PAGKATAPOS ng klase, kaagad akong tumungo ng canteen. Kita ko 'agad ang nakangiting kaibigan ko.
"Hindi ka ba niya pinatulog kagabi?"
Biglang kumunot ang noo ko.
"Anong pinagsasabi mo?"
Bigla naman itong tumawa ng mahina. May mga guro din kasi sa kabilang lamesa.
"Wala kang sasabihin sa akin?" pabulong nito.
Lalo akong nagulumihan sa mga sinasabi nito.
"Ano naman ang sasabihin ko sa iyo?"
Kumibot ang labi nito. Hanggang sa ayusin na nito ang pagkain sa harapan namin.
"Walang nagparamdam sa iyo, kagabi?"
Hindi mawala ang pagkakakunot ng noo ko. Hanggang sa bigla akong matigilan.
Bigla naman itong ngumiti.
"Ipinamigay mo ang number ko sa hindi ko man lang kakilala?" diretsahang wika ko sa kaibigan.
Napadila naman ito. Pansin kasi nito na 'di ko nagustuhan ang ginawa nito.
Tumikhim muna ito bago nagsalita.
"Kilala mo naman siya e. Nakiusap kasi siya sa akin at may mahalaga raw na sasabihin sa iyo.'Di ka na kasi naabutan kahapon, kaya ako ang nakausap niya--"
"Sino?"
Napalunok ito. Hindi pa rin maipinta ang mukha ko.
Ngayon lang nangyari na ipinamigay nito ang numero ko. Mahigpit naman ang bilin ko rito na 'wag ipapamigay ang number ko kung wala akong pahintulot.
Lao na' t nag-iingat din naman ako at baka isa sa mga kalaban ng daddy ko ang matiyempuhan nito.
Pati ito madadamay sa kagagawan nito.
"Iyong lalake na napaka-guwapo at napaka-kisig ng pangangatawan? Iyong nakausap mo noon?"
Nanlaki ang mga mata ko kasabay ng paglakas ng kabog ng dibdib ko.
Akmang magsasalita ako ng unahan na ako nito. Hinawakan din nito ang braso ko.
"Pasensya ka na ha? Sa sobrang guwapo niya, bigla na lang niya akong napasunod. Para kasing nanghihigop kung makatitig lalo na ng ngumiti, para akong tanga na napatulala na lang."
Bigla akong napahilot sa sintido.
Ito ang problema sa kaibigan kong ito. Ang hilig sa mga guwapo!
"Sorry talaga... may sinabi ba siya sa iyo na masama? Binastos ka ba niya sa text or tawag? At ako na mismo ang magpapakulong sa kaniya!"
Bigla ko itong inirapan ng matalim. Nagtitimpi naman itong mapangiti.
"Kapag inulit mo pa talaga ito, hindi na kita papansinin. Sinabi ko naman sa iyo na 'wag mong--"
"Oo na po. 'Di ko lang natiis ang lalaking iyon. Mukha naman kasing mabait. Hindi ko naramdaman na may masama itong binabalak sa iyo. I think, gusto ka niya."
Isang iling ang pinakawalan ko rito.
"Hangga't hindi mo kilala ang isang tao, hindi mo puwedeng sabihing mabait. Sa panahon ngayon, halos mapagpanggap na ang mga tao."
Isang Tsk ang narinig ko rito.
"Kaya hanggang ngayon, single ka. Sige ka tatanda kang matandang dalaga," pabulong nito.
Tiningnan ko naman ito ng matalim. At bigla ba naman akong inirapan!
"Negatibo kasi 'agad ang iniisip mo sa mga lalaking nagtatangkang lumapit sa iyo. Hindi ba puwedeng gusto ka lang talaga nila? Kasi maganda ka at edukadang babae?" daldal na nito.
Hindi ako nakakibo.
Hindi nito alam kung bakit ganoon na lang ang pag-iwas ko sa mga lalake. Wala kasi itong alam sa totoong pagkatao ko. At wala rin akong balak ipaalam dito.
"Kumain na lang tayo. Basta sa susunod huwag na 'wag mo ng ipamimigay ang number ko. Magagalit talaga ako sa iyo."
At parang wala lang itong narinig at ngumiti pa sa akin.
"So, nagparamdam ba siya sa iyo kagabi?"
"Patay na ba siya para magparamdam sa akin?" pambabara ko sa kaibigan.
Naglaho ang ngiti nito sa labi. Nang-aasar ko naman itong nginitian.
"Kakainis ka naman!" Sabay subo nito ng pagkain.
"Iyong totoo, nag-text ba siya sa iyo?"
Uminom ako ng tubig.
"Secret. Hahaba pa ang usapan kapag sinagot ko nang sinagot ang tanong mo. Ang daldal mo pa naman."
Ang talim ng tingin nito sa akin.
"Siguro kinilig ka, no? Kasi muli ka niyang binalikan?"
Muntik na akong mabilaukan sa sinabi nito.
Isang hagighik ang pinakawalan nito.
"Ngayon pa lang, nakikita ko na ang magiging resulta. Mai-inlove ka sa kaniya--"
Bigla kong isinubo ang saging sa bibig nito.
"Mauna na ako, kung ano-anong sinasabi mo."
Gusto kong matawa at halos nanlaki ang mga mata nito habang nasa bibig nito ang malaking saging na isinubo ko.
"Kakainis ka talaga!"
ILANG beses akong napabuntong-hininga. Isang oras na ako rito sa taxi at hindi pa rin umuusad ang sasakyan sa haba ng traffic!
Anong oras na naman ako nito makakauwi sa apartment.
Bigla akong napahilot sa sintido. 'Di pa rin ako masanay-sanay sa traffic na ito.
Ang bilis ko pa naman mabagot.
"Dito na lang ako, manong."
"Pero ma'am, medyo malayo-layo--"
"Lalakarin ko na lang ho. Mas matatagalan ako kung uupo lang ako rito."
Napakamot na lang ito sa ulo.
Mabibilis ang lakad ko habang tinatahak ang daan pauwi sa apartment ko.
Medyo nangawit ang paa ko at malayo-layo rin ang nilakad ko.
Nang bigla akong matigilan.
"Akala mo, hindi ka namin babalikan ha? Babae?"
Ang dating limang lalake, ngayon sampo na!
Ang nakakainis pa at naka-skirt ako ngayon. Siguradong 'di ako makakakilos ng maayos nito.
"Grabi pare, ang ganda nga naman. Tingnan niyo oh, ang kinis ng hita!"
Napakuyom ang kamao ko sa halakhakan ng mga ito.
Akmang lalapitan ako ng isa ng bigla itong pigilan ng nasa gitna.
"Mag-ingat ka. At may alam 'yan sa karate!"
"Kaya pala matapang."
Dumila ang matabang lalake.
"Sa pagkakataong ito, wala ka ng kalaban-laban, babae. Kaya kung ako sa iyo, sumunod ka na lang para hindi ka masaktan!"
Isang ngisi ang pinakawalan ko rito. At hindi yata nito nagustuhan ang bagay na iyon at biglang namula ang mukha nito sa galit.
"Sige, gapusin ang babaing 'yan!" utos nito sa mga lalaking nakapalibot sa akin.
Hindi pa man lang nakakalapit ang mga ito sa akin ng may isang matinis na busina ang nagpahinto sa mga ito.
Sabay-sabay pa kaming napalingon.
AT ganoon na lang ang panlalaki ng mga mata ko kasabay ng pagkabog ng dibdib ko. Hindi ko rin naiwasang mapa-awang ang bibig sa pagkagulat.
Anong ginagawa ng lalaking ito rito? Sinusundan ba niya ako?
Lihim akong napalunok sa tikas ng pangangatawan nito. Ang tindig nito na akala mo hari?
Ngunit iba ang awra ng mukha nito ngayon. Napaka-seryoso. Parang umiigting ang panga nito?
Bahagya itong lumapit. Hanggang sa namulsa sa harapan namin.
"Sino ka?" maangas na tanong ng lalaking dumila sa harapan ko kanina.
Gumuhit ang simpleng ngisi sa labi ng lalake.
Ano nga bang pangalan nito?
Habang nag-iisip ako ng bigla itong magsalita.
"Pati ba naman babae, pinapatulan niyo? Ganiyan ba kabahag ang buntot niyo at talagang sampo kayo versus nag-iisang babae?"
Napalunok ako ng maaninag sa boses nito ang panggigigil.
Kahit may kadiliman sa lugar na iyon, hindi nakaligtas sa akin ang pagtalim ng mga mata nito.
"Wala kang pakialam! Unahin niyo nga ang pakialamerong lalake na 'yan!"
Napasinghap ako at sunod-sunod na sumugod ang mga ito sa lalaking nangngangalang Mike Harold!
Akmang tutulungan ko ito ng isang kamay ang humawak sa balikat ko.
"Saan ka pupunta ha?"
Mabilis kong hinawakan ang kamay nito para pilipitin. Ngunit isang panyo ang biglang itinakip sa ilong ko.
Nagawa ko man itong sipain palayo sa akin ngunit unti-unting nanlabo ang paningin ko.
Bago man ako tuluyang bumagsak, isang braso ang pumulupot sa balingkinitan ko.
BIGLA akong napabalikwas.
Ang guwapong mukha ng lalake ang bumungad sa akin.
"Are you okay, now?" tanong nito.
Doon ko napansin na nasa loob ako nito ng sasakyan. Lihim akong napalunok at pinakiramdaman ang sarili.
"Kung iniisip mong may ginawa akong masama sa iyo habang wala kang malay, nagkakamali ka. Sa guwapo kong ito, babae ang nanggagahasa sa akin."
Pansin ko ang biglaang pamimilyo ng mga mata nito.
Hindi ko ito pinansin at walang imik na binuksan ang pintuan ng sasakyan nito.
"Ihahatid na kita," pahabol nito at bumaba rin sa sasakyan nito.
Bigla ko naman itong nilingon. Kahit papaano malaki ang utang na loob ko rito.
Kung wala ito, tiyak na nagawa na ng mga lalaking iyon ang binabalak nila sa akin.
Kahit pala black belter ako, kung gagamitan ako ng ganoong technic, wala rin akong laban.
"Huwag na. Kaya ko na ang sarili ko."
Hindi ito kumibo kaya naman tinalikuran ko na ito. Ilang minuto ng maisipan kong lumingon.
At ganoon na lang ang pagkagulat ko at tahimik pala itong sumusunod sa akin. Nakapamulsa habang nakatitig sa akin.
Bigla rin itong huminto ng mapahinto ako.
"Bakit mo ako sinusundan--"
"Gusto ko lang makasigurong ligtas ka hanggang sa makauwi ka sa bahay niyo."
Sandali akong natigilan.
Seryoso ang mukha nito.
Dapat ko ba itong pagkatiwalaan? Paano kung nagpapanggap lang ito? At kalaban pala ito ng daddy ko?
Pero bakit hindi ko iyon maramdaman? Pakiramdam ko pa nga, ligtas ako sa mga kamay nito?
At napatunayan ko naman iyon, wala itong ginawang masama sa akin habang wala akong malay?
Pero hindi ko ito kilala? At paano ito napunta dito?
"Kanina mo pa ba ako sinusundan? Paano mo nalamang--"
"Shortcut ang daan na ito. Kaya sa haba ng traffic, naisipan kong dito dumaan."
Bigla akong natigilan.
Nang mabagal itong lumapit sa akin. Nangatog yata ang tuhod ko ng bigla itong mapatitig sa labi ko.
"Nasaan ang nobyo mo? Bakit hinahayaan kang umuwi ng mag-isa? Paano kung wala ako? E, 'di napahamak ka?"
Nakakunot na ang noo nito.
Bigla akong napipilan. Hindi ko alam ang isasagot ko.