario. Siya sa driver seat at si Mario sa back seat.
Hanggang sa mapansin niyang unti-unti ng ipinikit ni Mario ang mga mata. Nakaawang ang labi ng binata na ikinalunok niya.
Siya na ang nagkusang mag-iwas ng tingin. Nagpadala siya ng mensahe sa daddy niya na hindi niya pwedeng iwan si Mario sa loob ng sasakyan at nakatulog ito. Sinabihan rin naman siya ng mommy niya at ni Marinela na hayaang matulog ang binata at gisingin na lang pagtapos na silang magluto at kakain na.
Napansin niyang nahihirapan si Mario sa pwesto nito kaya naman nagkusa na puntahan ito sa back seat para ayusin ang pwesto nito. Ngunit sa halip na ayusin ang pwesto ng binata ay natulala na naman siya sa nakaawang na labi ng binata. Alam niyang mali, ngunit naroon na naman 'yong tukso na siyang bumalot sa buong pagkatao niya noong nakaraan kaya nagawa niyang halikan si Mario.
Pero heto na naman siya. Kaya mas naguguluhan siya sa pagkatao niya. Nang masigurado niyang tulog talaga si Mario ay muli niyang pinagbigyan ang sariling tikman ang labi ng binata.
Hanggang sa tuluyan na siyang makalimot. Ngunit ibang imahe ang nabuo sa isipan niya, habang pinaglalagbay ang dila niya sa kabuoan ng bibig ng lalaki. "R-Ria," nauutal niyang saad.
Naramdaman ni Fabio ang pagganti ng halik ng kaharap kaya naman mas lalo lang siyang nadarang sa apoy ng kapangahasan na kayang sinimulan. Hanggang sa siya na mismo ang pinangapusan ng hininga at siya na ang nagkusang putulin ang halik na pinagsasaluhan nila.
Napalunok pa siya dahil hindi niya alam kung ano ang magiging reaksyon ni Mario sa ginawa niya. Ngunit pikit pa rin ito ng mapansin niya.
Dahan-dahan siyang dumistansya sa binata. Nang bigla itong umungot. Sabay ng pagmulat ng mga mata nito ang pag hawak nito sa sariling bibig. Ganoon na lang ang pagkakahigit niya ng hininga ng mapansin niyang basa ang labi ni Mario ay baka makahalata ito sa ginawa niya.
"N-nakatulog ba ako Sir? K-kanina pa po ba tayong nakatigil? I-ito po ba ang b-bahay ninyo," tanong ni Mario na inilibot pa ang paningin sa paligid. Doon napansin ni Mario na nakahinto na sila sa garahe ng isang malaking bahay. Naramdaman din niya na basa ang labi niya kaya napangiwi siya. "Bakit hindi ninyo ako ginising. Nakakahiyang makita ninyong tumutulo ang laway ko."
Nakahinga naman ng maluwag si Fabio. Sa tingin niya ay wala talagang alam si Mario sa ginawa niya. Ang hindi na lang talaga niya sigurado kung paano niya aaminin sa sarili niyang attracted siya sa lalaki at babae. Gusto niya si Ria pagkaharap niya ito. Tapos nagugustuhan din niya si Mario.
Paano niya iiwasan si Mario kung sa kaloob-looban niya ayaw niyang malayo ito sa tabi niya. Hindi naman niya akalaing ang pag-ayaw niya sa babaeng sekretarya ang magbibigay daan sa kanya para lumabas ang isang katauhan niyang hindi naman niya inaasahan na may ganoon pala siyang itinatago.
Ayaw man niyang aminin, ngunit ano itong ginagawa niya? Hindi pa ba iyon sapat na katunayan na maaari siyang magkagusto sa isang babae o isang lalaki. Bagay na paano niya ipapaliwanag sa kanyang mga magulang.
Muli ay tinitigan niya si Mario. "H-hinayaan ka na munang matulog nina mommy at daddy. Sinamahan na lang kita, dahil abala sa kusina sina mommy at Marinela. Nasa loob na rin si daddy. Gigisingin na rin naman kita pagnakaluto na sana sila." Totoo naman ang sinabi niya. Kaya lang hindi niya kayang sabihin na hindi naman tumulo ang laway ni Mario kaya basa ang labi nito.
"Kaya hinayaan ninyong makita niyong tumutulo ang laway ko? Paano kung tumulo sa seat cover ninyo. Nakakahiya naman Sir."
"Okay lang naman. Lalo na at hindi naman."
"Mabuti na lang nagising ako ng maramdaman kong tumutulo na ang laway ko."
Napangiti na lang si Fabio. Bakit ang cute ni Mario sa paningin niya? Para tuloy idinuduyan ang puso niya. Kahit siya ay tuluyan ng nakalimutan ang ginawa niya. Hindi tulad noong una sa opisina niya na parang mababaliw siya sa labis na pag-iisip. Pero ngayon, parang gusto na lang niyang tanggapin ang sinasabi ng puso niya.
"Mahalaga naabutan mo bago tumulo," biro pa niya na ikinatawa na lang ni Mario. Kaya mas lalong napanatag ang isipan niya.
Inaya na niya si Mario na pumasok sa loob ng bahay. Pero bago pa sila makalabas ng sasakyan ay tinawag na rin sila ni Marinela.
Sa hapag ay napuno ng kwento ang pamilya ni Fabio. Doon nalaman ni Mario na pinsan talaga ni Fabio si Marinela at ate nito ang dalaga. Bagay na hindi niya inakala dahil kung maliit siya, mas maliit na babae si Marinela. Ang edad nito ay hindi mo makikita sa kilos at mukha nito. Para lang itong eighteen or twenty.
Isa pa sa ikinatuwa ni Mario ay ang hindi pag-aalma ng sikmura niya. Walang inayawan ang pihikan. Bagkus ay naging magana ang pagkain niya. Na ngayon lang ulit niya nagawa mula ng magbago ang pakiramdam niya dahil sa dinadala niya.
Matapos ang hapunan ay nararamdaman na naman ni Mario ang pagod. Literal na after kumain gustong matulog. Pero paano siya magpapaalam ay si Mario nga siya at hindi si Ria.
Kaya wala siyang pagpipilian kundi ang manahimik na lang muna. Halos nasa isang oras din siya mula ng magising siya sa bahay ng mga magulang ni Fabio, bago siya napilitang alisin ang hiya at magpaalam sa mga magulang ng boss niya.
"Ihahatid na kita," sabat naman ni Fabio.
"Hindi na Sir, nakapagbooked na ako ng grab. Para naman akong babae nito. Kayang-kaya ko na ang sarili ko. Ma'am, Sir, Ms. Marinela, Sir Fabio. Thank you sa masarap na dinner. Uwi na ako," ani Mario ng magtext ang grab car na nabooked na niya. Bago pa siya magpaalam sa mga magulang ni Fabio.
Wala na rin namang magawa si Fabio. Ganoon rin talaga ang pakiramdam niya pag nais niyang ihatid si Ria. Pero ang dalaga ayaw pumayag sa gusto niya. Tapos ngayon si Mario ayaw rin nitong magpahatid sa kanya.
Nakatanaw na lang siya sa papalayong sasakyan nang makasakay si Mario. Dahil hindi na siya pumayag na ang pinsan niya ang maghatid sa lalaki sa may gate. Hindi na rin naman siya umuwi sa bahay niya. Sa bahay na lang ng magulang niya siya magpapalipas ng gabi. Para kasing nanghihina pa siya sa mga nadiskobre niya sa sarili sa araw na iyon.