Hindi na ako nakatulog pagkatapos no'n at kaagad akong nagsaing.
Maaga pa naman kaya hindi pa gising si Mama pero nakakain naman na siya dahil nabawasan na ang kanin at ulam.
Nagluto ulit ako ng pagkain namin. Paggising ko nasa kama na si Mama kaya nilinis ko na 'yung sofa kung saan siya natulog at naghugas na rin ng mga plato.
Napagpasiyahan kong maagang pumasok dahil baka abangan ako nila Mariz at Billy at ng mga kaibigan nila.
Pagkatapos maglinis ay naligo na kaagad ako at nagbihis. Kumain na rin ako at pagkatapos ay nag-toothbrush at naghanda nang umalis. Pumunta akong kwarto para magpaalam kay mama.
"Ma, alis na po ako," paggising ko rito. Nakasimangot lang ito na tiningnan ako at bumalik ulit sa pagtulog.
Lumabas na ako at ni-lock ang pinto. Naglakad lang ako papuntang school namin.
Lagi akong may nadadaanang bahay kung saan makikita mo sa bintana ang isang batang lalaki na nakasilip lang at tumitingin sa mga dumadaan.
Huminto ako at tiningnan siya. Nang makita niya ako ay kaagad niya akong kinawayan.
Hindi ko siya pinansin at nagpatuloy lang sa paglalakad. Alam kong hindi siya tao dahil makikita mo ang bugbog niyang mukha at marka ng lubid sa leeg niya.
Hindi ko alam kung anong nangyari pero sana balang araw ay makaalis na siya sa bahay na iyon at sumama na sa liwanag.
Nang makarating ako sa school ay kaunti pa lang ang tao sa labas ng gate. 'Yung mga pang hapon ang pasok na tulad ko ay naghihintay sa labas ng gate na matapos 'yung klase ng mga pang-umaga para makapasok sa school.
Sinalubong ako ni kuyang Guard.
"Oh Stella ang aga pa ah 12 pa umpisa ng klase niyo bakit nandito ka na kaagad 10 pa lang ngayon?" tanong ni Kuyang Guard. Close na kami ni Kuyang Guard pero hindi niya pa rin sinasabi sa akin ang pangalan niya. Secret daw.
"Kailangan ko po kasing tapusin 'yung assignment ko kaya po kailangan ko ng libro sa library kasi wala po akong librong nakuha eh," pagpapalusot ko sabay kamot sa ulo. Wala naman talaga kaming assignment, maaga lang akong pumasok para makaiwas sa gulo.
Hayst sana ok lang sina Elle at Ethan.
"Oh siya sige dahil nag-aaral ka naman nang mabuti ay pwede ka nang pumasok," sabi ni Kuyang Guard. Nginitian ko naman siya.
"Salamat po!" sabi ko at pumasok na. Dumiretso ako sa library nitong school at may isang teacher na nagbabantay doon.
Kaming dalawa lang ang tao rito sa library kaya pumunta ako sa pinakadulo para hindi niya ako makita na walang ginagawa.
Nang makaupo ay inilapag ko ang bag sa tabi ng upuan ko at naglibot upang may mahanap na libro na pwedeng basahin.
Nang makahanap ay bumalik ako sa kinauupuan ko.
Dahil nawili ako sa kababasa ay hindi ko na namalayan ang oras. 11:50 na pala kaya nagmadali akong ibalik ang libro para makapunta na ng room.
Babalik na sana ako sa kinauupuan ko upang kunin ang bag ko ngunit biglang may bumagsak na libro. Paglingon ko ay iyon ang librong binabasa ko at nakita ko ang isang lalaking parang ka-edad ko lang.
Hindi siya tao dahil halata mo sa hitsura niya. Yung hitsura niya ay parang hitsura ng mga nalunod. Sobrang puti ng buong katawan niya na para bang wala na itong dugo.
"Nakikita mo ako?" tanong niya sa akin. Hindi ko siya tiningnan at pinulot ko ang librong hinulog niya at ibinalik iyon sa book shelf.
Pagkalingon ko ay nasa harap ko na siya.
"Please tulungan mo lang ako, may importante lang akong sasabihin roon sa babaeng iyon please," sabi niya sabay turo sa teacher na nagbabantay ng library.
Hindi ko siya pinansin at kinuha na ang bag ko. Bigla ulit siyang sumulpot sa harap ko at this time ay umiiyak na siya.
"May ipapasuyo lang ako, please," nagmamakaawang sabi nito sa akin.
Nagdalawang isip pa ako kung tutulungan ko siya o hindi. Wala rin akong nagawa kung hindi ang huminga nang malalim.
"Mali-late na ako pakibilisan," sabi ko at pumunta na sa harap ng guro na nagbabantay ng library. Nagtataka namang tumingin ang guro na iyon sa akin.
Kaya ko nalamang guro siya sa school na ito dahil nakasuot siya ng uniform ng mga guro.
Tumingin ako sa lalaking multo at tinaasan siya ng kilay. Hinihintay ko ang sasabihin niya.
"May gusto raw pong ipasabi sa inyo si Leo, anak niyo po," sabi ni Leo sa akin.
"Uhm Maam, ako po si Stella. Kasi po ano sa maniwala po kayo o sa hindi pero nakakakita po ako ng mga ano po--" Natigil ako nang makitang parang walang interes ang guro sa mga sinasabi ko. Huminga ako nang malalim
"May gusto raw pong ipasabi sa inyo si Leo, anak niyo raw po," dire-diretsong sabi ko. Hindi ito makapaniwalang tumingin sa akin.
"P-paano mo nalaman ang pangalan niya?" hindi makapaniwalang tanong nito.
"Nandito po siya ngayon, may gusto po siyang ipasabi. Nakita ko po kasi siya kaya nanghingi po siya sa akin ng tulong," sabi ko at tumingin kay Leo at hinintay ang mga sunod niyang sasabihin.
"Pakisabi na kung pwedeng tigilan na niya 'yung pagbisita niya sa dagat kung saan ako namatay," sabi ni Leo. Tama nga ang hinala ko na nalunod siya.
Nagdalawang isip naman ako kung sasabihin ko iyon dahil umiiyak na ang guro sa harap ko.
"A-anong gusto niyang ipasabi? S-sabihin mo sa akin anak please," pagmamakaawang sabi nito sabay hawak sa magkabilaang balikat ko.
"Gusto niya pong ipasabi na kung pwede raw pong tigilan niyo na ang pagbisita sa dagat kung saan daw po siya namatay," sabi ko sa guro. Halata naman ang pagtataka nito.
"B-bakit anak, b-bakit?" tanong ng guro at nagsimula nang humagulhol sa pag-iyak.
"Napapansin ko po kasing tuwing death anniversary ko, lagi po kayong nag-iipon para makapunta sa dagat kung saan ako namatay at bilhin ang mga mamahaling pagkain at bulaklak, to the point na nahahayaan niyo na po 'yung mga kapatid ko, minsan po hindi niyo na sila nahahandaan kapag kaarawan nila. Alam ko pong nakakaramdam na sila ng tampo sa inyo kaya sana habang buhay pa po sila, alagaan niyo po sila dahil sila ang mag-aalaga sa inyo sa hinaharap kapag tumanda na kayo. Sorry din po kung hindi ko na kayo maaalagaan sa pagtanda katulad nang ipinangako ko. Huwag niyo na po akong intindihin. Huwag niyo rin pong isipin na kasalanan niyong pumayag kayo na maligo ako sa dagat kaya po nalunod ako. Huwag niyo pong sisihin ang sarili niyo," mahabang sabi ni Leo. Hindi niya namalayan na habang nagsasalita siya ay sumasabay ang pag-agos ng luha niya sa mga mata niya.
Inalalayan ko muna si Maam na makaupo bago ko sabihin sa kaniya ang gustong ipasabi ni Leo.
Nang marinig naman niya sa bibig ko ang gustong ipasabi ni Leo ay mas lalo itong humagulhol.
"A-anak yakapin mo ako kahit sa huling pagkakataon, p-pasensya na rin kung nasaksihan mo pa lahat ng iyon anak. Magpahinga ka na anak, aalagaan ko ang mga kapatid mo. Salamat dahil sinabi mo sa akin ito anak. Kaya anak bago ka sumama sa liwanag ay y-yakapin mo ako p-pakiusap," pagmamakaawa ni Maam. Hindi ko alam pero bigla na lang tumulo ang luha ko.
Hindi mapapantayan ang pagmamahal ng isang ina sa kaniyang anak. Naiinggit din ako dahil hinihiling ko na sana gan'yan din si Mama.
Isinantabi ko ang pag-iisip ko at kinuha ang tubig sa bag ko. Kaagad ko itong inabot kay Maam at kaagad niya itong ininom.
Tinapat ko rin kay Maam ang electric fan. Unti-unti namang lumapit si Leo kay Maam at niyakap ito.
Alam kong naramdaman ni Maam ang yakap ni Leo dahil mas humagulhol pa ito at hinawakan ang balikat niya kung saan nakasandal ang mukha ni Leo.
Bigla namang umayos ang hitsura ni Leo at naging puti ang kasuotan niya. Mas kita ngayon ang mahitsura niyang mukha. Bigla ring lumabas ang liwanag sa taas nitong library.
Pagkatapos yumakap ni Leo ay ngumiti siya sa akin.
"Maraming salamat sa'yo, hindi kita makakalimutan. Pakisabi kay Mama na mahal na mahal ko siya," nakangiting sabi nito at tumalikod na sa akin.
Unti-unti siyang humakbang sa liwanag at nang makalapit siya ay mas lalong lumiwanag ang paligid kaya napatakip ako ng mata ko.