Chapter 5Wala namang ibang makakabasa sa diary na ’to, so siguro mas mabuti na rin kung at least dito aminin ko ung totoo. Sa totoo naman kasi hindi chicks ung habol ko eh, well at least hindi plural.
Isa lang.
Si Millie.
Si Millie Montano.
Siya lang talaga ung napupusuan ko. Narinig ko lang dati kay Cedric, ang kaklase namin na dakilang chismis, na mahilig siya sa mga lalaki na ganun ung style. Wala pa namang kupas si Cedric pagdating sa chismis, kaya tiwala akong tama ung nakalap niyang impormasyon.
Maganda si Millie.
Di gaya ng ibang mga kaklase naming babae na halos mas malapit pa rin ang itsura sa pagiging bata kesa sa pagiging isang dalaga. Marka sa mukha niya ang katangi-tanging ganda na kayang humuli ng mga mata nino man.
At ayun na din siguro ang dahilan kung bakit maging ako ay napasailalim sa kanyang angking kagandahan.
Ilang taon na ’kong may crush sa kanya, at tuwing nakikita ko siyang papasok ng room, tumititig lang ako. Siguro dahil pa lang sa habit ko na un, may naghihinala na malamang na may gusto nga ako sa kanya.
Di ko din naman tinatago exactly na gusto ko siya. Marami din naman may crush sa kanya so hindi ako nag-iisa. Kaso mahirap sabihin na siya lang talaga ung habol ko.
Sa pagkakaalam ko, turn off sa babae pag alam nilang patay na patay sa kanila ung isang guy. Baka mamaya pag nalaman niya un, gawin niya pakong utusan, at ang mas masama pa dun ay baka magustuhan ko pa.
So palihim muna ako ngayon. Sumisilip-silip sa tabi at nagnanakaw ng tingin kung kailan pwede.
Napag-alaman ko din kay Cedric na hilig din talaga ni Millie ung mga marunong kumiliti ng gitara.
Sapat na sapat na motivation na un para sakin. Kaya siguro ok lang sakin ngayon kahit na may labinlimang order ako para sa English homework na kailangan kong mapakita bukas.
Love is sacrifice ika nga.
At kahit di pa alam ni Millie na para sa kanya ang pagbabago ko ng itsura, at ang paghahangad ko na maging isang magaling na gitarista, ok lang muna un.
Slow playing ako sa kanya.
Darating ang araw, bigla na lang siyang tatakbo papunta sakin at hahalik saking mga labi habang hinihigpitan niya ung yakap niya.
Ilang beses ko nang napanaginipan ung eksaktong eksensa na un, at ilang beses na din akong nanlumo sa mga pagkakataong nakita ko siya at hindi nangyari un.
Someday talaga, someday soon, tatakbo din papunta sakin si Millie na may dala dalang pagmamahal.
For now, it’s time to focus. Gabundok pa kasi ang natitirang papel at medyo inaantok na ’ko.
Mukhang eyebags hanggang tuhod ang babaunin ko bukas sa school.
Ugh.
Sakit ng ulo ko.
Tapos papasok ako nang ganito ang mukha ko. Parang nakapuno ako ng swimming pool gamit ang luha sa tindi ng eyebags ko.
Ayoko pumasok, pero wala akong rason. Tiisin ko na lang kesa mag tanong pa si mama o papa. Baka madale pa ung negosyo ko.
Whattaday!
Nagsisimula na! Ang pag-e-emote ay nagbubunga na! Pinansin niya ako; tinabihan niya ako, at kinausap niya pa ako! May pinupuntahan talaga lahat ng sakripisyo ko para kay Millie.
Ang tagal naming nakapag-usap, pero di ko nakalimutan ung simula.
“Ok ka lang ba? Sa mata mo lang, parang pagod na pagod ka na eh.”
Eto pala ung icebreaker ko. Ang aking kasumpa-sumpang mga mata na di ko na nga halos madilat sa pagod.
Pero di importante ung sakit, kasi napawi lahat kanina sa pag-uusap namin ni Millie. Napansin niya ang mga pagbabago ko. Mula sa humaba kong buhok na may prominent emo wave hanggang sa choice of panloob ko na laging black shirt.
Iba talaga pag pogi, pero iba rin talaga pag si Millie ung pumansin!
Walang makakasira sa araw na ’to.
Ano naman kung buong araw masama tingin sakin ni Ria? Lagi naman mainit dugo niya sakin netong mga nakaraang linggo. Di niya kasi maintindihan ginagawa ko.
Mabuti pa si Millie.
Oo. Mabuti talaga. May simula na ako. Ngayon kailangan maayos na ang mga kilos ko sa paligid niya mula ngayon. Alam ko nang napapansin na niya ako at kailangan lagi akong best foot forward sa kanya.
Ayoko pa talaga itulog ’tong araw na ito dahil sa sobrang saya ko kanina. Kaso oras na din siguro.
Ung good vibes ko naman hindi mauubos lang sa araw na ’to, lalo na ngayon na alam ko na ngang parte ako ng buhay ni Millie.
Emo is the right choice after all.
Di nako makapaghintay para bukas.
Siguradong may magandang bati sakin si Millie pag pasok niya ng klase.
Magdadalawang oras nakong nakahiga dito sa kama, pero di pa rin ako makatulog.
Nakaka-excite, nakaka-excite isipin na bukas makikita ko uli si Millie.
Siguro tama lang na ngayon nagsimula ang pagpansin sakin ni Millie. Sa apat na taon naming naging mag-kaklase sa high school, ngayon ko lang talaga naalala siyang tumingin papunta sa direksyon ko.
Dati rati, ninanakaw ko lang ung mga tingin ko patungo sa kanya, pero simula ngayon, wala nakong itatago. Malakas kasi talaga ung tama ko sa kanya at sa pagkakatanda ko, nung 2nd year nagsimula ’to.
Sa room 205, sa may kaliwa ng kwarto, third row and leftmost, dun ako naupo, at dun lang straight ahead sa unahan ko si Millie.
Di naman ako na love at first sight sa kanya kasi nung 1st year wala naman akong naramdaman pag nasasagi ung tingin ko papunta sa kanya.
Andun lang siya. Ano naman? Mas madalas ko pang tinitignan ung mga ubod nang laking mga tigyawat na tumutubo na sa ilong ni Mike nung mga araw na un.
Siguro nadala din sa pagbibinata ko at syempre, pati na rin sa pagdadalaga niya.
Pagpasok ng second year, sobra na ung pinagbago ni Millie.
Tahimik lang siya bago nun, pero pagdating ng taon na un, biglang umusbong ung magandang babae sa loob niya.
Ung buhok niyang samu’t saring direksyon ung binabaybay, nagsisang-ayunan na at dumiretso pababa sa kanyang balikat hanggang sa gitnang bahagi ng kanyang puting uniform. Ayun na rin ang simula ng pagiging emo ni Millie.
Ung dating mahinhin na babaeng halos di na papansin kahit nino ay biglang pumasok na lang sa klase nang naka eyeliner na para bang Zorro-inspired.
Dun na din nagsimula ang pagkahumaling niya sa kulay na itim.
Taos puso niyang tinanggap at niyakap ang fashionable aspects of the emo lifestyle nang tinangkilik niya nang husto ung kulay itim.
At marahil na rin siguro sa kanyang angking ganda, ay sadyang sobra sobra rin ang pagsang-ayon sa kanya ng kulay na iyon.
Ang mala-porselana niyang kutis ay lalong nangingibabaw sa pagsuot niya ng itim at halos laging ito ang kulay na suot niya kung hindi kailangan ang uniform.
Maari ba siyang matawag na emo chick? Siguro. Pero alam kong ayaw niya un. Yun daw ay isang palayaw lamang para sa mga babae na walang alam tungkol sa pagiging emo kundi ang manamit nang gaya niya.
Ang masama pa dun ay gusto ko naman un.
Kung pagiging emo chick lang ang pag-uusapan, walang makakatulad kay Millie.
Because that Lady in Black is the fairest of them all. Isa yang sikat na kataga mula sa kanta ng Julie Tearjerky at nagkataon din naman na bagay na bagay sa kanya un.
Agaran din nagbago ung mismong pag-uugali ni Millie nun. Nanggaling siya mula sa isang tahimik na dalaga papunta sa isang babae na hindi nahihiyang ipakita ung mga talent niya.
And the whole world became a better place for it.
Taglay kasi niya ang katangi tanging boses na kayang pakalmahin kahit ang mga pinakamabangis na hayop at nung siya’y umakyat ng entablado para umawit nung Foundation Day namin…
Wow.
Dun ko lang nalaman na pwede rin palang magsuot ng itim ang mga anghel.
Yun din ang unang pagkakataon na napakilala sakin ang emo genre. Inawit niya ung “Melancholy Memories” ng Julie Tearjerky. Ang galing talaga nung pagkanta niya nun at mula din nung oras na un ay sinikap ko na isang araw ako naman ang kanyang aawitan.
Mula sa araw na un, ang naging tanging hangad ko na lamang ay ung mapasakin siya.
Dun din nagsimula ang pagkahilig ko sa emo lifestyle, kaya talagang marami akong dapat ipasalamat sa kanya.
Bukas na bukas, ipapaalam ko sa kanya kung panong ang kanyang pagbabagong anyo ang naging hudyat nang aking pagbabagong buhay.