SIMULA
Simula:
"Ayusin mo 'yang mukha mo Yngrid, ayokong nakikitang nakabusangot ka ng ganiyan."
Palihim akong napa-irap dahil sa sinabi ni Mommy habang nasa kotse kami. Sino ba naman kasing may sabing isama nila ako? Kaunti na nga lang ang bakasyon ko tapos dadalhin pa ako sa probinsya. Nakaka-irita!
Kasalukuyan kaming nasa kotse, si Daddy ang nagda-drive habang katabi niya sa harap si Mommy. Samantalang ako? Katabi ang mga naglalakihang bag na dala namin.
"Look Mom, ayoko naman kasi sumama, Elisa's birthday is on Monday and I want to be there with my friends," madiin kong usal habang sinusubukan ipaliwanag sa kaniya kung bakit ayoko talaga.
Elisa is my bestfriend, we already planned our outing and bonding. Pero dahil sinama ako nila Mommy ay hindi na ako makakasama, siguradong magpo-post ang mga kaibigan ko niyan at iinggitin ako. Samantalang ako, ano? Anong ipo-post ko, mga damo at bukid?Nakakainis!
Narinig ko ang buntong-hininga ni Daddy. Tumingin naman ako sa labas ng kotse, mahigit isang oras pa lang kaming bumibiyahe at hindi ko alam kung gaano pa kami katagal makakarating doon.
Ang sabi lang nila sa akin ay pupunta kami sa mga relative namin sa side ni Daddy, hindi ko sila gano'n ka-close dahil mas lagi kong nakakasama ang relative ko sa side ni Mommy. Kaya labag din sa loob ko ang sumama, paniguradong mabo-boring lang ako roon.
Fourth year college na ako ngayon taon at gusto ko sanang sulitin ang panahon na kasama ang aking mga kaibigan dahil dalawang linggo na lang ay pasukan na para sa susunod na sem.
"Don't raise your voice at me young lady," maawtoridad na wika ni Mommy.
Alam kong naiinis na siya dahil kanina pa ako reklamo nang reklamo. Okay fine, I know they want me to introduce to our relatives. But I don't like it, mas gusto kong sa bahay na lang namin kaysa magpakapagod pumunta sa malayong lugar para lang makipagplastikan sa ibang tao. Hays.
'Sana lang may mangyari para hindi na 'to matuloy!'
Hindi na ako umimik, padabog na sinalpak ko ang earphone sa aking tainga bago umayos ng upo.
Ipinikit ko ang aking mata hanggang makatulog. Nagising lang ako dahil biglang prumeno si Daddy kaya halos sumumsob ako sa upuan sa harapan.
"Dad!" Nanlaki ang aking mata nang tuluyan magising ang aking diwa.
Kaagad kong tiningnan ang aking magulang. Hawak ni Mommy ang batok niya, habang si Daddy ay dumudugo ang balikat. Kaagad akong ginapang ng kaba, nang makita ang dugo niyang umaagos sa kaniyang braso.
"D-Daddy y-you're bleeding!"
Mabilis kong tinanggal ang aking seatbelt. Mas lalo akong kinabahan nang makita ang dahilan ng pagpreno ni Daddy. May dalawang itim na sasakyan sa aming harapan na hinarangan ang aming dadaanan.
"Dad! Mom!"
Sobrang kaba ang naramdaman ko ng may mga bumabang lalaki sa dalawang sasakyan, hindi ko alam ang gagawin ko. Pinilit kong kumalma pero lalo akong nataranta nang marinig ang sigaw ni Mommy.
"Oh God, Hon!" sigaw ni Mommy ng lumapit ang mga armadong lalaki sa aming kotse.
Paniguradong hindi kami nakikita sa loob dahil tinted ang aming kotse, tuluyan na silang nakalapit sa aming kotse.
"Dad! Dad anong g-gagawin natin?!" pilit na binubuksan ng tatlong lalaki ang pintuan ng kotse namin.
Nanginginig na ang kamay ko, pilit ko rin hinahawakan ang pintuan kahit pa naka-lock iyon.
Hawak ni Daddy ang kaniyang balikat at saka may inabot na flash drive sa akin. "K-Keep it Yngrid. Huwag na huwag mong ibibigay! Maliwang ba anak? Huwag na huwag!" sigaw ni Daddy.
Nanginginig na tinanggap ko iyon.
"Yngrid magtago ka! Dali! Huwag kang lalabas hanggang may naririnig ka pa sa labas!" sabi ni Mommy na tinatanggal na ang sariling seatbelt.
"M-Mom! Anong g-gagawin niyo?!" nag-aalalang tanong ko.
Nangilid ang aking luha, mas lumakas ang ingay sa labas. Kinakalampag na nila ang kotse namin, pilit binabasag ang bintana.
Hinawakan ni Mommy ang aking balikat.
"M-Makinig ka, Yngrid! Kailangan ka namin ngayon maging matapang! Naiintindihan mo?! Itago mo iyan at huwag na huwag mong bubuksan! Mangako ka anak na magiging ligtas ka! Mangako ka! Iligtas mo ang sarili mo!"
Sunod-sunod na tumulo ang aking luha. Kahit malabo na ang aking paningin ay mabilis akong tumango.
"Kapag lumabas kami ng Mommy mo, mabilis kang tumakbo!" wika ni Daddy alam kong nasasaktan siya dahil sa tama ng bala sa kaniyang balikat na sobra ang pagdudugo.
Napahagulgol ako lalo, sa iisipin na iiwan ko sila sa gano'n sitwasyon. Mabilis kong nilagay sa bag ko ang flash drive. "H-Hindi ko kayo iiwan Dad, tumak—Dad!"
Nagulat ako nang mabasag na ang salamin sa gawi ni Mommy na umiiyak na rin. Kitang-kita ko kung paano sabunutan ng isang lalaki si Mommy para bumaba ng kotse.
Kitang-kita kong humangos na bumaba rin si Daddy at sinugod ang humablot kay Mommy. Oh my God! Oh my God! No!
"Ibigay mo na sa amin kung ayaw mong patayin ko ang mag-ina mo!" rinig kong sigaw ng isang lalaki kay Daddy habang nakatutok ang baril sa sentido ni Mommy.
"Takbo Yngrid!!" sigaw ni Daddy.
Napahagulgol ako kahit labag sa aking loob at sobrang panlalamig ng aking kalamnan ay mabilis na binuksan ko ang pintuan ng kotse at tumakbo papunta sa nagtataasan puno.
"Mga putang ina! Yung babae habulin niyo!"
Sobrang lakas ng kabog ng aking puso habang tumatakbo, hindi ko alam kung nasusundan nila ako basta hindi ako tumigil sa kakatakbo. Matataas ang mga damo at may mga kahoy rin na nakaharang pero wala na akong pakielam.
Tumakbo ako nang tumakbo habang patuloy na umaagos ang aking luha sa aking mata at pisngi.
Napatigil ako sa pagtakbo nang makarinig ng dalawang putok ng baril galing sa pinanggalingan ko.
"D-Daddy . . . Mom!"
Napatakip ako sa aking bibig. No! No! Hindi puwede. Pinatay nila ang magulang ko!
Para akong na-estatwa sa aking pwesto. Nagpalinga-linga ako, hindi ko alam kung tatakbo ba ako paalis o tatakbo pabalik. Sa tuwing naiisip ko ang mukha ng magulang ko kanina gusto ko na lang matumba at mawalan ng malay.
"Nandyan lang 'yon! Hindi 'yon makakalayo!"
"Oh, please save me."
Tumakbo ako ulit nang marinig kong malapit na sila kung nasaan ako. Takbo nang takbo hanggat may lakas ako ay hindi ko itinigil ang aking paa. Wala akong makitang daan dahil sa mga nagtataasang damo, kung minsan ay nadadapa pa ako pero tatayo ulit dahil sa kagustuhan kong makaligtas.
Ayoko pang mamatay, nangako ako kila Mommy.
Nasa isip ko ang sinabi nila Mommy, kailangan kong makaligtas. Kung sila ay hindi nakaligtas sa kamay ng mga hayop na iyon ay kailangan kong makaligtas. Natatandaan ko ang mukha nila at sa oras na maka-alis ako ay isusumbong ko sila.
Makaka-alis ako rito.
"Aray!" napahiyaw ako nang madapa na naman ako sa isang malaking ugat ng puno.
Mabilis akong naggulong-gulong pababa ng bangin. Tumama ang aking braso sa matatalim na kahoy. Tumama ang aking katawan sa mga bato, ang tangi kong nagawa ay pumikit at manalangin na sana . . . sana ay may tumulong sa akin.
"A-Ahh!" napahiyaw ako nang tumigil ako sa pag-gulong at tuluyan naramdaman ang hapdi sa buong katawan.
Hingal na hingal ako at pakiramdam ko ay binugbog ang mLiitkatawan ko. Kahit nanghihina ay kinapa ko ang bag na nakasabit sa likod ko. Nakahinga ako ng maluwag dahil nandoon iyon.
Gusto kong tumayo pero hindi ko na kaya, gusto kong sumigaw pero wala na akong lakas para sumigaw ng malakas, ang tangi kong nagawa ay umiyak na lang.
Dahan-dahan kong tiningnan ang binti ko dahil hindi ko iyon maramdaman. Napahikbi ako ng makitang naipit ako sa bato.
"T-Tulungan n-niyo k-ko . . ." bulong ko.
Pakiramdam ko ay sinigaw ko iyon pero bakit pabulong ko sinabi iyon.
Ito na ha ang katapusan ko? Sa gitna ng kagubatan? Saksi ba ang maliwanag na buwan habang ako ay nalalagutan ng hininga? Ito na ba?
Napapikit na lang ako, unti-unti ko nararamdaman ang mga natamo kong sugat sa katawan.
"P-Please t-tulungan n-niyo m-maawa kayo."
Para akong lasing, malabo na ang aking mata pakiramdam ko ay inaantok ako pero ayokong natulog. Natatakot akong baka, baka kapag pumikit ako ay hindi na ako magising pa.
Natatakot akong mamatay mag-isa.
Hindi ko alam kung imahenasyon ko lang o talagang mamatay na ako dahil nakarinig ako ng yabag papalapit sa akin.
Si kamatayan na ba? Sinusundo na ako?
Pinilit kong imulat ang mata kong kusang pumipikit.
Wala sa sariling napangiti ako.
Hindi ko alam na gwapo pala si kamatayan.
Pilit kong itinaas ang kamay ko upang abutin siya, hindi ko na talaga kaya. Dahan-dahan kong ipinikit ang aking mata, naramdaman kong hinawakan ni kamatayan ang kamay ko.
Mommy... Daddy... susunod na ako sainyo.
"I'm here, you'll be okay. You can sleep now."
______________
SaviorKitty