Chapter 10

1987 Words
Hindi siya nakaimik agad kaya tinapik siya ni Chelsea. “Hindi ka na nakaimik diyan?” tanong nito habang nakangiti. “Ah, syempre naka-focus ako sa pakikinig sa kwento mo,” sagot na lang niya kahit ang totoo ay nasasaktan siya. “Thank you, gustong-gusto ko talaga kapag nagkukwento ako tungkol sa amin ni Allan ay may nakikinig,” saad nito at ngumiti lang siya. “Kaya tuloy mo na,” wika niya. “Okay, so, ’yon okay naman kami ngayon at mas naging sweet pa siya. Minsan nga iniisip ko na baka may kasalanan siya sa akin dahil sa sobrang lambing. And kagabi, he invited me sa birthday celebration ni Miss Carol Serrano,” wika nito. At na-realize niya na birthday na pala ng ate niya bukas. Halos makalimutan na niya dahil hindi naman siya kailanman naka-attend ng birthday party nito. Palagi siyang pinagbabawalan ng daddy niya. Dahil maging ang ate at kuya niya ay galit din sa kanya. “Ah…” Napatigil siya dahil hindi niya alam kung ano ang dapat sabihin. “Ma-mabuti naman, dapat maganda ka bukas kasi aka may umagaw kay Allan,” tanging sagot niya. Dahil pakiramdam niya ay naninikip na naman ang dibdib niya sa sobrang sakit. Inggit na inggit siya kay Chelsea, dahil ang mga pangarap niya ay napakadali lang para maabot nito. Samantalang siya’y hirap na hirap makamtan ’yon. Hindi na kinaya ng damdamin niya at nangilid na ang luha niya kaya umiwas siya ng tingin. Tumingin siya sa paligid at maraming estudyante ang nasa labas pa. “Hindi na kailangan, Sam, alam ko naman na hindi ako ipagpapalit ni Allan,” nakangiti nitong sagot. Hindi na niya nagawang sumagot pa kaya tumayo na siya. “Punta lang ako sa restroom,” paalam niya at hindi na hinintay na sumagot si Chelsea. Diretso siyang umalis nang walang lingon-lingon. Pagpasok sa isang cubicle, bumuhos na ang luha niya kaya agad niyang kinuha ang inhaler niya dahil naninikip na rin ang dibdib niya. “K-kahit ayokong ma-stress o masaktan pero hindi ko m-mapigilan. Sobrang sakit, wala na nga si mama pagkatapos ganito pa sina daddy sa akin,” wika niya sa sarili. Nanatili siya sa ganoong posisyon hanggang sa marinig niya ang announcement sa speaker na walang pasok dahil may meeting ang mga teachers. Kaya sinamantala niya iyon para ayusin ang sarili at nagpasyang huwag ng balikan si Chelsea. Dahil baka magtaka at magtanong lang iyon kung bakit siya umiyak. Sasamantalahin na rin niya iyon para mas mapaagang makahanap ng part time job. Ngunit paglabas niya ng gate ay hinarang siya ni Kyrie. “Where are you going?” tanong nito. “Maghahanap ako ng part time,” sagot niya at nilampasan si Kyrie pero muli siya nitong hinarangan. “Hindi pwede, Sam. Alam mo naman ang kalagayan mo, ’di ba? Umuwi ka na lang at magpahinga,” wika nito. Agad niyang pinagsisihan na sinabi niya kay Kyrie ang plano niya. “Gusto kong magtrabaho, maghahanap ako ng magaan na trabaho para hindi ako masyado mapagod,” wika niya. “Bawal, Sam, ikaw lang naman ang iniisip ko,” wika nito. Nalungkot siya dahil mukhang hindi siya makakawala kay Kyrie. Alam naman niyang siya lang ang iniisip nito pero hindi pwedeng hindi siya kikilos. Ayaw rin naman niyang umasa lang palagi sa kanyang Papa Kyle dahil nahihiya siya. “Pero may naisip ako,” wika nito na agad nagpangiti sa kanya. “Talaga? Ano?” “Pwede ka mag-work sa mall namin, pero tuwing weekends lang,” wika nito. Dahil doon ay hindi na siya nakapagpigil at napayakap na siya kay Kyrie. “Thank you! Hulog ka ng langit!” wika niya at agad bumitaw sa yakap. “Tara na, apply na ako,” dagdag niya at nauna nang sumakay sa kotse ni Kyrie. Naiiling na lang na napapangiti si Kyrie. Ang hindi nila alam ay muli na naman silang nakita ni Allan at sinundan lang sila ng tingin hanggang sa makaalis ang kotse. At tahimik na nagpupuyos sa inis. Pagdating sa mall, agad silang nagtungo sa office pero pinaghintay siya ni Kyrie sa labas kaya naupo muna siya habang naghihintay. Pero tumayo siya para dumungaw sa baba, nasa third floor kasi siya at tila nalula siya sa pagdungaw niya. Bumalik din sa alaala niya ang una nilang pagkikita ki Kyrie, sa mall din na iyon noong nag-grocery siya. Hindi na rin nagtagal at lumabas na si Kyrie na mayroong hawak na gray na jacket. “Kumusta?” tanong niya. Kumindat sa kanya si Kyrie at ngumiti. “You can start tomorrow,” sagot nito at isinuot sa kanya ang jacket. Napangiti siya pero agad din naglaho. “Malamig dito kaya suot mo ’yan.” “Baka ginamit mo ang pangalan mo para matanggap ako, unfair naman ’yon sa iba,” wika niya dahil ayaw niya ng ganoon. “Hindi, ginamitan ko lang ng karisma ko,” saad nito pero hindi siya ngumiti. “Biro lang. Syempre sa maayos na paraan, ipinakiusap ko lang na sa supermarket ka, tagasalansan lang ng mga item na magaan,” sabi nito kaya nakaramdam siya ng tuwa. “Salamat, Kyrie,” aniya. “Don’t mentioned it. Pero kaya mo ba? Malamig dito, baka maapektuhan ang hika mo,” anito. Bakas ang pagkabahala sa boses nito kaya ngumiti siya. “Hindi naman siguro, saka always ako magsusuot ng jacket para hindi ka mangamba.” “Okay, basta kung magkaproblema ka tawagan mo lang ako, darating agad ako. Ire-request ko na lang din na tuwing weekends medyo hinaan ang aircon,” wika nito at ngumiti. Isang matamis lang din ang isinukli niya. “Anyway, let's go, gala tayo? Maaga pa naman at Friday naman kaya hindi siguro masamang mag-aliw,” sabi nito. Nag-isip muna siyang mabuti. Iniisip niya kasi ang reaksyon ni Allan, kahit naman ayaw nito sa kanya ay nirerespeto niya ang kasal nila. Pero kaibigan niya si Kyrie at walang alam sa marriage nila, hindi rin naman siguro masama kung minsan mag-enjoy siya. “Sige,” sagot niya. Kaya naman tinungo na nila ang daan palabas ng mall. Sa kabilang banda, nag-date naman sina Allan at Chelsea. Si Chelsea at nag-isip kung saan at naisip niyang sa public park sila mag-date. Gusto nitong i-try ang mga streets food kasama si Allan. Ngunit hindi niya malaman kung bakit wala siya sa mood. Kapag tinatanong siya ni Chelsea ay puro pagtango lang ang sagot niya. “Babe, kwek-kwek gusto mo?” tanong nito at tumango lang siya. “Hintayin kita sa bench,” wika niya. Wala talaga siyang gana dahil imbes na siya ang nag-aasikaso kay Chelsea, siya pa ang inaasikaso nito. “Okay,” sagot lang nito. Mabuti na lang din ang hindi nagtataka ang girlfriend sa kilos niya. “Sam, gusto mo ng kwek-kwek?” Pag-upo niya ng bench ay isang pamilyar na boses ang narinig niya. It was Kyrie, nakatayo sa kaliwang banda habang nakaharap kay Sam na kasalukuyang nakaupo rin sa bench. “Sige basta libre mo!” sagot ni Sam at humalakhak. “Sure! Hintayin mo ako,” sagot ni Kyrie. Hanggang sa pag-alis ni Kyrie at nakatingin lang siya kay Sam na masayang kumakain ng streets food na nakalagay sa mga paper cups na nakalapag sa bench. Pinagmasdan niya ang pagkain nito na tila walahg problema. “Here, babe.” Hindi niya namalayan na lumapit na pala si Chelsea sa kanya kaya agad siyang nag-iwas ng tingin kay Sam dahil lumingon ito sa kanya. “I saw Kyrie, siguro kasama niya si Sam dito,” sambit nito sa kanya at iginala ang tingin sa park hanggang sa magawi sa kabilang bench. “Look, si Sam,” sabi nito at inilapag sa bench ang mga binili saka lumapit kay Sam. Nakita niya ang gulat sa mukha ni Sam kaya ibinaba nito ang hawak na stick ng isaw. “Sam, nawala ka na kanina, hindi ka man lang nagpaalam na may date kayo ni Kyrie,” saad nito. “Aah—” “Sorry, Chel, biglaan lang. Dito rin pala kayo ni Allan.” Si Kyrie ang sumagot at tumingin sa kanya. “Oh, yes, we’re dating here. Siguro pwede naman tayong mag-double date?” suggest ni Chelsea kaya napatayo na siya. “Babe, baka makaabala lang tayo sa kanila,” sambit niya na labas sa ilong. ‘Nakakairita lang kung makakasama ko sila, lalo na si Kyrie na kung makadikit kay Sam akala mo boyfriend siya.’ Sa isip niya habang nakatingin kina Sam. “No, it's okay, bro. Mas marami, mas masaya,” sagot ni Kyrie. Sinulyapan niya si Sam na ngayon ay nakatayo na. “I-I think tama si Allan. I mean, first date ninyo yata ito sa park, mas okay siguro kung i-enjoy ninyo muna ng kayong dalawa lang,” wika ni Sam. ‘Tss. Talagang gusto niyang mag-solo sila ni Kyrie?’ sa isip ulit niya at muling umupo. “Ayos lang naman sa akin dahil gusto ko rin naman iyon saka friends naman tayo. Ikaw, babe, okay lang ba sa ’yo?” tanong sa kanya ni Chelsea. Huminga siya ng malalim at tumingin sa girlfriend saka ngumiti. “Ayos lang,” wika niya. Pumayag na lang din siya dahil baka makahalata si Chelsea at Kyrie sa kanila. “Yehey! Let's go, may kubo roon, doon tayo para mas komportable tayo,” wika ni Chelsea. Wala na siyang nagawa kundi sumunod na lang. Dahil ang mapaglarong tadhana ay sila ang napaglaruan. Tulad ngayon, hindi siya mapakali dahil naiilang na naiinis siya kay Kyrie, dahil sinusubuan nito si Sam ng kwek-kwek at hindi niya magawang alisin ang tingin niya. Iiwas lang siya kapag susubuan naman siya ni Chelsea. Nang matapos sila kumain ay nagkuwentuhan naman sina Chelsea at Samantha. Mas lalo siyang nabanas sa nakita niya, pinapaypayan ni Kyrie si Samantha habang pilit naman iyon tinatabig ni Sam. “Ayos lang, Ky, mahangin naman,” wika nito. “Wow! May endearment na kay Kyrie. I smelled something fishy between the two of you,” saad naman ni Chelsea. “Naku, wala, friends lang kami,” sagot ni Sam. “Hmm, totoo ba, Kyrie? Friends lang?” pangungulit ni Chelsea. Pero ngumiti lang si Kyrie. Nagpabalik-balik lang ang sulyap niya sa dalawa at hindi umiimik. “Suus, tanggi pa kayo. Anyway, samahan mo ako mag-restroom, Sam, may nakita akong restroom banda roon,” sambit ni Chelsea. “Babe, restroom lang kami,” paalam nito sa kanya. “Okay, take care,” sagot niya. Umalis ang dalawa at naiwan sila ni Kyrie sa kubo. Pinagmasdan niya ito na inaayos ang mga pagkaing para kay Sam. “Kyrie,” tawag niya. Lumingon agad sa kanya ang kaibigan at ngumiti. “What are you doing? Hindi ba at nag-warning na ako sa ’yo tungkol sa babaeng iyan?” saad niya. “Yes, but it was not true, Allan. Tinanong ko si Sam kung totoong may asawa na siya at hindi naman daw totoo. Isa pa, hindi naman kayo close para malaman mo ang nangyayari sa kanya. Alam ko concerned ka sa akin pero seryoso ako kay Sam,” anito. Natigilan siya dahil doon. Dahil mas tumatak sa kanya ang sinabi nito na hindi totoong kasal si Sam. Hindi niya naisip na magagawa ni Sam na itanggi iyon dahil kung iisipin tila gustong-gusto nito na ikasal sila. ‘Ano’ng purpose ng pagpapakasal niya sa akin? Kung ganoon lang din naman kadali para sa kanya na itanggi ang kasal. Kung tutuusin, pwede naman niya ipagsabi iyon kung gugustuhin niya pero bakit?’ Ang tanong na naglalaro sa isipan niya. “Natahimik ka yata, bro?” tanong ni Kyrie sa kanya. Tumingin siya rito at umiling. ‘Pinakasalan lang ba niya ako para sirain ang buhay ko? O para lang talaga sa pera at kompanya? Hindi ko maintindihan at gusto ko ng kasagutan’ Hindi na siya kumibo dahil maraming tanong na ang naglalaro sa utak niya. Hanggang sa makabalik sina Samantha at Chelsea ay hindi na siya umimik.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD