Capturing Yumi
Malilikot ang mga mata nilang pinagmamasdan ang mga kilos ng mga tao sa loob ng Bank of Manila noong mga sandaling iyon. Itinaon talaga nilang pumunta doon ng maaga para wala pang masyadong tao at para hindi sila mahirapan na maisakatuparan ang masamang binabalak na nakawan ang bangko.
Apat sila, tatlo ang nasa loob at ang isa ay naghihintay sa loob ng sasakyan banda sa likuran ng building.
"Boss, mukhang mahihirapan tayo dito. Tatlo ang gwardya. Malalaki pa ang mga katawan. Baka mabulilyaso tayo nito," bulong ng isang lalaking nagngangalang Bogs ang lumapit at umupo sa tabi ng isa pang lalaki. Kapwa sila naka-shades at naka -sumbrero.
"Ayan ka na naman 'tol, naduduwag ka na naman. Ilang beses na nating ginawa ito, hanggang ngayon takot ka pa rin! Diskarte lang 'yan 'tol!" sabi nito pagkatapos ay tumayo at lumakad at pasimpleng tumabi pa sa isang lalaki na malapit na sa counter ng isang teller. "Ready ka na Rick!" Mabilis na bulong nito, lumiko at diretsong lumakad sa isang gwardya na nasa pintuan ng banko na kunyari ay may itatanong.
Naglabas ito ng maliit na papel mula sa bulsa at iniabot sa gwardya. Nang nakita nitong binitawan ng gwardya ang hawak na nakasukbit sa balikat na baril ay mabilis itong kumilos. Sinikmurahan nito at siniko ng malakas ang mukha ng gwardya sabay hablot at agaw sa baril nito at itinutok dito. Mabilis ang mga kamay ng taong ito, mukhang sanay na sanay na sa mga ganitong gawain.
"Holdap 'to!" malakas na sigaw ng lalaki. Dahilan ng agad na pagkakagulo ng mga tao sa loob ng bangko. "Dapa! At 'wag na 'wag kayong kikilos!" sabi pa nito sa lahat partikular na sa mga gwardya na mabilis namang sumunod sa ipinag uutos ng lalaki.
Nagsidapaan ang mga tao, ang iba ay nag sisiksikan sa bandang gilid ng malaking kwartong iyon, may mga umiiyak, at may mga nakapikit na tila nagdarasal na sana ay wala namang gawin sa kanilang masama ang mga holdaper.
Kumilos si Bogs na kanina pa tagaktak ang pawis. Tinutukan nito ng dalang baril ang isa pang gwardya, na bago muna pinadapa ay kinumpiska ang baril ng lalaki.
“Ikaw! Anong hinihintay mo! Ibigay mo sa akin ang baril mo! Dapa!” sigaw din ni Rick sa pangatlong gwardya na nagulantang din sa mga nangyayari.
Mabilis rin itong sumunod dito.
"Ilagay n'yo ang mga pera dito!" utos ulit ni Rick na mabilis na lumapit sa mga teller na nataranta din na inilagay ang mga pera sa malaking itim na bag na dala ng mga lalaki. “Bilisan n'yo!” singhal pang utos nito.
"Sundin n'yo lang ang ipinag-uutos namin at walang masasaktan! At wag kayong mag kakamaling tumawag ng pulis !" ang lalaki na siyang parang pinaka-leader nila ang nagsabi.
Ngunit ilang minuto lang ang lumipas nang may marinig na silang tunog ng police car na paparating.
Bahagyang nataranta ang tatlong lalaki.
“Tol!” sumenyas ang lider kay Rick na kailangan na nilang pumuslit. Kasalukuyan na nitong nililimas ang mga pera na nasa counter sa harapan ng mga teller ng bangkong iyon.
Paatras silang lumakad, patungo sa likod na exit door ng establisyementong iyon, habang tutok ang hawak na baril sa lahat. Nang biglang umalma ang isang gwardya, bumangon at mabilis na itinutok din sa kanila ang dala pa na maliit na baril na nasa tagiliran.
“Huwag mong gagawin yan! Kung hindi sabog ang utak ng dalawang kasamahan mo!” alma ng leader ng grupo na itinutok ang mga baril sa dalawang gwardya.
May takot sa mukha na dagli rin namang ibinaba ulit nito ang baril at itinaas ang dalawang kamay.
Dinig nila na malapit na ang mga pulis. Pero bago pa man tuluyang makalabas doon ay hinatak ni Bogs ang isang babae na nakaupo malapit sa exit. Ipinulupot nito ang braso sa leeg ng babae na maging ang baril na hawak hawak ay itinutok din sa ulo nito.
Takot na napapikit lang din ang babae.
“Walang susunod!” sabi pa ni Bogs sa mga gwardya habang bitbit ang babae palabas mula sa building at kasunod ay pumasok sa sasakyan na naghihintay sa tapat mismo ng pintuan ng bangko.
“Tara! Bilis, bilis!” utos ng leader ng grupo sa driver nang makasampa na lahat sa loob ng sasakyan.
Mabilis na humarurot ang sasakyan papalayo sa lugar na iyon. Kasabay naman ang pagdating ng mga pulis sa front entrance ng building.
Habang tinatahak ang daan papalayo sa bangko na iyon ay palingo lingo pa sila sa paligid at likod ng sasakyan kung may nakasunod sa kanila. Nang masiguro na wala naman ay napabuntong hininga ang mga ito at nawala na ang kaba sa dibdib na sabay sabay na nagtawanan.
“Wooohooo! Success ulit boss! Yayamanin na ulit tayo!” hiyaw ni Rick, inalis nito ang suot na sumbrero at shades at malakas na tinapik sa balikat ang lalaking nasa front seat ng van.
Tumawa din ito at nag-alis rin ng shades at tiningnan sila sa back seat. Doon nito napansin ang babaeng nakahalukipkip sa likuran ng sasakyan at nakayuko.
“Oh! Bakit mo pa sinama yan dito! Anak ng tokwa naman oh!” galit nitong baling kay Bogs na siyang humatak doon sa babae. “Holdaper tayo hindi tayo kidnaper!” banas na sambit nito.
“Eh boss, wala tayong pananggalang kung sakaling sumunod yung mga gwardyang yun!” rason nito. “Pwede naman nating iwan na lang 'yan kahit saan.”
“Hindi pwede dahil nakita na niya mga pagmumukha natin. I'm sure magsusumbong 'yan!” galit na sabi nito at itinapon ang suot na sumbrero sa likuran. “Piringan n'yo yan, at busalan n'yo ang bibig para hindi makasigaw. Talian nyo rin ang kamay,” galit na utos nito na mabilis ding sinunod ng dalawa. “Doon tayo sa headquarters!” tango pa nito sa driver na mabilis namang pinatakbo ang sasakyan.
Takot at kinakabahan ang babae habang nakikiramdam lang sa loob ng sasakyan. Nakikinig lang ito sa paligid. Kanina pa nagtatalo ang mga lalaking kasama sa loob ng sasakyang iyon. Hindi ng mga ito mapagpasyahan kung ano ang gagawin sa kanya. Natatakot siya na baka patayin na lang siya at iwan kung saan.
Lalong dumoble ang kaba niya sa dibdib sa isiping iyon. Sa isip niya ay ganun na lang ba talaga ang kahahatungan ng buhay niya? Kanina lang ay nasa loob siya ng bangko para mag-widraw ng pera para sa gagawin niyang mahaba habang pagtatago mula sa mga magulang. Unang beses niya pa lang babatikusin ang kagustuhan ng mga ito, karma na agad ang naghihintay sa kanya. Ganun na ba talaga siya kasamang tao? Sariling kaligayan lang naman ang iniisip niya na gustong ipagkait ng mga magulang, hindi naman siguro masama iyon.
Nakiramdam ulit siya sa paligid, tahimik na ang mga lalaki. Teka, saan ba sila pupunta? Saan ba siya dadalhin ng mga ito? Ilang oras na rin siguro silang nagbibyahe, at nakakaramdam na siya ng tawag ng kalikasan. Kelan pa kaya sila hihinto?
“Tol, ikaw muna ang bumaba, siguraduhin mong walang tao sa paligid, lalo na sa likod bahay ha!” utos ng lalaking tinatawag ng mga ito na boss sa nagda-drive ng van.
Sa wakas ay huminto na ang sasakyan at nakarating na sila sa pupuntahan. Ipinarada nito ang sasakyan sa katapat na maliit na bahay na gawa sa kawayan ang dingding at ang bubong ay yari sa pinatuyong dahon ng niyog.
“Boss, walang tao,” anito pagkatapos malibot ang paligid ng bahay.
Isa-isa silang lumabas mula sa puting van.
“Bogs, alalayan mo ang babae,” utos ng leader sa kasama habang bitbit ang mga itim na bag na pinag lalagyan ng mga nakulimbat na pera.
Hinila ni Bogs ang braso ng babae para makatayo ngunit hinayaan lang nito itong bumaba sa sasakyan dahilan ng pagkapatid ng paa nito sa steps ng van at nahulog sa mabatong lupa. Napa-aray ng malakas ang babae na ikinatuon ng pansin nilang lahat, partikular na ang leader ng grupo.
“Gago ka!” isang malakas na batok sa ulo ang binigay nito sa tauhan. “Sabi ko alalayan mo, hindi pabayaan mo!” Mabilis na ibinigay nito dito ang mga bitbit at tinulungan ang babae na makatayo. Hinawakan nito ang dalawang braso ng dalaga na nahirapan namang makatayo habang inda-inda ang kaliwang tuhod na may malaking sugat mula sa pagkakahulog nito sa sasakyan. Kasalukuyan na iyong nag durugo. Nang makitang paika ika pa ito sa pag lakad ay yumuko na ito para buhatin ang babae.
Nagulat ang babaeng iyon sa ginawa ng lalaki sa kanya. Ramdam niya ang mga muscles nito sa mga braso at dibdib. Parang inuugoy siya ng duyan noong mga panahong iyon. Maya maya ay iniupo siya nito kung saan at iniwan sandali. Kinapa niya ang inupuan, tila isang katre iyon na gawa sa kawayan. Marahil ay ipinasok siya nito sa kwarto ng bahay na iyon.
Nakiramdam ulit siya sa paligid. Nandoon pa rin ang kanyang takot pero hindi na gaya kanina. May kung ano sa isip niya na nag sasabi na safe siya dito, lalo na sa kamay ng lalaking bumuhat sa kanya.
Umurong siya ng pagkaka-upo hanggang maramdaman ang dingding ng bahay. Doon ay sumandal siya at naghintay ng ilang sandali.
Makalipas pa ng ilang minuto ay may narinig ulit siyang yabag ng mga paa papalapit. Umupo rin ito sa inuupuan niya dahil naramdaman niya ang bahagyang pagyugyog ng inuupuan. Tila nagulat siya nang kunin nito ang binti niya, at gamutin ang kanyang sugat.
Kumuha ang lalaki ng bulak at alcohol at idinampi sa sugat ng babae. Medyo napaurong ito sa pagkakaupo, siguro ay nasaktan sa likha ng alcohol na inilagay dito. Yumuko ito at hinipan iyon, nang habang ginagawa iyon ay hindi sinasadya na mapadako ang paningin nito sa hita ng babae, hindi pa sinasadya ay napadpad pa ang paningin nito sa bandang singit ng dalaga. Tumayo ito at inayos ang suot na maikling palda ng babae, mabilis na inasikaso ang sugat nito na pagkatapos lagyan ng band aid ay umalis na rin.
Samantalang, narinig niya na inutos nito na alisin ang piring niya sa mga mata at busal ng kanyang bibig. Rinig niya ang mga yabag ng mga paa na tila lumapit sa kinalalagyan niya.
Medyo masakit sa mata ang liwanag na nakita ng babae sa paligid. Ilang oras din kasi na nakapiring ang kanyang mga mata. Tinakpan niya muna ng bahagya ang mukha ng mga kamay na noo’y nakatali pa rin, at unti unting inalis ito ng mag-adjust na ang paningin. Itinaas niya ang mukha, tiningnan nya ang paligid, nasa isang maliit na kwarto siya. Ilang lalaki rin ang nakita niyang nasa loob ng kwarto kasama siya.
Nagkatinginan sa isat isa ang apat na lalaking iyon. Ngayon lang nila nakita ang babae sa liwanag. Lumabas ang ganda nito lalo na noong hawiin nito ang mahabang buhok na tumatakip sa may mala porselanang kutis ng mukha. Maputi ito at makinis ang kutis. Singkit ang mga mata, may katamtaman ang tangos ng ilong at may natural na mapupulang labi.
Ang babae na ang bumasag ng katahimikan.
“Pwede po bang gumamit ng CR?” sabi niya sa mahinang boses. Nahihiya man ngunit kailangan na talaga niyang magsalita dahil ramdam na niya na puputok na ang pantog.
Nagkatinginan ulit ang mga lalaki.
“Samahan nyo, Bogs, Gil! Siguraduhin n'yo lang na hindi makakatakas 'yan ha!" saad ng leader ng grupo na tumalikod na para kumuha ng tubig sa galon na nasa kusina.
"Ako na boss! Ako bahala!" tumayo si Rick at nagprisinta. Pangiti ngiti pa ito na mukhang may binabalak.
"Hindi! Umupo ka! Alam ko ang ugali mo, bobosohan mo lang yung babae," pigil nito dito. At tinanguan ang dalawang unang tinawag para samahan ang babae.
Nagkatawanan ang mga ito na sinulyapan si Rick na medyo na bad trip namn sa napurnadang balak.
Ikinumpas ng driver na si Gil ang kanyang kamay sa babae at kinawayan papunta sa labas ng bahay. Binuksan nito ang pintuan.
Mabagal na lumakad ang babae patungo sa may pinto, habang pinag mamasdan ang paligid. 'Bakit sila lalabas ng bahay, nasa labas ba ang CR nito?' aniya sa isip. Paglabas doon ay bumungad sa kanya ang maraming halaman at puno. Pinalilibutan ang bahay ng mga palayan.
Nasaan siya? Nasa probinsya ba siya?
“Hoy, nandoon ang CR! Kita mo 'yon?” Itinuro ni Bogs ang maliit na parang kwarto na walang bubong at gawa lang sa tagpi tagping kahoy.
Mga benteng hakbang ang pagitan nito mula sa kanya.
“Yun ang CR?” paglilinaw niya pa. Ilang segundo pa siyang napatitig doon. Parang ayaw niya na lang yata na mag-CR dahil ang tanging nagsisilbing pintuan lang nito ay isang puting tela.
“Saan mo gusto umihi? Doon?” Itinuro ni Bogs ang malaking lupaing palayan na nakapalibot sa kinalalagyan nila.
Magkasabay ulit ang mga itong nagtawanan.
Wala na siyang choice, kaya dahan dahan siyang lumakad papunta doon, hinawi niya ang puting tela at pumasok sa loob. In fairness, malinis ang loob nito partikular na ang toilet bowl. Inayos niya ang tela na nagsisilbing pintuan nito at tumingkayad ng konti upang silipin ang dalawang lalaking nasa di kalayuan. Busy na ang mga ito sa pag-uusap. Kaya mabilis na niyang itinaas ang pencil cut na maikling skirt, ibinaba ang itim na underwear at umupo na doon. Pagkatapos ay naghugas ng kamay at lumabas na rin.
Iginiya ulit siya ng dalawang lalaki papasok sa loob diretso sa nag-iisang kwarto ng maliit na bahay. Ayon sa utos ng boss nng mga ito ay busalan lang siya sa bibig para hindi siya makasigaw at humingi ng tulong.