Tumingala siya at nakitang tirik na tirik ang araw. Alas dose pasado na rin kaya mainit talaga. Ano’ng oras pa siya makauuwi kung maglalakad siya? Magsisimula na siyang maglakad nang may tumigil na kotse sa harapan niya.
“Kyrie?” sambit niya nang bumukas ang bintana ng kotse nito. Ngumiti sa kaniya si Kyrie.
“The one and only,” saad nito sabay kindat..
“Ano’ng ginagawa mo rito?” tanong niya. Bumaba ito ng sasakyan at lumapit sa kaniya.
“Well, nakita kasi kitang naghihintay rito kaya susuklian ko ang kabaitan mo sa akin kanina. Hatid na kita. Balak mo yata kasi maglakad pauwi sa inyo, napakainit ng araw ngayon kaya magpiprisinta na ako na ihatid ka," sabi nito ng nakangiti kaya napansin na naman niya ang dimples ng lalaki.. Napatitig siya kay Kyrie at nagdalawang isip na naman kung sasakay ba siya o itutuloy na lang ang pag-aalay lakad. Pero dahil na rin sa mabigat ang dala niya, pumayag na rin siya. Tumango siya at ngumiti kay Kyrie, pinagbuksan na siya nito ng pinto nang maalalala niya na baka makita sila ni Allan, uuwi pa naman ’yon ngayong tanghali dahil tuwing linggo hanggang tanghali lang ang asawa niya sa office lalo na kung hindi karami ang trabaho.
‘Para namang may pake sa ’yo ang asawa mo.’ Parang may bumulong sa kaniya. Oo nga naman, ano naman kung makita sila ng asawa niya, wala naman iyon pakialam sa kaniya. Pag-iisipan nga lang siya na mayroon siyang ibang lalaki. Poor, Samantha.
“Sasakay ka ba? Natulala ka na.” Napatingin siya kay Kyrie at nakitang nakatingin ito sa kaniya habang hawak ang pinto ng kotse. Maagap siyang ngumiti. “Oo, may naalala lang kasi ako pero tara na,” saad niya. Ngumiti si Kyrie at kinuha ang mga dala niya. “Akala ko nagbago na isip mo at maglalakad ka na lang talaga. Makati pa naman sa ulo ang init. Halika na, sumakay ka na at baka magbago pa talaga isip mo.” Kumindat ulit ito sa kaniya bago ilagay sa loob ng kotse ang mga pinamili niya.
Tumango na lang siya at sumakay na. Siya na rin ang nagsara ng pinto, wala rin namang mawawala sa kaniya kung makikisabay siya, saka isang beses lang naman iyon mangyayari.
Habang nasa biyahe sila, panay lang turo ko kung saan siya dadaan patungo sa bahay.
“Dito na lang. Salamat, Kyrie,” wika niya at bumaba na, pumunta siya sa backseat para kunin ang mga pinamili niya. Doon lang kasi inilagay iyon ni Kyrie. Bumaba rin si Kyrie para tulungan siya at nang makuha na lahat ngumiti siya.
“Sige na, salamat ulit.” Hihintayin niya munang umalis ito dahil ang tapat ng bahay na binabaan niya’y hindi talaga sa kanilang bahay. Sa Santillan Village pa siya, pero dahil ayaw niyang magtaka ito, hindi siya roon mismo nagpahatid. Kaya talagang maglalakad pa rin siya pero hindi na ganoon kalayo.
"Wait, Samantha.”
“Bakit, ano ’yon, Kyrie?” tanong niya.
“Number mo?” sabi nito habang nakalahad ang phone, ngumiti naman siya at kinuha ang phone nito para ilagay ang number.
“Sige na. Salamat ulit,” wika niya. Nginitian lang siya nito at bumalik na sa sasakyan. Nang paandarin na nito ang kotse, saka lang siya naglakad papuntang Santillan Village.
Habang naglalakad, mapait siyang napangiti nang may maalala. Wala nga pala siyang number ni Allan, tanging sa Daddy lang ni Allan na si Tito Kyle at Jeffrey lang ang numerong meron siya. Kahit ang Daddy niya, wala siyang number nito.
Nang makarating sa tapat ng bahay nila’y namahinga muna siya roon. Nasa labas pa rin siya ng gate at inaalis ang pagod. Pero napansin niya si Allan na naglalakad palapit sa gate, nang makalapit ang asawa’y binuksan nito ang gate at tiningnan siya ng masama.
Hindi niya ito pinansin at pumasok sa nakabukas na gate pero hinablot nito ang braso ni Samantha kaya nabitawan ang mga bitbit niya.
“Kaninong lalaki ka naman galing? Ano masarap ba?” tanong nito sa kaniya. Hindi na nagtaka si Samantha. Dahil ganoon naman palagi ang bungad ng asawa niya kapag umaalis siya ng bahay. Tiningnan niya ang asawa at gustong irapan ngunit mariin niyang pinigilan.
“Hindi mo ba nakita? Nag-grocery ako at nagpasama lang ako kay Jeffrey kaya hindi ko alam ang sinasabi mo,” sambit niya.
“Talaga lang, ha? Sa susunod na makita kitang kasama ng Jeffrey na ’yon, may kalalagyan kayo sa akin," wika nito.
“Ano gagawin mo sa amin? Hindi ba at katulong mo ako rito, remember? Kaya bakit ka magiging interesado sa kung sino ang kasama ko?” sambit niya at mariing tinimbang ang magiging reaksiyon nito.
“Kung ganiyan pala ang katwiran mo, bakit mo pa ako pinakasalan? Gusto mo pala iyong napalilibotan ng mga lalaki mo!” sigaw nito sa kaniya. Hindi siya umimik dahil walang alam si Allan sa naging kasunduan nila ng Daddy niya.
“Wala akong lalaki, magkaibigan lang kami,” saad niya. Kahit hindi naman niya kailangan magpaliwanag.
“Wala akong pake kung magkaibigan kayo. Huwag kang sasama sa kaniya o hihiwalayan kita kapag nakita kitang kasama siya,” sabi nito sa kaniya at saka siya binitiwan. Napalakas iyon kaya napasubsob siya, medyo napahawak siya sa dibdib niya nang medyo nanikip ito.
‘Huwag ngayon, please. Huwag sa harapan niya’ Sa isip niya at huminga ng malalim saka humarap kay Allan.
“Hindi lang ’yan ang makukuha mo kapag nakita kitang may ibang kasama. Wala kang karapatan sumama sa ibang lalaki, dahil baka nakakalimutan mo, sinira mo ang pangarap kong mapakasalan ang babaeng mahal ko,” sigaw nito at iniwan ang asawa na nakaupo sa semento.
‘Ha? Parang natakot akong hiwalayan niya, hindi ko nga maramdaman na asawa niya ako, tapos kung makapagsabi na hihiwalayan ako parang mahal niya ako. Ako lang naman ang nagmamahal sa aming dalawa. Kung hindi lang kay Daddy baka nga matagal na kaming hiwalay.’ Sa isip niya bago tumayo. Doon niya lang napansin na wala na pala ang asawa niya, iniwan na siya. Pinagpagan niya ang sarili bago pumasok sa loob at nagtungo sa kusina, ipinatong niya ang mga pinamili sa mesa saka lumapit sa ref. Binuksan niya iyon at kumuha ng tubig para uminom. Pagkatapos uminom, napabuntonghininga siya.
Siguro iiwasan na lang niya ang asawa, mas magiging magaan ang buhay niya. Bukas babalik na siya sa school. Doon na lang muna niya ifo-focus ang utak niya, kaysa isipin palagi ang asawa na laging mainit ang ulo sa kaniya.
Medyo napagod siya sa araw na iyon. Magpapahinga na siya dahil busog na siya. Hindi na siya magluluto dahil hindi naman kumakain ang asawa niya sa bahay na ’yon. Isa pa, kailangan niya pa puntahan si Jeff dahil alam niyang sumama ang loob ng kaibigan sa kaniya.
Nagtungo na siya sa kuwarto niya at nahiga sa kama. Tanghali pa lang naman kaya matutulog na lang muna siya. Sa pagpikit ng kaniya mga mata, sa maraming dahilan kusang pumatak ang mga luha niya. Sa sobrang dami niyang iiyakan, hindi na niya alam kung ano roon ang pinakang-iniiyakan niya. Sobrang sama ng loob niya at sobrang sakit ng dibdib niya. Iminulat niya ang mata niya habang patuloy sa pagtulo ang mga luha niya.
“Mama, sana narito ka na lang para kahit papaano, may nakakausap ako. Nakakapagod na rin mag-isa palagi, ’Ma. Hindi pa rin ako tanggap ni Daddy kahit sinunod ko na ang gusto niya. Hindi ko na inisip ang mararamdaman ko para lang masunod gusto niya, pero hindi ko pa rin maramdaman ang pagmamahal nila,” sambit niya habang nakatitig sa kisame.
Muli siyang pumikit at inisip na sa ganoong paraan lang pansamantalang mawawala ang sakit na nararamdaman.