"Akala mo naman gano'n-gano'n na lang 'yon at maniniwala na kaagad ako sa 'yo na ikaw ang nag pinta nitong sakura blossom ni Roen?!" Hindi mapigilan ni Troy na pagtaasan ng boses ang lalaking kaharap.
"Nagsasabi lang naman ako sa 'yo nang totoo!" sigaw rin nito sa kaniya.
"Pwes, hindi ako naniniwala!" Halos makita ni Troy ang pagkagulat sa mukha ng lalaki. Maya-maya lamang ay parang sumiklab na rin ito dahil sa galit.
"Talagang ayaw mong maniwala ah," pahayag nito hanggang sa agad nitong ikinilos ang mga kamay at mabilis na dinukot ang wallet mula sa bulsa nito. Napansin naman agad ni Troy na may kung ano itong kinukuha.
"Ang lakas naman ng loob mo para sabihin na ikaw si Roen–"
"Dahil ako nga si Roen! Oh, 'ayan!" Hindi na natapos ni Troy ang kaniyang litanya dahil sa pasigaw na pagsasalita nito sa kaniya. Natigilan na lamang siya nang agad nitong ilahad sa kaniya ang isang valid ID. Ni hindi maintindihan ni Troy kung bakit nito iyon ipinakita.
"Ano naman ang gagawin ko diyan?" takang tanong niya dito.
"Ano pa ba? Eh 'di pinapakita ko sa 'yo na ako talaga si Roen at ako ang nag pinta niyang sakura blossom." Ramdam ni Troy ang matatalim na tingin nito sa kaniya kaya wala siyang ibang nagawa kundi ang makipag tagisan ng matatalim na tingin dito.
"Sa tono pa lang ng pananalita mo, alam ko nang mayabang ka," singhal niya dito.
"I don't have time to argue. Bye." Ni wala nga itong ipinakitang ekspresyon sa mukha hanggang sa nagsimula itong maglakad papasok sa sasakyan nito. Hindi alam ni Troy kung bakit nainis na lang siya nang labis.
"Bastos talaga," pabulong na sabi niya. Ang akala niya ay tutuloy na ito sa sasakyan pero agad din naman itong natigil nang marinig ang sinabi niya.
"Narinig ko 'yon," nakangising sabi nito. Bigla na lamang nakaramdam ng kaba si Troy dahil sa sinabi nito. Napaiwas na lamang siya ng tingin mula dito.
Mula sa sasakyan ay narinig nilang dalawa ang pagtawag ng driver ni Roen.
"Sir Roen, kanina pa po naayos ang sasakyan. Galit na rin po ang papa mo." Nakita ni Troy ang mukha ng driver at halata rito ang kaba. Agad namang tumalima si Roen dahil sa sinabi ng driver.
Walang nagawa si Troy kundi tingnan na lang ang bulto ni Roen. Hindi pa rin siya makapaniwala na nakaharap niya si Roen kahit na may duda siyang ito nga ang totoong Roen. Isang saglit pang naptingin sa kaniyang kinatatayuan si Roen at sa hindi malamang kadahilanan ay nakaramdam siya ng hiya dahil sa malagkit na titig nito.
"Sayang... Gusto ko pa naman na mag picture tayong dalawa," natatawang saad nito sa kaniya. Doon lang din naramdaman ni Troy na parang may panghihinayang sa kaniyang kalooban.
Huli na ang lahat nang agad nang umandar ang sasakyan nito. Huli na nang itaas niya ang kamay para sana kawayan ito na huminto pero sadyang mabilis ang pagka-andar nito kaya wala na rin siyang nagawa.
****
Matapos ang pakikipag sagutan ni Troy kay Roen ay napagdesisyunan niyang umuwi na ng bahay at sa ngayon ay kasalukuyan niyang tinitimpla ang kape. Habang patuloy siyang nagtitimpla, hindi pa rin mawala sa kaniyang isip ang pagkawala ni Trisha.
Pakiramdam ni Troy ay umuusbong na rin sa kaniya ang pagka-inis dahil sigurado siyang, siya ang pagbubuntungan ng inis ng kaniyang mga magulang.
"Nasaan ka na ba, ate..." Hindi na napigilan ni Troy na sambitin iyon nang marahan sa hangin. Kasabay ng kaniyang pagbuntong hininga ay ang pangungulila sa kapatid.
Habang patuloy na nag-iisip ay hindi na namalayan ni Troy ang pagpasok ng kaniyang ama.
"Mr. Wong, I am doing my very best to supply you with our best furnitures and besides, we have a strong partnership, right?" Iyon ang unang narinig ni Troy. Tila hindi nito napansin na naroon siya sa loob ng malaking kusina at patuloy pa rin sa pakikipag-usap sa business partner nito.
Kapag ganoon na ang sitwasyon ay talagang hindi nakikialam at hindi ninanais ni Troy na makinig sa usapan dahil ayaw rin naman ng kaniyang ama.
"I know... Just give one week to solve our problem and then this time, I'll make sure, this time, you'll be satisfied!" Rinig na rinig ni Troy kung paano nito kumbinsihin ang kausap sa cellphone. Nakaramdam na rin siya ng kaba dahil anumang sandali ay mapapansin na soya nito.
Nang marinig ni Troy na nakagawa siya ng kaunting ingay gawa ng kutsara na tumama sa kaniyang tasa ay agad na napatingin sa kaniya ang kaniyang ama at katulad nga ng inaasahan, kitang-kita niya ang galit sa mukha nito.
Napamaang siya at ni hindi alam kung ano ang unang magiging reaksyon.
"Kanina ka pa ba nakauwi?" seryusong tanong nito sa kaniya. Napatango na lamang siya at mabilis na napaiwas ng tingin.
"Nagbakasakali po ako na mahanap si ate–" Hindi pa natatapos ni Troy ang sasabihin nang bigla naman siyang pigilan ng kaniyang ama.
"Troy, mula ngayon, ayoko nang maririnig pa ang pangalan ng ate mo. Pinili ni Trisha na iwanan tayo at talikuran ang kaniyang responsibilidad kaya 'wag na 'wag mo na siyang hahanapin pa." Mariin ang pagkakasalita ng kaniyang ama kasabay nito ang matatalim na tingin kaya napalunok na lamang siya dahil sa kaba.
"Pero dad... Kapatid ko pa rin siya–"
"Enough, Troy." Ayaw nitong pakawalan ang mga tingin kay Troy.
Bahagya pa siyang nagulat nang maramdaman ang paghawak ng ama sa kaniyang braso. Dahil do'n ay agad na tumama ang kaniyang paningin sa ama. Habang tumatagal ay mas lalo niyang nararamdaman ang paghigpit ng pagkakahawak nito sa kaniya.
"Dad nasasaktan ako." Pinatatag ni Troy ang kaniyang boses kahit na ramdam niya ang takot mula sa ama.
"'Wag na 'wag mong maiisip na umalis sa pamilya kung ayaw mong itakwil din kita kagaya ng ate mo." Ang pagkakatitig nito sa kaniya ay tila isang nagliliyab na apoy na handa siyang lamunin. Sa buong buhay niya ay ngayon pa lang niya narinig ang ama na nagbanta sa kaniya.
Napaiwas muna siya ng tingin bago muling magsalita.
"H-hindi po, dad..." Iyon na lamang ang sinabi niya at saka naman nito pinakawalan ang braso niya. Nagmadali itong umalis at saka naman niya hinimas-himas ang kaniyang braso. Ramdam niya ang sakit niyon kaya wala siyang nagawa kundi intindinhin na lamang ang kaniyang ama sa ginagawa. Panalangin na lamang ni Troy na wala itong gawin na makakapekto sa buhay niya at sa mga sarili niyang desisyon.