Nanlaki ang mga mata ni Agustin at biglang napaatras ng makitang papalapit na si Marites sa kinatatayuan niya.
“Wala na dito ang asawa mo Agustin, dinakip siya ng mga kagawad kanina lang.”
Mahinahong tugon ni Marites.
Hindi alam ni Agustin ang sasabihin, dahil narin sa tindi ng takot na nararamdaman nito.
“Huwag kang matakot Agustin, kakampi mo ako.”
Dugtong pa ni Marites ng tuluyan ng makalapit kay Agustin.
.................
Nabaling naman ang atensyon ni Satana sa dalawang gwardiya na nakatayo at taimtim na nag-uusap hindi kalayuan mula sa kanyang selda.
“Anong balita, natagpuan na ba ang Dayo?”
Tanong ng isang kagawad.
“Sa ngayon ay hindi, ngunit nagkaisa na ang mga kalahi upang mahanap siya. Tingin ko hindi pa nakakalayo iyon.”
Sagot naman ng kausap nito.
“Sana nga ay mahuli na ang dayong iyon, at ako’y nanabik na sa isang masarap agahan.”
Tugon ng isang lalaki.
Binalingan naman ng masamang tingin ni Satana ang dalawang gwardiya. At sa oras na iyon ay mas lalo pang bumigat ang takot na kanyang nararamdaman.
.................
Isang makipot na daanan ang tinungo nila Marites at Agustin, iyon ay sekretong lagusan patungo kung saan nakakulong si Satana.
Tahimik lang na nakasunod lang si Agustin kay Marites habang naglalakad. Magulo parin ang isip nito, ngunit wala siyang magagawa kundi ang pagkatiwalaan ang babae dahil yun lang ang tanging paraan upang makita niya ang kanyang asawa.
Maya-maya pa’y biglang huminto si Marites sa kanyang paglalakad.
“May problema po ba?”
Pag-aalala ni Agustin
“Bigla lang kumirot ang mga binti ko, ganito ata pag nagkaka edad na.”
Malumanay na sagot ni Marites.
Mabilis naman itong inakay ni Agustin patungo sa gilid ng daanan, at inupo ang babae sa may damuhan.
Hindi din nito maiwasan ang mag-alala dahil sa halos isang oras narin kasi silang naglalakad.
Naupo si Marites at hinilot naman ni Agustin ang kumikirot nitong binti, Ilang saglit pa ay umupo din si Agustin sa tabi nito.
“Huwag niyo sanang mamasamain ang itatanong ko Tiya Marites”
Maamong tugon ni Agustin.
“Ano yun?”
Tanong naman ng babae.
“Bakit niyo ba to ginagawa? bakit niyo ako tinutulungan?”
Humarap naman si Marites kay Agustin at bahagyang ngumiti.
“Dahil, nangangailangan ka ng tulong Agustin.”
Tipid na sagot nito.
“Hindi po ba ipinagbabawal ng lahi ninyo ang mga ginagawa niyo ngayon? Isa po kong dayo.”
Napayuko nalang si Marites nang marinig ang tanong ni Agustin.
“Tama ka, pero hindi kakayanin ng konsensya ko ang makitang maulit muli ang nangyari sa akin.”
Tila naramdaman ni Agustin ang lungkot mula sa boses ni Marites
“Ano po bang ibig niyong sabihin?”
Ilang segundo din bago nakapagsalita si Marites.
“Nakikita ko ang sarili ko kay Satana, Nakikita ko ang sitwasyon ko dati sa sitwasyon niyo ngayon.”
Huminga ng malalim si Marites bago itinuloy ang pagsasalita.
“Maraming taon na ang lumipas, nakakilala din ako ng isang dayo, isa siyang pangangaso na naligaw sa gubat, Naamoy ko ang dugo niya at sinundan ko siya, pero bago ko pa siya maabutan, nadulas ako at tumama ang buong katawan ko sa ugat ng malaking puno kaya dahil dun ay napasigaw ako sa labis na sakit. Bigla siyang dumating at tinulungan ako, Sa unang pagkakataon Agustin naramdaman ko na tumibok ang puso ko dahil sa isang lalaki, hinayaan ko siyang makalabas ng Baryo, pero bumalik siya, bumalik siya para makita uli ako, hanggang sa palihim na kaming nagkikita sa gubat. Minahal ko siya Agustin, kahit bawal, kahit alam kong delikado, pinili kong sundin ang puso ko at patuloy akong nakipagkita sa kanya. Hanggang sa isang taga Baryo ang nakasaksi sa aming dalawa, dinakip siya at ginawang bihag, wala akong nagawa Agustin kahit alam kong papatayin na siya ang aking mga kalahi, namayani ang takot ko, at dahil sa takot ay nawala ang lalaking pinakamamahal ko.”
Maya-maya ay hindi na napigilan ni Marites ang maluha, ngunit nagpatuloy parin ito sa pagsasalaysay.
“Katulad niyo ni Satana ay nagkaroon din kami ng anak, ngunit sa kasamaang palad ay pinili kong huwag isilang ang sanggol, dahil ayaw ko siyang mabuhay sa mundong ginagawalan ko, ayaw ko siyang tawaging halimaw. Alam kong mali pero iyon lang ang paraan na naiisip ko upang mailigtas ang anak namin sa buhay na maari niyang danasin.”
Pagkatapos magsalita ay mabilis namang pinahid ni Marites ang kanyang mga luha, napatingin naman dito si Agustin na puno ng awa ang mukha.
“Maraming salamat Tiya Marites, hindi ko inaakalang meron palang katulad mo sa Baryong ito”
Ngumiti lang si Marites bilang tugon.
“Oras na upang itama ang lahat Agustin, hindi ako papayag na may buhay pang masayang dahil lang mga maling paniniwala ng aking mga kalahi.”
Maya-maya pa ay tumayo na ito mula sa kanyang kinauupuan.
“Halika na Agustin, oras na upang iligtas ang iyong asawa”
Sambit ni Marites.
.......................
Sa paglilibot nila Fonse at ng kanyang mga kasama ay may napansin silang bakas mula sa lupa.
Mga bakas ng paa.
Sinundan nila Fonse ang dereksyon ng mga bakas na tila patungo sa kanilang tirahan, Mula sa kanilang tirahan ay muling sinuri nito ang mga bakas na tila, papunta naman sa isang dereksyon.
Iyon ay ang dereksyon patungo sa lihim na daanan.
Tinalasan ni Fonse ang kanyang pang-amoy at ng makompirma ay isang malapad na ngiti ang puminta sa mukha nito.
“Hindi mo ako matatakasan Agustin.”
Maya-maya pa ay napasigaw naman ito at tinawag ang kanyang mga kasamahan.
“Mga kasama, maghanda kayo! Sigurado ako, nandito lang ang dayo!”
Mariing bigkas nito.