Miyona Saimori
"Ito ang kuwarto mo," turan ni Yaya Martha pagpasok namin sa isang silid.
Agad akong napanganga sa laki nito. May isang malaking kama sa gitna na sobrang ganda ng disenyo ng headboard. Maayos din ito at malinis—marami ring pillows. May mga magagandang lampshade sa magkabilang tabi na nakapatong sa mga maliliit na table na may drawer.
May mga malalaki at makakapal namang kurtina sa bintana.
Tuloy-tuloy na nagtungo sa kaliwang bahagi si Yaya Martha kung saan may kanto.
"Naririto naman ang bathroom mo at closet," aniyang muli.
Agad din akong sumunod sa kanya at dito ko nga nakita ang isa pang pinto sa dulo na nakabukas at mukhang bathroom iyon. Dito naman sa kaliwa ay walk-in closet at maraming lamang mga damit.
"K-Kanino po ang mga damit?" tanong ko sa kanya.
"Marahil sa'yo din," sagot naman niya. "Kagabi lang ang mga 'yan dumating at ipinaayos din kaagad ni Noah pati itong buong kuwarto. Hindi ko nga akalain na ngayon ka pala darating. Magpalit ka na agad ng damit bago ka pa magkasakit. Lalabas na ako." Nagmadali din siyang tumalikod at lumabas ng kuwarto.
Napahinga ako ng malalim. Pakiramdam ko, hindi niya ako tanggap dito. Masyadong malamig ang pakikiharap niya sa akin. Tipid din siya magsalita.
Muli akong napatingin sa walk-in closet at sa mga nakahilerang damit sa loob. May mga nakatupi at mayroon ding naka-hanger.
Tuluyan na akong pumasok sa loob at isa-isa silang tiningnan. May mga bag rin dito na kaygaganda at branded. May mga sapatos din at mukhang bago nga silang lahat.
Napanganga ako dahil kumpleto rin sa mga underwear at lahat ng sukat ay sakto lang talaga sa akin. May mga mamahalin din ditong pabango at body lotion.
Grabe, binili talaga ni Noah ang lahat ng ito para sa akin? Sobra naman yata ito. Binili na niya ako ng 20 million, tapos may ganito pa?
Paano naman kaya ako makakabayad sa kanya nito?
Kumuha ako ng isang white mini dress—simple lang ito pero elegante. At sakto lang din ang mga size ng mga ito sa akin—small.
Napatingala ako—may mga makakapal ring tuwalya sa taas. Sinubukan ko silang abutin, pero masyadong mataas.
Binitawan ko na muna ang damit at nagtungo naman sa banyo.
Muli akong napanganga nang makita ko kung gaano ito kaganda at kalinis. Kumpleto na rin sa toiletries at may tuwalya nang nakasabit dito.
Tumingin ako sa pambisig kong relo—alas nuwebe na pala. Kailangan ko nang magmadali. Siguradong hinihintay na ako ng mga tao ko sa clinic at may schedule ako ngayon ng operasyon sa isang aso.
Mabilis ko nang hinubad ang lahat ng damit ko—maging ang relo ko—at naligo nang mabilis sa shower area. Napangiti ako dahil may water heater. Sobrang sarap nito sa pakiramdam. Pinaagusan ko lang ng tubig ang mga sugat ko sa tuhod.
Oo nga pala, naalala ko ang mga sugat ko. Mukhang hindi ko magagamit ang mini dress sa ngayon. Sayang—type ko pa mandin 'yon. Hindi yata maganda na makitang may band-aid ang mga tuhod ko.
Matapos kong maligo ay agad na rin akong lumabas ng banyo. Nagtapis lang muna ako ng tuwalya sa katawan at ibinalot ang ulo ko sa isa pang tuwalya.
Napahinto ako dahil may napansin akong first-aid kit sa ibabaw ng kama. Pero sa pagkakaalala ko ay wala iyon dyan kanina.
Siguro bumalik si Yaya Martha kanina.
Nilapitan ko ito at binuksan. Naupo rin ako sa gilid ng kama. Sobrang lambot nito at parang kaysarap higaan. Pero mamaya na tayo dyan. Kailangan muna nating magtrabaho ngayon.
Binuksan ko ang first-aid kit at sinimulan nang gamutin ang mga sugat ko sa tuhod.
Kahit sobrang yaman ng fiancée ko, kailangan ko pa ring kumita ng sarili kong pera.
Bigla kong naalala sina Tita Laura at Lynette. Siguro naman ngayon, hindi na nila ako guguluhin pa. Makakapag-ipon na ako dahil hindi na ako gagastos pa sa kanila. Sa kanila lang naman nauubos ang pera ko. Napakaluho ni Lynette pero ayaw namang magtrabaho. Napakatamad. Puro lang siya asa sa akin at sa mama niya.
Kaya lang, iiwan ko na ang bahay namin ni Papa.
Naaalala ko pa noong bata pa lang ako—anim na taong gulang lang ako noon. Ang sabi ni Papa, akin daw ang bahay na 'yon kahit anong mangyari. Maliit lang 'yon, pero hindi ko 'yon ikinakahiya. Marami kaming alaala doon ni Papa.
Tapos isang araw, bigla na lamang siyang naglaho na parang bula. 20 years na akong naghihintay sa kanya. Wala naman akong sapat na pera para ipahanap siya. Pero araw-araw akong nanonood ng balita at nagbabasa ng diyaryo sa pagbabaka-sakaling mabasa o makita ko siyang bigla sa balita.
Kilala siya sa bansang ito bilang dalubhasa at napakagaling na scientist at lisensyadong doktor. Marami na siyang napagaling na tao at nabigyan ng pagkakataon na makapaglakad ulit dahil sa mga robot na gawa niya na nagdudugtong sa mga naputol na bahagi ng katawan ng tao.
Noong bata pa lang ako, pinangarap ko ring maging katulad niya.
Pero gumuho ang lahat ng 'yon buhat nang mawala siya. Bukod sa wala na akong inspirasyon, hindi ko rin kakayanin ang haba ng taon sa pag-aaral, lalo na ang malaking gastos.
Kaka-graduate ko lang noon sa senior high nang may matagpuan akong isang German Shepherd sa isang gubat sa Rizal. Isinama ako ng mga classmate ko na mag-swimming sa falls—celebration na rin namin dahil naka-graduate na kami at tutuntong na sa college.
Hindi pa ako makapag-decide noon kung ano nga ba ang kukunin kong kurso. Pero nang makita ko ang aso na 'yon na na-trap ang mga binti sa isang bakal na parang pambitag sa kagubatan na 'yon—duguan siya, hindi na tumatayo at umuungol na lamang, doon ako nabuhayan at nagkaroon ng direksiyon sa kursong gusto ko nang kunin sa college.
Ginamot ko ang aso na 'yon at iniuwi sa bahay namin. Napagaling ko siya, napalakas at nabigyan ng pangalawang buhay. Pinangalanan ko siyang Phoenix, na ang ibig sabihin ay isang ibong muling nabuhay mula sa sariling abo—simbolo ng bagong simula at pangalawang pagkakataon.
Mula noon, naging matalik ko siyang kaibigan at kasama sa bawat hakbang ng buhay ko. Pero ilang buwan lang siyang tumira sa bahay namin dahil ayaw ni Lynette sa aso. Kesyo allergic daw siya sa balahibo.
Noong makapasok ako bilang assistant sa isa sa mga clinic ng mga Delavega, dinala ko siya sa clinic mismo. May maliit pero maayos na bakuran at play area doon kung saan puwede siyang maglaro at mag-ehersisyo. Pinayagan ako ng mga may-ari at staff na alagaan siya habang nagtatrabaho ako—kaya kahit abala sa trabaho, laging kasama ko si Phoenix.
May maliit siyang bahay doon, at doon siya natutulog hanggang gabi. 'Yon na ang naging tahanan niya sa loob ng walong taon.
At naroroon pa rin siya hanggang ngayon. Walong taon ko na rin siyang nakakasama.
MATAPOS kong magamot ang mga sugat ko ay nilagyan ko na rin sila agad ng band-aid.
Niligpit ko na ang mga ginamit ko at nagtungo na sa walk-in closet.
White trousers at white blouse na lang ang napili kong suotin. May extra akong lab coat na nasa opisina ko sa clinic. Siguro ay uuwi na lang ako mamayang hapon sa bahay namin para makuha ko doon ang mga importante kong gamit.
Matapos kong maayos ang sarili ko ay pinalitan ko rin ang bag ko, since nabasa na ng ulan ang luma kong bag kanina. Pero lalabhan ko lang 'to; magagamit kong muli.
Agad na rin akong lumabas ng silid ko.
Napatingin naman ako sa katabing pinto ng kuwarto ko. Ayon kay Yaya Martha, kuwarto daw iyan ni Noah, pero siya lang daw ang nakakapasok sa loob niyan. Bawal daw ang ibang tao.
Bawal din siguro sa akin, lalo na't bagong salta lang ako dito.
Nagpatuloy na ako sa paglalakad hanggang sa makarating sa hagdan. Hagdan na lang ang ginamit ko sa pagbaba dahil malalakas pa naman ang mga tuhod ko. Hindi na gaanong makirot ang mga sugat ko.
Hindi ko na makita sa paligid si Noah. Siguro, umalis na siya.
"Aalis ka na ba—"
"Ay, aso!" bigla akong napasigaw at napalingon sa likod ko dahil sa nagsalita. Bumungad si Yaya Martha na mukhang galing sa kusina.
Napahawak ako sa dibdib ko. Kinapos agad ako ng hangin.
"Pasensiya na kung nagulat kita," agad niyang sabi habang may munting ngiti.
"A-Ayos lang po, Yaya. Hinahanap ko po kasi si Noah." Muli akong lumingon sa paligid.
"Nakaalis na siya. Pero may driver ka sa labas na maghahatid sa'yo sa trabaho mo."
Muli akong lumingon sa kanya. "Maraming salamat po, Yaya."
Tumango naman siya. "Mag-iingat ka. Nag-almusal ka na ba?"
"Tapos na po."
Napatitig ako sa kanya. Mukha naman siyang mabait, pero para bang may gusto siyang sabihin o tinatago na hindi ko maintindihan.
"Sige, babalik na rin ako sa trabaho ko," paalam na niya.
"Sige po, Yaya." Tumango ako at tumalikod na rin.
Pero bago ako tuluyang lumabas ng main door, napaikot muli ang mga mata ko sa napakalaking mansyon na ito. Hindi ako makapaniwalang dito na ako uuwi araw-araw.
Parang panaginip lang ang lahat ng ito. Bigla-bigla na lang nabago ang buhay ko sa isang iglap lang. At hindi ko inaasahan ito.
Malaking tanong pa rin ito para sa akin.
Bakit niya ako binili sa halagang 20 million?