“Aray! Dahan-dahan naman, girl. Kanina mo pa minu-murder ‘yang mga kuko ko,” reklamo ni Daniella kay Barbie.
“Kasi naman. Baka pwedeng mag-relax ka? Ramdam hanggang sa pinakamaliit na daliri mo ‘yang sobrang pagka-tense mo. Relax! Matatapos na rin naman ‘to,” sagot naman ni Barbie.
Oo nga naman. Bakit ba niya sinisisi ang bakla? Aminado naman siyang tensyonado talaga siya simula pa kanina. Malalim ang iniisip niya. Ang totoo ay kagabi pa nagpaplano ang utak niya. At nakausap na rin niya si Guido kagabi. Mayamaya lang ay ie-execute na nila ang plano.
“Ano, tapos na ba ‘yan? Magsisimba pa ako.”
Napangaat ng mukha si Barbie sa kanya. “Sinasapian ka yata? Ikaw, magsisimba? Aba’y himala. Anong nakain mo?”
“Wag kang masyadong maurirat. Bilisan mo na lang dyan. Maga-alas singko na.”
“Yes, madam!”
Matapos i-apply ni Barbie ang huling coating ng purple nail polish niya ay nagmamadaling umakyat siya sa silid niya. Pasimpleng lumapit siya sa bintana at marahang hinawi ang kurtina. Nakita niyang bihis na bihis na si Travis at mukhang ready na itong magsimba.
Two weeks na niya itong lihim na minamanmanan. Halos kabisado na niya ang routine nito sa bahay at maging sa labas. Nang makita niyang palabas na ng kwarto nito si Travis ay mabilis na dinampot na niya ang tote bag niya at wala siyang ibang choice kundi pagtiyagaan ang Ipanema slippers niya dahil hindi pa tuyo ang nail polish niya sa paa. Bagay naman iyon sa suot niyang cotton blouse at skinny jeans.
“Gotta go, girl!” aniya kay Barbie nang lampasan niya ito sa sala.
Paglabas niya sa gate ay sakto namang paglabas din ni Travis. Nagkatitigan sila nang ilang segundo. Pero agad din itong nagbawi ng tingin. Siya naman ay nagsimula nang maglakad. Hindi niya alam kung ano ang iniisip ni Travis habang nasa likod niya ito. Nase-seksihan kaya ito sa kanya? Nagagandahan kaya ito sa suot niya? Pero ang mahalagang tanong, bakit niya pinagkakaabalahang isipin kung nagagandahan sa kanya si Travis o hindi? Not that she’s interested with him.
Pareho sila ng jeep na nasakyan. Punuan kaya medyo nasisiksik na siya dito nang kaunti. Nanayo yata ang mga balahibo niya nang sumayad ang balat niya sa balat ng binata.
What the hell is wrong with her? Parang simpleng pagkikiskis lang ng mga braso nila, nananayo na ang mga balahibo niya? Paano pa kaya kung… Ipinilig niya ang ulo dahil sa naiisip. But damn, he smelled so good. He smells manly. Ang hindi lang kaaya-aya dito ay ang suot nito. Checkered polo at faded maong pants ang suot nito na tinernuhan ng black leather shoes para sa paa.
Hindi bagay dito ang suot nito. Sigurado siyang kung mabibihisan niya ito ay lalong lilitaw ang kagwapuhan nito. At kung hindi lang nito hahatiin ang buhok nito sa gitna, mas magiging madali siguro itong titigan sa mukha. Ang kaso nga, kapanahunan pa ni Gat Jose Rizal ang hairstyle nito!
Nang bumaba si Travis ay bumaba na rin siya. Marami nang tao sa loob ng simbahan. Dumiretso sa bandang unahan si Travis samantalang siya naman ay mas piniling pumwesto sa bandang likuran. Pero sinigurado niyang tanaw niya pa rin ang binata.
Nang sabihin ng pari na magbigayan sila ng kapayapaan sa isa’t isa ay lumingon sa kanya si Travis at marahang nginitian siya. Tango lang naisagot niya dito. She didn’t expect that he would do that, actually.
Pagkatapos na pagkatapos ng misa ay nagmamadali siyang lumabas. Alam niyang ang susunod na pupuntahan ni Travis ay ang palengke. Inilibas niya ang cellphone niya at may idinial na numero. Isa iyong senyales sa pagitan nila ni Guido.
Habang nasa bangketa siya papunta sa palengke ay nakarinig siya nang tili ng isang babae. Mabilis siyang lumingon. Nakita niya ang isang lalaking mabilis na tumatakbo papunta sa direksyon niya. Hawak-hawak ng lalaking tumatakbo ang isang pitaka.
“Magnanakaw!” tili ng isang babae. “Magnanakaw!”
Ilang dipa na lang ay nasa tapat na niya ang lalaking kawatan. At bago pa magbago ang isip niya ay tinabig niya ang lalaki nang dumaan ito sa harap niya. Plakda ang lalaking kawatan sa bangketa. Tumilapon ang hawak na wallet nito sa bangketa. Mabilis niyang pinulot iyon. Ang lalaking kawatan naman ay nakita na lang niyang nagtatatakbo palayo.
“Bakit mo ginawa ‘yun?” Nagulat siya nang bigla na lang sumulpot sa harap niya si Travis. Parang galit ito base na rin sa ekspresyon ng mukha nito. Namumula rin ang gilid ng tenga nito.
“What do you mean?” nagtatakang tanong niya.
“Paano kung nasaktan ka dahil lang sa ginawa mong pagtulong sakin?”
Nagtatakang napatitig siya dito. “Ikaw ang may-ari ng wallet na ‘to?” Wala sa sariling binuksan niya ang hawak na wallet at tumambad sa kanya ang picture nito. Confirmed, ito nga ang may-ari ng wallet. Very good.
“Sa susunod, huwag mo nang uulitin ‘yun. Paano kung ginantihan ka nung lalaking ‘yun kanina? Paano kung may dala palang patalim ‘yung g*gong ‘yun? Hindi ka nag-iisip. Inilalagay mo sa peligro ang buhay mo,” patuloy na pagbubusa ni Travis sa kanya.
“Hayan na ang wallet mo!” Isinaksak niya sa dibdib ni Travis ang wallet nito. Ito na nga ang tinulungan, ito pa ang may ganang magalit! Nakuuu!
Nang mamataan niyang may bakanteng taxi na papadaan sa harap niya ay mabilis na pinara niya iyon. Iniwan niya ang nagpupuyos pa rin na si Travis. Nagpahatid siya sa driver sa Trinoma.
At habang lulan siya ng taxi ay hindi niya maiwasang mapangiti. Kaya ganoon na lang ang galit ni Travis sa ginawa niya kanina ay dahil concern ito para sa kanya. Iyon ang analisasyon niya sa reaksiyon ng binata. Pagkalulan niya ng taxi ay pakiramdam niya ay nasa alapaap pa rin siya.
Dumiretso siya sa isang sikat na restaurant. May reservation na siya doon. Pagkalapit na pagkalapit niya sa table niya ay hindi na niya napigilan ang tuwa. Pumalakpak siya na may kasamang tawa. “Good job, Guido. Good job!”
“Tinatawanan mo pa ako. Ang usapan natin, dadambahin mo lang ako at aagawin mo ang wallet sakin. Wala sa usapan natin na papatirin mo ako. Ayan, nagasgasan tuloy ang makinis kong tuhod at siko,” pagrereklamo ni Guido habang hinihimas nito ang nasaktang siko.
Si Guido ang lalaking umagaw ng wallet ni Travis kanina pagkalabas ng huli sa simbahan.
“Sorry na. Hindi ko sinasadya. Sa maniwala ka at sa hindi, na-carried away lang talaga ‘ko kanina. Ganoon pala ‘yun kapag totoong aksyon na. Pero hayaan mo, dodoblehin ko ang bayad ko sayo. Ipaayos mo ‘yang tuhod at siko mo kay Belo.”
Naglabas siya ng pera base na rin sa napag-usapan nila. At siyempre, may tip iyon dahil nagustuhan niya ang performance nito. “Ayan, huwag ka na munang magagawi dito sa QC ng isang linggo. Okay?” Dati niyang kalaro sa Parañaque si Guido. Mga gusgusing bata pa lang sila ay alam na niya ang karakas nito. Mahilig ito sa action. Idol daw kasi nito si Tom Cruise. Nang magpasya siyang ibenta ang bahay nila sa Parañaque ay isa si Guido sa napakahabang listahan ng binatang nalungkot dahil sa pag-alis niya. Nabawasan na raw kasi ng maganda sa lugar nila. Pwera biro.
“Naku, kung hindi lang kita mahal, hindi ko talaga gagawin ang ginawa ko kanina,” pagpapalipad hangin na naman ni Guido.
“Naku, Guido. Lubayan mo ‘ko dyan sa mga banat mo at hindi mo ako mapapasagot ng oo. Um-order na tayo at kailangan ko ring makauwi agad.”
Um-order na nga sila at hindi nagtagal ay pinagsasaluhan na nila ang isang masarap na hapunan. Matapos ang masaganang hapunan ay naghiwalay na sila ni Guido. Dumiretso na rin siya ng uwi sa bahay.
* * *
Dear Diary,
Yeah, tama ka ng iniisip. What happened after the mass was my plan. It was my master plan. Brilliant, isn’t it? Inupahan ko si Guido para dukutin ang wallet ni Travis. And with my instruction, tatakbo si Guido papunta sa direksyon ko. I will act like a good samaritan. Dadambahin ko si Guido at babawiin ang wallet ni Travis. But of course, you know na hindi lang iyon ang nangyari. Masyado akong na-carried away sa umaatikabong aksyon kanina.
Pero ang mahalaga, napaniwala ko si Travis na genuine ang ginawa kong pagtulong kanina. Kahit anong gawin niya, may utang na loob na siya sa akin. Hindi ba’t ayaw na ayaw niyang magkaroon ng utang na loob sa ibang tao? So I’m sure, any moment by now ay kakatok siya sa pinto ko para makipagkaibigan na sa akin. Kasi nga, may utang na loob na siya sa akin. Pero syempre, magpapakipot muna ako noh!
“Girl, may naghahanap sayo sa baba,” naputol ang pagmumuni-muni ni Daniella nang bigla na lang sumulpot sa kwarto niya si Barbie.
“Sino?” excited na tanong niya.
Ngumisi sa kanya si Barbie. “Si Travis my labs. May sasabihin daw siya sayo. May nangyari ba na hindi ko nalalaman?”
“Wala! Ano ba naman ang mangayayari na hindi mo alam, eh lagi naman tayong magkasama,” sagot niya. “Wait, may softdrinks ba tayo sa ref?”
“Oo. May coke pa sa ref,” tugon ni Barbie.
Kumuha siya ng pera mula sa wallet niya. “Bumili ka ng Royal. Para kasing lalagnatin ako. Mainam daw ‘yun para sa may sakit. Then bili ka na rin ng pizza.”
Napamulagat sa kanya si Barbie. “Okay ka lang? Anong oras na. Mahihirapan na akong mag-abang ng jeep papasok dito sa Aplaya,” reklamo ni Barbie.
Dinagdagan niya ang perang hawak nito. “Eh di, mag-taxi ka pauwi. Ayan, pamasahe mo. Sobra-sobra na ‘yan bakla!”
Sana lang ay hindi makahalata ang bakla na tinataboy niya lang ito para hindi nito mapakinggan ang mapag-uusapan nila ni Travis. Besides, kapag kasi naroon si Barbie sigurado siyang masasapawan siya nito dahil sa bilis nang pag repike ng bibig nito.
“Sige na, lumakad ka na para hindi ka gabihin masyado. Pakisabi kay Travis bababa na rin kamo ako.”
Pagkalabas ni Barbie sa kwarto niya ay mabilis siyang humarap sa salamin.. Ginulo-gulo niya ang buhok niya at saka iyon inayos uli gamit lang ang kamay niya. Binura rin niya ang lipstick at foundation niya.
Habang pababa siya ng hagdan ay nakita niyang matamang nakatitig sa kanya si Travis. Napansin marahil nito ang paika-ikang paglalakad niya.
“Good evening. Napasugod ka?” bungad niya sa binata.
“Are you okay? Mukha kang may sakit. Nasaktan ka ba kanina kaya paika-ika kang maglakad ngayon?” concerned na tanong sa kanya ni Travis.
“I’m okay. Medyo masama lang ang pakiramdam ko.” Wala naman talagang kinalaman ang nangyari kanina kaya paika-ika siyang maglakad ngayon. Nakalimutan lang lagyan ni Barbie ng gamot ang mga kuko na minurder nito kanina kaya ngayon ay bahagya iyong namamaga. Iyon ang tunay na dahilan kung bakit paika-ika siyang maglakad ngayon. Pero syempre hindi niya iyon sasabihin sa binata. “Ano nga ang sadya mo?”
Napalunok ang binata dahil sa tanong niya. “Pumunta ako dito para sana pormal na makapagpasalamat. Kanina kasi ay bigla mo na lang akong iniwan.”
“Ikaw naman kasi. Sa halip na magpasalamat ka na lang, mas pinili mo pang pagalitan ako sa gitna ng maraming tao.”
“I’m sorry. Natakot lang naman kasi ako dun sa ginawa mo. Paano kung binawian ka nung hold-upper kanina? Or paano kung may kasama pala siyang iba kanina? Baka nasaktan ka pa dahil lang sa wallet ko.”
“Look, okay lang naman ako, di ba? I’m alive. So stop worrying now.”
Katahimikan.
“Saan nga pala pupunta ‘yun si Barbie? Bakit iniiwan ka niya dito na mag-isa sa bahay mo?”
“Hindi ko alam. Baka may pupuntahan lang na kakilala.” Hindi siya aamin dito na siya mismo ang nagpaalis kay Barbie para magkasarilinan sila.
“Dapat kapag ganitong oras na ng gabi, hindi ka na niya iniiwanang mag-isa dito sa bahay niyo. Paano kung bigla ka na lang pasukin nang masasamang loob? Paano mo ipagtatanggol ang sarili mo?”
Naiinis na tinapunan niya ito ng tingin. “Kung pumunta ka lang dito para sermunan ako, pwes, makakaalis ka na sa pamamahay ko.”
Parang nabahag naman ang buntot ni Travis at hindi ito magkandaugaga sa paghingi nang paumanhin. “I’m sorry. I’m really sorry. I know I was out of line. It’s just that I’m concern.”
Tinaasan niya ito ng kilay. “Bakit ka naman magiging concern sa akin. Hindi naman tayo magkaano-ano. Ni hindi nga tayo magkaibigan, remember?”
“Well…” Hindi na nagawa pang dugtungan ni Travis ang pangungusap nito.
“Well, I think that you should go home now, Travis. Okay lang ako. Kaya kong protektahan ang sarili ko. At ‘yung nangyari kanina, huwag mong isiping utang na loob mo sa akin ‘yun. Kahit naman kanino ay gagawin ko ang bagay na ‘yun.”
“Kailangan ba talagang maging magkaibigan muna tayo para maging concern ako sayo?”
“What?”Ano ba ang sinasabi ng kumag na ‘to?
“Ang pagkakaintindi ko kasi sa sinabi mo kanina, wala akong karapatang maging concern sayo kasi hindi naman tayo magkaano-ano. Sabi mo nga, hindi tayo magkaibigan.” Huminga muna nang malalim ang binata bago muling nagsalita. “Alam kong tinanggihan ko na minsan ang inaalok mong pakikipagkaibigan noon. But this time, ako naman ang mag o-offer ng friendship sayo. Can we be friends, Daniella?”
“Bakit?” nakamatang tanong niya sa binata. Pero ang totoo’y nagdiriwang ang loob niya.
At parang gusto niyang matawa nang mapakamot sa batok ang binata. Geez, he’s so adorable when he’s doing that! Very cute.
“Bakit?”
“Anong bakit?” tanong ni Travis.
“Bakit ikaw naman ngayon ang nakikipagkaibigan sa akin?”
Namalayan na lang niyang nagtagpo na pala ang mga mata nila ni Travis. Pakiramdam niya ay nasa ibang dimensyon siya ng mundo habang nakatitig siya sa mga matang iyon. She would never grow tired staring at those eyes… those dazzling eyes.
“Para pwede na akong maging concern sayo,” tugon ni Travis na lihim na nagpataba sa puso niya. “So, can we be friends now?”
“Pag-iisipan ko. Bumalik ka dito bukas nang hapon. Bukas mo malalaman ang sagot. Sige na, umuwi ka na sa bahay mo,” pagtataboy niya dito.
Mabuti nang pag-isipin niya ito kahit isang magdamag man lang kung ano ang magiging sagot niya sa huling tanong nito. Iyon man lang ay maging bayad sa dalawang linggo na ini-snob siya nito.
Nakatawid na ito sa bahay nito nang humimpil ang isang taxi sa harap ng bahay niya. Bumaba doon si Barbie bitbit ang isang box ng pizza at sa isang kamay naman nito ay isang plastic na hinuha niya ay Royal ang laman.
“Barbie, sa susunod, huwag kang gala nang gala sa gabi. Hindi mo dapat iniiwanan mag-isa si Daniella. Good night girls!” iyon lang at pumasok na sa loob ng bahay si Travis.
“Anong problema ‘nun? Hindi mo ba sinabi na inutusan mo akong bumili ng mga ‘to?”
Ginaya niya ang cute na pagkakamot ni Travis sa batok. “Sinabi ko naman. Pero parang hindi niya yata gaanong naintindihan. Halika na pumasok na tayo sa loob at lantakan na ‘yang pizza na ‘yan.”
Sinalat ni Barbie ang noo niya. “Mukhang wala ka namang sakit at mukhang malabong magkakasakit ka.”
Napabungisngis siya. “Gumaling na ako. Kani-kanina lang.”