*CHAPTER SIX*

1051 Words
Nakakatuwang isipin na halos hindi na makapagsalita ang kaharap ni Roen. Hindi nga siya nagkamali na ito nga ang taong nakaharap niya kahapon at katulad nga ng unang impresyon niya rito, talagang natural ang ipinapakita nito sa kaniya. Napangisi siya bago muling humakbang. Pakiramdam ni Roen ay may kung anong kakaiba sa pagkatao nito kaya mas lalo siyang nagiging agresibo na may malaman tungkol dito. "Bakit natatakot ka?" biglang tanong niya rito. Naging dahilan naman iyon para tingnan siya nito nang masama at saka siya tinulak nang malakas. "Anong takot? Sinong takot? Ako?" sunod-sunod na tanong at saka ito umastang maangas. Mas lalo lang napangisi si Roen dahil sa mga kilos nito. Muli niya itong tiningnan at saka pinasadahan ng titig mula sa buhok nitong maalon, sa mata nitong matingkad ang pagka-kayumanggi hanggang sa mapunta ang tingin niya sa balat nito na sakto lamang ang kaputian. Hindi na rin nakaligtas sa paningin ni Roen ang katamtamang pula ng labi nito. "Bakit hindi ka makatingin sa 'kin?" patuloy na pangungulit ni Roen habang hindi siya tumitigil sa paghakbang. "May dapat ba akong tingnan?" angal nito at saka ito huminto kaya napahinto rin siya. Napagdesisyunan na lamang ni Roen na muling ibalik ang usapan tungkol sa gawa niya. "May kamahalan ang paintings ko at isa sa mga affordable ay ang sakura blossom... Masaya ako na nagustuhan mo," pahayag niya rito. Hindi pinakawalan ni Roen ang kaniyang paningin hanggang sa unti-unti na rin itong tumingin sa kaniya. Ni hindi niya maintindihan kung bakit awtomatikong naglalandas ang kaniyang mga tingin sa labi nito. "P-pasensiya na kahapon... Sobrang nanghinayang lang talaga ako no'ng sabihin sa may gallery exhibit na hindi raw a-attend si Roen..." Nahalata ni Roen na nag-aalinlangan ito habang sinasabi iyon sa kaniya. Kitang-kita naman niya ang pagiging seryuso nito sa sinabi. "Wala namang kaso 'yon... Ang mahalaga nakita mo na ako ngayon. Sa totoo lang, ito ang unang beses na nakasalubong ako ng isang katulad mo na mahilig din pala sa arts," pahayag niya habang nakangiti. Hindi niya maintindihan kung ano ang nasa isip nito at kanina pa siya tinititigan nang maigi. Ilang segundo pa at nagsalita rin ito. "Ang totoo... Mas gusto ko talaga sa music pero pagdating sa mga gawa mo, sobrang nahuhumaling talaga ako," nahihiyang pahayag nito habang umiiwas ng tingin mula kay Roen. Sa kaloob-looban ni Roen ay may kung anong dahilan ng kaniyang pagngiti at hindi niya iyon mahagilap. "Kumakanta ka ba o tumutugtog ka ng instrument?" tanong niya rito. Muli naman itong napatingin sa kaniya. Imbes na sagutin siya nito ay nagtipauna itong maglakad malapit sa isang bench na kasya ang dalawang tao. Marahan siyang naglakad para sundan ito at hindi na siya nagpaalam na tabihan ito sa pag-upo. Agad siyang tumabi rito. Bahagya naman itong nagulat nang sandaling magkalapit ang kanilang mukha nang sabay silang maupo. Parang may kakaiba namang naramdaman si Roen sa mga sandaling iyon. "Ah, eh, marami ka ng tanong pero hindu mo pa nga ako nakikilala." Napatawa pa ito at halatang pilit na kinalma ang sarili. Sa kabila ng tanong ni Roen ay nakaramdam din naman siya ng hiya dahil totoo ang sinabi nito. "Pasensiya na... Ano nga pala ang pangalan mo?" pormal na tanong niya rito. "Troy," agad na tugon nito sa kaniya. Napangiti naman si Roen nang personal nitong iabot ang kamay para kamayan siya. "Ako naman si Roen. Roen Su," nakangiting pakilala niya kay Troy. Ngayon ay alam na niya kung ano ang pangalan nito. Hindi maiwasan ni Roen na mapangiti dahil sa pagiging komportable niya na kausap si Troy. "Alam mo, pansin ko, ang mga taong labas-masok dito sa building na 'to ay hindi ka man lang kilala," pahayag nito sa kaniya. May pakiramdam si Roen na itatanong nga nito iyon. "Hindi naman kasi natuloy ang pagpunta ko sa gallery exhibit. 'yon ang pinaka una ko sanang exposure kung natuloy lang sana kaso mas marami akong trabaho sa family business..." Nang tingnan ni Roen si Troy ay maigi lamang itong nakikinig sa kaniya. "Ibig sabihin, ang tanging may alam lang na ikaw si Roen ay ang assistant mo?" manghang tanong ni Troy sa kaniya. Natutuwang tumango-tango naman siya bilang tugon sa sinabi nito. "Alam ni Caloy na dudumugin ako ng mga tao pag nagkataong malaman nila na ako si Roen. Lalo pa ngayon na halos walang natirang paintings kahapon," natutuwang pahayag niya kay Troy. Napansin naman ni Roen na parang namamangha pa rin ang mukha nito. "Pero ngayon, alam ko na na ikaw si Roen Su–" "Sa ngayon, pwedeng tayo-tayo na lang muna ang may alam ng tungkol dito? Saka na siguro ako lalantad kapag maayos ko na ang problema sa pamilya ko." Hindi na napigilan ni Roen na ipahayag ang kaniyang saloobin. Batid na niyang natural na lamang na maraming siyang ginagawa dahil iyon naman talaga ang gawain niya sa trabaho bilang isang pintor at isang business manager sa pamilya. "Ang akala ko ay ako lang ang nakakaranas ng ganyang bagay..." Mas lalong naningkit ang mga mata ni Roen at naging dahilan iyon para mas bigyan niya ito ng pansin. "Bakit?" takang tanong niya rito. Napatingin naman ito sa kaniya at halatang pinipigil lamang nito ang emosyon. Napabuntong hininga ito at saka marahang nagsalita. "Nawawala ang kapatid ko. Marami siyang iniwang responsibilidad para sa pamilya namin. Galit na galit si dad sa kaniya at alam kong hindi magtatagal ay mapipilitan akong sumunod sa mga yapak nila. Ayoko ng ganoong buhay... Gusto kong maging masaya at maunlad sa paraan na alam ko..." Tila napansin na rin ni Roen ang pagkatulala nito. Doon lang din niya napagtanto na mabigat ang dinaramdam nito. "Marami na rin sigurong tiniis ang kapatid mo para sa pamilya niyo..." Dahil sa sinabi ni Roen ay napatingin naman sa kaniya si Troy at alanganing ngumiti. "Tama ka. Marami na nga siyang tiniis para sa pamilya namin. Kaya hindi ko rin masisisi ang kakambal ko kung bakit nagawa niyang umalis sa puder ni dad," kuwento nito. May bahagi sa kalooban ni Roen ang namangha dahil may kambal pala ito. "May kakambal ka pala." Nang sabihin niya iyon ay saka naman napangiti si Troy. "Babae nga lang siya," natatawang sabi nito. Ipinagtaka naman niya iyon kaya nagpakawala na rin siya ng panibagong iisipin. "Akala ko lalaki rin siya kagaya mo," makahulugang sabi niya kay Troy.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD