“Ano girl, hanggang ganyan ka na lang? Iiyak ka na lang lagi samantalang meron ka namang pwedeng gawin? Lumaban ka dahil ang mundo ay isang malaking Quiapo. Mang-agaw ka!” pagtatalak ni Barbie kay Daniella isang gabing naabutan siya nina Mel na tahimik na umiiyak sa may bar counter ng bahay niya kung saan kaulayaw niya si Johny Walker.
“Hinawakan naman ni Mel ang isang kamay niya. “Alam mo girl, hindi ko personal na kilala si Travis at lalong hindi ko alam kung ano ang naging nakaraan niyo. Pero ito lang ang maipapayo ko sa iyo, kung talagang mahal mo siya, ipaglaban mo. Kung hindi pa naman siya kasal uli, pwede mo pa siyang ipaglaban. Huwag kang magmukmok dito sa bahay.
“Harapin mo si Travis. Kausapin mo siya. Kung talagang mahal mo ‘yung tao, gagawin mo ang lahat para sa kanya. At hindi porke’t babae ka, wala ka nang karapatang ipaglaban ang nararamdaman mo. Walang masama kung ikaw ang unang mage-exert ng effort dahil kaligayahan mo habang buhay ang nakataya dito. Minsan kailangan nating lunukin ang pride natin para makasumpong tayo ng kaligayahan. Huwag mong hayaang basta-basta na lang na mawala sayo ang taong dahilan ng kaligahayan mo. Remember, isang beses lang tayo mabubuhay.”
Parang may namuong bikig sa lalamunan niya dahil sa sinabing iyon ni Mel. Hanggang sa hindi na niya napigilan pa ang muling pagtulo ng mga luha niya.
Si Travis ang dahilan kung bakit nitong mga nakaraang araw ay lagi na lang siyang malungkot. Wala na nga itong asawa, may girlfriend naman ito. Ang masaklap pa, si Bless na kapatid niya ang girlfriend nito.
Minsan gusto niyang magtampo sa langit. Isang bagay lang naman ang matagal na niyang hinihiling noon pa man, at iyon ay ang makamtan ang pagmamahal ni Travis. Pero bakit lagi na lang iyong ipinagkakait sa kanya? Noon at ngayon, hindi pa rin niya magawang maangkin nang tuluyan si Travis.
Pero tama si Mel. Hindi niya pwedeng basta-basta na lang na isuko ang pagmamahal niya para kay Travis.
That night, bago siya matulog ay isang pasya ang nabuo sa isip niya. She will fight for Travis’ love.
* * * * *
Papalabas na sana ng bahay si Daniella nang biglang ianunsiyo ni Barbie na may bisita siya. Pero pagkakita niya kay Bless ay lihim na napaismid siya. Hindi bisita ang turing niya dito kundi bwisita.
“Anong ipinunta mo dito?” walang paliguy-ligoy na tanong niya sa half-sister niya na alam niyang noong bata pa lang sila ay mainit ang dugo sa kanya.
“Hindi mo man lang ba ako yayayaing maupo sa magara mong sofa?” nakatikwas ang kilay ng bruhilda niyang kapatid nang sabihin iyon.
“Bakit pa? I’m sure hindi ka rin naman magtatagal. Besides ayokong marumihan ang maganda kong sofa kaya sabihin mo na ang sadya mo at may lakad pa ako.”
Tiningnan siya ni Bless mula ulo hanggang paa. Satisfied naman siguro ito sa nakikita nito. Di hamak na mas maganda na siya dito ngayon. “Lubayan mo ang boyfriend ko. Hindi ko alam kung paano kayo nagkakilalang dalawa. Pero sigurado akong kaya ka nakikipaglapit sa boyfriend ko ay dahil gusto mo siyang agawin sakin. Gusto mong gumanti dahil inagaw ko ang boyfriend mo noon.”
Natawa siya nang pagak sa tinuran nito. “Seriously, matagal ko nang nakalimutan ang ginawa mong panunulot kay Wade sa akin noon. That was ages ago, Bless. I’ve already moved on. But I’m sorry to disappoint you but I’m not giving up on Travis that easily. Not now that I know na hindi siya magiging masaya sayo.”
“Ganyan ka na ba kadesperada, Daniella? Mang-aagaw ka ng lalaki para lang magka-jowa ka? Why, don’t you have any suitors? I know your calibre. I don’t think na walang ni isang nagkamali sayo.”
“Si Travis ang mahal ko.”
“Mahal? Ni hindi mo nga siya kilala!” halata na ang panggigil ni Bless kanya. Nakita naman niya sa sulok ng mga niya na nakaantabay lang si Barbie sa isang sulok para kung sakaling daluhungin siya ng kapatid niya ay mabilis na masasaklolohan siya nito.
“Mas nauna kong nakilala si Travis sayo. Mas nauna ko siyang minahal kesa sayo. At sigurado ako, mas mahal ko siya kumpara sa pagmamahal mo sa kanya!” she hissed. She was starting to feel frantic.
“Binabalaan kita, Daniella. Lubayan mo ang boyfriend ko,” matapang na saad ni Bless si kanya.
“Binabalaan din kita, Bless. Hindi ko basta-bastang isusuko si Travis. Not now, not ever,” taas-noong sagot niya dito.
Nang mag walk out si Bless at sabay pa silang napahagalpak ng tawa ni Barbie.
“Bruhang ‘yun. Sugod nang sugod. Saka kung talagang mahal siya ni Travis, hindi siya dapat natatakot sayo. Alam ko, desperate act niya na lang iyon. Siguro ay alam niyang wala siyang laban sayo.”
“Tama ba talaga ang gagawin ko, Barbie? Tama ba na ipaglaban ko si Travis?”
“Ikaw lang ang makakapagsabi nyan, girl. Ikaw, handa ka na bang tumanda na hindi si Travis ang kasama mo? You decide for yourself. Huwag mong iasa sa ibang tao ang magiging kaligayahan mo.”
“What if ayaw sa akin ni Travis? What if hindi naman pala ako ang magpapasaya sa kanya?”
“Saka mo na sagutin ‘yang mga ‘what ifs’ mo kapag nagawa mo na ang bagay na dapat mong gawin.”
“Thanks girl. Thanks din kasi ni minsan hindi mo ko iniwan at pinabayaan.”
* * * * *
Tiningnan ni Daniella ang oras sa relong suot niya. It was already past eleven in the evening. Nakaupo siya sa terrace ng condo unit na nirentahan niya for this day. Ang unit na iyon ay katapat lang ng unit ni Travis. Kaninang umaga pa siya nag check in. At sigurado siyang walang dumating na bisita ang binata at nasa loob lang ito dahil kanina pa siya naka-monitor dito.
Tumayo siya at dinampot ang cellphone niya. Sinigurado niyang naka-lock ang pinto at nasa bulsa ng pantalon niya ang magnetic card.
Huminga muna siya ng malalim bago niya pinindot ang buzzer. Limang minuto yata muna ang lumipas bago bumukas ang pinto ng unit ng binata. Halatang nagising lang ito dahil bahagya pang nakapikit ang mga mata nito nang buksan nito ang pinto.
Pero pagkakita nito sa kanya ay parang biglang nagising ang diwa nito.
“Daniella?”
“Hi. I’m so sorry for waking you up,” paghingi niya ng dispensa.
“Anong oras na. Bakit napasugod ka bigla? May problema ba?”
Umiling-iling siya. “I just want to talk to you, Travis. And if truth be told, I want to kiss you so bad.” Lumapit siya dito at akmang hahalikan ito pero mabilis itong nakalayo sa kanya.
“This is wrong, Daniella.”
“Pero pwede naman nating gawing tama ‘to, Travis. Pwede bang tayo na lang?” Alam niyang pagpapakababa na ang ginagawa niya pero wala siyang pakialam. Gusto niyang sumubok. Gusto niyang isugal lahat ng barahang meron siya.
“But I already have a girlfriend,” nahihirapang saad ng binata.
“I know. But can you at least give me a chance? Matagal na kitang mahal. Noon pa. At alam ko, nararamdaman ko. Alam kong may pagtingin ka rin sa akin. Why don’t we give ourselves a chance?”
“Daniella…”
“Come with me, Travis. Kagaya noon. Give me five hours. Ipapakita ko sayo kung gaano kita kamahal. At ipapakita ko sayo kung paanong mas magiging masaya ka sa piling ko.”
“B-but—”
“Five hours lang, Travis. Pagkatapos ‘nun, hindi na kita guguluhin kung sakaling si Bless pa rin ang laman ng puso mo.”
Tumango naman ang binata. “Wait for a sec, magbibihis lang ako.”
Matiyaga naman siyang naghintay. Makalipas ang sampung minuto ay sakay na sila ng isang taxi at nagpahatid siya sa Quiapo. Una niyang niyaya ang binata sa Quiapo church.
Magkatabing lumuhod sila ng binata. At lihim siyang nagdasal. “Lord, isang bagay lang po ang hihilingin ko ngayong birthday ko. Iyon ay ang makasama ko ang lalaking ‘to na nasa tabi ko habang buhay.”
Ilang minuto muna silang nanatili sa simbahan bago niya niyaya si Travis sa Ineng’s Kaunan. Ilang taon na ang nakakalipas pero naroon pa rin ang restaurant na iyon. At wala pa rin masyadong nagbabago doon.
“Naaalala mo pa pala ang lugar na ito,” namamanghang sabi ni Travis.
“Hindi lang ang lugar na ‘to ang naaalala ko, Travis. Tandang-tanda ko pa ang kwentuhan natin noon. Dito mo unang binuksan ang buhay mo sa akin. Dito mo ako unang pinapasok sa buhay mo. At dito ko rin unang naramdaman na mahal pala kita.”
Pinisil ni Travis ang isang kamay niya na hawak nito at pagkatapos ay niyaya na siya nitong maupo sa isang bakanteng mesa. Katulad rin noon ang in-order nila. At nakakatuwang isipin na ang nanay uli nito ang paksa nila. Pero hindi kagaya noon, kasama na ang tatay ni Travis sa ikinukwento nito.
“Isa sa mga dahilan kung bakit gusto kong pumunta ng Amerika noon ay dahil gusto kong hanapin ang tatay ko. Gusto kong tuparin yung pangako ko sa nanay ko na hahanapin ko si Tatay para sabihing mahal na mahal siya ni Nanay.”
“Nahanap mo ba siya?”
Tumango ang binata sa kanya. “Pero kagaya ni Nanay ay patay na rin pala ang tatay ko. Base sa impormasyon na nakalap ng investigator na inupahan ko, papunta sana ng airport ang tatay ko nang maaksidente ang kotseng sinasakyan nito. Iyon sana ang araw na babalik si Tatay sa Pilipinas. Hindi nalaman ng imbestigador kung ano ang sadya ng tatay sa Pilipinas pero may pakiramdam akong kami ni Nanay ang dahilan sana nang pag-uwi niya.”
“I’m so sorry to hear that, Travis. Pero kung nasaan man sila ngayon ng nanay at tatay mo, sigurado akong masaya na sila kasi magkasama na sila ngayon.”
“Iyon na nga lang din ang iniisip ko,” tugon ng binata sa kanya.
Matapos nilang kumain ay nagkayayaan sila ng binata na maglakad-lakad sa Baywalk. Marami pa ring tao nang mga oras na iyon.
Nang mapagod ay naupo sila habang nakatanaw sa payapang dagat. Bahagyang tinatangay ng hangin ang ilang hibla ng buhok niya.
“Alam mo si Bless, hindi ko ‘yun mayayayang pumunta sa lugar na ‘to,” biglang paglalahad ng binata sa kanya.
“Tayong dalawa, pwede tayong tumambay dito every weekend. Maglalakad lang tayo hanggang sa mapagod na tayo. Tapos uupo tayo kagaya ngayon. Hahawakan mo ang kamay ko at sasandal ako sa balikat mo. Ayaw mo ba ‘nun, Travis?”
“Ang sabi ni Bless, kaya ka lang daw nakikipaglapit sa akin kasi gusto mong gumanti sa kanya dahil inagaw niya ang boyfriend mo noong high school pa lang kayo. At natatandaan kong nasabi mo rin sa akin ang bagay na iyon noon.”
Hindi siya tuminag sa pagkakasandal sa balikat nito. Masarap kasi sa pakiramdam ang pagkakalapit nilang iyon. “Sa maniwala ka at sa hindi, matagal ko nang nakalimutan ‘yung pangyayaring iyon sa buhay ko. Nakapag-move on na ako. At kung tutuusin, mas una kitang nakilala sa kanya. Mas nauna akong mahalin ka.”
Katahimikan.
“Travis, ni minsan ba hindi mo ako minahal?”
“I did,” pag-amin ng binata. “Noong kinukulit mo pa lang ako, unti-unti nang nahuhulog ang loob ko sayo. Pero pinipigilan ko lang ang sarili ko dahil may Sasha na ako. Hindi ko man siya mahal, kasal naman kami noon. Ayokong magkasala sa mata ng Diyos.”
“What about now? Wala nang Sasha sa buhay mo.”
“Aaminin ko, may feelings pa rin ako para sayo. Pero naroon pa rin ang agam-agam.”
“Agam-agam saan?”
“Na baka hindi ako maging sapat para sayo.”
Kinilig yata siya sa sinabi nito. “You mean mahal mo rin ako?”
Katahimikan uli.
“Travis?” untag niya sa binata.
“I don’t have to answer right away naman, di ba? I still have to do the right things bago ko sabihing mahal kita.”
“May half hour pa tayo. You wanna go home na?” tanong niya sa binata.
“Let’s stay a ‘lil longer.”
“Why?”
“Kasi ayoko pang maghiwalay tayo. I love holding your hands. I love smelling you.”
“That’s sweet,” she giggled. “This is gonna be the best birthday gift so far, to watch the sunrise with you, Travis.”
Biglang napatingin sa kanya ang binata.
“Birthday mo?”
Naluluhang tumango siya dito. “Yeah… At masaya ako na ikaw ang una kong nakasama sa araw na ‘to. Sana sa susunod kong birthday, ikaw pa rin ang kasama ko. Ikaw ang hiniling ko kay Lord kanina.”
“Oh, God…” mahigpit siyang niyakap ng binata. At gumanti naman siya ng yakap dito. Ilang sandali lang ay unti-unti nang nagpakita ang haring araw. It was so breathtaking. Lalo na at nasa tabi niya ang lalaking mahal na mahal niya.