Chapter Five

2296 Words
Alas-otso pa lang ng umaga ay gising na si Travis. Ang totoo ay hindi siya gaanong nakatulog sa buong magdamag dahil sa kakaisip kung ano ang magiging sagot ni Daniella sa iniluluhog niyang pakikipagkaibigan dito. Ang pangyayari noong Linggo ang siyang dahilan kung bakit siya nakikipagkaibigan sa dalaga ngayon. Napagtanto niyang wala namang masama kung magiging magkaibigan sila. Ramdam niyang mabait na tao si Daniella. Ni hindi ito nagdalawang isip na patirin ang magnanakaw na dumukot ng wallet niya kahit na nga ba alam nitong delikado iyon para dito lalo na’t babae ito. Pakiramdam niya ay napakalaki ng utang na loob niya sa dalaga dahil sa ginawa nito. Kung tuluyang nawala ang wallet niya, tiyak na gutom ang aabutin niya sa mga susunod na araw. At bilang pagtanaw ng utang na loob dito, he opt to make her happy. He should at least be nice to her. Siguro, kailangan lang niyang klaruhin dito na hindi pwedeng lumagpas sa pagiging magkaibigan ang relasyon nila. So you’re actually thinking that she likes you? Taas ng self-confidence, ah? tudyo ng isang bahagi ng isip niya. Sa halip na i-entertain ang sariling kalokohan ng isip niya ay nagpasya na lang siyang maligo. Pinili niya ang pinaka-komportableng damit na pwede niyang isuot. Marami ang pumupuna sa fashion sense niya. Na kesyo baduy raw siya. Na kesyo sayang daw ang kagwapuhan niya dahil jologs siyang manamit. Noong una nasasaktan siya kapag nasasabihan siyang jologs o di kaya ay baduy. Pero nang maglaon ay nasanay na rin siya. Pasok sa isang tenga, labas naman sa kabilang tenga na lang ang ginagawa niya. And so far, effective naman iyon. Ayaw niyang masyadong pagtuunan ng pansin ang komento ng ibang tao dahil mas mahalaga sa kanya na komportable siya sa mga isinusuot niya. Pangalawa, wala naman siyang pera para ipambili ng magagarang damit katulad ng mga artistang nakikita niya sa TV sa tuwing nakikipanood siya sa kapitbahay nila sa Cebu. Matapos mag-agahan ay lumabas siya ng bahay at pinindot ang doorbell ng bahay nina Daniella. Atat na niyang malaman ang sagot nito. Hindi nagtagal ay bumukas rin ang bakal na gate ng bahay nina Daniella. Ito mismo ang nagbukas ‘nun. “Hi. Good morning!” bati niya sa dalaga. Napansin niyang medyo matamlay ang mga mata nito. At parang katulad niya ay parang hindi rin ito nakatulog nang maayos. Nangangalumata ito. “Good morning. Ang aga mo yata?” “Gusto ko na kasing malaman ang sagot mo. Friends na ba tayo?” direktang tanong niya. Sa halip na sagutin siya ay inutusan siya ng dalaga na sumunod dito sa loob. Sa sala ay nakita niyang may mga papel na nagkalat sa ibabaw ng center table. Mayroon ding ballpen, notebook, coke in can at chips na naroon. Mukhang umagang-umaga ay busy ang dalaga. Noon lang niya napagtanto na hindi pala niya alam kung ano ang trabaho nito. At kung nasaan ang mga magulang nito. Kung may boyfriend na ba ito. Ah! Napakarami ko pang hindi alam tungkol sa kanya. “Maupo ka muna, ikukuha lang kita ng maiinom. Feel at home,” sabi ni Daniella bago ito naglakad patungo sa isang direksyon ng bahay na sa tingin niya ay kusina. Naupo siya sa sofa at dumampot ng isang photo album. Unang tumambad sa kanya ang picture ni Daniella noong tila nasa grade school pa lang ito. Sa picture ay tumatawa ang batang Daniella kaya naman kitang-kita na wala itong ngipin sa itaas. Cute! Hindi na niya namalayan na masyado na pala siyang natuwa sa mga pictures ng dalaga. * * * Dear Diary, See? I’ve already pictured out that this will happen. Umaayon talaga sa akin ang pagkakataon. Kailangan ko lang kumbinsihin si Travis na malungkot ako at kailangan ko ng kaibigan dahil nag-iisa lang ako. I need someone who can comfort me. Someone who could help me with— “Sino ‘yung kausap mo sa sala?” nagulat si Daniella nang bigla na lang sumulpot sa harap niya si Barbie. Galing ito sa laundry area na kanugnog lang din ng kitchen. Mabilis niyang ipinatong ang diary niya sa ibabaw ng ref at saka hinatak ang bakla pabalik sa laundry area kung saan alam niyang hindi sila maririnig ni Travis. “Wala akong kausap sa sala. Guni-guni mo lang ‘yun.” “Huh? Hindi naman malabo ang pandinig ko. Sigurado akong may kausap ka sa sala.” Papasok sana sa kusina si Barbie pero mabilis na nahila niya ito sa braso. This time, humarang na siya sa pinto. “Okay, Travis is there. Siya ang kausap ko. Pero hindi ka niya pwedeng makita.” “Bakit? Magkaibigan din naman kami ah?” “Basta! Ang gawin mo, pumunta ka sa Trinoma. Magbayad ka ng bill natin sa kuryente at tubig. Tama, bayaran mo muna ang mga iyon.” “Tapos na akong magbayad noong isang araw pa. Ikaw napaka-makakalimutin mo. Umalis ka nga dyan sa daraanan ko at papasok ako,” pagmamando ni Barbie sa kanya na para bang hindi siya ang amo nito. Palibhasa’y alam ng bakla na hindi niya ito kayang paalisin. “Ganito na lang, mag day-off ka.” Kumuha siya ng pera mula sa suot niyang walking shorts. Inabutan niya ito ng isang libo. “Ayan, di ba patay na patay ka kay Leon na high school student dyan sa may labasan? Yayain mong makipag-date. Manood kayo ng sine. Go, girl!” “Ano namang papanoorin namin?” Napaisip siya. Ano nga ba ang mga showing ngayon? “Ahm, pwede na ‘yung She’s The One.” Napasimangot si Barbie. “Ayoko. Baka pati si Leon mahumaling kay ‘Girl In The Rain’”. “Eh di, Carrie na lang ang panoorin niyo. Libre tsansing ka pa dun sa bagets. Kapag nakakatakot na ang eksena, pwedeng kang yumakap sa kanya. O, di ba? Winner ang beauty mo!” Ngumisi naman ang bakla sa suhestyon niya. “Brilliant idea. Sige, magpapalit lang ako ng damit.” Mabilis siyang nag-isip. Hindi nga pwedeng makita ni Travis si Barbie dahil kailangan niyang papaniwalain ang binata na mag-isa lang siya. Mabuti na lang at may nakita siyang t-shirt ni Barbie sa may sampayan. Kinuha niya iyon at iniabot sa bakla. “Ayan, pwede na ‘yan. Medyo basa lang pero keri na. Bawal ka kasing pumasok sa loob.” “Bakit ba kasi bawal akong pumasok sa loob?” reklamo pa rin ni Barbie. “Nakakahalata na ‘ko sayo.” “Basta nga. Huwag ka nang maraming tanong. Siya, lumarga ka na.” Pinameywangan siya ni Barbie. “Umalis ka dyan at aalis na ako. Wala namang ibang daanan bukod sa front door.” “Witit! Dyan ka nagkakamali. Meron pang ibang daanan.” Hinila niya ito papunta sa gilid ng pader kung saan may puno sila ng bayabas. “Dyan ka dumaan. Kasi nga, di ka pwedeng makita ni Travis.” “Jusko day! Effort ‘to ha!” “Sige na, pretty please?” Ngumisi sa kanya si Barbie saka iniumang ang isang nakabukang palad. “Dagdagan mo ng five hundred yung ibinigay mo kanina.” “Bakit?” “Siyempre, tsi-tsibog kami ng ka-date ko. Alangan namang dalhin ko siya sa puchu-puchung kainan. Eh di, hindi ako nakaulit?” Para na lang madispatsa niya ito ay inabutan niya pa ito ng limang-daan. Mabilis na naglambitin sa sanga ng bayabas si Barbie and in a split of seconds ay nakatalon na ito papunta sa kabilang bakod. “Hindi man lang nagpasalamat,” she murmured against the concrete wall. “Daniella, may kausap ka?” Napaigtad siya nang marinig ang boses ni Travis. Kanina pa ba ito naroon? Nakita ba nito ang pagtalon ni Barbie papunta sa kabilang pagod? Lumapit siya dito. “Ano, kinakausap ko ‘yung puno ng bayabas. Nakikiusap ako na sana mamunga na siya kasi matagal na akong hindi nakakakain ng bayabas.” “Kinakausap mo ang puno ng bayabas?” namamanghang tanong nito sa kanya. Siguro ay iniisip nito na may tililing na siya sa utak. Sino ba naman kasing matinong tao ang kakausap sa puno ng bayabas? “Sabi ng mga nakatatanda, mainam daw na kausapin ang mga halaman,” pagpapalusot niya. “Ba’t ka nga pala sumunod dito?” “Ang tagal mo kasing bumalik sa sala. Nainip ako bigla. Si Barbie, nasaan?” So I suppose, hindi niya nakita si Barbie. “Hindi ko alam. Maaga yatang umalis kanina. Pinuntahan yata ‘yung mga kamag-anak niya sa Marikina.” Nang maalala ang plano niya ay mabilis niyang pinatamlay ang itsura. “Balik na tayo sa sala?” Nag-umpisa na siyang humakbang pero mabilis na nahawakan ni Travis ang isang kamay niya. Tila may kuryente na nanulay mula sa kamay nito papunta sa balat niya. Geeez, what’s happening to me? “Okay ka lang ba? Mukha kang matamlay,” concerned na tanong ni Travis sa kanya. Kunwari’y pilit na ngumiti siya dito. “Huwag kang mag-alala, okay lang ako. May iniisip lang ako.” “Pwede ko bang malaman kung ano ang iniisip mo?” Umiling-iling siya. “Huwag na, Travis. Besides, hindi mo rin naman ako matutulungan.” Naglakad na siya pabalik sa sala. Naramdaman niyang nakasunod sa kanya ang binata. Umupo siya sa pwesto niya kanina at kunwari’y pinasadahan ng tingin ang nakasulat sa isang bond paper. “Ano ba ang mga ‘yan?” tanong ni Travis. “Wala ‘to…” Nabigla siya nang bigla na lang hawakan ni Travis ang isang kamay niya at marahang pinisil-pisil iyon. Muli ay naroon na naman ang kakaibang init na gumagapang mula sa balat nito papunta sa balat niya. “Daniella, alam kong mahalagang bagay para sa iyo ang kung anuman ang nakasulat sa papel na ‘yan. Bakit hindi mo sabihin sakin? Baka naman may maitulong ako.” Napabuntong-hininga siya. “Okay. I’m gonna tell you now. Pero alam ko namang hindi mo rin naman ako matutulungan. Wala namang may gustong tumulong sa akin.” Kinuha niya ang ballpen niya at wala sa sariling nilaro iyon sa daliri niya. “This is an acceptance letter from Metro Image Philippines. It says na isa ako sa magiging kalahok sa prestigious competition na ino-organize nila every year. You see, four years na akong nagpapasa ng application pero ngayon lang ako na-accept para sa competition nila. But unfortunately, mukhang hindi rin ako makakasali this time.” “Bakit hindi?” tanong ni Travis. “Because I need someone else’s help. Kailangan ko ng ka-partner para sa contest na ‘to. Pero walang may gustong tumulong sa akin. Siguro, hindi talaga siguro ako nakatadhanang maging fashion blogger. Siguro, kailangan ko nang i-give up ang pangarap kong ito.” Nagkatitigan sila ni Travis. Parang sa mga mata nito ay magkakaroon nang kasagutan ang problema niya. “What if tulungan kita dyan sa contest na ‘yan? What if ako na lang ang kunin mong partner? I’d like to volunteer.” “Huwag na, Travis. Ayaw naman kitang abalahin para lang sa contest na ‘to. Kung ‘yun ngang mga kaibigan ko, hindi ako mapagbigyan. So, hindi mo kailangang mag-volunteer. Hindi na lang ako sasali sa contest na ‘to kahit masakit para sa akin ang gagawin ko,” patuloy na pagda-drama niya. Muling hinawakan ni Travis ang kamay niya at muli ay parang napaso siya dahil sa pagkakadaiti ng mga palad nila. “Look, sabi mo nga ay apat na taon ka nang nangangarap na makasali sa contest na ‘to. Ngayon ka pa ba aatras? What if ito na lang ang huling chance mo para makasali?” “Sigurado ka ba? Hindi magiging madali ang parte mo sa kompetisyong ito once na tinanggap nating dalawa ang hamon,” aniya. “Wala nang mas titindi pa sa mga hamon na pinagdaanan ko sa buhay ko, Daniella. I’m sure, magiging madali lang sa akin ang competition na ito.” “Sure ka?” Hindi pa rin siya makapaniwala na sa halip na kumbinsihin ito ay ito pa tuloy ang kumukumbinsi sa kanya na ito na lang ang kunin niyang partner. I’m just so lucky! “Pero magvo-volunteer lang ako kung tatanggapin mo na ang pakikipagkaibigan ko.” Napangiti siya sa huling sinabi nito. So, seryoso nga pala talaga itong kaibiganin siya. Hayun nga at ipinapaalala nito sa kanya ang bagay na iyon. “May magagawa pa ba ako?” nakangiting turan niya. Nagkamay sila ni Travis. Iyon ang tanda na simula sa araw na iyon ay magkaibigan na sila. Umaayon sa kanya ang tadhana. The odds are now on her favor. Nag-stay pa nang ilang oras si Travis sa bahay niya bago ito nagpaalam na uuwi na. May kailangan pa raw itong gawin maya-maya. “Te-text na lang kita bukas kung saan tayo magdi-dinner, okay?” Napagpasyahan kasi nila—well, it was actually her idea—na i-celebrate ang new found friendship nilang dalawa. Para na rin makilala nila ang isa’t isa at mas maging palagay ang mga loob nila sa bawat isa. “Okay,” tugon ng binata na hindi pa rin makaalis sa harap ng gate. Nakatitig pa rin ito sa mukha niya. Parang may gusto pa itong sabihin. “Hmm… may sasabihin ka pa, Travis?” Nagkamot ng batok ang binata. “Wala naman na. Sige, tutuloy na ‘ko.” Isinara na niya ang gate at kinawayan pa niya ang binata na kita rin naman mula sa bakod na naghihiwalay sa mga bahay nila. “Have a nice day!” sigaw ng binata sa kanya. Ngumiti lang siya dito at saka pumasok na siya sa loob ng bahay. Mission accomplished.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD