Chapter 4

1117 Words
Tahimik na nakarating sa kanilang tirahan sina Satana at Agustin. Agad namang inalalayan ni Satana ang lasing na asawa patungo sa kanilang silid at ilang saglit lang ay tuluyan na rin iyong nakatulog. Pagkarating ng umaga ay nauna namang nagising si Satana, Nanatiling balisa ito habang humahakbang palabas ng kanilang silid, habang naglalakad patungo sa kanilang kusina ay nakarinig naman ito ng mga boses at sigurado siyang boses iyon ng kanyang ama at ina na tila ba ay may seryosong pinag-uusapan. “Dalawang araw nalang ay sasapit na ang piyesta ng Baryo, at sa araw na yun ay kailangan na nating pagdesisyunan ang magiging kapalaran ni Agustin.” Sambit ni Solomon. “Wag mong sabihing, gagawin natin ang binabalak mo Solomon?” Pag-aalala naman ni Trining. “Delikado kung papakawalan natin siya, kung sakaling hindi niya matanggap ang lahi natin, sigurado akong aalis siya dito at ipagkakalat niya ang tungkol sa atin at ang lihim ng Baryong ito!” Tugon naman ng matandang lalaki. “Pero asawa siya ng anak mo Solomon, kamumuhian ka ng anak mo kung itutuloy mo yang balak mo!” Napailing naman si Solomon at sumagot. “Wala na akong magagawa Trining, ayaw kong isugal ang kapakanan ng lahi natin. Si Satana ang bagong itinakda at kung hahayaan natin siyang umalis na kasama ang mag-ama niya, ay mawawalan ng pinuno ang lahi natin. Kung ang tanging paraan lang ay ang kamatayan ni Agustin upang manatili siya dito ay handa akong isagawa ang aking plano Trining.” Napatakip ng bibig si Satana habang pinapakinggan ang pag-uusap ng kanyang mga magulang. Naka kubli lang ito sa likod ng pinto at pilit na pinipigilan ang kaba at takot sa pwedeng sapitin ng pinakamamahal niyang asawa sa kamay ng sariling pamilya at angkan na kinabibilangan niya. ............. Pagkagising ni Agustin mula sa mahimbing na pagtulog ay nadatnan naman nito ang asawa na umiiyak habang nililigpit ang kanilang mga gamit. Agad naman itong lumapit at nagtaka. “Satana? anong ginawa mo?” tanong nito. “kailangan na nating umalis dito Agustin!” Takot na tugon ni Satana “Teka? bakit may problema ba? bakit tayo aalis?” Naguguluhang tanong ni Agustin habang hinahawan ang balikat ng asawa. Tumingin si Satana sa mga mata ni Agustin, habang patuloy lang ang pagdaloy ng kanyang mga luha. “Agustin, may kailangan kang malaman” Serysosong bigkas ni Satana “Ano yun?” Nangangambang tanong naman ni Agustin. “Agustin patawarin mo ako.” Hindi na napigilan ni Satana ang humagulhol. “Tahan na Satana, asawa mo ako pakikinggan kita.” Agad namang niyakap ni Agustin ang asawa at hinimas ang likuran nito. Pinahid naman ni Satana ang mga luha bago humiwalay ng yakap at nagsalita. “Agustin, sana hindi magbago pagtingin mo sa akin pagkatapos nito.” Nag-aalangang sambit ni Satana. “Nakikiusap ako Satana, sabihin mo na.” Nag- ipon ng sapat na lakas si Satana bago tuluyang humarap sa asawa at nagsalita. “Agustin, ako, ang pamilya ko, at ang lahat ng nakatira sa Baryong ito, lahat kami ay may lahing...” “Satana!” Natigil nalang sa pagsasalita si Satana ng marinig ang boses ni Fonse na nakatayo na sa pintuan nila. Hanggang sa nabaling nalang ang atensyon ni Agustin dito. “A-Agustin, pwede mo ba akong samahan sa sentro?” Pagbababa ng boses ni Fonse, habang ang mata ay nakatirik parin sa kapatid na si Satana. Napatayo naman si Agustin at tiningnan ng mariin si Satana. “Sige, mahal mag usap tayo mamaya ha.” Bago umalis ay hinalikan naman ni Agustin ang noo ng asawa. Naiwan namang balisa si Satana at tahimik na pinagmasdan nalang ang paglisan ng asawa. Sa paglabas ni Fonse at Agustin ay napatulala nalang si Satana. Ilang saglit pa ay bigla nalang itong lumapit at niyakap ang natutulog na anak na si Lino. Mariin niyang pinagmasdan ang maamong mukha ng sanggol, pagkatapos noon ay muli na namang dumaloy ang mga sariwang luha sa kanyang mga mata. “Huwag kang mag-alala anak, hindi ka nila masasaktan, mabubuhay ka ng normal, hindi ka magiging katulad ko, pangako yan.” Mariing sambit nito. ............... Napansin naman ni Agustin ang mga matang nakatingin sa kanya. Kasama ang ilang mga taga Baryo ay masaya naman itong nakikipagkwentuhan sa mga nandoon. “Sige lang Agustin, inumin mo na yan.” tugon ni Fonse, habang pilit na pinapainom kay Agustin ang malapot at malansang inumin na nakalagay sa maliit na palayok. Pinikit ni Agustin ang kanyang mga mata at pilit na ininom ang malansang inumin. “Lunukin mo lang Agustin, namnamin mo ang sarap.” bulong ni Fonse. Nang matapos lunukin ang nasabing inumin ay huminga ito ng malalim, humarap ito sa mga tao at ngumiti bilang simbolo ng tagumpay sa pag-inom sa misteryosong inumin na iyon. “Mabuhay si Agustin! at ang kanyang nalalapit na pagsanib sa atin!” Biglang nagsipalakpakan ang nga tao sa naging anunsyo ni Fonse. ............... Maghahating gabi na ay hindi parin umuuwi si Agustin, bagay na lalong nagpalakas ng pangamba ni Satana. Pasilip-silip ito sa bintana habang nag-aabang sa pagdating ng asawa. “Anong gumagambala sayo anak?” tanong ni Trining Nabigla naman si Satana sa pagsulpot ng ina. “Nag-aalala lang po ako kay Agustin Inay, hanggang ngayon kasi eh, hindi pa ito umuuwi.” Mahinang sambit ni Satana. “Kasama siya ni Fonse, at wag kang mag alala, alam ng kapatid mo ang gagawin niya” tahimik lang si Satana at hindi pinansin ang sinabi ng ina. Bagaman ay hindi parin maalis ang kanyang isipan ang pag-aalala. .............. Isang kaldero ng bagong lutong putahe ang inilapag sa lamesa nila Fonse, agad namang kumuha ito ng bowl at hinainan ng sabaw at pata si Agustin. Nagalak naman ang mga nandoon at pinag-agawan pa nila ang nasabing putahe na tila sabik na sabik sa nasabing pagkain. Amoy na amoy ni Agustin ang halimuyak ng pagkain na iyon, kaya mabilis siyang kumuha ng kubyertos ng matikman na ang pagkain. Tinusok niya ang isang matigas na pata sa mainit na sabaw. Nang aktong kakagatin niya na iyon ay may napansin naman ito sa karneng nasa tinidor niya. Mariin niyang sinuri ang nasabing karne at nanlaki ang mga mata niya sa nakita. “Hugis Daliri ng tao” Sa sobrang gulat at naitapon naman ni Agustin ang karne sa lamesa at napasigaw. “Daliri! Daliri ng tao!” Sigaw nito. Nagulat din ang mga nandoon at bigla nalang nabaling ang atensyon ng mga ito sa kanya. Napatayo si Agustin sa sobrang pangingilabot, at isa-isa niyang tiningnan ang mga nandoon. Ang lahat ay pawang nakatitig lang sa kanya, maya-maya pa ay nagulat nalang si Agustin nang mapansin ang unti-unting paghakbang ng mga nandoon paikot sa kinatatayuan niya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD