"WALA NA kayong balak magmahal uli, Tito Ico? Masaya po ang ma-in love 'di ba?" Isang magaang halakhak ang tugon ni Tito Ico sa tanong ni Eira. Napansin niya ang pagkakapareho nito at ni Alex sa ngiti at pagtawa. Papadilim na noon, hindi pa bumabalik sa kubo si Alex, bagay na ipinagpapasalamat ni Eira. Payapa kasi ang puso niya kapag wala sa paligid ang lalaki. Si Tito Ico na hindi umalis sa kubo nang araw na iyon ang nakasama niya buong maghapon. Naglibot sila sa gulayan kaninang wala na ang araw. Hindi matapos tapos ang kuwento nito tungkol sa lupa at mga pananim. Mula raw nang mamatay ang asawa nito ay ang mga pananim na ang nagligtas rito sa kalungkutan. Naaaliw raw ito sa pag-aalaga sa lahat ng may buhay sa lupain na iyon. Kahit isang libong lugar pa raw ang ilatag sa harap nito ay

