6

581 Words
Lumabas ako ng Barangay Hall ng wala kahit na katiting na pag-aalala kina Von at Alex. Slight physical injuries lang ang reklamo kumpara doon sa dati nilang binugbog na mas malala. Siguradong maayos din iyon ng Daddy ni Von at makukuha sa areglo. Ilang minuto pa ang lumipas, nasa tapat na kami ng bahay.  “Sigurado ka bang hindi ka kasama sa nambugbog doon?” Natatawang umiling ako kay Lola. “E ‘di sana hindi mo pa ako kasama ngayon?” Inabot niya sa akin ang susi ng bahay at pagbukas ko ng pinto, pinauna ko na siya sa pagpasok. Dumiretso kami ng kusina. Nakatakip ng plato ang almusal sa ibabaw ng mesa na niluluto niya kaninang umaga bago ako nagpunta kay Kuya Jose. “Kung ako lang talaga ang masusunod, doon ka muna sa Mommy mo tumira,” bahid pa rin ng pag-aalala at lungkot ang tinig nito.  Ayokong topic ang tungkol kay Mommy kaya hindi ako umimik. Tinanggal ko ang lahat ng takip sa pagkain saka sabay kaming nag-almusal o mas tamang sabihin na brunch at magtatanghali na rin. Inulit niya ang sinabi nang matapos kaming kumain. Pagkainom ko ng tunig, umiling ako. “Hindi niya gugustuhing tumira ako sa kaniya.” “Tumawag siya kanina, apo. Kinukumusta ka. Naputol lang ang aming usapan nang sabihan ako ng kapitbahay na nasa baranggay hall ka.” Napabuntung-hininga ako. “Ayaw mo na ba sa akin ‘La?” pinilit kong haluan ng pagtatampo ang aking tinig. Tumayo siya saka inumpisahang imisin ang pinagkainan. “Hindi naman sa ganoon, Vlad. Alam mong mahal na mahal kita at tayong dalawa na nga lang magkasama rito mula ng mamatay ang Lolo mo at sinundan naman ng tatay mo.”  “Iyon naman pala ‘La. E ‘di dapat end topic na.” Inilagay niya ang mga kutsara’t tinidor sa ibabaw ng magkapatong na plato saka ibinaling ang tingin sa akin. “Siyempre ayokong mawalay ka sa akin. Pero kung ang pagtira mo sa Maynila sa Mommy mo ang maglalayo sa ‘yo sa mga kaibigan mong masama ang impluwensiya sa ‘yo, titiisin ko ng malayo sa ‘yo kesa naman halos atakihin ako sa puso kagaya kaninang mabalitaan kong dinampot ka na naman ng mga Barangay Police.” “Suntok sa buwan ang posibilidad ng pagtira ko kay Mommy, ‘La. Alam mo at alam kong hindi ako welcome doon.” Mabilis na umiling si Lola. “Hindi totoo ‘yan.” Napakapit ako ng mahigpit sa dulo ng mesa. “Kung noong maliit pa ‘ko nagawa na niya akong iwanan sa inyo at ilang taon siyang hindi nagparamdam, ngayon pa kaya? Mukha ngang hinintay pang mamatay si Tatay bago siya sumagot sa mga tawag mo.” “Hindi mo alam Vladimer ang hirap na pinagdaanan niya sa Tatay mo,” parang maiiyak ang tinig na sabi ni Lola. “At lalo na nang umalis siya rito.” Napabuga ako ng hangin. Hindi rin niya alam kung gaano kahirap lumaki ng walang Mommy. “Paano ko malalaman kung hindi naman niya ipinapaliwanag?” umakyat ang timbre ng boses ko. Nang tuluyang tumulo ang luha ni Lola, nagsisi ako sa pagtaas ng boses ko. Tumayo ako saka tumalikod, “Maliligo po muna ako ‘La.” Nakakailang hakbang pa lang ako palayo nang muling magsalita si Lola. “Tumawag ang Mommy mo kanina. Uuwi dapat siya ngayong araw kaya lang may mahalagang bagay na inaasikaso. Meron siyang kasamahan na pinauna niya. Ako na lang ang tatagpo sa bisitang iyon mayamaya sa istasyon ng bus kahit na nanakit ang rayuma ko at hirap na hirap akong maggagalaw ngayon.” Si Lola talaga, alam na alam kung paano ako siluin. Hindi na ako pumihit paharap sa kaniya nang magsalita. “Ako na po ang susundo sa kung sinomang poncio pilatong iyon na isasama niya rito. Maliligo lang ako.”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD